MAX
Maaga akong nagising. Agad na akong naghanda ng almusal ko, mula sa tirang ulam ko kagabi at sa bahaw na kanin. Sinangag ko lang iyon. Matapos kong kumain ng almusal ay agad na akong nagligo at naghanda para pumasok sa trabaho. Maaga ang pasok ko kaya mabilis ang mga kilos ko. Kapag nasa syudad ko pala ay hindi pwede ang pabagal-bagal, parang ang bilis ng oras.
Sinuot ko na ang shoulder bag ko na may lamang extra shirt at baon kong pagkain para sa tanghalian. Pritong itlog ang ulam ko para mamaya. Kinuha ko na rin ang cellphone ko at napakunot pa ang noo ko nang makitang may mahigit thirty messages doon. Grabe, wala ba talagang magawa sa buhay ang bugok na iyon at tinadtad ako ng text. Hindi ko na binasa ang mga text niya dahil alam kong wala namang mga kwenta ang mga text niya. Kilala ko na ang bugok na iyon. Walang matinong ginagawa sa buhay niya. Hindi ko nga alam kung bakit ako ang tini-text niya kagabi.
Sinilid ko na lang sa bulsa ko ang selpon ko at lumabas na ng apartment ko. Sinigurado kong naka-lock ang pinto bago ako tuluyang umalis. Papasok ako sa trabaho habang nakasalubong ko si Suzy sa hagdan na nadarating pa lang.
“Hi, Max,“ nakangiting bati niya sa akin. “Good morning."
Kumunot ang noo ko nang mapansin kong parang namumula ang mga mata niya. Hindi ko alam kung dahil sa kulang siya sa tulog o umiyak siya. Agad naman siyang umiwas ng tingin sa akin nang mapansin niyang nakatitig siya sa akin.
“Okay ka lang?” tanong ko sa kaniya.
Ngumiti siya sa akin, pero hindi ako mahina para hindi ko ma-gets na pilit lang iyon. Baka may problema talaga siya. Kahit naman ganiyan siya, hindi naman ibig sabihin hindi siya nagkaka-problema.
“Oo naman, sige, pumasok ka na. Baka ma-late ka pa,” pagtataboy niya sa akin.
Tumango ako sa kaniya at nilampasan siya para magpatuloy sa pagbaba.
“Ingat ka!” paghabol na sigaw pa nito kaya lumingon ako sa kaniya.
Nakangiting kumakaway siya sa akin kaya nginitian ko siya pabalik. Mukhang may problema siya pero halata namang ayaw niyang magsabi kaya sana maging okay siya kung ano man iyon.
Naglakad ako patungo sa may gilid ng kalsada kung saan maghihintay ako ng jeep na dadaan pero hindi jeep ang huminto sa tapat ko kundi isang makintab na kotse. Pwede na yata akong manalamin sa kintab noon. Unang tingin pa lang, kahit wala akong alam sa sasakyan ay sigurado akong mamahalin iyon.
Nalukot ang mukha ko nang bumaba ang bintana ng kotseng huminto at nasira ang umaga ko nang makita ko ang mukha ni Warren. Malaki ang ngiti nito.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ko sa kaniya.
“Sinusundo kita. Bilang teacher mo, kailangang masigurado kong safe kang pumapasok sa trabaho,” malaki ang ngising saad nito kaya mas nasira ang araw ko.
Teacher-teacher. Back out na ako. Hindi ko na itutuloy iyon. Pakiramdam nabudol lang niya ako.
“Ang aga-aga para sirain mo ang araw ko,” sagot ko sa kaniya.
“Get in, ihahatid na kita,” yaya niya sa akin.
Tumingin ako sa mukha niya at mabilis na akong sumakay sa kotse. Sayang din ang trese pesos kung sakaling mag-iinarte pa ako. Hindi ako tatanggi sa libre, kailangan kong magtipid. Saka ilang beses na niya akong sinundo mula sa kompanya kaya nga minsan sinasabi nila kung hindi raw ako tomboy ay iisipin nila na may relasyon kami sabi ng mga katrabaho ko. Pero lagi kong pinabubulaanan ang bagay na iyon. Nagkataon lang na feeling close si Warren sa akin. Kaya sinasabi ko sa lahat na barkda lang kami, kahit na ang totoo, hindi ko rin alam kong bakit dikit siya nang dikit sa akin.
Napaatras ako nang bigla niyang ilapit ang mukha niya sa akin.
“Seatbelt,” saad nito at akmang kukunin ang seatbelt sa may gilid ng ulo ko pero tinulak ko siya palayo.
“Kaya ko na,” saad ko at mabilis na nag-seatbelt.
Hindi naman niya ako kailangang tulungan sa pagsusuot lang noon.
Nagsimula na siyang magmaneho. Tahimik lang naman ako sa kinauupuan ko. Parang may dumaang anghel sa pagitan namin. Tuwid lang ang tingin ko sa unahan.
“I texted you last night, and why did you not reply?” pagbabasag niya sa katahimikan.
“Wala akong load,” tipid na sagot ko habang hindi tumitingin sa kaniya.
Pero kahit may load ako hindi ako magre-reply sa kaniya. Alam ko naman na walang kabuluhan ang sasabihin niya. Ewan ko ba sa taong ito. Mula nang makilala ko siya, tatlong taon na ang nakakaraan, wala pa siyang ginawang matino para sa akin. Papansin lang talaga masyado.
“Dito na lang,” saad ko nang makita kong malapit na kami sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko.
Hindi pa ito nakikinig kaya pinalo ko siya sa braso kaya napilitan siyang ihinto sa gilid ang sasakyan.
“Pwede naman kitang ihatid hanggang entrance. Balak mo ba akong itago sa mga katrabaho mo?” madramang tanong niya sa akin. “Alam naman na ng lahat na friends tayo.”
Nagtatakang lumingon ako sa kaniya dahil naka-amba na akong bumaba. Nabuksan ko na nga ang pinto.
Ano na naman ba ang pinagsasabi niya?
“Nakalimutan mo na naman bang uminom ng gamot mo?”
“Oo, wala akong kisspirin,” malokong sagot nito.
Inihaya ko sa kaniya ang kamao bago ako mabilis na bumaba. Wala talagang kwentang kausap ang bugok na iyon. Mabilis na akong lumakad pero binusinahan pa niya ako kaya masamang lumingon ako sa sasakyan. Muli itong bumusina ng malakas bago mabilis na pinatakbo ang kotse.
Napailing na lang ako. Minsan talaga malapit ko na isipin may sayad ang lalaking iyon.
Dali-dali na akong pumasok sa building kung saan ako nagtatrabaho at nagpunta sa locker room ko para magpalit ng uniform ko. Naabutan ko pa si Cecille na nagli-lipstick habang nakaharap sa salamin na nakalagay sa likod ng pinto ng locker niya. Habang si Ate Jovita naman ay naghahanda na rin. Ilan lang sila sa mga babaeng kasama ko sa trabaho. Nasa kabilang locker naman ang mga lalaki.
Matapos nitong maglagay ng lisptick ay kinalikot naman nito ang selpon.
“May post ulit si Sir at Si Miss George iyon. Ang sweet talaga nila. Naku, dati ko pa napapansin si Sir na may gusto kay Miss George. Kunsabagay, bagay sila,” kinikilig na saad ni Cecille.
Bago pa lang ako rito pero alam ko na ang tungkol doon. Wala pa akong masyadong alam, maliban sa kapag si Miss G ang nagalit, pati boss namin, nanahimik. Tapos bigla silang nag-announce si Sir na kasal na sila, isang buwan pa lang ang nakakaraan. At sang-ayon din naman ako sa sinabi ni Cecille, bagay nga sila.
Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Cecille. Kahit na ano pa ang mangyari sa buhay ng mga boss namin, labas na kami doon. Kahit ilang beses silang magpakasal, wala naman kaming pakialam. Basta gagawin ko ang trabaho ko.
“Sana all talaga, may mala sir Winston na asawa. Alam mo ang gagwapo rin ng mga kaibigan nila. Hindi ba close din kayo ni Sir Warren?”
Napalingon ako sa kaniya dahil sa sinabi niya.
“Hindi kami close. Nagkataon lang na magkakilala kami.”
“Paano kayo nagkakilala? Hindi naman sa dina-down kita, pero mahirap lang tayo, paano ka nagkameron ng kilalang rich?” curious na tanong niya sa akin.
“Kapitbahay namin sa probinsya ang dating yaya niya. Dumadalaw siya sa bahay nila dati,” maiksing paliwanag ko.
Kinuha ko ang mga gamit ko sa paglilinis at nagsimulang magtungo sa palapag kung saan ako nakatuka. Wala na akong oras para makipagtismisan sa kaniya. May trabaho pa kami. Agad kong kinuha ang mga basura sa maliit na trash bin na nasa ilalim ng mga mesa. Pinunasan ko ang mga alikabok sa mga lamesa. Nagtungo rin ako sa meeting room na nasa gilid. Naglinis ako doon nang biglang pumasok si Shirly.
“Good morning, Shirly Babe,” bati ko sa kaniya.
Siya ang bestfriend ni Miss G. Mabait siya, saka tinatawag ko lang siyang Shirly Babe kasi close kaming dalawa.
“Good morning, Max,” nakangiting bati nito.
Kinuha niya ang folder na nasa ibabaw ng mahabang table at muling lumabas. Pinunasan ko ang table at inayos ang mga chair na naroon. Nang masigurado kong malinis na ang lugar ay lumabas na ako.
Nagpatuloy lang ako sa pagtatrabaho ko. Medyo nakakapagod lalo na kapag nagma-mop pero ang hirap kasing maghanap ng trabaho sa syudad. Ang taas ng requirements pero ang baba ng sweldo. Una nang pinasukan ko ay pagiging cashier sa isang malaking grocery store pero minumum wage lang, tapos kapag short pa ay ibabawas sa sweldo kaya minsan nakakaputangna talaga ang ibang kapitalista, lalo na kapag walang bayad ang overtime. Pero dito sa bago kung trabaho, lahat ay bayad kaya swerte ako na natanggap ako.
Nang dumating ang lunch ay sa locker room lang ako kumain. Kasabay ko si Ate Jovita.
“Alam mo Max, siguro kung hindi ka titibo-tibo, maraming lalaking manliligaw sa iyo,” komento nito habang kumakain kaming dalawa. Napaangat naman ako ng tingin sa kaniya dahil sa sinabi niya. “Pero syempre, iyan ang pinili mo. Sayang lang ang ganda mong bata.”
Mapait akong napangiti. Madaming nagsasabi sa akin na maganda ako. Na hindi raw ako kamukha ng mga magulang ko, pero sabi ni Nanay. Pinaglihi lang daw niya ako sa artista mula sa isang telenovela kaya mukha akong may lahi at iba ang hitsura ko kumpara sa mga kapatid ko. Iniisip ko nga minsan, kaya siguro ayaw sa akin ni tatay dahil hindi ko ako kamukha, hindi gaya ng mga bunsong kapatid ko. Baka namana ko raw sa pinalilihan niya ang mukha ko kaya maganda ako kumpara sa pangkaraniwan, pero sabi ni nanay, pero para sa akin, sumpa ang gandang ito. Kaya nga pilit kong itinatago. Ayaw kong maging maganda sa paningin ng lahat lalo na sa mga mata ng mga lalaki, ayaw kong isipin nilang babae ako.
Ayaw ko nang mapagsamantalahang muli dahil sa mukhang at katawan na meron ako. High school pa lang kasi ako ay malaking bulas na talaga ko. Kahit kinse anyos lang ako dati ay mukha na akong eighteen.
“Hindi ako maganda, Ate Jovita. Hindi mo ba nakita ang hitsura ko ngayon?” tanong ko sa kaniya at sumubo ng kanin. Tinitipid ko ang ulam ko dahil isang itlog lang iyon. Basta kailangan ko lang mabusog kaya madami akong kanin para may lakas ako sa pagtatrabaho.
“Kahit na parang lalaki ka pumorma at kumilos, maganda ka pa rin. Hindi maitatago ang ganda mo, tapos may dimple ka pa kapag ngumingiti. Kung may anak akong lalaki na kasing edad mo, baka pinaligawan pa rin kita,” saad nito na ikinaling ko na lang.
Sanay na akong sabihan ng maganda pero hindi pa rin ako komportable. Hindi rin siya ang unang nanghinayang dahil naging ganito ako pero wala naman silang magagawa sa choice ko.
“Babae ang gusto ko, Ate. Ayaw ko sa mga lalaki,” sagot ko sa kaniya at nagpatuloy sa pagkain.
Hindi naman na ito umimik dahil sa sinabi ko, pero bakas pa rin sa mukha niya ang pagtutol sa sinabi ko. Siguro nirespeto na lang niya ang gusto ko.
Matapos kumain ay nagpababa lang kami ng mga kinain. Sandali ko munang kinuha ang phone ko para tingnan kung may nag-text ba sa akin. May nakita akong isang text pero galing sa network. Hindi ko na sana babasahin iyon dahil baka paalala lang, pero napakunot ang noo ko nang makita kong load iyon.
Agad kong binuksan ang text na natanggap ko at napakunot ako nang makita ang natanggap kong load. Limang libong regular load? Nanlaki ang mga mata ko. Sino ang mayaman na magbibigay sa akin ng ganoon kalaking load? Namali lang ba ng number ang pinagpaloadan nito? Ligaw na load?
Kapag naiisip ko iyon ng cash, buong two months grocery ko na siguro iyon, lalo na at tipid ako sa grocery. Sayang ang laki na sanang pera nito para sa isang gaya ko pero ang nag-load nito sa akin parang wala lang sa kaniya ang halaga na iyon.
Wala naman akong natanggap na text kung kanino iyon galing. Nagpapaload lang ako kapag nagtext na ang kapatid ko at kinse pesos lang ang nilo-load ko, pero kung sino man ang nag-load sa akin, mukhang mayaman at nagsasayang ng pera.
Sana cash na lang binigay niya sa akin kung sino man siya. Aanhin ko ang ganito karaming load? Hindi naman ako mahilig mag-text maliban kong important.
Pwede kaya itong i-convert sa cash para ma-cash out ko na lang?