MAINGAT na ibinaba ni Genna ang coffee mug sa mesa. "Bakit mo 'to ginagawa, Seigo?"
He slowly opened his eyes. Walang emosyong mababasa sa mukha ng binata habang nakatingin sa kanya. "Gusto kong maghiganti. Gaya ng sinabi ko, ipaparanas ko kay Melvin ang mga naranasan naming hirap ni Mama noon. Pinlano ko ang lahat ng ito. Isinali ko siya sa grupo natin para maranasan niya kung paano magkaroon ng mga kaibigan. At sa huli, babawiin ko rin sa kanya ang lahat. Sisirain ko siya sa inyo. That was the plan because I wanted him to feel the pain of losing a loved one—of losing his treasured friends the way I lost my mother because of his family," punong-puno ng galit na wika nito.
"But Melvin's still your brother."
"He's still a Wu."
Natigilan si Genna. Ibang-ibang Seigo na ang nasa harap niya. His eyes were full of hatred, his voice was cold, and she felt she was already losing him. Isang alaala na naman ang bumalik sa kanyang isip. It was during the opening ceremony when she entered Armstrong Academy as a freshman along with her friends.
Masayang-masaya si Genna habang hinihintay ang tinimpla niyang kape sa coffeemaker. Naroon siya sa Home Economics room. Naiinip kasi siya sa speech ng principal kaya tumakas siya at nagpunta roon.
"Hmm. Skipping class just to brew coffee, huh? You're brave, little girl."
Napasinghap siya. Pagpihit niya paharap, napakurap siya nang sumalubong sa kanya ang isang pamilyar na guwapong mukha. Nakasuot ang binata ng itim na jacket, puting polo sa ilalim, pulang necktie, at itim na pantalon—uniporme iyon ng Armstrong Academy!
Sumaludo ang binata sa kanya. "Kumusta, Genna?"
"Seigo! Dito ka na nag-aaral sa Armstrong?" tuwang-tuwang bulalas niya.
Ngumiti ito. "Nagulat ka?"
Nilapitan niya ang binata. Lalo itong tumangkad at lalong gumuwapo. "I don't believe this! Paano?"
Tinapik-tapik nito ang ulo niya. "I'm now Seigo Alicantre, bunsong anak ni Leonardo Alicantre—ang may-ari ng pinakamalaking airline company sa Pilipinas."
Muli siyang napasinghap. "Really?"
"Yes. He adopted me. I'm lucky, don't you think?"
Nakangiting umiling siya. "Siya ang masuwerte sa 'yo dahil naging anak ka niya."
Bigla itong nag-iwas ng tingin at itinakip ang kamay sa bibig. "Halos dalawang taon tayong hindi nagkita pero wala pa ring nagbago sa 'yo."
Lumabi siya. "Ano ka! Tumangkad kaya ako! Saka mas masarap na 'kong magtimpla ng kape ngayon!" Chubby pa rin nga lang ako.
Hinarap uli siya ni Seigo. Nakataas ang isang kilay. "Talaga?"
Nakangiting inilahad niya ang kamay. "Gusto mong tikman?"
Dumako ang tingin ng binata sa kanyang palad. "You really haven't changed at all, Genna." Tinanggap nito ang kamay niya.
Hinila niya si Seigo papunta sa mesa kung saan nakapatong ang coffeemaker. "Pagkatapos nating uminom ng kape, ipapakilala kita sa mga kaibigan ko. Mga kapitbahay ko rin sila sa Luna Ville."
"Luna Ville? Alam mo bang nakabili ng bahay si Daddy sa Luna Ville at lilipat na ko ro'n sa isang linggo?"
Nilingon niya ang binata. "Talaga?"
Nakangiting tumango ito. "Great, isn't it?"
Lumuwang ang kanyang ngiti. "It really is!"
"May pakiusap lang sana ako sa 'yo, Genna. 'Wag mo sanang banggitin sa kahit sino ang nakaraan ko. Ayaw kasi ni Daddy na pinag-uusapan ang pag-ampon niya sa 'kin. He wants everyone to think that I'm his real son," pakiusap ni Seigo.
Tumango siya. "Kung 'yan ang gusto mo, itatago ko ang sekreto mo." Itinaas pa niya ang kanang kamay. "Pangako."
Sa kanyang pagkagulat, ipinatong ni Seigo ang kaliwang palad nito sa kanang palad niya. Pagkatapos ay ngumiti. "At pinapangako ko naman na poprotektahan kita sa lahat ng oras dahil ikaw ang unang taong nagpasaya sa 'kin."
"You promised to protect me, Seigo. Pero sinaktan mo pa rin ako," mapait na wika ni Genna matapos sariwain ang alaalang iyon.
Hindi sumagot ang binata.
Lalo siyang nasaktan sa pananahimik nito. "Hindi ba puwedeng ang maging paghihiganti mo na lang sa pamilya Wu ay ang ipakita sa kanila na masaya ka na sa buhay mo? Sa bago mong pamilya? Hindi ba mabuti naman sa 'yo sina Tito Leonardo?"
Umiling si Seigo. "Alam mo ba kung ano'ng pinakamasakit na ganting maibibigay ko sa lalaking umabandona sa mama ko? 'Yon ay ang makita niyang nasasaktan at nahihirapan ang pinakamamahal niyang anak. So I won't stop hurting Melvin until the old man kneels down in front of me and begs for my forgiveness. I will hurt my brother and all of the people he loves until they leave him."
"Sasaktan mo ang lahat ng malapit kay Melvin para mapilitan sila na layuan siya... including me?"
Deretsong sinalubong ni Seigo ang kanyang tingin. "Yes. Including you."
Lalong kumirot ang puso ni Genna. "Hindi kita mapapatawad kapag sinaktan mo ang mga kaibigan ko."
Malungkot na ngumiti ang binata. "Hindi ko hihingin ang kapatawaran mo. I don't deserve it anyway."
Ikinuyom niya ang mga kamay. Nasasaktan na siya sa itinatakbo ng kanilang usapan. Hindi na si Seigo ang matalik niyang kaibigan.
"This is the last time we're going to talk as best friends. The next time we meet, the next time you hurt my friends, we're going to be enemies," aniya sa mapait na tinig, saka siya tumalikod.
Pero nakakailang hakbang pa lang siya nang magsalita si Seigo.
"Mahal na mahal ni Mama ang Botanical Garden na ito noong nabubuhay pa siya. Siya ang humiling na itayo ito noong estudyante pa siya rito. Parati niya 'yong ikinukuwento sa 'kin. Ito ang dahilan kung bakit nasa Armstrong Academy ako. Dahil ito na lang ang nag-iisang lugar kung saan buhay na buhay ang alaala niya. Genna, sa pag-alis ko, sana ay alagaan mo pa rin ang Botanical Garden. 'Yon na lang ang huli kong hiling sa 'yo."
"I will," mahinang sagot niya, saka siya naglakad palayo. Subalit nang nasa pinto na siya ay natigilan siya. "Seigo, I'm sorry."
Ilang sandali itong walang imik. Then, she heard him chuckle dully. "It's not your fault, silly girl."
Napaiyak na lang siya, sabay takbo palabas. Naiintindihan pala ni Seigo ang sinabi niya. Kasalanan niya kung bakit ito nagkaganoon.