CHAPTER 3

1828 Words
“Mama, uuwi po ako mamaya ng maaga para masamahan ko po kayo sa check-up n’yo. Half day lang po ako ngayon sa trabaho.” “Okay lang, anak. Kahit ako na lang ang pumunta sa hospital. Kaya ko namang mag-isa.” Malalim akong napabuntong hininga dahil sa sinabi nito. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw na ayaw nitong sasamahan ko ito sa tuwing magpapa-check-up. Simula nang magkasakit ito ay dalawang beses ko pa lamang itong nasasamahan tuwing pupunta sa hospital at hindi na nasundan pa, dahil sa tuwing sasamahan ko ito, agad na nitong sinasabi na tapos na s’yang magpa-check up, o ‘di kaya’y sinasabi nitong si Papa ang kasama, kahit ang totoo’y ni minsan hindi man lang ito nasamahan ni Papa sa pagpapagamot. “Aalis na po ako. Babalikan ko na lang po kayo mamaya.” Sa halip ay turan ko at lumabas na rin ng silid nito. Hindi ko na hinintay pang tumugon ito dahil alam kong hindi rin ito titigil sa pagtanggi hanggang sa mauwi lamang kami sa pagtatalo. Hindi ako rito nakatira dahil may apartment akong inuuwian. Bumibisita lamang ako rito pag may pagkakataon o kung gusto kong makita ang aking ina. Simula nang mag-aral ako noon sa college ay bumukod na ako sa mga ito. Hindi dahil sa ayaw ko ng makasama ang aking pamilya, kundi upang makaiwas na lamang sa aking ama. Sa kung paano ako nito pakitunguhan. Palagi itong gumawa ng mga dahilan upang magkaroon kami ng pagtatalo at sa huli'y sa akin din isinisisi ang lahat. Maging ang relasyon naming magkapatid ay hindi rin nakakaligtas sa aking ama. Wala itong ginawa kundi pagkumparahin kami at ipamukhang mas mahal nito at mas mahalaga rito ang panganay kong kapatid. Si Miracle. Happy go lucky ito at walang permanenteng trabaho, ngunit para sa aming ama ay perpekto ito na dapat ko lamang umanong tularan. Ipinagkikibit balikat ko na lamang ang anggulong iyon upang hindi na magkaroon pa ng lamat sa pagitan naming magkapatid kahit ang totoo'y tila durog na ang aking puso dahil sa sitwasyon ko sa aking pamilya. Alam ko rin namang mahal ako ng aking kapatid dahil palagi rin nitong ipinararamdam sa akin kung ano ang kahalagahan ko sa buhay nito, ngunit sa kabila noon ay hindi ko pa rin maiwasang makaramdam ng inggit para dito. Sa pagmamahal na natatanggap nito mula sa aming ama. Malalim akong bumuntong hininga nang makasakay na ako ng bus. Kung may magic lang sana ako, baka ako na ang pinakamasaya sa buong mundo at hindi ko na kailangan pang maranasan ang ganitong klaseng sitwasyon. Hindi ko na kailangan pang maramdaman ang ganitong klaseng pakiramdam na parang isang talunan. Impit kong usal sa aking isipan dahil sa awang nararamdaman para sa aking sarili. "Ate, okay lang po ba kayo?" Natigilan ako nang marinig ko ang mahinang boses na iyon ng isang bata mula sa aking tabi. Tila bigla akong natauhan at napagtanto ko kung nasaan ako sa mga oras na ito. "Umiiyak po kasi kayo, e. May masakit po ba sa inyo?" muli nitong tanong, ngunit sa halip na huminto sa pagdaloy ang aking mga luha ay lalo lamang iyong umagos na tila mga buhos ng malakas na ulan. Oo, masakit! Sobrang sakit ng nararamdaman ko na para akong dinudurog! Isang simpleng tanong mula sa isang musmos na paslit, ngunit tila isang tanong na nagbigay sa akin ng daan upang mailabas ko ang bigat ng nararamdaman ko o ang makapal na ulap na naipon sa aking dibdib sa loob ng mahabang panahon. Agad akong napatakip ng aking mukha nang maramdaman kong huminto ang bus dahil sa traffic. Alam kong ang ilan sa mga taong narito ay sa akin na rin nakatuon ang atensyon dahil sa mas lalo ko pang pag-iyak na hindi ko na rin mapigilan pa ang pag-alpas ng mahihinang tunog sa bawat paghikbi ko. Gusto kong pigilan, ngunit hindi ko magawa. Ramdam ko ang bigat ng aking kalooban at kung wala nga lamang siguro ako sa loob ng bus ay baka tuluyan na akong humagulhol ng malakas na iyak. "Hija, okay ka lang ba? Kung ano man 'yang pinagdadaanan mo, malalagpasan mo rin 'yan. Maging matatag ka lang." Pinunasan ko ang aking mga luha at bahagyang lumingon sa isang ginang na nagtanong sa akin, marahil ay lola ito ng batang babae na nagtanung rin sa akin kanina. Bahagya akong tumango at tipid na ngumiti sa kabila ng patuloy na paghikbi. "O-Opo, o-okay lang po ako. P-Pasensya na po kayo. Hindi ko lang po napigilan ang emosyon ko." Naramdaman ko ang paghawak nito sa aking kamay, pagkatapos ay marahan nitong tinapik na puno ng simpatya. "Ipagdasal mo lang ang lahat, Hija. Makakatulong 'yon sa 'yo, sa bigat ng nararamdaman mo at kinakaharap sa buhay." Kung ganyan lang din sab ang naririnig ko sa aking pamilya, baka hindi ganitong kabigat ang nararamdaman ko sa dibdib. Marahan akong napatango at tangka na sana akong tutugon nang bigla namang tumayo ang ale habang hawak-hawak nito ang kamay ng bata. Napasunod na lamang ako ng tingin sa mga ito hanggang sa tuluyan ng nakababa ng bus. Lumingon ako sa bintana ng bus at pinagmasdan ang makulimlim na kalangitan Tila malungkot din ito at dinadamayan ang aking nararamdan. Ano ka ba, Angelica. Hindi ka dapat malungkot. Dapat malakas ka at matatag para manatili kang nakatayo. Pagpapagaan ko sa aking sarili, kahit pa ang totoo'y waring hindi man lang mababawasan ang kirot na narardaman ko sa aking puso. Napadako ang aking pansin sa isang kotseng itim na nasa tabi ng bus na sinasakyan ko. Sandali akong natigilan at biglang nakaramdam ng kakaibang damdamin nang maaninaw ko ang isang pigura ng tao sa loob ng sasakyan. Hindi man ganoon kalinaw ang bintana dahil sa kulay ng salamin ng kotse, ngunit alam kong lalaki ang nagmamay-ari ng pigurang iyon. Hindi ako sigurado kung sa akin nakatitig ang taong iyon dahil natatakpan ng itim na salamin ang mga mata nito. Subalit nang alisin nito ang suot na salamin ay doon ko napagtantong sa akin nga nakatingin ang lalaki. Lihim akong napalunok kasabay ng bahagyang pagkabog ng aking dibdib sa dahilan na hindi ko maintindihan. Lalo na nang makita kong dahan-dahang bumababa ang salaming bintana ng kotse nito. Hindi ko maintindihan, ngunit tila bigla akong naghangad at napuno ng pagnanais ang aking dibdib na makita ko ang mukha nito. Ngunit hindi umayon sa akin ang sitwasyon, dahil bago pa man tuluyang bumaba ang salaming iyon ay muli ng umandar ang bus. Sinubukan ko pang silipin sa bintana ang kotse nito, ngunit hindi ko na nakita pa dahil naharangan na ito ng iba pang mga sasakyan. Muli akong umayos ng upo at malalim na lamang akong napabuntong hininga. Tila nakaramdam ako ng labis na panghihinayang nang hindi ko nakita ang mukha ng lalaking lulan ng itim na kotseng iyon. Hindi ko ugali ang busisiin ang bawat bagay o ang maghangad ng ano mang bagay, malaki man o maliit. Ngunit sa puntong ito ay tila lumitaw ang ugaling hindi ko kinasanayan. Ang hangarin na makita ang mukha ng isang lalaking hindi ko kilala. Sumandal ako at ipinikit ang aking mga mata upang kahit paano'y maipahinga ko kahit sandali ang aking isip at mga mata mula sa labis na pagluha kanina. Masyado akong nadala ng aking emosyon dahil sa samot-saring isipin tungkol sa aking tunay na kalagayan mula sa mismong aking pamilya. "Hanggang dito na lang po ang bus! Maaari na po kayong bumaba!" sigaw ng konduktor ng bus. Hindi ko na namalayan ang takbo ng bus dahil ang kagustuhan kong ipahinga lamang sana ang aking mga mata ay nauwi sa mahimbing na pagtulog. Sa loob ng kalahating oras na itinakbo ng bus ay tila buong maghapon na para sa akin dahil sa himbing ng aking pagtulog. Ni ang ingay sa aking paligid ay hindi ko man lang namalayan. Bahagya akong nag unat ng aking katawan at sandali pang tumitig sa labas baka ako nagdesisyong bumaba. Ngayon lamang nangyari sa akin ang ganito, ang makatulog sa bus. Ngunit hindi ko maitatangging kahit paano ay tila gumaan ang aking pakiramdam. Tumingin ako sa suot kong relo habang pababa ng bus. Eksakto lamang ang biyahe ko at may bente minutos pa akong natitira hanggang sa makarating sa hospital na aking pinagtatrabahuhan. "Ayyy!" sigaw ko ng dumulas ang kaliwa kong paa sa huling baitang ng bus dahil sa isang likidong tila natapon ng isa sa mga pasahero. Napahawak ako sa isang bagay na hindi ko alam kung ano iyon, ngunit nang maramdaman kong may humawak sa aking baywang at mabilis akong hinila papalapit sa katawan nito upang hindi ako tuluyang bumagsak ay doon ko napagtanto na tao ang aking nahawakan upang hindi ako tuluyang bumagsak sa simento. "Are you okay?" tanong ng lalaking tumulong sa akin, subalit sa halip na tumugon ay tila sandali akong nawala sa sarili at napatitig sa mukha nitong mala-Adonis. Hanggang sa kusang naglakbay ang aking mga mata sa malapad nitong dibdib na ngayon ay malayang nahahawakan ng aking mga kamay. Tao ba 'to? D'yos ko, Panginoon ko! bulong ko sa aking isipan na tila hindi pa rin ako binabalikan ng aking ulirat. Ulirat na bigla na lamang naglakbay nang marinig ko ang baritono nitong boses at maramdaman ng aking mga kamay ang magandang hubog ng katawan nito. "Miss?" "H-Ha?" Bigla akong natauhan nang muli itong nagsalita. At sa puntong iyon ay agad akong napaayos ng tayo at mabilis na lumayo mula rito. "Ahh--- o-oo! Okay lang ako, sorry. N-Nadulas kasi ako d-dahil b-basa ang sahig ng bus." Saka ako tumingin sa hagdan ng bus. Ngumiti ito kasabay ng bahagyang pagtango. "No, it's okay! You don't need to apologize. It was just an accident." Sunod-sunod akong tumango sa kabila ng hiyang nararamdaman dahil alam kong ang iba ang sinasabi ng ngiting iyon. Marahil ay dahil sa naging reaksyon ko kanina nang sandali akong nawala sa aking ulirat dahil sa maganda nitong mukha at pangangatawan. Hindi ko itatangging humanga ako sa mga anggulong iyon. At alam kong hindi lamang ako ang babaeng nakaramdan ng ganito dahil sa maganda nitong pangangatawan at itsura. Subalit ang paghangang iyon ay hanggang doon na lamang at wala ng iba pa, maliban na rin lamang sa hiyang nararamdaman dahil sa nangyari. "S-Sige, mauna na ako sa 'yo. S-Salamat at p-pasensya ka na uli." Hindi ko na hinintay pang tumugon ito at mabilis na rin akong tumalikod. Malalaking hakbang kong nilisan ang lugar na iyon dahil sa hiyang nararamdaman. Pakiramdam ko'y tuluyan na akong lalamunin ng lupa kung hindi pa ako aalis sa harapan nito. "Ah, Miss---- wait!" Narinig ko pang sigaw ng lalaki, ngunit hindi na ako nag atubili pang lingunin ito at mabilis na lamang akong sumakay sa traysikel na nakaparada sa gilid ng bus station. "Sa Anderson Medical Center po, Manong." Hayss! Nakakahiya ka, Angelica! Para kang baliw! Bakit mo ba ginawa 'yon? Bakit kinailangan mo pang suriin ang kabuuan n'ya? Baka iniisip n'ya tuloy na isa kang malanding babae kahit wala ka pa namang karanasan. Hayss--- nakakainis talaga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD