KINABUKASAN ay pumasok pa rin si Gabby sa clinic nito sa munisipyo kahit dama niya ang panghihina at kawalang gana. Ayaw naman niyang maapektuhan ang trabaho niya lalo na't mag-isa lang siyang doctor sa clinic nila.
"Doc, totoo po ba? Nag-propose na sa'yo si mayor?" kinikilig na tudyo ni Sue dito--isang nurse sa clinic nila.
Napalingon din ang mga kasama nilang naka-duty na mga nurse at midwife na narinig ang kasama nila. Pilit namang ngumiti si Gabby na marahang tumango kaya napapairit pa ang mga kasama nito. Maliban sa isa. Si Melanie na isa sa kanilang midwife. Malaki kasi ang pagkakagusto nito kay Anton. Iyon nga lang ay hindi siya pinapansin ng binata dahil kay Gabby. Kaya naiinis ito kay Gabby kahit magiliw ito sa lahat at likas na mabait.
"Paano niyo nalaman?" tanong ni Gabby sa mga ito na nagkatinginan pa sa isa't-isa.
"Eh, doc. May post kasi si mayor kagabi sa social media niya. Isang box na may nakasilip na singsing sa loob. Kaya nahinulaan lang po namin na may plano na si mayor na alukin kayo ng kasal," kinikilig na sagot ng isang nurse na ikinatango-tango ni Gabby.
"Gano'n pala. Oo, nag-propose na siya sa akin kagabi. Pero hindi pa namin nasi-set kung kailan ang kasal e." Pangungumpirma nitong ikinairit ng mga kasama na sunod-sunod na binabati ito.
Kahit wala sa mood ay ngumingiti si Gabby sa mga ito bilang tugon. Ayaw naman niyang maging KJ sa kasiyahan ng mga kasama kaya nakisabay na rin ito. Isa-isa pang tinignan ng mga katrabaho ang suot niyang singsing at namamangha kung gaano iyon kaganda. Pero kahit maganda ang suot nitong singsing. Alam ni Gabby na sa puso niya, hindi siya tunay na masaya. Dahil kahit itanggi niya, alam niya sa sariling. . . hindi si Anton ang nais niyang mapangasawa.
LUMIPAS ang mga araw na nagpatuloy sa daily routine ang dalawa. Naging abala na rin si Anton sa pamumuno sa bayan nila at marami itong proyekto para sa mga barangay na nasasakupan nito. Naging abala din si Gabby sa trabaho nito. Kaya madalas ay sa cellphone na lang sila magkausap ni Anton. Hindi naman nagkukulang sa kanya ang binata. Palagi itong nagpapadala ng bulaklak, chocolate o kung ano-ano pa sa tauhan nito para kay Gabby. Kaya palaging tinutukso ang dalaga sa ka-sweet-an ng nobyo nito.
Isang gabi, dumalaw si Anton sa kanilang bahay. Alam ni Gabby na pagod ito sa maghapon. Kaya pinakisamahan niya ang binata na inasikaso.
“Kumain ka na ba? Mukhang pagod na pagod ka, Anton.” Ani Gabby dito na napangiting nakamata sa nobya niya.
“Hindi pa nga e. Tumuloy na kasi ako dito dahil gusto sana kitang makasabay kumain, babe. Mahigit isang linggo rin akong naging abala at hindi ka manlang naidi-date. Ni hindi pa nga natin napag-uusapan kung kailan ang kasal at saan gaganapin,” sagot ni Anton dito na pilit ngumiti sa binata.
“Kumain na kami kanina e. Hindi ka kasi nag-message sa akin na dadaan ka dito. Para hindi na sana ako sumabay kina tatay na kumain.” Saad ni Gabby na kumuha ng plato sa kanilang lagayan ng plato. “Pero samahan pa rin kita para naman may kasama kang kakain. Magkakape na lang ako at busog pa kasi ako e.” Dugtong nito habang naglalagay ng kanin sa plato.
“Okay lang, babe. Atlis sasamahan mo naman ako. Solved na ako doon,” sagot ni Anton na kumuha ng tubig sa ref.
Naghain naman si Gabby dito bago nagtimpla ng kape niya. Naupo ito kaharap si Anton na maganang kumain at kitang gutom na gutom.
“Siya nga pala, Anton. Salamat sa mga pinapadala mo ha? Naa-appreciate ko talaga ang mga regalo mo. Pero. . . ikakasal naman na tayo e. Alam mo namang hindi ako mahilig sa mga regalo. Pwede bang hwag ka ng bumili ng mga gano'n? Okay lang naman kung may occasion katulad ng birthday ko, anniversary natin o kaya ay valentines day.” Ani Gabby habang kumakain ito at nagkakape naman ang dalaga.
Napaangat naman ito ng mukha na napatitig sa nobya niya. Nginuya muna nito ang nasa bibig bago nilunok at uminom ng tubig.
“Bakit naman, babe? Ayaw mo ba sa mga binibili kong regalo para sa'yo?” nagtatampong tanong nito sa dalaga.
“Hindi naman sa gano'n, Anton. Sayang din kasi ‘yong perang pinambibili mo sa mga iyon. Katulad sa mga bouquet na pinapadala mo. Ang mahal ng mga iyon pero ilang araw lang naman nalalanta na sila. Sayang e. Alam ko namang may pera ka. Pero mas gusto kong gastusin mo ang pera mo sa mas mahalagang bagay-bagay. Katulad na lamang sa pagbubuo natin ng pamilya, Anton. ‘Yong kasal natin. Paano kung mabuntis mo kaagad ako, ‘di ba? Gusto ko rin kapag kinasal na tayo, bubukod tayo ng tirahan. Gusto ko ‘yong may sarili tayong bahay. Hindi ‘yong nakatira tayo sa mga magulang mo,” paliwanag ni Gabby dito na napaisip at tumango-tango.
“Konti lang naman ang ginagastos ko e. Gusto lang naman kitang mapasaya kahit paano, babe. Kung ang future natin ang inaalala mo, hindi ko naman kayo pababayaan ng mga magiging anak natin. May sapat akong pera para d'yan. Hindi rin problema ang gastos sa pagpapatayo ng bagong bahay natin at pagpapakasal dahil may nakalaan na akong pera para d'yan na mula sa pinagsikapan ko. Kaya hwag mo nang intindihin ang mga iyon, hmm? Kayang-kaya ko kayong buhayin ng mga magiging anak natin kahit araw-araw ko kayong ibili ng regalo,” wika ni Anton na inabot ang kamay nitong pilit ngumiti sa binata.
“Ikaw ang bahala. Sinabi ko lang naman,” ani Gabby na pasimpleng binawi ang kamay at sumimsim sa kape nito.
Nagpatuloy naman ulit si Anton sa pagkain nito. Pasado alasnueve na rin kasi ng gabi. Kaya natutulog na ang pamilya ni Gabby. Matutulog na nga rin sana ito kanina nang tumawag si Anton at naglalambing na dadaan siya sa kanila para kumain at makasama ito saglit. Mabuti na lang at may natira pa sa ulam at kanin nila kaninang hapunan kaya hindi na nagluto si Gabby para dito. Hindi naman maarte sa pagkain si Anton, isa iyon sa gusto ni Gabby dito. Katulad ngayon. Kahit simpleng beef chop suey ang ulam at pritong bangus ay maganang kumain ang binata. Matapos nitong kumain, tinulungan pa nito si Gabby na naghugas ng mga pinagkainan nito.
“Tulog na ba sina nanay at tatay, babe?” pabulong tanong nito habang palabas sila ng kusina.
Nasa tapat lang kasi nitong sala ang silid ng mga magulang nito. Habang silang magkakapatid ay sa ikalawang palapag ng bahay naroon ang mga silid nila. Maliit lang ang bahay nila Gabby. Ang kusina at sala nila ay nahahati lang sa makapal na kurtina. Puro babae ang mga ito sa bahay. Kaya naman malinis at maaliwalas tignan ang bahay nila kahit maliit lang ito at simpleng bahay.
“Oo e. Pagod kasi ang tatay sa maghapong pagtatrabaho sa bukid. Ang nanay naman ay naglaba ngayon. Kaya maaga silang natulog,” mahinang sagot ni Gabby na sinamahan itong naupo sa sofa nila sa sala.
Pilit itong ngumiti sa binata nang akbayan siya nito at pinasandal sa kanya.
“Tungkol nga pala sa pagpapakasal natin, babe. Saan mo gustong ganapin iyon? Kinukulit na kasi ako nila mommy kung kailan ang kasal natin. Gusto nga nilang magtungo dito para pormal na makausap ang pamilya mo e. Pero sabi ko, kausapin muna kita.” Pabulong saad ni Anton dito na napalunok.
“K-kahit simpleng kasal lang naman ay okay na ako doon, Anton. Church wedding sana ang gusto ko e.” Sagot ni Gabby dito na napangiting tumango.
“Sige, kung iyan ang nais mo, babe. Ayoko namang iyong gusto ko lang ang masusunod sa araw ng kasal natin. Syempre, kasal natin iyon. Dapat ang plano nating dalawa ang masunod.” Pagsang-ayon ni Anton dito na pilit ngumiti sa binata.
“Pero habang hindi pa natatapos ang ipapatayo nating bahay, okay lang ba sa'yong sa bahay muna tayo tutuloy pagkatapos ng kasal, babe? Syempre, aabutin din ng ilang buwan bago matapos ang ipapatayo nating bahay. Ayoko naman na basta bahay lang ang ipatayo natin. Gusto ko iyong matatawag na dream house natin at doon tayo bubuo ng pamilya,” wika ni Anton na marahang pinipisil-pisil ang punong-braso ni Gabby na hawak-hawak nito.
Naiilang si Gabby at kanina niya pa napapansin ang pagpisil-pisil ni Anton sa braso niya. Pero hindi na lamang siya umalma pa at mahigit isang linggo din silang hindi masyadong nagkasama.
“Okay lang naman sa akin kahit simpleng bahay lang, Anton. Hindi mo kailangang magpatayo ng katulad sa bahay niyo na mansion na ang itsura para sa akin. Kahit barong-barong bahay pa ang ipatayo mo ay titira pa rin naman ako doon kasama ka.” Sagot ni Gabby ditong napangiting yumuko na humalik sa braso ng dalaga.
Napasinghap naman si Gabby na napalingon ditong ngumiti na mas kinabig ito padiin sa kanya.
“A-ano ka ba? Mamaya may bababa sa mga kapatid ko,” mahinang saway ni Gabby nang dahan-dahang ilapit nito ang mukha.
Napalunok ito na umangat ang kamay ni Anton at humawak sa batok niya.
“Hindi iyan. Pahalik naman, babe. Pampatanggal pagod at stress lang sa trabaho.” Bulong nito na tuluyang inabot ang mga labi ni Gabby.
Mariing napapikit si Gabby na napakapit sa laylayan ng damit nito habang masuyong inaangkin ni Anton ang kanyang mga labi. Gustohin man niyang tugunin ang binata, may kung anong parte sa isip at puso nito ang kumukontra. Na tila hindi sila sang-ayon na makipaghalikan ito sa nobyo niya.
“I love you so much, babe.” Anas nito na naghahabol hininga pang pinaglapat ang kanilang noo.
“I. . . I l-love you too, Anton. Sige na. Lumalalim na ang gabi. Magda-drive ka pa pauwi. Kita na lang tayo bukas ha?” pagtataboy na ni Gabby dito at baka kung saan pa sila hahantong.
“Hindi ba pwedeng dito magpalipas ng gabi, babe? I promise, wala akong gagawin. Gusto lang kitang makatabing matulog. Isa pa, bagsak na kasi ang katawan ko. Parang hindi ko na kayang magmaneho pa pauwi at isang oras pa ang byahe. Inaantok na rin kasi ako.” Ungot nito na nagpapaawa ang itsura sa dalaga.
Gumapang ang init sa mukha ni Gabby na alanganing ngumiti dito.
“Baka kasi kung anong isipin ng mga tao kapag nagtabi tayo, Anton. Alam mo na.” Nahihiyang saad nito.
“Ano ngayon, babe? Ikakasal naman na tayo e. At nangangako naman ako. Hindi kita gagalawin. Makikitulog lang ako sa'yo at sobrang pagod na ang katawan ko. Sige na, please?” paglalambing pa nito.
Napahinga ng malalim si Gabby na marahang tumango ditong lihim na napangiti at nagniningning ang mga mata sa tuwa!
“Sige. Doon ka na matulog sa silid ko, Anton. Pero hindi tayo magtatabi ha? Doon ako matutulog sa kapatid ko para walang masabi ang ibang tao. Pasensiya ka na. Hindi kasi ako komportable kung magtatabi tayong matulog na hindi pa ganap na mag-asawa.” Maalumanay na saad ni Gabby ditong tumango kahit labag sa loob.
Naiinis man siya na hindi pa rin niya makakatabing matulog si Gabby sa kama, pero hindi na ito nagpahalata at umarteng pagod na pagot at inaantok na talaga siya. Kahit na ang totoo ay sinadya niyang magpagabi para makapaglambing siya kay Gabby na dito siya matutulog sa bahay nila. Napapamura na lamang ito sa isipan na sa kabilang silid nga natulog si Gabby. May pustahan pa man din sila ng mga kaibigan niya na matitikman na niya ngayong gabi si Gabby. Pero heto at pumalpak ang niluto niyang plano para sana makatabi sa kama ang nobya niya.
LUMIPAS ang mga araw at nai-set na ang araw ng kasal nila Gabby at Anton. Mapagkasunduan ng dalawang pamilya na church wedding ang kasal at sa bahay ng mga Altameranda gaganapin ang venue pagkatapos ng kasal sa simbahan. Hindi na lamang umalma si Gabby kahit labag iyon sa loob niya. Gusto sana nitong sa bakuran ng kanilang bahay gaganapin ang venue. Alam niya kasing naiilang pa ang pamilya niya sa pamilya ni Anton. Lalo na't malalaking tao ang nakapalibot sa pamilya Altameranda na mga kasamahan ni Anton sa pulitika. May kaya ang pamilya nila Anton. Kaya karamihan sa mga kinuha nilang sponsor ng kasal nila ay may mga kaya katulad nilang pamilya. Hindi naman na nagreklamo pa si Gabby na ang ina ni Anton ang humandle sa kasal nila. Kahit sa mga isusuot nilang lahat at mga piniling maging ninong at ninang nila ni Anton ay ang ina nito ang nagpasya.
Habang palapit nang palapit ang araw ng kanilang kasal. Pakiramdam ni Gabby ay unti-unting sumisikip ang mundong ginagalawan nito. Na tila unti-unti siyang naitatali at nailalayo sa buhay na nakasanayan nito. Napapadalas na kasing si Anton at pamilya nito ang kanyang kasama dahil sa nalalapit nilang kasal. Kaya pakiramdam nito ay sumisikip na ang mundo niya at ingat na ingat ito sa bawat kilos at pagsasalita. Natatakot ito na baka magkamali siya. Nahihiya rin siyang magbahagi ng opinion niya. Kaya tanging ngiti at pagtango lang ang isinasagot nito kapag nag-uusap-usap sila tungkol sa kasal. May parte sa puso niya na naiilang at hindi kasama ang pamilya niya sa tuwing nagkikita-kita sila ng pamilya ni Anton sa labas. Pero iniintindi na lamang nito ang sitwasyon at abala ang ama nito sa kanilang bukid. Gano'n din ang ina nito na nasa bahay. Inaasikaso ang bahay at mag-aama nito.
“Bakit ang lungkot mo, Ate? Hindi ba dapat masaya ka kasi sa susunod na ang kasal niyo ni Kuya Anton,” ani ng nakababatang kapatid nito.
Nasa kubo kasi si Gabby. Doon siya nagkape at malalim na ang gabi. Wala siyang trabaho ngayon sa clinic at weekend. Kaya naman buong araw itong nasa bahay lang. Nakatambay at parang hirap na hirap siyang kumilos.
"Iniisip ko kasi kayo kapag lumipat na ako ng tirahan. Syempre kapag kasal na kami ni Anton, doon na muna ako uuwi sa bahay nila habang hindi pa natatapos ang ipinapatayo niyang bahay namin. Ang lungkot kasing umalis ng bahay. Iiwan ko na kayo. Hindi na tayo buo sa tuwing hapunan at agahan. Hindi na kasing ingay katulad ng nakasanayan natin ang bahay natin na kulang na kayo. Nalulungkot lang ako.” Mababang saad ni Gabby sa kapatid nito na napahinga ng malalim at sumandal sa kanyang balikat.
Mapait na napangiti si Gabby na pasimpleng nagpahid ng tumulong luha. Hindi niya kasi masabi-sabi sa pamilya niya na may pag-aalangan siyang nadarama sa pagpapakasal nila ni Anton. Ayaw niyang mapahiya ang pamilya niya sa pamilya ni Anton. Kahit ipinapakita ng pamilya Altameranda na tanggap nila ang pamilya nito, may bahagi sa puso nito ang bumubulong na tila hindi totoo ang ipinapakita sa kanya ng pamilya ni Anton. Lalo na ang ina nito.
“Magiging masaya naman kami para sa'yo e. Ang mahalaga ay mapunta ka sa mabuting lalake, Ate. Nandidito lang naman kami at ang bahay natin. Welcome kang dumalaw sa amin kahit kailan mo pa gusto.” Wika ng kapatid nitong ikinatango ni Gabby na pilit ngumiti.
“Dadalaw ako palagi sa tuwing weekend. Hindi naman siguro mahirap iyon kay Anton at sa weekend lang naman kami nandidito. Kung ako nga lang e. . . mas gusto ko sanang dito muna kami tutuloy pagkatapos ng kasal. Hindi ko kasi kayo maiwan. Nag-aaral pa kayong apat. Ako lang ang katulong nila tatay sa pagpapaaral sa inyo. Kaya nakukunsensya ako na aalis na ako sa pamamahay natin dahil bubuo na ako ng sarili kong pamilya.” Saad ni Gabby na pilit nilalabanan ang pagpiyok ng boses nito.
"Okay lang iyan, Ate. Hwag ka nang malungkot. Ikakasal ka na e. Dapat masaya lang tayo." Pagpapagaan ng loob ng kapatid nitong ikinangiti ni Gabby na tumango.
Matapos makausap ang kapatid nito ay naiwan nang mag-isa si Gabby sa kubo. Hindi pa kasi ito dalawin ng antok. Kanina pa siya kinakabahan sa hindi malamang dahilan! Panay ang pagbilis ng t***k ng puso nito na hindi mapakali. Maya pa'y nag-vibrate ang cellphone nitong nalalapag sa mesa na ikinapitlag nito dala ng kabiglaan!
Napalunok ito at nangatal ang kamay na inabot iyon. Nagsalubong pa ang mga kilay na mabasang si Anton ang caller.
"Hello, Anton?" bungad nito na inilapat sa tainga ang cellphone.
"Hello po, Ma'am. Nurse po ito mula sa San Lorenzo's hospital. Nandidito po si sir at malubha ang lagay. Naaksidente po kasi siya at kayo ang huling sinasambit niya." Wika ng babae sa kabilang linya na ikinanigas nitong nabitawan ang cellphone sa narinig!
"A-anton. . . ."