-=Jake's Point of View=-
Hindi pa din ako makapaniwala na ang isang katulad ni Arnold Saavedra ay mag-aaksaya ng oras para iligtas ang isang gaya ko, sino ba naman ako kumpara sa kanya.
Hindi ko mailayo ang tingin ko sa papalayong figure nito hanggang tuluyan na itong mawala, ilang minuto din ang ginugol ko sa labas bago ako magdecide na pumasok sa tinutuluyan kong kuwarto.
Naabutan ko pa ang natutulog kong roommate na si Jonas, isa itong call center agent na nagtatrabaho sa Quezon City din, taga-Pampanga talaga ito, at upang makatipid ay minabuti nitong umupa ng bed space kaysa araw araw itong umuwi.
Katulad nang ibang tao ay alam ko naman na hindi ako nito gusto, pero kumpara sa iba ay hindi naman ako nito pinakitaan ng masama na labis kong naappreciate. Sobrang hirap na ang pinagdadaana ko sa school at least sa bahay ay hindi ganoon.
Mabilisan ang ginawa ko bago ako humiga sa kama ko, nag-iisip ako kung paano ko ba mapapasalamatan si Arnold, kasabay din non ay hindi ko maiwasang hindi maisip kung ano ang maaring gawin ni Professor Castro hindi lang sa akin kung hindi pati na din kay Arnold.
"Ano ba Jake! Ang kailangan mong isipin ay kung paano mo mapapasalamatan si Arnold bukas." kastigo ko sa sarili.
Patuloy ako sa pag-iisip hanggang tuluyan na akong talunin nang antok.
Napanaginipan ko pa ang ginawang pambababoy sa akin ni Professor Castro, kaya labis na kilabot ang dinulot nito sa akin, mabuti na lang ay dumating si Arnold na tila ba isang tagapagligtas.
Bandang alas nueve ako nagising nang umagang iyon, sobrang dami nang nangyari sa akin kahapon, but for some reason ay panatag ang isip ko, pakiramdam ko nga walang kahit na anong bagay ang makakasira sa araw ko ngayon.
Namulatan ko naman si Jonas na bihis na bihis na at handa nang pumasok sa trabaho, and for the first time mula nang magkasama kami sa kuwarto ay binati ko iton nang magandang umaga.
"Good morning." nakangiti kong bati dito, habang nag-iinat inat.
Kita ko naman ang pagkagulat nito sa naging pagbati ko lalo nga't hindi naman talaga kami nagpapansinan, ngunit ni hindi man lang ako nito pinansin at agad na itong umalis.
Pinagkibit balikat ko na lang ang naging reaksyon nito, pinangako ko na sa sarili ko na hinding hindi na ako basta magpapaapekto sa mga simpleng bagay katulad nang pang iisnob sa akin ng roommate ko.
Naisipan ko nang bumama na para magpunta sa kusina, nasa baba first floor iyon, naabutan ko pang nagluluto si Aling Helen na siyang landlady namin nang almusal.
"Good morning po Aling Helen." ang magalang kong bati dito, nginitian ko pa ito, which is another first, tahimik lang kasi ako madalas kapag may nakakasalamuha ako.
"Magandang umaga din naman Jake, umupo ka na para makapag-almusal ka na. Umalis na nga pala ang roommate mo." ang sinabi naman nito.
Bigla akong nakaramdam nang pagkalam ng sikmura nang maamoy ko ang sinangag at tuyong niluto nito, agad na akong pumuwesto at ilang sandali nga lang ay nilalantakan ko na ang mga niluto nito.
"Oo nga pala, muntik ko nang malimutan, nagtext pala sa akin ang inaplayan mo." ang sabi nito sabay abot sa akin ng cellphone nito.
Wala kasi akong cellphone kaya naman nakiusap ako kay Aling Helen na gamitin ko ang number nito para sa contact ko, in case nga na tawagan ako ng inaplayan ko.
Excited ko namang binasa ang text mula sa Mcdonalds. Sa bandang SM North Edsa ako nagdecide mag apply dahil malapit lapit iyon sa tinutuluyan ko, ayon sa text message ay may final interview ako sa July seventeen nang alas dose nang tanghali, pinapaalala din nito na magdala ako ng ballpen at isang valid ID.
"Wait! Anong date po ngayon?" tanong ko kay Aling Helen.
"July seventeen." sagot naman nito.
Sa narinig ay agad akong kong tinatapos ang kinakain ko at nagmamadaling naligo at nag-ayos ng sarili, mag-aalas onse na din kasi, at mahigit trenta minutos din ang kinakailangan ko para makarating sa SM.
Inabot din ako ng mahigit thirty minutes pag-aayos bago ako nakarating sa sakaya ng jeep, mula naman doon ay inabot din ako ng thirty minutes, mabut na lang talaga at nakaabot ako sa final interview ko, kailangan kailangan ko pa naman ng trabaho dahil nauubos na ang naipon ko nang nasa Davao pa ako.
"Last question Mr. Angelo, ano ang sa tingin mong macocontribute mo sa amin?" ang huling tanong sa akin ng interviewer.
"Sa tingin ko pa ay ang pagiging masipag at tapat ko sa lahat ng bagay. Makakaasa po kayo na ibibigay ko ang one hundred percent ko sa trabaho." sagot ko naman dito, pinigilan kong manginig ang boses ko at baka isipin pa nitong nagsisinungaling ako.
Naghintay pa ako ng thirty minutes matapos ang final interview ko, mas matagal pa nga ang naging paghihintay ko kaysa sa mismong interview ko na inabot lang ng fifteen minutes.
Katulad nga ng kasabihan, good things will come to those who waits. Nakuha ako sa trabaho! Magsisimula ako pagkatapos ng isang linggo, kailangan ko pa kasing magpamedical at kumuha ng mga kailangan kong requirement sa trabaho.
Didiretso na sana ako sa school para pumasok kahit na nga ba ilang subject na lang ang mapapasukan ko nang matigilan ako ng mapadaan ako sa blue magic, may nakita kasi akong isang cute stuffed toy na aso, bigla kong naalala si Arnold habang nakatingin sa laruan na iyon. Isang ideya ang naisip ko at matapos nga noon ay agad na akong umalis sa mall.
Habang sakay ng jeep papasok sa school ay hindi ko naman mapigilang hindi mangiti habang pinagmamasdan ang azul na paper bag na hawak ko. Nakalagay kasi doon ang laruang aso na binili ko para kay Arnold. May kaunting kaba din sa dibdib ko dahil baka hindi nito magustuhan ang ibibigay ko.
Ilang subjects ang hindi ko napasukan nang araw na iyon, pero hindi naman siguro masyadong maaapektuhan non ang grades ko.
Bahagya akong nagulat nang makita ko ang mga nagkakagulong mga estudyante, base sa pag-uusap nila ay may kung anong meron nangyari.
"Ano kayang meron?" sa loob ko, hindi magkanda ugaga ang lahat para makiusyoso sa mga kakilala nito.
Pinagkibit balikat ko na lang ang kung anumang merong nangyayari ngayon, may iba akong bagay na kailangan gawin at iyon ay ang pasalamatan nang maayos si Arnold.
Minabuti kong hanapin ito sa gym kung saan nabalitaan kong madalas itong naglalagi dahil player ito nag basketball team, at madalas doon sila nagpapractice, ngunit sa dismaya ko ay hindi ko ito nakita doon.
"Nasaan ka na ba Arnold?" frustrated kong naibulalas, kanina pa kasi ako ikot ng ikot sa buong campus, pero ni anino nito ay hindi ko nakita.
Nagdecide akong bumalik sa gymnasium upang icheck uli kung nandoon si Arnold, ngunit bigla akong natigilan ako nang marinig ko ang pinag-uusapan ng ilang mga estudyante.
"I heard na binugbog daw ni Arnold Saavedra si Professor Castro, at ngayon nga ay nasa chancellor's office sila dahil nireport ni Prof si Arnold, at ngayon nga ay merong admin hearing." saad ng isa sa mga ito.
"Pero... bakit naman gagawin ni Arnold iyon, for sure merong dahilan kung bakit mananakit si Arnold lalo na't Professor ang binugbog niya. He don't seem like a guy na basta basta na lang mananakit." kastigo naman ng kasama nito.
"Hindi ko din alam, pero base sa narinig ko ayaw niyang magsalita para depensahan ang sarili niya laban sa paratang ni Professor Castro." sagot nito.
Hindi ko na tinapos ang pakikinig sa pag-uusap nila at agad akong tumakbo sa lugar na tinukoy nito.
"Hintayin mo ako Arnold." sa loob loob ko, sa labis na pag-aalala ay nawala na sa isip ko ang hawak kong paper bag kaya naman tuluyan ko itong nabitawan.