PROLOGUE
"Bakit ang tagal mo?"
Inirapan ko ang kapatid ko na nakakunot na naman ang noo. Ilang minuto lang naman akong late, e. Kung makareklamo parang napaka-busy niya namang tao.
"Sorry naman, naabala pa kita kahit busy ka masyado," sarkastiko kong sabi at umupo sa harap niya.
"Kamusta trabaho?" tanong niya at uminom ng binili niyang ice tea.
Nagkibit-balikat ako. "Trabaho pa rin naman siya."
"E, ikaw? Kamusta?"
"Ako pa rin naman 'to," tamad ko na sagot.
"Galing mo talaga kausap." Umirap siya.
"Alam ko. Kaya nga kapatid mo ako, e. Pinanganak ako para asarin ka at ganoon ka rin sa akin."
Tumawa siya at tumango. "Right, right."
Umorder ako sandali bago siya tinanong kung bakit niya ako pinatawag dito. Ang dami kong ginagawa kaya siguradohin niya lang na maganda ang dahilan niya.
"Bakit mo nga pala ako gustong makita? Alam mo bang pagod na pagod na ako tapos dumadagdag ka pang walang'ya ka."
Sinamaan niya ako ng tingin kaya nginitian ko siya at nag-sorry. Mabait pa rin naman ako kahit papaano.
"May pinapagawa akong bahay," umpisa niya.
Tumaas ang kilay ko. "Oh? Magpapakasal ka na?"
Though, ang labo ng sinabi ko pero gusto ko pa rin malaman. Walang sinasabi sa'kin ang isang 'to tungkol sa ganap ng buhay niya kaya wala akong ideya sa ngayon.
"No way,” tanggi niya agad na parang isang napakalaking kasalanan ang pagpapakasal. "Aalis ako kaya ikaw muna ang bahala doon."
Gumalaw ang kilay ko. "Kung makatanggi naman 'to. At saka bakit ako?"
"Aalis nga ako."
"Busy ako, 'di ba?"
"Sige na kasi. Taga-monitor ka lang naman, e. Wala kang gagawin, promise. Tapos na ako sa pakikipag-meeting sa Engineer na gagawa kaya hindi mo na kailangan mamroblema," aniya.
"Sure 'yan, ah. Baka mamaya d'yan pa ako ma-stress," sabi ko na may paninigurado.
"Hindi nga. Hindi mo rin naman kailangan magsalita masyado kasi alam ko na hindi ka talaga magsasalita kapag siya ang kausap mo."
Kumunot ang noo ko. Pinagsasabi nito?
"Sino?"
"Si Engineer Uzumaki---"
"Ano?!"
Napatingin sa amin ang mga tao sa paligid. Wala akong pakialam! Nagulat ako sa sinabi niya, e! Binanggit niya lang naman ang apelyedo ng---- argh! Ang galing niya talagang manira ng araw!
"Relax---"
"No! Ayaw ko na, bahala ka. Wala ako pake riyan sa bahay mo," galit na sabi ko at tumayo na.
Aalis na ako! Walang kwenta.
"Na-ah. Bukas na ang alis ko kaya wala ka ng magagawa."
Hindi ko siya pinansin dahil naglakad na ako paalis. Bubuksan ko na sana ang pinto ng café pero naunahan ako ng tao na galing sa labas.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino 'yon. Handa na akong tarayan siya o bigyan ng malamig na titig dahil sa ginawa niya sa akin noon pero naunahan niya ako.
Ni hindi man lang niya ako tinignan sa mata. Dinaanan niya lang ako at nilampasan.
Na parang hindi niya ako kilala.
Na parang hindi niya ako minahal.
E, minahal niya nga ba ako?