“Nagsasabi naman ako nang totoo, ha?” pasigaw na sagot ko sa kaniya. “Saka bakit ka ba nandito? Naiihi na ako!”
Mabilis akong pumasok sa bakanteng cubicle at saka isinara ang pinto. Syempre, hindi ko kinalimutang i-lock ang pinto. Mahirap na baka masilipan.
Kahit pa naman sabihin na hindi niya gagawin iyon, wala akong pakialam! Hindi ko naman siya gaanong kilala maliban sa pangalan niya.
Hindi ako interesado sa totoong tao. Mas gugustuhin ko pang maging interested sa mga fictional character sa librong binabasa ko.
Kasi nakakakilig sila! Well, may times na red flag sila pero ayos lang. Wala naman kasing perpektong lalaki sa mundo.
Ang pinagkaibahan lang kasi ng mga totoong tao talaga at fictional character ay may character development sila habang ang mga totoong tao, ay susko! Wala! Kung ano ang ugali nila, iyon na.
Kaya naman kahit gaano pa kaguwapo si Gillean, hinding-hindi ako magpapabilog. Mukha lang siyang lumabas sa libro pero wala akong tiwala.
Paglabas ko ng cubicle, sumalubong sa akin ang lalaking nakasandal ang pang-upo sa sink.
Nakatingin siya sa aking gawi. Kaya inirapan ko siya at kaagad na inilabas ang alcohol sa aking bag nang kahit papaano ay matanggal naman ang dumi sa aking kamay.
“Bakit hindi ka pa lumabas?” tanong ko sa kaniya. “Hindi ka na nahiya. Mamaya maraming tao sa labas.”
“Wala,” simpleng bulong niya.
“Sure ka? Wala ka namang mata sa labas,” pilosopong sagot ko sa kaniya.
Inilabas ko naman ang aking powder at kaagad na nag-retouch. Medyo oily na kasi ang mukha ko. Kaya dapat na itong patungan ng powder para kahit papaano ay fresh pa rin.
“Uminom ka?” tanong niya sa akin para putulin ang katahimikang namayani sa amin.
“Kaunti,” maikling sagot ko sa kaniya. “Pero teka nga.”
Mabilis ko siyang nilingon pero kaagad akong umatras dahil nagulat akong nakatitig pala siya sa akin.
Masyado kasi akong naka-focus sa mukha ko habang nagpa-powder ako. Kaya hindi ko talaga napansin na tinititigan niya ako.
“What?”
“Bakit ka ba kasi nandito?” nanghihinang tanong ko sa kaniya.
Ngumisi naman siya sa aking tanong at kaagad na lumapit sa akin. Yumuko rin siya para kahit papaano ay magkapantay ang aming mukha.
Mas lalo naman akong nalula sa kaniyang pagtitig sa akin na naging dahilan para manuyo ang aking lalamunan at mapaawang na lamang ang aking labi sa gulat.
“I was just checking you,” seryosong bulong niya. “Uminom ka kasi ng alak. Hindi ko naman alam kung paano ka malasing.”
Kumalabog ang puso dahil parang narinig ko na ang salitang iyon. Kung hindi kasi ako nagkakamali ay sinabi iyon ng isang bida sa binabasa kong libro lalo na iyong nagpunta ang babae sa bar para uminom kasama ang mga kaibigan niya.
Iba pala ang pakiramdam kapag naririnig mo na iyon sa ibang tao at hindi na lang basta sa isang libro.
Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kumakabog ang puso ko sa sobrang saya. Hindi naman ako kinikilig sa mga ganitong klaseng banat.
Kaso bakit kapag si Gillean na ang magsasabi, kumakalabog nang husto ang dibdib ko?
“Hindi mo ako madadala sa ganiyan,” nauutal kong usal sa kaniya.
Umangat naman ang kaniyang kilay sa aking naging turan lalo na at parang nainsulto siya sa aking sinabi.
Nagsasabi lang naman kasi ako nang totoo na hindi niya ako madadala sa mga ganiyang banat niya.
Oo nakakakilig pero hindi ako mahuhulog sa kagaya niya.
“I wasn’t even joking, Valerie Kaye,” paliwanag ni Gillean sa akin. “I’m just saying the truth.”
“Truth mo mukha mo! Narinig ko na iyan!” sigaw ko sa kaniya.
Inilagay ko naman kaagad ang powder ko sa aking bag at nagtangkang lagpasan siya nang sa gayon ay makaalis na ako sa lugar na ito.
Uuwi na kasi talaga dapat ako pero si Gillean, bigla niyang naabot ang aking siko at kaagad na isinandal ako sa pinto.
Nanlaki naman ang aking mga mata lalo na nang ilagay niya ang kaniyang magkabilaang kamay sa aking gilid para lamang hindi ako makatakas.
Nagtama ang aming mga mata at bahagya akong natuod sa aking kinatatayuan dahil sa sobrang kaba.
“Saan mo narinig?” tanong niya sa akin.
Hindi naman ako makapagsalita nang medyo bumaba ang kaniyang boses na para bang may bahid pa nang paglalambing.
Hindi ko sigurado kung tama ba ang aking naririnig pero sinubukan kong huwag pansinin iyon dahil baka mamaya ay nagkamali lang ako.
Binasa ko ang aking ibabang labi gamit ang aking dila at kaagad na inilihis ang aking mga mata.
Dumaan din ang pabango niyang hindi gaanong matapang na naging dahilan para ako ay mas lalong kabahan.
Natatakot din ako na baka marinig niya ang kabog ng dibdib ko. Kasi paanong hindi? Halos mabingi na ako dahil kung anu-ano na naman ang isinisigaw ng aking puso to the point na gusto kong takpan ang tainga ko.
“Valerie Kaye,” tawag niya sa aking pangalan. “Look at me.”
Dinadaan na naman niya ako sa maganda niyang boses! Hindi ko alam kung bakit nanghihina ako sa kaniyang sinasabi pero pakiramdam ko ngayon ay mainit ang pisngi ko.
Possibleng kinakabahan at kinikilig na naman ako sa lalaking ito lalo na at ganito ang puwesto namin.
Parang kailan lang iyong damang-dama ko ang kilig kapag nagbabasa ako tapos ganito ang puwesto ng mga bida tapos ngayon nangyayari na sa akin.
Iba pala talaga ang pakiramdam kapag sa totoong buhay na nangyayari. Kaya pala parang naninigas ang mga bidang babae sa libro dahil sa kilig na nararamdaman nila.
“Hey,” saad niya bago hawakan ang aking baba.
Nanlaki naman ang aking mga mata at mabilis na napasulyap sa kaniya.
Hindi ko malaman kung anong klaseng emosyon ang lumitaw sa kaniyang mga mata pero isa lang ang nangingibabaw roon, aliw.
“Hindi mo ba ako narinig?” tanong niya sa akin.
Hindi naman ako nakasagot dahil masyado akong natutulala sa kaniyang kaguwapuhan at kung gaano kaganda ang kaniyang mga mata.
Para niyang hinihigop ang aking kaluluwa at hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko ngayon.
Sobrang guwapo niya. Kaya pala maraming nagkakagusto sa kaniya dahil sobrang guwapo pala niya sa malayo pero mas guwapo siya sa malapitan
Hindi ko tuloy sila masisisi kung bakit sila nababaliw sa kilig. Paano naman kasing hindi? Sa paraan pa lamang ng kaniyang pagtitig, manghihina ka na talaga.
“You’re beautiful.”
Mabilis kong kinurot ang aking pisngi at kaagad na napasigaw nang maalala ko ang nangyari kanina sa amin sa banyo.
Kauuwi ko lamang sa aking condo pero ngayon, halos magwala ako sa sobrang kilig lalo na nang sumagi muli sa aking isipan kung paano niya ako titigan at kung paano niya ako tingnan sa aking mga mata.
Sobrang nakakapanghina ang ganoon at hindi ko alam kung paano ko napigilan ang aking kilig lalo na nang maihatid niya ako rito sa aking condo.
“My gosh! Nababaliw na yata ako,” bulong ko sa aking sarili at sinapo ang aking mukha. “Hindi naman ako kinikilig sa totoong tao pero bakit kinikilig na ako ngayon?”
Napahilamos na lamang ako ng aking mukha at sinubukang titigan ang aking sarili sa salamin.
Nakita ko kung gaano kapula ang mukha ko. Literal na kasing pula na ng kamatis.
“Parang hindi na yata ako ito,” bulong ko sa aking sarili at napalunok na lamang ng aking laway.
Ngunit mabilis akong natigilan nang umilaw ang aking cellphone at lumitaw ang chat ni Gillean sa akin.