CHAPTER 2

1835 Words
“Good morning, Nurse Angel.” Nakangiting bati sa akin ni Dra. Monterde habang inaayos nito ang doktor gown na kasusuot lamang. Ngumiti ako kasabay ng bahagyang pagyukod. “Good morning po.” Tanging salitang lumabas sa aking bibig. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano ko ito pakikitunguhan ng tama na hindi ko kailangang makaramdam ng pagkailang o ng hiya sa tuwing nasa harapan ako nito. Mabait naman ito, kahit pa bihira lamang din itong ngumiti. Usap-usapan dito na kamag-anak ito ng may-ari ng hospital. Kaya marahil iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang pagkailang ko rito, na sa tuwing makikita ko ito at makakausap ay hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya. Sa loob ng limang taon ko sa hospital na ito ay tila pakiramdam ko’y isa pa rin akong baguhan pag nakakasalamuha ko ito sa trabaho. Ngunit sa kabila ng ganoong pakikitungo ko rito ay nagawan pa rin ng kwento ng ilang mga empleyado sa hospital na ito. Ang pagiging mabait nito sa akin at malapit ay hindi nagugustuhan ng ilan, kaya’t ganoon na lamang ako kung gawan ng kwentong hindi maganda at sirain sa iba. “Saan ka ba ngayon?” Muli akong napalingon sa aking likuran nang muli itong magsalita. At tulad kanina’y may magandang ngiti na namang nakapaskil sa labi nito habang nakatingin sa akin. Tipid akong ngumiti. “Sa ER po. Friday po kasi ngayon, kaya siguradong marami na naman pong pasyenteng magdadatingan.” “Good! Magkakasama tayo ngayon sa ER. Teka, Nag breakfast ka na ba? Gusto mo ba akong samahan mag-coffee?” anyaya nito, pagkatapos ay tumingin sa suot nitong relo. “May 20 minutes pa naman tayo. So, let’s go.” Hindi na ako nakatanggi pa nang bigla na lamang ako nitong hinawakan sa kamay at marahang hinila papasok sa loob ng opisina nito. At tulad na naman nang dati, sa akin na naman nakatuon ang atensyon ng iba. “Have a seat. Kukunin ko lang ‘yong coffee natin.” “P-Pero, Dra. Mon—” “No buts, Angel. Dahil hindi rin naman ako papayag na hindi mo ako masamahang magkape ngayong umaga. Isa pa, gusto rin kita maka kwentuhan. Ang tagal na natin magkasama sa trabaho pero hindi pa tayo nagkakasabay— I mean, hindi man lang kita makasamang kumain or kahit mag coffee man lang.” Marahan akong napalunok at hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin sa aking mga narinig. Tila lalo lamang akong nakaramdam ng hiya sa mga oras na ito. Hindi ko inasahan na may ganito itong side. Ang pagiging malambing, na para bang naghahanap ng pagkakataon upang mas lalo pang mapalapit sa taong nais maging kaibigan. “Ahmm, Doktora, p-pasensya na po kayo kung hindi ko po kayo nasasabayang kumain o magkape man lang, masyado lang po kasi akong pokus sa trab–––” “Alam ko. Kaya nga kinuha ko ang pagkakataong ito ngayon para makasabay kang magkape, e.” Ngumiti ito, pagkatapos ay humigop ng kape. “Sige na, inumin mo na iyang kape mo. Hindi na iyan masarap pag malamig na.” Tumango na lamang ako at dahan-dahang humigop ng kape. “Alam mo, gusto kita. Magaan ang loob ko sa ‘yo. Hindi ka mahirap pakisamahan o palagayan ng loob. Sa lahat ng nurses dito ikaw lang talaga ang umagaw ng pansin ko at nakakuha ng loob ko.” Ibinaba nito ang hawak na tasa, pagkatapos ay marahan itong bumuntong hininga. “Hays— kung may anak lang sana akong lalaki, ipinakasal na kita.” Sunod-sunod akong napaubo nang bigla akong masamid dahil sa sinabi nito. Agad naman itong napatayo at mabilis na kumuha ng tissue, saka ito lumapit sa akin at ibinigay iyon. Hanggang sa naramdaman kong marahan na nitong hinahagod ang aking likod, na tila agad namang nagpagaan ng aking loob. Hindi ko maitatanggi na tila kamay ng aking ina ang kamay nitong humahaplos sa aking likod. Kaya’t sa puntong iyon ay hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit para sa anak nito. Pinusan ko ang aking mga luha na kusang naglabasan dahil sa sunod-sunod na pag ubo. Pagkatapos ay saka ako bahagyang lumingon dito. “Salamat po, Dra. Monterde. Okay na po ako.” Umalpas naman ang mahinang tunog ng pagtawa nito habang pabalik sa dati nitong pwesto. “Nasamid ka ba dahil sa sinabi ko?” Lihim akong napalunok sa tanong nito, lalo na nang mapansin ko ang ngiti nitong hindi pa rin mawala aa labi na para bang nasisiyahan pa ito sa aking naging reaksyon. “Pasensya ka na, ha?! Nabigla yata kita. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili kong sabihin sa ‘yo ang bagay na ‘yon. Pero hindi ako nagbibiro sa sinabi ko. Totoo ‘yon.” Muli itong ngumiti habang tila may lambing sa mga mata nitong nakatitig sa akin. Sino ba naman kasi ang hindi mabibigla sa sinabi ninyo, D'yos ko naman! Bahagya akong yumuko dahil sa hiyang nararamdaman. Hindi ko talaga alam kung paano ko ito pakikitunguhan ng tama. Hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang pagkailang at hiya ko para dito at iyon ang dahilan kaya hindi ako masyadong nakikipag-usap dito at pasimple akong umiiwas kapag nakikita ko ito. At isa na ring dahilan ang mga usap-usapan ng empleyado rito ang tungkol sa akin kapag nakikita ng ilan na kinakausap ako nito, lalo na’t alam ng lahat na kamag-anakan ito ng may-ari ng hospital. Bahagya akong tumango. “O-Okay lang po. Pero w-wala po ba kayong anak?” hindi ko napigilan itanong ang tungkol sa bagay na iyon dahil sa sinabi nito kanina. Ngunit agad din akong natauhan nang makita ang biglang pagbabago ng ekspresyon sa mukha nito. Tila bigla itong binalot ng kalungkutan at nawala ang kanina’y kasiglahang nakikita ko sa mga mata nito. Malalim itong bumuntong hininga, na para bang nagdadalawang isip itong sumagot o hindi nito kayang sagutin ang aking tanong tungkol sa anak nito. “P-pasensya na po kung masyado na akong nagiging madaldal. Bigla lang po kasi akong na-curious dahil sa sinabi n’yo kanina tungkol sa an–––” “Hindi— okay lang.” Putol nito sa aking pagsasalita at bahagyang ngumiti. “Wala na ang anak kong lalaki. Limang taon na rin ang lumipas nang mawala s’ya sa amin dahil sa car accident. Nabangga ang kotse n’ya at nahulog ‘yon sa bangin. Dalawa sila ng pinsan n’ya, pero ang pinsan lang n’ya ang tanging nakaligtas habang ang anak ko’y naipit sa manibela at hindi na nagawa pang makatalon bago pa man tuluyang mahulog ang kotse n’ya sa bangin.” Napaawang aking bibig at palihim kong naikuyom ang aking mga kamao sa ilalim ng lamesa. Aaminin kong nagsisisi ako sa ginawa kong pagtatanong tungkol sa anak nito. At dahil sa ginawa kong iyon ay tila ibinalik ko lamang dito ang sakit na naramdaman nito nang mawala ang anak nito. “S-Sorry po, Dra. Monterde. Hindi ko po alam ang tungkol sa nangyari sa anak inyo kaya ko po naitanong. Sorry po uli,” halos pabulong kong turan habang nakayuko at hindi ko ito magawang tingnan sa mata. “Okay lang, Angel. Alam ko namang wala ka talagang alam. At ‘yan ang gusto ko sa ugali mo. Hindi ka nakikisali sa mga usap-usapan, kaya naman ikaw na ang ginagawa nilang topic.” Lihim akong natigilan at dahan-dahang nag angat ng mukha, saka ko ito tiningnan na may pagtatanong sa aking mga mata. “A-Ano pong ibig n’yong sabihin?” Tipid itong ngumiti. “Alam ko ang lahat, Angel. Alam ko kung paano ka pakisamahan at tratuhin ng ilang mga nurse dito. At alam ko rin na kaya ka umiiwas o naiilang sa akin ay dahil sa mga usap-usapan. Pero bilib rin ako sa ‘yo dahil sa kabila ng mga ‘yon, nagagawa mo pa ring maging kalmado. Puro kung sa iba ‘yon baka palagi na lang may away o gulo rito sa hospital.” “Ah,” tanging salitang umalpas sa aking bibig at hindi ko alam kung ano ang tamang mga salitang nais kong itugon dito. Nahihiya ako sa aking narinig. Hindi ko alam na nararamdaman o napapansin din pala nito ang ginagawa kong pag-iwas dito sa tuwing makikita ko ito o makakasalubong sa hallway. “P-Pasensya na po kayo. H-Hindi ko po intensyon na iwasan kayo o ano pa man. S-Siguro po’y dahil walang ibang laman ang isip ko sa araw-araw kundi ang trabaho ko. P-Pero kahit na minsan po ay hindi ko naisip na iwasan kayo o hindi ang pansinin. Isa pa, wala naman pong dahilan para gawin ko ‘yon at wala rin po akong karapatan. Kilala po kayo rito sa hospital at iginagalang, kaya pasensya na po talaga kayo.” Mariin ko na lamang nakurot ang aking sarili dahil sa pagsisinungaling na ginawa ko, kahit ang totoo’y walang mali sa lahat ng mga sinabi nito at iyon talaga ang totoong mga dahilan kaya mas pinipili kong umiwas at manatiling mag-isa sa bawat araw habang nasa aking trabaho. Muli itong ngumiti habang nakatitig sa akin. Ngunit sa kabila ng ngiting iyon ay mababakas ang lungkot o awa sa mga mata nito. “Ahmm— d-doktora, mauuna na po ako sa inyo. Marami pa rin po kasi akong gagawin. Maraming salamat po sa kape, M-Masaya po akong nakasama ko po kayo ngayon.” Pero sana hindi na ‘to maulit, doktora. Nahihirapan po talaga akong kumilos sa harapan n’yo. Para akong hindi makahinga. Lumipas ang maghapon na para bang wala ako sa aking sarili. Hindi pa rin mawala sa akin isipan ang naging pag-uusap naming dalawa ni Dra. Monterde. Ang mga nalalaman nito sa totoo kong sitwasyon dito sa trabaho at lalong higit ang tungkol sa anak nitong nawala. Sa loob ng limang taon kong pagtatrabaho rito ay hindi ko man lang nalaman ang tungkol sa bagay na iyon. Palibhasa’y hindi ako malapit sa ibang mga nurse at hindi ako nakikiabot usap sa kanilang mga kwentuhan tungkol sa buhay ng iba. Minsan ko na ring narinig ang pangalan nito at ang tungkol sa anak nito na pinag uusapan ng ibang mga nurse ngunit hindi ko na lamang pinag-ukulan pa ng aking atensyon ang bagay na iyon, kaya’t nang marinig ko mismo rito ang tungkol sa anak nito ay hindi ko napigilang magulat, dahil hindi ko inasahan na ganoon ang aking maririnig. Kaya marahil ay ganoon na lamang kung pag-usapan ng mga tao rito sa hospital ang tungkol sa buhay nito. Malalim akong bumuntong hininga habang inaayos ang aking mga gamit sa locker dahil sa tapos na naman ang araw ng aking trabaho. Dama ko ang pagod sa aking sistema para sa araw na ito. Subalit bigla akong natigilan at napatitig sa kawalan nang biglang sumagi sa aking isipan ang tungkol sa sinabi sa akin kanina ni Dra. Monterde. Ang tungkol sa pinsan ng anak nito na tanging nakaligtas sa nangyaring aksidente. Kumusta na kaya s’ya ngayon? Limang taon na rin ang lumipas. Nakarecover na kaya s’ya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD