"Adelina!" Halos magsilitawan ang ugat sa leeg ni Pasita sa lakas ng pagtawag niya kay Adelina pero hindi na ito nakinig sa kanya. Sumugod na ito kung nasaan sina Lindo, Carlo, at Mark. Habang siya ay nakatayo lang at nakamasid sa babae habang kuyom-kuyom ang kanyang magkabilang kamay. Hindi niya lubos akalaing ilalantad ng babae ang tunay nitong pagkatao. Akala niya'y patuloy itong maglilihim; na itatago nito ang sikreto hanggang sa magawa nito ang pakay nito. Oo, alam na niya ang sikreto ni Adelina. Matagal na siyang nagdududa sa biglaang pagdating nito sa mansyon ni Amadeo, pero nitong nakaraan lang niya nalaman na isa pala itong assassin na ipinadala ni Maximo. Sa katunayan ay naghihintay lang siya ng pagkakataon na komprontahin ang babae. Gusto niyang siya muna ang kumausap dit

