ISANG buwan na rin ang lumipas at sa loob ng isang buwang iyon ay palagi paring nakasunod sa akin si Dr. Clark. Hindi pa rin malinaw para sa akin kung bakit ganoon na lamang ang ikinikilos nito. Palagi ako nitong dinadalhan ng mocca cake na may kasamang kape. At kung minsan pa ay may pagkain na lamang dumarating sa nurse station pag late na akong natatapos sa aking trabaho.
Maging ang pag uwi ko sa aking ay palagi itong nakaabang at nais akong ihatid pauwi, ngunit dahil medyo nakakaramdam pa rin ako ng hiya at pagkailang sa mga taong nasa paligid namin ay palagi ko rin lamang itong tinatanggihan.
Hindi ko rin naman maitatanggi ang kabaitang ipinapakita nito sa akin. Aaminin kong kahit paano ay nasasanay na rin ako sa presensya nito at nagugustuhan ko ang respeto at malasakit nito sa akin.
"Pauwi ka na ba, Gel?" Agad akong napalingon kay Analyn. Napakunot ang aking mga kilay nang makita ko ang palapad na ngiti nito sa labi na hindi ko alam kung para saan.
"Oo, sasabay ka ba?" tanong ko at ikinubli na lamang ang pagtataka ko sa itsura nito. Kinuha ko na ang aking bag at tangka na sana akong muling magsasalita nang agad naman itong tumalikod at mabilis na lumabas ng Nurse Station.
Napasunod na lamang ako rito ng tingin na may pagtataka. Ano'ng problema no'n? Sinasapian na naman ba siya ng kadiliman? Ang hirap talaga magkaroon ng kaibigang madalas nawawala sa sarili.
Paglabas ko ng hospital ay bigla akong napahinto sa paghakbang nang may humintong puting kotse sa aking harapan at agad na lumabas mula roon ang lulan nito. Nagtataka akong nakasunod ng tingin kay Dr. Clark habang papalapit ito sa aking direksyon.
"Hi!" masiglang bati nito habang nakangiti. Tumango ako at gumanti ng tipid na ngiti.
"Hello po, Dr. Clark!" Hindi ito agad tumugon at gumawi ito sa pintuan ng kotseng nasa aking bahagi, saka nito iyon binuksan.
"Get in!"
Inaaya mo na naman ba akong ihatid sa apartment ko? Sinabi ko na ngang hindi pwede, e. Pag-uusapan na naman ako ng mga katrabaho natin.
"H-Ha? T-Tek–––"
"May pupuntahan lang tayo. Malalaman mo rin pagdating natin sa place." Putol nito sa aking pagsasalita nang marahil ay agad nitong napansin ang tangka kong pagtutol. "I hope you won't reject me this time." Muli ay lumitaw ang malapad na ngiti sa labi nito. Ngunit sa magandang ngiti na iyon ay rin hindi maikakaila sa mga mata nito ang waring pag-aalala na maaaring tanggihan ko na naman ito tulad noong mga nakaraang pagkakataon na magtangka itong isakay ako sa kotse upang ihatid sa aking apartment.
"P-Pero–––" nag-aalangan kong turan at bahagyang lumingon sa paligid.
Napansin ko ang marahan nitong pagbuntong hininga. "Hanggang kailan mo ba ako tatanggihan at babalewalain dahil lang sa mga taong nasa paligid natin at sa mga sinasabi nila? Sinabi ko naman sa iyo na hayaan mo na lang ang mga taong iyon dahil wala ka namang ginagawang mali, kaya wala kang dapat na ipag-alala."
Lihim akong napalunok sa sinabing iyon ni Dr. Clark. Alam ko naman na alam na nito ang dahilan ng pag-iwas kong sumabay o magpahatid dito. Ngunit sa mga sandaling ito na sa mismong sa bibig na nito nagmula ay para bang bigla akong nakaramdam ng konsensya. Kaya sa halip na muli na namang tumanggi ay wala na lamang akong imik na pumasok sa loob ng kotse nito na agad naman nitong ikinangiti ng malapad.
Okay lang iyan, Angelica. Mabait rin naman siya at tama rin naman ang mga sinabi niya. Isa pa, wala namang mawawala sa iyo. Makakatipid ka pa nga sa pamasahe, e. Pagpapalubag-loob ko na lamang sa aking sarili na hindi na sinubukang pang lumingon sa loob ng hospital upang hindi na rin lamang makita pa ang mga matang mapanuri.
"Saan nga po pala tayo pupunta, Dr. Clark?" tanong ko nang mapansin kong ibang rota ang aming tinatahak at hindi papunta sa aking apartment. Wait— ang sabi niya nga pala kanina, may pupuntahan daw kami. Oo, tama! Iyon ang pagkakarinig ko. Kaya naman pala iba ang daan na binabaybay namin.
"Von. Call me Von not Dr. Clark. Wala na tayo sa trabaho. Isa pa, sinabi ko na rin naman sa iyo noon pa na tawagin mo na lang akong Von at hindi mo rin naman kailangang maging pormal sa akin. We're friends at hindi lang basta magkatrabaho." Sa halip ay turan nito at hindi sinagot ang aking tanong.
Lihim na lamang akong napabuntong hininga. "I'm sorry, hindi lang kasi ako sanay na basta ka na lang tawagin sa pangalan mo, lalo na't isa kang doktor sa hospital na pinagtatrabahuhan ko. Isa pa, kailangan ko rin maging pormal sa iyo sa harapan ng lahat dahil mas lalo lamang silang mag-iisap ng hindi maganda tungkol sa ating dalawa."
Bumuntong hininga ito at in-park ang kotse sa harapan ng isang maganda at malaking restaurant na hindi ko na namalayang nakarating na kami sa lugar na sinasabi niyo. Lugar na hindi ko pa nararating sa edad kong ito.
"We are already here."
Binigyan muna ako nito ng magandang ngiti bago lumabas ng kotse at agad na umikot sa aking bahagi, saka ako nito pinagbuksan ng pinto at maingat na inalalayan papalabas ng kotse. Hanggang sa tuluyan kaming makarating sa aming table ay nanatili lamang itong tahimik at nakaalalay sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mga tumatakbo ngayon sa isip nito dahil sa aking mga huling sinabi.
Gayunpaman, hindi ko rin maiwasang lihim na makaramdam ng kilig sa mga kilos at ginagawa nito para sa akin. Maginoo ito at nakikita ko ang pag-iingat nito sa akin. Sabi nga ng karamihan ay nakay Dr. Clark na ang lahat ng mga katangiang hinahangaan at hinahanap ng lahat na mga kababaihang nakapalibot dito. Halos perpekto na ito at wala ng maipipintas pa.
Napatulala ako nang makita ang ayos ng table na nasa aking harapan. Tulad ito ng mga napapanood ko sa TV. Isang romantic dinner with candle light. Tila umurong ang aking dila sa mga oras na ito at hindi alam ang gagawin kundi ang namnamin na lamang ang pagkakataon na nararanasan ko sa mga sandaling ito. Sandaling hindi ko inasahan na maaari ko rin palang maranasan sa aking buhay.
"I hope you like it."
"H-Ha?" Oo, gustong-gusto ko Dr. Clark. Gustong-gusto!
"I'm sorry kung biglaan kitang inayang lumabas. Hindi na kasi ako makapaghintay na makausap ka at sabihin sa iyo ang gusto kong sabihin."
"Oo, nagustuhan ko. Sobra!" sa halip ay turan ko habang nakatingin sa candle light at hindi na masyadong pinansin pa ang mga sinabi nito. Subalit agad din akong muling napatingin dito nang marinig ko ang mahina nitong pagtawa.
"Thank you." Simpleng tugon nito at tumayo upang salubungin ang waiter na may dalang isang pumpon ng pulang rosas. Pagkatapos ay dahan-dahan itong humakbang papalapit sa akin at ibinigay ang bulaklak.
Sandali akong natigilan habang nakatingin sa mga bulaklak. Nanginginig ang aking mga kamay habang kinukuha ang mga bulaklak mula rito. "S-Salamat, Dr. Clark— I mean, Von. Thank you for the flower. Ang ganda. Nagustuhan ko. Pero para saan nga pala ang mga bulaklak na ito?" tanong ko dahil tila naguguluhan na rin ang aking isipan sa mga ikinikilos nito. Ngunit sa halip na tumugon ito ay marahan lamang nitong kinuha ang mga bulaklak na nasa aking mga kamay at maingat niya iyong ipinatong sa lamesa, saka ako nito iginaya sa bandang gitna ng restaurant na kami lamang ang tao maliban sa mga empleyado at kasabay noon ay ang biglang pag-ilanlang ng malamyang tugtugin na lalong nagbigay ng sweet atmosphere sa buong paligid.
Pakiramdam ko ay idinuduyan ako sa alapaap dahil sa mga ginagawa nito. Aminado naman akong lahat ng mga nararanasan ko ngayon ay bago lamang para sa akin, at ngayon ko lamang naramdaman at naranasan ang ganitong klaseng pagtrato sa akin ng ibang tao na tila isang babasaging porselana na dapat ingatan upang hindi mabasag.
Marahan ako nitong hinapit papalapit dito at mariing tinitigan sa aking mga mata. "I like you. I liked you the day I first saw you. At hindi ko na iyon kaya pang itago at pigilan." Seryoso nitong turan habang dahan-dahang lumalapit ang mukha nito sa akin. Lihim akong napalunok at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
Gusto kong umiwas dito upang iwasan ang nais nitong gawin. Ngunit hindi ko naman magawa at tila nanigas na ang aking katawan dahil sa mga salitang sinabi nito. Hindi tamang hayaan ko itong gawin ang nais nito sa akin dahil lamang sa nagtapat na ito ng nararamdaman sa akin.
Subalit bago pa man ako tuluyang makaiwas ay naramdaman ko na ang paglapat ng labi nito sa aking noo. "Hindi ko sinasabing dapat mo rin akong magustuhan katulad ng nararamdaman ko para sa iyo. Sinabi ko sa iyo ngayon ang totoo dahil hindi ko na kaya pang itago. Gusto kita, Angelica. Gustong-gusto kita. Pero hindi mo naman kailangang sumagot din ngayon dahil alam kong hindi ganoon kasimple ang ginawa kong pagtatapat ng nararamdaman ko sa iyo. Sana pag-isapan mo. Maghihintay ako."
Ano na ba itong nangyayari sa akin. Para na akong hihimatayin sa kaba kung hindi ka pa rin titigil sa pagsasabi ng mga ganiyang salita, Dr. Clark. Baka himatayin na ako at hindi ko rin alam kung paano ako sasagot sa mga sinabi mo. Aaminin kong naguguluhan ako, pero hindi dahil sa parehas lang tayo ng nararamdaman, kundi gusto ko lang din subukan ang magkaroon ng relasyon. At parang hindi ko kayang masaktan ka kung tatanggihan kita. Impit kong turan sa aking isipan sa halip na isatinig na lamang upang magkaroon na rin ng linaw sa pagitan naming dalawa.
"I'm sorry. Alam kong nabigla ka sa mga sinabi ko, pero sana huwag mo akong pahintuin sa mga ginagawa ko. Hayaan mo lang akong gawin ang mga bagay na ito at iparamdam sa–––"
"O-Okay, s-subukan natin. W‐Wala naman sigurong masama," sa halip ay mahina kong turan na pumutol sa pagsasalita nito.
Naramdaman kong agad itong natigilan at waring nabigla sa aking mga sinabi. "A-Are you sure? S-Seryoso?"
Lihim akong napatawa sa aking isipan dahil sa bahagya nitong pagkautal na parang ako lamang sa mga sandaling ito. Marahan akong tumango at binigyan ito ng malapad na ngiti tumatango. "Uhmm."
Muli ako nitong hinapit sa baywang at mabilis na hinalikan sa noo at mahigpit na niyakap. "Thank you! Thank you, baby! Sobrang saya ko!"
Hayaan mo, Von. Susubukan rin kitang magustuhan at sana nga ay magawa ko iyon agad. Pero sana huwag kang mapagod na maghintay sa akin.