Kabanata I:Bus Terminal
Hindi kita hiniling, kusa kang dumating
Sa tagpuan ng unang sulyap, paalam ngayon ang kapiling
Lalabas na ako at iiwan na ang mga bakas
Ang lugar ng simula, guguhitan ko ng wakas…
Dalawang upos ng sigarilyo sa basang kalsada ang iniisa-isang pinaglalaruan ni Nate sa kanyang sapatos upang maibsan ang pagkainip nito habang hinihintay ang pagdating ng bagong batch ng mga mag-aaral sa paaralang kanyang pinagtatrabauhan. Bilang matalik na kaibigan at roommate ni Henry Park, isang Student Manager sa Pines City International Academy kung saan siya nagtatrabaho, binigyan siya ni Henry ng pribilehiyong sumama sa kanyang sumundo ng mga bagong Korean students para kumita ng extra maliban sa kanyang kinsenas na sahod.
Pasado alas-kuwatro na ng hapon ngunit hindi pa nakukumpleto ang bilang ng mga estudyanteng kanilang hinihintay. Kaya naman muli nitong hinugot ang lighter at kaha ng Marlboro lights sa kanyang body bag at sinindihan ito para maibsan ang pagkabagot.
Dahan-dahang hinipan ni Nate ang sigarilyo at hinayaang dumampi sa kanyang namumulang pisngi at ilong na tila hinulma upang maging perpekto sa paningin ng iba ang nagsasaling usok at hamog ng Baguio. Hinayaan nitong yakapin ng simoy ng hangin ang kanyang mapupulang mga labi habang nakapikit upang maramdaman ang panunuot ng lamig sa kanyang makinis at nakabibighaning hulma ng pangangatawan.
“So today is Saturday…” Bulong ni Nate sa kanyang sarili.
Minsan, sumasagi sa kanyang isipan kung bakit kailangan niyang magtrabaho ng weekends habang ang ibang kaedaran niya ay nasa sinehan, nagkakape sa Starbucks o kaya naman ay nag-iinuman sa bahay ng barkada. Ngunit sa sandaling humantong ito sa ganitong sitwasyon ay agad naman nitong sinasagot ang sarili na kailangan niya itong gawin, dahil mag-isa lang siya sa buhay.
Lumaki sa puder ng kanyang ina si Nate hanggang pumanaw ito noong siya’y nasa second year high school pa lamang. Iniwan sila ng kanyang ama at wala itong mga kapatid kaya lumaking mag-isa, matatag at sanay sa hirap ang binata.
Salat man sa salapi, batid naman nito na biniyayaan siya ng napakaamong mukha ng Poong Maykapal—bagay na hindi nito masyadong kinagigiliwan sapagkat kadalasang nauuna itong napapansin ng mga titser at estudyante kaysa sa husay nito sa pagtuturo. Ito rin ang dahilan kung bakit pinili nitong maging tahimik at kadalasang nag-iisa sapagkat tuwing naaalala nito na kahit napakaganda ng kanyang ina noon, iniwan pa rin ito ng kanyang ama at sumama sa mayamang negosyante papuntang Maynila.
Bagamat ulila ng lubos, hindi nagpadaig sa kahirapan si Nate at nagsimulang magtrabaho sa murang edad upang matustusan ang pag-aaral. Sa kanyang angking sipag at pagsisikap, nakapagtapos ito sa Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio sa kursong BA Communication. Ang mga karanasang ito ang humubog sa kanyang puso na maging bato at tumigil sa paniniwala sa pag-ibig. Lumaki itong dala-dala ang paalalang walang pagmamahal na tumatagal hanggang wakas.
Habang nakapikit na nagyoyosi si Nate at sinasariwa ang kanyang mga naging karanasan, hindi naman mapigilan ng mga bumababa sa bus at mga dumadaan na titigan siya dahil sa kanyang mala-perlas na kutis at angking kagwapuhan na tila ba nagniningning sa kalagitnaan ng makulimlim na panahon. Maging ang mga estudyanteng tinitipon ni Henry ay nagkukumpulan na at patagong kinikilig sa kanilang nakikita.
“Are you a celebrity?” Sarkastikong sambit ni Henry habang nakatitig kay Nate na para bang nawawalang anghel sa lupa.
Ibinaling ni Nate ang kanyang ulo upang humarap sa kanya at sinuklian niya ito ng matipid na ngiti.
Ngumisi si Henry, inakbayan ang kanyang roommate at sinabing, “What? Do you think you’re shooting a movie? I really hate it when I see you smoking but still look good.”
Tumatawang tinitigan ni Nate ang kanyang manager habang hindi maiwasang humanga sa malalapad na bisig at malakas na dating ng kanyang kaibigan. “I like you, too Student Manager Henry,” sambit naman ni Nate.
“Damn those dimples. How I wish you were a girl.” Nakatawang tugon ni Henry at sabay silang mabilis na naglakad pabalik sa mga estudyante.
-----
Tahimik na inoobserbahan ni Nate ang mga estudyante habang abalang ino-orient ni Henry ang ito hinggil sa kanilang mga room assignments bago nila marating ang Academy. Habang hindi mapigilan ng mga estudyante ang paghanga sa dalawang naggagwapuhang lalaki sa kanilang harapan, kunot sa noo ang reaksyon naman ni Nate dahil sa problemang kanyang kinakaharap sa kung papaano nito makakabisado ang lahat ng pangalan at hitsura ng mga estudyante. “Recycled faces,” ito ang kadalasang biro ng mga guro sa isa’t isa tuwing may bagong batch ng estudyante sapagkat karamihan sa mga Korean students ay magkakamukha.
Sa kalagitnaan ng pagsisikap ni Nate na matandaan ang mga identidad ng mga new students ay sumagi sa paningin nito ang isang matangkad na lalaki na may suot ng puting t-shirt at mahabang maroon na trench coat. Abala nitong binabasa ang pamphlet ng paaralan at hindi nakikinig sa orientation ni Henry. Napako ang atensyon ni Nate sa mga nangungusap nitong mga mata na paminsan-minsang sumisilip sa tuwid at bagsak na buhok ng estudyante. Bumaba ang titig nito sa kanyang matambok at kulay rosas na mga labi na binabagayan ng mala-adonis na hubog ng pisngi nito at ng kanyang mapinong kutis sa leeg. Hindi mawari ni Nate ang paghanga nito sa hitsura ng lalaki. Ngunit sa kalagitnaan ng di-mapigilang paghanga nito sa kanya ay biglang itinaas ng estudyanteng ito ang kanyang mga mata at tuluyang nagtapo ang kanilang paningin. Naramdaman ni Nate ang unti-unting pagbagal ng oras at tila ba hinenele ng mga mata ng lalaking ito ang kanyang buong pagkatao. Hindi nagtagal at biglang nahimasmasan si Nate at ibinaling ng mabilis ang kanyang tingin sa malayo. Napalunok ito dahil sa di-inaasahang panunuyo ng kanyang lalamunan at init na bumalot sa kanyang katawan. Napailing ito sa kanyang nasaksihan at naging reaksyon mula sa mga nangyari.
Tinapik siya sa balikat ni Henry at sinabing, “Roommie, those two lines of students at the back will be on your class. Just look at their name tags. Your students will be from the lane of Stella ‘till Caleb’s.”
“Caleb…”
Mahinang sambit ni Nate ng nakita niyang ang huling estudyante sa klase niya ay ang lalaking pumukaw sa kanyang atensyon.
Hindi naman nagbago ang reaksyon ng mukha ni Caleb at dahan-dahang ibinaba ang kanyang ulo at balikat upang magbigay-galang sa kanyang bagong guro mula sa malayo. Tumugon din ng bahagyang pagyuko si Nate upang ibalik ang greeting nito.
---
Minsan ang tadhana ay mapaglaro. Gaano man kamanhid ang puso, titibagin ito ng hindi inaasahang pagtatagpo. Ngunit paano kung batid mong hindi puwede? Paano kung alam mo sa kaibuturan ng iyong pagkatao, ikaw ay lalaki? Paano ba magmahal kung natagpuan mo ito sa kauri?