Troy’s POV
Ikatlong araw na ngayon magmula nang mapunta sa akin ang cellphone na ito. Buong araw kahapon na wala akong natanggap na text message galing sa girlfriend ng may-ari kaya akala ko ay nagbibiro lang ito tungkol sa sinabi nitong deal pero paggising ko ngayon ay ang text message nito ang bumungad sa umaga ko.
From: Kylie
[Good day, babe! I want to infrom you that today is the start of sending you messages for 30 days.] Received: 8:57 AM
Pumasok ako sa eskuwela na umiikot sa isip ko si Kylie. Nagdadalawang-isip ako ngayon kung sasabihin ko rito na hindi na ang kaniyang boyfriend ang may hawak nitong cellphone.
Nasa kalagitnaan ako ng klase nang maka-receive ulit ako ng text message mula kay Kylie. Pasimple kong dinukot ang cellphone sa bulsa ng suot kong pantalon at itinago ito sa loob ng libro. Tiningnan ko muna ang aming guro bago ko tiningnan ang message.
From: Kylie
[Babe, nagtanong-tanong ako kahapon tungkol sa sitwasyon natin. Kung anong mga posibleng dahilan kung bakit nawawala na ang spark sa isang relationship katulad sa nangyayari sa atin ngayon.] Received: 10:49 AM
Isa pang text message ang pumasok.
From: Kylie
[Babe, eto ang mga nakuha kong sagot.
1. Kapag nawawalan na ng oras sa isa’t isa.
2. Nagsasawa na kaya nagiging malamig na ang samahan.
3. Magkaiba ang pananaw, pangarap at direksyon sa buhay.
4. Puro problema at hindi na nagkakaintindihan.
5. Iba na ang laman ng puso’t isip.
Babe, hindi naman siguro yung panlima ang rason kung bakit ganito ka na sa akin diba?] Received: 10:52 AM
Nakakaawa itong babae. Hindi ko maiwasang mag-isip kung saan nga ba nagpunta ang may-ari nitong cellphone? Bakit kaya hindi na ito nagpaparamdam dito sa babae?
Naglalakad ako papuntang canteen nang mag-vibrate uli ang cellphone. Kinuha ko ito para tinignan kung meron na naman bagong message. Hindi nga ako nabigo. Nag-text na naman siya.
From: Kylie
[Babe, nagpunta ako sa bahay ninyo last week para makausap ka. Hindi ko alam na lumipat na kayo ng ibang lugar. Walang sinuman ang may alam kung nasaan kayo. Babe, anong problema?] Received: 11:43 AM
Napahinto ako sa paglalakad at napakunot-noo. Lumipat ng ibang lugar nang hindi man lang siya pinapaalam? Ano bang klaseng boyfriend ang isang ‘to?
Habang kumakain ako ay muli na naman siyang nag-text. Napahinto ako sa pagkain para tiningnan ang message.
From: Kylie
[Happy lunch time, babe. Kahit di ka nagpaparamdam, mahal pa rin kita kaya wag kang magpalipas ng gutom. Kumain ka, ok?] Received: 12:03 PM
Napakibit-balikat lang ako pagkatapos mabasa ang message. Ibinalik ko sa aking bulsa ang cellphone at pinagpatuloy ang aking pagkain.
Nasa bahay na ako nang muli siyang mag-text. Katatapos lang namin kumain ng hapunan kaya nakaupo ako sa aming sala kasama si Papa at nanonood ng TV.
From: Kylie
[Good evening, babe!] Received: 8:21 PM
‘Magandang gabi rin’ iyon sana ang gusto kong isagot sa kaniya pero hindi maaari. Baka isipin niyang ako ang kaniyang boyfriend. Baka umasa lang siya.
From: Kylie
[Babe, gusto kong balikan kung pa’no nag-simula ang lahat sa atin. Okay lang ba? May nabasa kasi ako na kapag nawawala na ang spark sa isang relasyon, balikan niyo lang daw kung paano nagsimula ang lahat.] Received: 8:25 PM
Napaayos ako ng upo sa sopa. Nawala ang atensiyon ko sa pinapanood namin sa TV at napunta sa pag-abang sa message niya.
From: Kylie
[Kung natatandaan mo pa, babe, nagkakilala tayo sa debut ng pinsan mong si Angel na kaibigan ko naman. Alam niyang crush kita kaya pinakilala niya ako sayo. Alam mo bang kinikilig ako ng mga sandaling ‘yon? Kasi first time mo akong pinansin at kinausap. Sobrang saya ko no’n, babe.] Received: 8:28 PM
So, crush niya pala dati ang kaniyang boyfriend. Swerte niya siguro. Sabi kasi ng dalawang tokmol, mahirap daw i-crush back at masakit daw kapag hindi na-crush back. Hindi ko sila maintindihan dahil wala pa naman akong naging crush.
From: Kylie
[Pangarap kong maging boyfriend ka kaya tinulungan ako ni Angel na mapalapit tayo. Naging successful naman dahil naging close tayo. Bakit nga ba tayo naging close? Kasi nalaman mong adik ako sa anime series na adik ka rin. Pareho tayong adik. Nakakatawa.] Received: 8:29 PM
Otaku pala siya.
From: Kylie
[We watched anime together. Naiinis na nga sa atin no’n si Angel dahil puro na lang daw tayo anime. Tinatawanan lang natin siya. Inaabot ako ng gabi sa bahay ninyo kapapanood kaya anong oras na ako nakakauwi sa amin. Pero kahit malapit lang ang bahay namin, palagi mo akong hinahatid. Ayaw mong uuwi akong mag-isa kasi natatakot ka na baka mapano ako sa daan. Ang sweet mo. Yieee.] Received: 8:31 PM
Sweet, tapos hindi nagpaparamdam ngayon? Anong nangyari sa tinatawag niyang sweet boyfriend?
From: Kylie
[Nakilala ka agad nila Mama’t Papa pati na rin ng dalawa kong Kuya. Nakakamangha dahil boto sila sayo. Iba ka!] Received: 8:31 PM
Mukhang supportive ang pamilya niya. Mukhang hindi strict dahil pinapayagan siyang makipagrelasyon.
From: Kylie
[Mas lalo pa kitang nagustuhan sa kabutihan mo. Ang protective mong tao. Ayaw mong may umaapi sa akin. Reliable ka rin. Kahit anong problema, nandiyan ka para sa akin. Trustworthy ka. Lahat ng sinasabi ko ay safe sayo. Pero hindi ko sinabi sayo na gusto kita. I want you to like me back without knowing my feelings for you. Baka kasi i-take advantage mo ‘yon or worst, lumayo ka sa akin.] Received: 8:33 PM
From: Kylie
[Days had passed ‘till the best day of my life happened. Inamin mong may gusto ka sa akin at inamin ko na rin sayo ang totoong nararamdaman ko pero hindi pa naging tayo no’n. Dumaan ka muna sa panliligaw sa akin. Uy, kahit crush kita, dapat ligawan mo pa rin ako ‘no! Tumagal ng one month ang panliligaw mo hanggang sa ibigay ko na sayo ang puso ko. Ako yata ang pinakamasayang babae nang maging tayo.] Received: 8:35 PM
Mukhang okay naman pala sila. Halata namang walang problema sa kanilang relasyon kaya talagang nakakapagtaka ang biglang pagkawala ng kaniyang boyfriend.
From: Kylie
[Babe, 1 year and 5 months na tayo. Sasayangin ba natin ‘yon? Paano yung memories natin together and future plans? Please, paramdam ka na. I’ll listen to your explanation kung bakit di ka nagpakita o nagparamdam nitong nakalipas na tatlong linggo. Maghihintay ako sayo, babe.] Received: 8:36 PM
Namangha ako sa tagal ng relasyon nila. Pansin ko kasi sa panahaon ngayon na mahirap nang umabot sa isang taon ang tagal ng isang relasyon.
From: Kylie
[Babe, hindi ako tatawag kasi gusto kitang makausap nang personal. Patuloy akong magpapadala ng text message katulad sa sinabi kong deal. Kapag wala na talaga, titigil na ako. Papalayain na kita.] Received: 8:39 PM
Sana magpakita na ang boyfriend niya bago pa man matapos ang deal. Sayang lang kung mapupunta sa wala ang kanilang relasyon.
Akala ko ay may kasunod pa ang message niya pero wala nang sumunod pagkatapos nito. Nag-text uli siya nang nasa loob na ako ng kwarto at naghahanda nang matulog.
From: Kylie
[Babe, matutulog na ako. Good night. I love you. Sana magparamdam ka na kasi miss na kita.] Received: 9:34 PM
“Good night din sa ‘yo, Miss,” sambit ko.
Itinabi ko na ang cellphone at nahiga sa kama. Nilagay ko sa likod ng aking ulo ang isa kong braso at ginawa itong unan. Tumitig ako sa kisame at muling naging laman ng isip ko si Kylie.
Gusto ko nang alisin mula pa kahapon ang nakasalang na SIM card sa cellphone pero hindi ko maintindihan kung bakit parang may pumipigil sa akin at tumutulak na hintayin ko pa ang mga mensahe na ipapadala ni Kylie sa loob ng tatlumpung araw.
Tinanong ko kahapon si Baron kung saan ba talaga nanggaling ang cellphone. Hindi niya ako masagot nang maayos kaya inutusan ko siyang dalhin niya ako mismo sa kaniyang pinsan para makausap ko ito. Ngunit, nang makausap ko ang kaniyang pinsan, ang sinabi lang nito sa akin ay napulot lang daw talaga niya ang cellphone sa isang bar. Kung iisipin, nasa bar ng mga oras na iyon ang boyfriend ni Kylie.
Naaawa ako kay Kylie. Wala siyang alam na hindi talaga makakasagot ang boyfriend niya dahil iba na ang may hawak ng cellphone na ito. Nakokonsensiya ako. Gusto ko siyang i-text pero hindi ko magawa sa kadahilanang gusto ko pang mabasa ang message niya hanggang sa matapos ang thirty days.
Alam kong nagiging isa na akong malaking gago.