"Hoy! Sige na kasi. Magkwento ka na! Ano bang nangyari sa inyo kagabi at saka bakit nakita kitang bumaba sa kotse niya kaninang umaga. At tumatawa ka pa talagang mag-isa na parang baliw." Pangungulit ni Analyn. Hindi pa rin ako nito tinitigilan mula nang magkita kami nito kanina sa entrance ng hospital.
Mabilis ko itong nilingon at agad kong tinakpan ng hintuturo kong daliri ang bibig nito saka ko iyon idiniin. "Puwede bang tumahimik ka na lang muna. Nasa trabaho pa tayo at hindi ito ang oras para mag tsismisan."
"Alisin mo nga iyang daliri mo sa bibig ko! Ang dumi-dumi niyan, e. Kadiri ka talaga!" Talak nito at mabilis na pinunasan ang bibig. Napatawa ako sa naging reaksyon nito habang napapailing.
"Pasalamat ka at hindi ang swelas ng sapatos ko ang dumampi diyan sa bibig mo. Isa pa, kasalanan mo iyan dahil ayaw mong tumigil sa kakadaldal. Nasa oras pa tayo ng trabaho. Hindi ka na lang muna magpokus diyan sa ginagawa mo. Para kang manok na putak nang putak. "
"Bwisit na ito! Sabihin mo na kasi para matahimik na ako. Matapos ko kayong tulungan, babalewalain na lang ninyo ako ng ganito."
Muli akong napalingon dito at mariin ko itong tinitigan. "Ano'ng ibig mong sabihin? Ano'ng tinulungan?" naguguluhan kong tanong dahil hindi ko matukoy ang ibig nitong sabihin, "May ginawa ka bang kalokohan na hindi ko alam? Umayos ka sa isasagot mo, Chubbylita, kung ayaw mong pagulungin kita diyan."
"Hala siya! Grabe ka naman. Wala akong ginawang kalokohan para pagulungin mo ako."
"Kung ganoon, sabihin mo na! Ano'ng ibig mong sabihin sa mga sinabi mo?" naiinis kong turan dahil pakiramdam ko'y nagagawa na ako nitong traydorin dahil lang sa pagkahumaling nito kay Von.
"Wala nga! Basta humingi lang siya ng favor sa akin kahapon. Pinabantayan ka lang niya sa akin kung anong oras ka raw aalis at pag palabas ka na raw ng hospital, tawagan o i-chat ko raw siya para timing lang ang pagtigil niya sa tapat ng hospital dahil baka hindi ka na naman daw niya mapapayag na maisakay sa kotse. At saka, may mahalaga raw kasi siyang sasabihin sa iyo na hindi niya na puwede pang ipagpaliban. Kaya ayon, naawa ako at tinulungan ko siya."
Ang bwisit na ito. Kaya pala kakaiba ang ikinikilos nito kahapon bago pa man ako makalabas ng hospital. At iyon pala ay dahil sa pakikipagsabwatan sa boyfriend ko. "So, nagawa mo akong ibenta dahil lang sa gwapong doktor na iyon na kinakikiligan mo, ganoon ba!?"
"Ay ano ka ba? H-Hindi sa ganoon. Nakiusap kasi talaga siya sa akin kahapon dahil sa mahalaga raw ang araw na iyon para sa kanya. At pag hindi pa raw niya ginawa iyon ay baka daw mawalan na siya ng pagkakataon."
Lihim naman akong napaisip sa kung bakit ganoon na lamang ang nasabi ni Von kay Analyn. "At bakit naman daw? Paalis ba siya?" Sa halip ay tanong ko at nagbakasakaling mabigyan nito ng sagot ang tanong na biglang pumasok sa aking isipan.
"Aba'y ewan ko! Ano'ng malay ko sa mga plano ni Dr. Clark. Secretary niya ba ako?" Pamimilosopo nito na agad namang ikinatikwas ng aking kaliwang kilay. "Basta humingi lang siya ng favor sa akin. Pinagbigyan ko kasi ikaw naman ang dahilan, e."
Maaaring wala lamang ibig sabihin ang mga sinabing iyon ni Von, ngunit hindi ko pa rin maiwasang mag-isip ng kung ano. Marahan akong napabuntong hininga at kinuha ang aking cellphone upang i-chat si Von. Subalit hindi ko pa man lang natatapos ang aking sasabihin ay bigla na itong sumulpot sa aking harapan at walang sabi-sabing bigla na lamang akong niyakap at hinalikan sa noo.
Marahan ko itong itinulak upang makalayo sa akin, ngunit sa halip na bumitaw ito ay mas lalo lamang ako nitong hinapit sa baywang. "I miss you, baby."
"V-Von, a-ano ka ba? N-Nasa trabaho tayo at m-maraming nakakakita sa atin nga–––" Muli na naman akong napahinto sa pagsasalita ng hinalikan na naman ako, ngunit sa pagkakataong ito ay sa labi ko na nito ginawa. Napapikit ako ng maramdaman ko ang labi nito. Tila gusto ko na lamang ding samantalahin pagkakataon na nasa mga bisig ako ni Von.
Subalit ng marinig ko ang mga impit na tili sa aming paligid ay mabilis akong napamulat ng mga mata at agad na lumayo kay Von. Tumalikod ako upang makaiwas sa mga taong nakatingin sa amin dahil pakiramdam ko ay nangangamatis na naman ang aking mukha dahil sa sobrang hiya. Ngunit muli lamang akong kinabig ni Von at muling niyakap mula sa aking likuran.
"You don't need to be shy, baby. Ang gwapo ko kaya," halos pabulong nitong turan sa gilid ng aking tainga. Lihim akong napalunok ng maramdaman ko mainit nitong hininga na dumampi sa aking leeg.
"Ehem! Pwede po bang huwag kayo ritong malampungan? Nadudungisan po kasi ang inosente naming mga mata." Pang-aasar ni Analyn. Nagtawanan naman ang iba pang mga nurse na kasama namin sa mga oras na ito. Alam kong ang iba ay nasisiyahan para sa amin ni Von, ngunit ang iba naman ay hindi at mas lalo lamang lumalalim ang inis sa akin.
"I'm sorry, nurses! Na-miss ko lang ang girlfriend ko." Sa puntong iyon ay tila lalo lamang kinilig ang iba lalo na si Analyn sa tinurang iyon ni Von.
"Congratulations po sa inyong dalawa, Dr. Clark at Nurse Angelica! Ngayon lang po namin nalaman na kayo na po pala. Sa totoo lang po, bagay kayo." Nakangiting turan ng isang nurse na hindi rin maitatanggi ang kilig na nararamdaman nito.
"Sinabi ko na nga po ba at magiging kayo rin, e. Iba po kasi ang kilig pag magkasama kayo, Dr. Clark." Hindi na rin napigilang komento ni Kaye na sinabayan pa nito ng paghampas sa balikat ni Analyn. Agad namang bumaling dito si Anlyn at mabilis itong ginantihan.
"Kahoy ba iyang kamay mo? Ang sakit, ha!" Lihim akong napatawa sa tinurang iyon ni Analyn. Ngunit sa halip na mapikon si Kaye at umalingawngaw lamang ang malakas nitong tawa sa buong paligid na agad rin namang sinaway ni Analyn sa takot na maaaring makagalitan ang bawat isa sa amin.
"I miss you," muling bulong ni Von sa akin na hindi ko namalayang nakalapit na uli ito sa aking tabi. Tangka na sana akong tutugon ng sa muling pagkakataon ay ninakawan ako ni Von ng magaang halik sa labi, kaya't muli na namang nakulong sa loob ng aking bibig ang nais kong sabihin.
LUMIPAS ang maghapon na hindi man lang ako nagkaroon ng katahimikan dahil sa pangungulit ni Analyn. Kaya pakiramdam ko ay hindi lamang sa trabaho naubos ang aking lakas. Hindi ako nito tinigilan hangga't hindi ko sinasabi ang mga nangyari sa pagitan namin Von kagabi. At dahil doon maging ang katahimikan ko sa aking apartment ay hindi rin mangyayari dahil sa kagustuhan nitong doon matulog. Wala na lamang akong nagawa kundi ang sumang-ayon upang matapos na rin ang sakit ng ulong ibinibigay nito sa akin.
Huminto ako sa paglalakad at sinagot ang aking cellphone ng makita kong si Von ang tumawag. Napangiti ako ng mahimigan ko ang waring lungkot sa boses nito na sinabayan pa ng malalim na pagbuntong hininga.
"Tumawag ka lang ba para bumuntong hininga?" Pigil ang aking pagtawa habang sinasabi ang mga salitang iyon dahil alam kong lalo lamang itong mawawala sa mood kung sasabayan ko pa ng pang-aasar.
Nangako ako rito kanina na sabay kaming maghahapunan, kaya naman agad itong nagpa-reserve sa isang restaurant na malapit lamang sa apartment ko. Ngunit ng dahil kay Analyn ay hindi na iyon natuloy at napilitan itong ipa-cancel na lamang ang reservation.
"I'm sorry, baby. Pakiramdam ko kasi bigla akong nanghina ngayon dahil hindi natuloy ang dinner date natin. Hindi kita makakasama ngayong gabi."
Napakagat ako sa aking labi upang pigilan ang aking pagngiti. At nang tangka na sana akong tutugon ay bigla naman akong natigilan ng muli itong magsalita. "Stop biting your lips, baby. Baka hindi na naman ako makapagpigil at takbuhin kita diyan para halikan."