MAX
Matapos ang maghapong trabaho ay agad na akong nagpalit ng damit ko. Sinuklay ko ang buhok ko at tinali iyon. Mahaba na naman ang buhok ko. Umaabot na iyon sa lampas ng balikat ko. Kailangan ko nang magpaputol muli. Masyado kasi akong busy at wala akong oras na magpagupit. Sinuot kong muli ang sombrero ko bago ko sinara ang locker ko. Nandoon na rin ang ibang kasamahan ko. Napatingin ako jay Cecille na nagli-lipstick na naman. Hindi talaga ito sanay na hindi mapula ang nguso. May pinapapakyutanbkasi yata itong katrabaho namin kaya ganiyan. Medyo malaki naman ang locker namin kaya hindi kami nagsisiksikan dito. Anim kaming babae pero sa pagkakaalam ko ay mas madami ang lalaki.
Nagpaalam na ako sa kanila na uuwi na ako, ang dinig ko kasi ay may balak pa silang gumala saglit pero wala akong balak sumama. Hindi naman sa wala akong pakikisama pero ayaw kong mapagastos. Sayang ang pera, nagtitipid ako. Hindi madaling kitain ang pera kaya kung hindi naman importante ay talagang hindi ako gumagastos lalo na at wala akong maasahan kundi ang sarili ko tapos may umaasa pa sa akin.
Balak ko pa ngang maghanap ng ibang sideline dahil sa gabi naman ay wala akong trabaho. Baka may iba pa akong pwedeng pagkakitaan. Nang makalabas na ako ay may isang lalaking humarang sa akin.
Kumunot ang noo ko. Matangkad siya, may hitsura at malaki ang ngiti. Mukhang may lahi din siya saka halatang mayaman dahil sa nakita kong relo na suot niya.
“Do you know George?” tanong niya sa akin.
Nagtatakang tumingin ako sa kaniya. Hindi ko siya kilala. Bakit hinahanap niya si Miss G? Sigurado ako kapag nalaman ito ni Bossing, uusok na naman ang ilong noon. Si Bossing pa naman ang kilala kong number one na seloso.
Tiningnan ko lang ang lalaki. Baka naman kamag-anak ito ni Miss G? Pero parang may kamukha siya hindi ko lang maisip kung sino. Para bang pamilyar siya sa akin kahit ngayon ko lang siya nakita.
“I am her friend, Morris,” pagpapakilala nito.
Nagdududang tumingin ako sa kaniya. Ngayon ko lang siya nakita. Hindi ko alam kung kaibigan talaga siya ni Miss G.
“Kilala ko siya kasi asawa niya ng boss namin pero kung tatanungin mo ako kung nasaan siya ngayon, hindi ko alam, p're,” sagot ko sa kaniya.
“P're?” nagtatakang tanong niya sa akin at pinasadahan niya ako ng tingin.
“May problema ka ba?” maangas na tanong ko sa kaniya. Hindi ba niya nakita sa porma ko na hindi ako straight na babae? Naka-oversize shirt ako na puti, may sombrero na balikatd ang suot ko at nakapantalon akong hindi fit at rubber shoes.
Kahit anong angas ang gawin ko, bakit ba walang nag-iisip agad na Tomboy ako? Parang ayaw maniwala ng kahit na sino.
Umiling ito at ngumiti sa akin. Mukha naman siyang mabait pero sa panahon ngayon, mahirap ng magtiwala.
“Sige, mauna na ako,” pagpapaalam ko sa kaniya pero hinarang niya ang kamay niya kaya napahinto akong muli at tumingin sa kaniya.
Ano pang kailangan niya?
“I don't know, but I like your—”
“She's mine, you can't like her.” Biglang may umakbay sa akin at napatanga ako sa nagsalita.
Kumunot ang noo ko nang makita ko kung sino iyon. Si Warren. Anong ginagawa niya rito? Bakit bigla na lang siyang sumusulpot?
Tumawa ang lalaking kaharap namin.
“Don't get me wrong. It's not what you think. I—”
“Huwag ka nang magpaliwanag,” putol ni Warren sa sasabihin ni Morris. Sinimangutan pa nito si Morris.
“You are still the same, Smith.”
“And you as well, Fletcher,” sagot ni Warren kaya napatingin ako sa kaniya.
Ibig sabihin magkakilala silang dalawa.
“If I were you, I will not show my face with Winston. You know what will happen if he finds out that you are coming here. Why are you even here?” tanong ni Warren habang nakatingin ng matalim kay Morris.
Hindi sumagot si Morris. Ngumisi lang ito bago itinaas ang dalawang kamay at walang imik na tumalikod kaya napasunod ako ng tingin sa kaniya.
“Pinopormahan ka ba ng gagong iyon?” tanong ni Warren ng makaalis na si Morris kaya malakas ko siyang siniko sa tagiliran. Napalayo siya sa akin habang hawak ang tagiliran niyang nasaktan. Ang arte niya, ngumingiwi pa siya ngayon na akala mo ay nasaktan talaga.
May ibang empleyado ng Gallado ang tumitingin din sa amin dahil kay Warren. Kilalang-kilala siya dito dahil bestfriend siya ni Bossing pero marami ring naiintriga tungkol sa aming dalawa kahit lagi kong sinasabi sa amin na tropa lang talaga kami. Meron lang talagang iba na malikot ang utak, kaya ginagawan kami ng issue. Masyado kasing madikit itong bugok na ito.
Clingy masyado kahit tropa lang naman kami. Giniit nga lang niya pagiging tropa namin, napilitan lang ako pumayag sa kaniya.
“Max, ganiyan ka ba talaga? Masyado kang sadista?” maarteng saad nito habang nasasaktan pa kunwari.
Hindi ko siya pinansin at nilampasan ko na siya. Pagod ako, naglinis pa ako ng comfortroom mag-isa sa thirdfloor kanina kaya gusto ko nang magpahinga tapos nandito na naman siya.
Biglang may humawag sa kamay ko at kahit hindi ko tingnan kung sino iyon ay kilala ko na. Sa laki pa lang ng kamay niya, alam kong si Warren na iyon.
Hinila niya ako papunta sa kotse niya. Agad niyang binuksan ang passenger seat at malakas na itinulak ako papasok sa loob kaya tiningnan ko siya ng masama nang muntik na akong masubsob.
Nginisihan lang naman niya ako at sinara ang pinto nang maayos na akong makaupo. Walang ka-gentleman-gentleman sa katawan. Hindi naman sa sinasabi ko na maging gentleman siya sa akin dahil hindi kailangan pero itinulak talaga ako ng bugok para lang makapasok.
“Bakit ba palagi mo akong sinusundo?” tanong ko sa kaniya. Palagi akong nakakatipid ng pamasahe dahil sa kaniya pero palagi rin niyang pinapainit ang ulo ko.
“Anong gusto mo? Si Morris ang maghatid sa iyo?” mainit ang ulo na tanong nito kaya nagtatakang tumingin ako sa kaniya. Inilagay ko ang bag ko sa kandungan ko bago humarap ng upo sa kaniya.
“Alam mo, ang dumi ng utak mo.” Tinuro ko pa ang ulo niya. “Hindi ko nga kilala iyong tao pero pinag-iisipan mo na agad kami ng masama. Saka alam mo naman na hindi lalaki ang gusto ko, kaya bakit ko siya papatulan? Tinatanong lang naman niya sa akin si Miss G. Hindi ko rin alam na kilala mo pala siya,” mahabang paliwanag ko.
Hindi ko alam kung bakit nagpapaliwanag ako sa kaniya. Siguro dahil kung ano-ano na naman iniisip niya.
“Kapag lumapit siya, iwasan mo,” seryosong saad nito.
“Bakit naman?”
“Basta, sundin mo na lang ang sinasabi ko. Bakit ba ang dami mong tanong?”
Napasimangot ako at nangigigil na tumingin sa kaniya. Umirap pa ako bago ako naupo ng maayos. May ugali din minsan ang bugok na ito.
“Ikaw nga hindi ko iniwasan kahit gusto ko tapos uutusan mo ako na iwasan ko siya kahit wala naman siyang ginagawang masama sa akin,” sagot ko sa kaniya.
Bakit parang galit siya kay Morris? HIndi ko iyon kilala dahil kakilala ko pa lang sa kaniya pero mukha namang mabait ito. Hindi ko lang alam kung ano ang problema sa kaniya ni Warren.
“So ako iniiwasan mo tapos siya wala kang balak iwasan? Nice one, Princess Hannah Mae,” may sarcasm ang boses nito ng magsalita kaya muli akong napalingon sa kaniya.
Traffic kaya parang pagong ang usad ng sasakyan. Tapos parang mainit pa ang ulo nitong kasama ko ngayon.
“Hindi naman sa ganoon. Hindi naman kita iniiwasan.”
“Hindi? You did not even bother to reply with my texts. Sabi mo wala kang load kaya binigyan kita, pero hindi ka pa rin nagre-reply,” pikon na saad nito.
Mabilis na kinuha ko ang phone ko sa bag ko. Madami na naman ngang text doon. Sa kaniya galing ang load ko? Baliw ba siya? Bakit binigyan niya ako ng ganoon kadaming load?
“Sa'yo galing iyon?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
“Bakit may iba pa bang magbibigay sa iyo?” masungit na tanong niya at tumingin sa phone ko. Napahawak ako sa may gilid ko nang bigla niyang niliko ang kotse.
Nagtatanong lang naman ako, bakit galit ba agad siya? Mas may toyo pa sa babaeng may regla ang bugok na ito.
“Teka? Saan tayo pupunta?” tanong ko sa kaniya nang mapansin ko na tila hindi naman papunta sa apartment ko ang tinatahak naming daan.
“You need to change your phone. Baka dahil sa sobrang luma niyan kaya hindi mo nakikita ang mga text ko kaya hindi ka nagre-reply sa akin,” sagot niya. Hindi nakaligtas sa akin ang pagsimangot niya.
Napatingin ako sa cellphone na hawak ko. Alam kong hindi na ito sa panahon ngayon. Puro touchscreen na ngayon pero hindi naman ibig sabihin na hindi na pwedeng pakinabangan ang cellphone ko. Maayos pa naman ito, gumagana pa. Hindi lang talaga ako nagrereply sa kaniya dahil wala naman siyang matinong sinasabi. Isa pa nasa trabaho ako kanina, hindi na naman pwedeng mag-cellphone ako nang mag-cellphone.
“Hindi na. Gumagana pa naman ito,” tutol ko sa kaniya at ibinalik ang cellphone ko sa bag ko.
Isa pa wala akong pambili. Malapit na naman ang bayaran ng tuition ng kapatid ko kaya hindi ko pwedeng gastusin ang perang hawak ko dahil ipapadala ko iyon sa kaniya. Okay lang naman sa akin kahit na anong klaseng selpon pa ang gamit ko. Mahalaga nakokontak ako kapag may emergency. Hindi ko naman kailangan ng mamahalin, baka maging mainit pa iyon sa mata ng snatcher. Kasi kapag itong phone ko ang gamit ko kahit ilabas ko pa habang nakasakay ako sa jeep, walang hahablot.
“Gumagana pa pala pero kahit isang reply bakit hindi mo magawa?” nagtatampo pa ang boses nito.
Napakamot ako sa kilay ko dahil sinabi niya. Daig pa namin ang mag-jowa ngayon. parang girlfriend ko siya na nagtatampo kasi hindi ako nakapag-reply, iyon nga lang lalaki siya. Pero ang dami niyang kaartehang taglay.
“Busy nga ako, isa pa, sayang iyong load. Ang laki-laki, alam kong mayaman ka pero hindi mo sana ako pinaloadan ng ganoon kalaki.” Nai-stress ako sa lalaking ito.
Sayang ang pera. Alam kong mayaman siya at maaring barya lang sa kaniya ang pinaload niya sa akin pero sayang pa rin lalo na at hindi ko naman ginagamit. Hindi naman ako mahilig mag-text, hindi gaya niya na sobrang daming text. Wala ba siyang ginagawa?
“Okay lang naman na paloadan kita kahit magkano basta magreply ka. Saka binibigyan kita ng ibang trabaho ayaw mo. Mas malaking sweldo.”
Nang malaman niyang nagtatrabaho ako sa Gallado Corp bilang isa sa mga janitress doon ay inofferan talaga niya ng trabaho pero tumanggi ako lalo na at siya ang magiging amo ko. Ayaw ko siyang maging boss. Maayos naman ang trabaho ko ngayon, nakakapagod pero lahat naman talaga ng trabaho nakakapagod, tyagaan lang.
Isa pa, kapag siya ang naging boss ko, mas lalong hindi niya ako tatantanan. Baka mas ma-stress ako kapag siya ang boss ko.
Huminto kami sa parking lot ng isang mall. Wala na akong nagawa kundi ang bumaba at sumunod sa kaniya.
“Warren, huwag na tayong bumili. Okay pa naman itong selpon ko. Natatawagan pa naman ito, hindi lang talaga ako nagre-reply kanina kasi alam kong wala ka namang matinong sasabihin,” saad ko habang humahabol sa kaniya. Hindi ako mababa pero mataas siya sa akin at mahahaba ang mga biyas niya kaya malaki siya humakbang.
“No, you need a new one. Masyado nang luma iyang gamit mo.”
“Pero wala akong pambili. Sini-save ko ang pera ko,” saad ko at sabay kaming huminto. Humarap siya sa akin.
“Sabi ko bibili tayo, hindi ko naman sinabing ikaw magbabayad.”
Napanganga ako sa kaniya. Bakit naman niya ako bibilihan ng selpon?
“Alam kong mayaman ka pero hindi mo ako kailangang ibinili ng selpon,” awat ko sa kaniya nang muli siyang humakbang papunta sa may escalator.
“Don't worry, hindi kita sisingilin. Libre ito,” sagot nito at hinawakan pa ang kamay ko bago ako hinila pasakay sa escalator. May ibang babaeng tumitingin sa amin.
Siguro dahil gwapo kasama ko tapos tomboy pormahan ko. Baka kung ano-ano na iniisip nila. Kung gusto nila sa kanila na ang lalaking ito. Inagaw ko ang kamay ko na hawak ni Warren pero ayaw niya akong bitiwan. Tiningnan ko siya ng masama pero hindi pa rin niya ako pinapansin.
“Bitawan mo ako,” utos ko sa kaniya nang makarating na kami sa taas.
“Baka mawala ka. Mamaya na kapag nakabili na tayo,” balewalang sagot nito.
“Bakit kasi bibili pa? Nagsasayang ka lang ng pera.”
“Okay lang magsayang, basta…” Tumingin siya sa akin pero hindi naman niya tinuloy ang sasabihin. “Sabi mo nga mayaman ako kaya okay lang na bilihan kita ng kahit ano.”
“Kahit na. Hindi naman porke't mayaman ka magsasayang kana ng pera.”
“Huwag mong isipin ang pera ko, ako ang isipin mo.” Ngumisi siya.
“Bakit naman kita iisipin? Ano ba kita?”
Nawala ang ngisi sa mukha niya. Biglang hindi maipinta ang mukha nito.
“Basta, umuwi ba tayo. Huwag na tayong bumili,” saad ko nang nasa labas na kami ng isang store na bilihan ng selpon.
“Max, huwag matigas ang ulo. Teacher mo ako dapat nakikinig ka sa akin.”
Asar na tumingin ako sa kaniya dahil sa sinabi niya. Nginisihan naman niya ako bago hinila papasok sa tinadahan ng selpon na nasa tapat namin.
Teacher niya mukha niya.