ANALYN’s POV
“Anak, parang hindi ka nagkaroon noong isang buwan. Hindi ka dinatnan ng buwanang dalaw mo. Regular naman ang menstruation mo ah,” nagsusuklay ako ng magsalita si Inay.
Napa-isip tuloy ako. Oo nga hindi pa nga ako nagkakaroon.
“Hindi pa nga po, Inay. Di ba po yung iba delayed din po minsan. Kaya lang ngayon lang po sa akin nangyari ito,” sagot ko naman kay Inay.
“Baka kaya hindi ka dinatnan dahil panay ang kain mo ng maasim. Ilang araw na may uwi kang mangga at alamang. Iyon na lang ang kinakain mo sa gabi. Umurong siguro ang regla mo,” dagdag pa ni Inay.
Nahihilig nga ako sa maaasim nitong mga nakaraang linggo. Kapag nasa trabaho naman ako ay ina-antok ako. Hindi naman ako ganito noon. Kahit kwentuhan ako ni Lea, hindi ko pa rin mapigilan ang antok ko. Samantalang noon kapag may kwento ito tungkol sa sexcapades nilang mag-boyfriend buhay na buhay ako. Sobrang alerto ng utak ko. Pero nitong mga nakaraan, natutulog talaga ako. Minsan lang ako napansin ni Madam kasi maraming tao kaya kailangan mabilis ang kilos. Eh nawala pa ako. Nakita akong natutulog sa may kusina. Ewan ko, hindi ko maintindihan ang aking katawan.
Dahil binanggit ni Inay ang mangga, parang gusto ko na namang kumain nito ngayon. Di bale bibili muna ako doon sa babaan ng tricycle. Meron ding naka-pwesto doon. Masarap din ang bagoong alamang niya. Ngayon pa lang naglalaway na ako.
Naka mini skirt ulit ako at tinernuhan ko naman ng bakuna blouse. Medyo natago ang malalaki kong braso. As usual nakalabas ang maganda kong hita. Hindi na ako kumain sa bahay. Hindi ko gusto ang amoy ng niluto ni Inay. Hindi ko na lang sinabi at baka sumama pa ang kanyang loob. Nagmadali na akong umalis ng bahay at dadaan pa ako sa bilihan ng mangga. Laging hanap ko ang maasim na pagkain.
Dumating ako sa kantina na bitbit ko ang mangga na may alamang. Masarap din ito kung may kanin. Tamang tama at wala pang masyadong costumer. Kumuha ako ng pinggan at nilagyan ko ng kanin saka ko inilagay ang mangga at bagoong alamang.
Kumakain ako pero hindi ako nang-aalok. Hindi katulad ng ibang pagkain. Lagi ko silang binibigyan pero hindi naman sila kumukuha dahil madalas nilang sabihin na kulang pa raw sa akin iyon. Ang sarap ng kain ko ng lapitan ako ni Lea.
“Alam mo, kung may boyfriend ka, iisipin ko buntis ka. Ang dami mong symptoms na pwedeng sabihin na nagdadalangtao ka. Baka naman may boyfriend ka na? Hindi mo lang sinasabi sa akin. Ang daya mo ha!” bulong nito sa akin.
“Bakit? Ganoon ba ang nararamdaman ng buntis? Paano ba nalalaman na buntis ang isang tao? Dahil na sa kinakain niya?” tanong ko dito kay Dok Lea, the love expert.
“Syempre kung nakipagtalik ka at walang contraceptive pwedeng mabuntis ang isang tao. Kapag sumunod na buwan at hindi nagkaroon, pwedeng positive. Kaya lang may irregular menstruation kaya pwedeng hindi positive. Pagiging antukin, isang symmptoms din iyan. Paghahanap ng kakaibang pagkain, kapag may trip kainin hindi papapigil hangga’t hindi ito nakakain. Ano pa ba? Ay pregnancy kit. Ayon kapag gumamit ka ng pregnancy kit at may lumabas na dalawang pulang guhit ibig sabihin no’n buntis ang isang babae.”
Bigla kong naalala na naman si Ninong Shador at ang ginawa naming dalawa. Halos Isang buwan at dalawang linggo na ang nakakalipas. Lahat ng sinabi ni Dok Lea ay sinasabing buntis ako. Kailangan kong bumili mamaya ng pregnancy kit para malaman kung may baby nga baa ko o wala.
Tila wala ako sa sarili sa buong maghapon sa kakaisip ng mga sinabi ni Lea. Kailangan kong dumaan sa drug store. Madali lang naman daw itong gawin. At affordable naman ang price. Kailangan ko ito. Baka nga nagbunga ang sandaling pinatungan ako ni Ninong Shador. Paano kung positive nga ako? Anong gagawin ko?
“Namumutla ka?! Okay ka lang ba? Baka high blood ka na? Ang dami mo na namang rice kasi kanina,” hindi ko alam kung concern ba talaga ito sa akin o iniinis pa ako.
PInaupo muna ako nito at itinapat sa akin ang bentilador. Nilagyan pa ng yelo ang batok ko para bumaba raw ang dugo ko. Pati si Madam ay nag-alala at pinalabasan pa ako ng pineapple juice na nilagyan ng yelo. Panay rin ang pindot nila sa palad ko.
“Magsabi ka na agad kung kailangan ka ba naming dalhin sa hospital. Huwag mo kaming iiwan, Analyn. Bata ka pa, para magpaalam,” gusto kong hambalusin ng binti ko itong si Lea. Kung hindi lang ako nahihilo eh. Mabuti nakita ako ni Lea dahil pabagsak na ako kanina. Umiikot ang paningin ko. Mas lalong tumindi ang kaba ko.
Hindi na ako nagtrabaho at pinagpahinga na lamang ako ni Madam. Ang isip ko ay hindi mapakali. Ang daming bumabagabag sa aking kalooban. Walang nakakaalam ng nangyari sa amin ni Ninong Shador kundi kaming dalawa lamang. Paano kung i-deny niya? Papalayasin ako malamang ng mga magulang ko. Hindi ko naman masabi rin kay Lea dahil natatakot akong i-judge nito lalo na at hindi naman siya Judge. Hindi nga rin siya doctor pero pinasok na rin niya kapag ako ang kausap.
Ipapahatid daw ako mamaya ni Madam. Paano ako bibili ng pregnancy kit? Ito pa naman ang sinasabi ni Lea na ninety-five percent accurate para malaman kung buntis ang isang tao.
Tumayo na ako sa aking upuan. Hindi na naman ako nahihilo kaya pwede na akong magtrabaho. Kapag nakita nilang okay na ako, hindi na nila ako kailangan pang ihatid mamaya. Makakadaan na ako sa drug store. Hindi talaga ako matitigil hangga’t hindi lilitaw ang negative results. Tiwala lang, hindi ako buntis. Walang kikilalaning ama ang anak ko pag nagkataon. Hindi ako pwedeng magturo na lamang, kailangan may ebidensya. Nakakahiya na ma-deny. Baka kahit sa mga kasama ko sa bahay ay hindi na rin ako kausapin kapag malaman nilang nagdadalang tao na ako. Dalaga ako tapos buntis. Kahit sinong magulang ay hindi matutuwa sa anak na gagawa ng ganito.
Napaniwala ko naman sila. Nawala rin naman ang sakit na nadarama ko. Panatag na ang loob ko ng puntahan ko ang drug store na malapit sa sakayan. Nakabili ako ng pregnancy kit na agad kong pinakatago tago sa loob ng aking sling bag.
Nakakita naman ako ng singkamas ngayon at ito naman ang binili ko. KUmakain na naman ako habang naglalakad ako mula sa babaan ng tricycle.
“Ang sarap naman ng kinakain mo,” puna ng number one chismosa dito sa lugar namin.
Hindi ko na lang ito pinansin dahil baka mas mapansin nito ang katawan ko. Akala mo naman feeling perfect siya. Magaling itong manlait kaya naman hinahayaan ko na lang siya.
“Junior, nasaan sila Inay?” tanong ko sa kapatid ko.
“Nasa bahay ng mga Enriquez. Darating daw mamayang hatinggabi ang pamilyang Enriquez. Kasama si Sir Aki at Ma’am Sophie. Sagot sa akin ni Junior.
Naalala ko tuloy bigla si Ninong Shador. Ibig sabihin kasama siya na darating mamaya.
Naalala ko ang pregnancy kit, kailangan ko na palang mag-test. Nagtungo ako sa CR namin dala ko ang bag. Dito ko itinago ang kit. Hindi kasi pwedeng makita ng mga kapatid ko lalo na ng magulang ko. Kung nasa bahay pa sila ng mga Enriquez, ngayon na talaga dapat.
Nagpaalam muna ako sa kapatid ko para mag-CR. May sinabi pa itong si Junior.
“Kung anu-ano kasi ang kinakain mo tapos ayaw mo pang mamigay kaya hayan sumasakit tuloy ang tiyan mo,” pangongonsensya pa nito dahil lagi syang humihingi, hindi ko naman binibigyan.
Hindi ko na pinatulan. Sayang din kasi, naiihi na ako kaya isasabay ko na ang pagkuha ng ihi na ilalagay ko sa kit. May instructions naman kaya hindi na ako mahihirapan. Nakaihi na rin ako at may sample na akong hawak. Need ko na lang hintayin ang result. Hindi lang isa ang binili ko dahil gusto kong malaman kung talagang accurate ito. Pare-parehas lumabas ang dalawang pulang guhit sa tatlong kit na ginamit ko. Napaupo bigla ako sa may toilet bowl, para akong tatakasan ng bait. Positive, buntis ako. Magiging nanay na ako. Paano ko ito sasabihin sa mga magulang ko?
Lumabas na ako ng CR at tumatagaktak na ang pawis ko. Pumasok na ako sa aking kwarto. Hindi ako makapag-isip ng tama. Kailangan kong ipaliwanag sa magulang ko kung paano ito nangyari.
Hiling ko na lang ngayon na mapatawad ako ng mga magulang ko. Mag-isa ako rito sa kwarto habang umiiyak. Hindi ko mapigilan na haplusin ang aking tiyan at tumingin pa ako rito ngumiti ako habang umiiyak. Biyaya ito para sa akin. Pero paano ang pamilya ko? Baka itakwil ako nina Inay at Itay.
Hindi ko na lamang muna sasabihin sa kanila ang tungkol dito. Saka na lamang pag-alis ng mga Enriquez para walang masugod si Itay. Lagi pa naman nitong inire-ready ang kanyang sandatang itak. Para itong sinaunang tao, may sundang sa bewang. Kaya hindi pwedeng loloko loko kay Itay.