"Malandi ka!" talak ni Analyn habang bitbit ang tray na naglalaman ng pagkain. Pinipilit ako nitong pahintuin sa paglalakad.
Kahapon ko pa ito iniiwasan. Nalaman na rin nito ang nangyari sa pagitan namin ni Dr. Clark sa ER. Mabilis na kumalat ang balita dahil kay Kaye. Hindi na rin naman ako nagtaka pa, lalo na at lahat ng mga kababaihan dito ay tila nahuhumaling din sa kakaibang karisma ng bagong doktor.
"Ano bang malandi doon, ha? E, hindi ko nga alam na siya pala ang bagong doktor dito na pinag-uusapan ninyong lahat. 'Tsaka isa pa, hindi ko naman talaga siya kilala." Totoo naman talaga iyon, e. Hindi ko naman talaga siya kilala. Basta nabangga ko lang siya noong isang araw, pero hindi naman ibig sabihin nakipaglandian na ako sa lalakaing iyon na hindi ko kilala. Kahit nga ang pangalan niya hindi ko pinag-interesang alamin.
"Mayroon! Dahil hindi ka nagkuwento sa akin. Kung hindi pa dahil sa kadaldalan ni Nurse Kaye, hindi ko pa malalaman ang tsismis." Marahan itong bumuntong hininga at humarap sa akin bago pa man kami tuluyang makarating sa aming table. "Totoo bang inaya ka niyang makipag-date?" tanong nito na nagpagulat sa akin. Muntik ko ng mabitawan ang hawak kong tray dahil sa tanong nito na hindi ko alam kung saan nito nakuha o kung kanino narinig ang mga salitang iyon.
Mabilis akong napalingon dito at agad ko itong siniko. "Hoy! Saan mo naman nakuha iyan? Masyado ka naman yatang nasobrahan sa pagsagap ng tsismis."
"Oh— e, bakit para kang apektado diyan? Oo o hindi lang naman ang dapat mong isagot, e."
"Sino bang hindi maapektuhan dahil diyan sa mga pinagsasabi mo at kanino mo ba narinig iyan, ha?" hindi ko na naitago ang inis na aking nararamdaman dahil tila wala na rin itong pinagkaiba sa mga taong walang tiwala sa akin at walang ginawa kundi pagdudahan ang bawat kilos at galaw ko. "Alam mo, wala ka ng pinagkaiba sa mga taong iyon."
Malalim akong bumuntong hininga at sinimulan na lamang ang aking pagkain. Ayaw ko na lamang pansinin ang pangungulit nito dahil alam kong ako lamang ang talo rito. Sinubukan ko na rin itong iwasan na hindi makasabay ngayong tanghali. Ako lamang mag-isa ang pumunta rito sa cafeteria, ngunit nagawa pa rin nitong malaman kung nasaan ako.
"Okay, sorry na. Huwag ka ng magalit. Gusto ko lang naman talagang malaman, e. Nakakakilig kasi. Biruin mo ikaw pa talaga ang nakaagaw ng atensyon niya. Ikaw na iwas sa mga tao at hindi palakibo. Pero sige, hindi na kita kukulitin kung ayaw mo talaga magkuwento. Pasensya ka na."
Mababakas sa itsura nito ang waring pagsisisi, marahil ay sa mga binitiwan nitong salita sa akin o maaaring dahil alam nitong medyo nasaktan ako. Nauunawaan ko naman ito at alam kong likas na sa ugali nito ang ganoon. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko maiwasang mapuno dahil tila wala na rin itong pinagkaiba sa iba.
Marahan akong bumuntong hininga at sandaling natigilan. Hindi ko alam kung ikukwento ko ba rito ang mga nangyari mula nang araw na makilala ko si Dr. Clark o mas pipiliin na lamang ang manahimik at magpokus na lamang sa trabaho. Ngunit nang muli ko itong tingnan na seryoso sa pagkain habang tila hindi na komportable sa presensya ko ay mas pinili ko na lamang ang una. Ang ikuwento na lamang dito ang lahat para matahimik na lamang ito at hindi na ako kulitin pa.
"Galing ako sa bahay noong isang araw. Kaya nag-bus ako pauwi. Nabangga ko si Dr. Clark pagbaba ko ng bus dahil nadulas ako sa hagdan. Sinalo niya ako at kung hindi niya iyon ginawa, baka may bangas na ngayon ang mukha ko. Pero dahil sa sobrang hiya dahil sa nangyari ay iniwan ko na lang basta si Dr. Clark at nagtatakbo ako papunta sa sakayan ng traysikel. At kahapon, hindi ko alam o wala talaga akong ideya na isa pala siyang doktor at siya ang bagong doktor na pinag-uusapan ninyong lahat." Marahan akong bumuntong hininga at tumitig dito. "At iyang sinasabi mo na inaya akong makipag-date ng doktor na iyon, hindin iyon totoo. Wala siyang sinabing ganoon. Nagulat lang din siya kahapon nang magkita kami sa ER. Pagkatapos isinauli lang niya sa akin ang ID ko na nalaglag. Hindi ko kasi napansin na nalaglag kahapon nang mabangga ko siya."
"Ah, ganoon ba?" simpleng tugon nito na agad namang ikinakunot ng aking mga kilay. Hindi ko maintindihan kung ano ang tumatakbo sa isip nito sa mga sandaling ito. Waring hindi ito nasisiyahan sa mga sinabi ko.
"Iyan lang ba ang sasabihin mo? Akala ko ba gusto mong marinig ang mga nangyari. Sa kung paano ko nakilala si Dr. Clark?" nagughuluhan kong tanong. Ngunit bigla akong nagtigilan nang mahimigan ko ang maaaring dahilan ng ipinagmamaktol nito.
"Fine! Sinabi niya rin na magkaibigan na raw ba kami. A-At— at napatango ako. Late ko na na-realized ang nagawa ko." Agad akong umiwas ng tingin dito nang mapansin ko ang baghagya nitong pagkagat sa labi na waring kinikilig o nagpipigil sa pag alpas ng mahihinang tili.
Tumikhim ako. "Ano? Okay na ba? Kontento ka na ba at titigilan mo na ba ako sa pangungulit mong iyan?"
Hindi ito tumugon, ngunit may malapad na ngiting nakapaskil sa labi nito. At nang tangka na sana itong tatayo upang lumapit sa akin ay bigla naman itong napahinto at dahan-dahang napabalik sa upuan nang biglang sumulpot sa aming harapan si Dr. Clark habang may hawak itong isang tray na naglalaman ng pagkain.
"Hi, can I join you? Sa tingin ko kasi gaganahan akong kumain pag kayo ang kasabay ko."
Pero ako, hindi! Dahil siguradong mawawala na naman ako sa sarili at ako na naman ang magiging paksa ng lahat. Kaya utang na loob, Dr. Clark, sa iba ka na lang maupo. Ang dami pa namang bakanteng upuan, e. Sigaw ko sa aking isipan habang inililibot ang paningin sa paligid. At tulad nga ng naisip ko ay sa akin na nga nakatuon ang pansin ng ibang mga nurse na kasalukuyan ding kumakain sa Cafeteria. Lihim na lamang akong napabuntong hininga at agad na yumuko. Itinuon ko na lamang sa pagkain ang aking atensyon at hinayaan na lamang na si Analyn ang makipag-usap kay Dr. Clark.
Hindi sa ayaw ko itong maging kaibigan tulad ng iba. Hindi ko lamang talaga maiwasang makaramdam ng hiya at pagkailang habang nasa harapan ko ito. Marahil ay isa na ring dahilan ay upang makaiwas ako sa mapanuring tingin ng karamihan at maging paksa ng mga ito at muling bigyan ng dahilan na magkaroon ng hindi magandang pananaw laban sa akin.
"Ay oo naman po, Dr. Clark. Okay lang po." Sabay lingon sa akin ni Analyn at lihim nitong marahang sinipa ang aking paa sa ilalim ng lamesa. "'Di ba, Angelica, okay lang?"
Bahagya akong napaigtad at lihim na napalunok, saka ako marahang tumango. "O-Opo, o-okay lang po, D-Dr Clark," P*ta ka talaga, Chubbylita! Hindi ka man lang makaramdam na hayop ka! Alam mong ilang na ilang na nga ako, tapos hiningi-hingi mo pa ang opinyon kong bwisit ka! Kampon ka talaga ng kadilimang babae ka!
"Hey, I thought we were friends already?" nakangiting tanong ni Dr. Clark na agad kong ikinalingon dito, ngunit nang magtama ang aming mga mata ay agad na rin lamang akong napaiwas ng tingin.
Bwisit naman talaga! Ano ba talagang gustong palabasin ng doktor na ito. Nakakainis. "Ah, p-pasensya na po. H-Hindi lang po kasi ako sanay makipag-usap sa iba, lalo na po kung sa lalaki," sa halip ay mahina kong turan habang nakayuko.
"Ay naku, pasensya na po kayo, Dr. Clark. Natural na po kay Angelica ang ganyan. Hindi lang po talaga siya sanay at isa pa ay sobrang mahiyain po talaga siya."
Puta ka! Alam mo pala. e. Bakit pumayag payag ka pang sumabay sa atin ang doktor na iyan? Bida-bida ka ring kampon ka, e! Muli kong talak sa isipan. Kung patalim nga lamang ang bawat salitang binibitiwan ko sa aking isipan ay baka kanina pa nagkalasuglasog ang babaeng ito sa loob ng aking utak.
"By the way, this is for you, Nurse Angelica." Sa halip ay turan ni Dr. Clark at inilagay nito sa aking harapan ang isang slice na mocca cake.
Tumingin ako rito at pilit binasa ang nasa isip nito. Hindi dahil sa kung bakit ako nito binigyan ng cake, kundi kung paano nito naisip na bigyan ako ng ganitong klaseng cake na paborito ko. Hindi ko tuloy maiwasang maisip na maaaring pinapaimbestigahan ako nito ng hindi ko alam.
"P-Paano po ninyo nalaman na p-pab–––"
"I hope you like it. Iyan na lang kasi ang natitirang flavor kaya hindi na ako nakapamili pa ng iba. Also, I'm still not sure what you want." Sabay alpas ng malapad nitong ngiti. Habang ako naman ay mabilis na nalunok ang sariling laway na agad kong ikinasamid.
Tanga ka talaga, Angelica! Tangang-tanga mo talaga kahit kailan. Nag-assumed ka na agad kahit hindi naman dapat. Masyado kang advance mag-isip. Bwisit! Nakakahiya!
Sunod-sunod akong umubo na hindi ko na mapigilan pa. Sa puntong ito ay tila gusto ko na lamang maglaho sa aking kinauupuan. Sa pangatlong pagkakataon ay nagawa ko na naman ipahiya ang aking sarili. At nahiling ko na lamang na sana ay hindi nito naunawaan ang nais kong sabihin kanina na hindi ko na naituloy pa dahil sa pagsasalita nito.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Dr. Clark at agad nitong iniabot sa akin ang isang bote ng mineral na ito pa mismo ang nagbukas ng takip. Habang si Analyn naman ay mariing hinahagod ang aking likod na kulang na lamang ay humiwalay na ang aking kasuotan sa aking katawan.
Sunod-sunod akong tumango nang makainom na ako ng tubig. At akma na sanang bubuka ang aking bibig upang humingi ng pasensya ay muli na naman akong natigilan at muling napalunok ng sariling laway dahil sa sinabi sa akin ni Analyn.
"Ano? Akala mo binili n'ya iyon para sa iyo kasi alam niyang paborito mo iyon, 'no? Masyado ka naman kasing advance mag-isip, e. Huwag din kasing asyumera minsan. Muntik ka na tuloy."
Napayuko ako at mabilis na napatikip ng kamay sa aking mukha. Alam kong para ng kamatis ang mukha ko sa pula dahil sa labis na kahihiyang nadarama, na lalo lamang nakapagpadagdag sa hiyang iyon ang mga sinabi ni Analyn. Inakala kong hindi nito naunawan ang aking nais sabihin kanina, ngunit umasa lamang pala ako sa maling akala. At iyon pa mismo ang naging dahilan upang mas lalo lamang akong mapahiya.
Papatayin na talaga kita, Chubbylita! Hindi ka talaga marunong prumenong babae ka! Bwisit ka talaga kahit na kailan! P*ta ka!