“Oh my… ikaw ba ‘yan, Bes?”
“Siguro,” wala sa sarili kong sagot.
“’Di mo rin sure. Kaylan ka pa naging panda at naging ganyan kaitim ang ilalim ng mga mata mo? Sinasabi ko naman kasi sa ‘yong uso matulog!” Umupo si Jason sa sofa habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin. Nandito siya ngayon sa bahay kasi nagpasundo ako sa kanya para makalibre ng pamasahe. Pumayag naman siya pero binantaan muna ako na kakatayin niya raw ako ng buhay kapag na-late siya dahil sa akin. Malakas naman ang loob kong hindi kami male-late kasi maaga pa ay gising na ako--- mali, hindi pala ako natulog.
Ngumuso ako at bumuga ng hangin. Humarap ako sa salamin at tinignan ang mukha ko, gusto kong maiyak dahil ang itim nga talaga ng ilalim ng mga mata ko. Tama nga ang bakla, nagmukha na akong panda. Idagdag pang naluluha ang mga mata ko dala sa puyat kaya ang pangit kong tignan! Haggard na haggard ang lola ninyo!
“Ano na naman ba ang ginawa mo magdamag? Nakipag-chismisan sa mga butiki?”
“Sana nga ganoon na lang,” walang gana kong sagot at sumandal sa pader.
Nakita ko naman sa gilid ng mga mata ko ang pagtaas ng kilay niya. “Ano ba kasi’ng ginawa mo, bruha? Hindi mo man lang iniisip ang itsura mo kinabuhasan kung magmumukha ka bang tao o hindi.” Hinila niya ako at pinaupo sa tabi niya sabay kuha ng kung anong make up galing sa bag niya.
“Manahimik ka nga. Hindi mo naman alam ang pinagdadaanan ko, e,” sagot ko.
“Pinagdadaanan? Broken ka ba? Namatayan? Naubusan ng load?”
Umirap lang ako sa kaniya habang naglalagay siya ng something sa eyebags ko para hindi raw maging halata ang pagiging panda ko. Hindi ko alam kung ito ba ‘yong tinatawag na foundation or cream? Hindi ko rin naman kasi alam ang pinagkaiba ng dalawang ‘yon. Sana lang talaga effective ‘to buong araw.
“Hindi naman umiitim ang mga mata mo nang ganito kung nagpipinta ka kasi natutulog ka rin naman kahit papaano, pero ngayon ang itim talaga, sure na hindi ka man lang pumikit,” dagdag niya.
"Hindi naman talaga ako nag-paint kagabi," walang gana kong sagot. Wala pa akong planong sabihin sa kanya kung bakit ganito ang mga mata ko ngayon. Ma-issue pa naman ‘to at wala ako sa mood makipag-asaran sa kanya kasi pangit ako ngayong araw. Baka lumala lang at maging depress pa ako sa pagiging pangit.
“Sabi ko na talaga may ibang dahilan kung bakit dilat na dilat ka buong magdamag. Huwag mong sabihing nanood ka ng—”
“Huwag mo na sirain lalo ang umaga ko,” putol ko sa sasabihin niya kasi alam kong kabastosan lang ang lalabas sa bibig niya.
Sinabunutan na lang niya ako sandali at tinapos na ang ginagawa niya sa mukha ko. Umirap ako at padabog na pumunta sa kwarto para kunin ang bag ko nang makita ko ang cellphone ni Zage sa ibabaw ng kama na agad ko ring hinablot.
"Bwesit na cellphone,” bulong ko. “Dahil sa’yo hindi ako nakatulog kagabi!"
Napapikit ako sa inis. Gusto kong magwala at mapag-isa na lang dito sa mundo. Kung puwede lang sanang paalisin lahat ng tao ginawa ko na.
Ito talaga napapala ng pagiging tamad ko. Maglalagay na nga lang ng password timatamad pa. Magtitipa lang naman ng apat na pin parang ikamamatay na. Apat na pin lang pero nakakalimutan ko pa dahilan kaya ayaw kong mag lagay ng password.
Padabog kong pinasok sa bulsa ng palda ko ang cellphone ni Zage at lumabas na ng kwarto. Nakabusangot ang mukha ko hanggang sa makarating kami sa Dimm High. Hindi ko rin pinapansin ang baklang katabi ko na kanina pa panay tapon ng tingin sa akin marahil nagtataka kung bakit ganito ang mukha ko ngayon. Himala kasi dahil hindi ko siya pinapansin at hindi kami nag-aawat. Pati ibang mga pasahero napapasulyap din kanina pero agad ring iiwas ng tingin, natatakot siguro na baka sa kanila ko ibuntong ang inis ko ngayong umaga.
Ang aga naming nakarating. Binati pa ako ng guard kasi hindi raw ako late pero hindi ko siya pinansin. Habang naglalakad kami ni Jason ay hindi pa rin ako nagsasalita kaya nagulat na lang ako nang bigla na lang siyang huminto sa harapan ko at humarap sa akin. Namewang pa ang bakla at pinanliliitan ako ng mga mata.
Tinaasan ko siya ng kilay kahit alam ko naman ang dahilan kung bakit siya huminto. Malamang nagtataka na siya kung bakit kanina pa ako hindi nagsasalita na hindi ko naman gawain kasi isa akong madaldal na nilalang. Masungit lang ako pag may regla pero hindi pa rin naman nawawala ang pagiging bungangera ko.
“Kanina pa kita tinatanong pero hindi ka sumasagot. Bakit ang weird mo? Sinaniban ka ba? Parang hindi ikaw si Iry, e. Anong nakain mo at ang tahimik mo riyan? Naka-drugs ka ba?”
"Tigilan mo nga ako, bakla,” masungit kong sabi at nilampasan siya pero ang walanghiya hinila na lang bigla ang buhok ko kaya muntikan na akong matumba!
“Ang arte naman nito!” aniya nang makita ang mukha kong nag-aalala habang may dinudukot sa bulsa ko. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang nasa maayos na kalagayan naman ang cellphone ni Zage at hindi nalaglag. Baka kapag nagkaroon ng gasgas ‘to ay ikahimatay ko na. Alam ko kung gaano kamahal ang ganitong cellphone at wala akong pambayad kapag may nagawa akong hindi maganda rito!
Sinamaan ko ng tingin si Jason at inaksyonan siya ng sapak. “Tigilan mo sabi ako kung ayaw mong isaksak ko sa ngalangala mo itong cellphone ni Zage---” Natigilan ako nang ma-marealize ang sinabi ko at agad na napatakip sa aking bibig. Anak ng kambing naman!
Gusto ko na lang saksakin ang sarili ko. Nakakarami na ako. Inis na inis ako sa sarili ko! Tanga na nga bobo pa! Hindi talaga ako nag-iisip!
"Anong sabi mo?"
"May sinabi ba ako?" maang-maangan ko pa sabay iwas ng tingin.
Pinagdadasal ko, sana maging tanga ngayong umaga si Jason. Sana isipin nalang niyang sinapian siya ng engkanto at isipin niyang mali ang narinig nya. Sana---
"Hoy. ‘Wag mo akong utuin, Iry Ley, ah. Shunga ako pero hindi naman ako tanga---slight lang---kaya umamin ka sa’kin kasi narinig ko ang pangalan ni Fafa Zage." Pinanlakihan niya ako ng mga mata niya. Parang sa mga mata niya tuloy ako natakot.
Bumagsak ang mga balikat ko, senyales nang pagsuko. Alam ko kasing hindi ako titigilang ng baklang 'to hangga’t hindi ko sinasabi sa kanya ang totoo kaya kinuwento ko na lang ang nangyari kung paano napunta sa akin ang cellphone ni Zage. Jusme, basta talaga naririnig niya ang pangalan ni Zage bigla na lang lumalakas pandinig niya. Nagiging one hundred percent clear.
"So ibig mong sabihin, nag-swap kayo ng cellphone kahapon sa klase ni Ms. Gemola nang hindi mo napapansin kasi magkapareho kayo ng model at kulay?" ulit niya na parang naninigurado.
"Sinabi ko na ‘di ba? Bingi lang, Bes?" pagtataray ko.
Umirap siya. "Karma 'yan. Deserve! E ‘di ba sabi mo sa’kin noon ‘wag na rin akong maglagay ng password sa cellphone ko kasi sabi mo sagabal lang 'yon sa pagbubukas? Oh, e ‘di nakita mo ngayon, mangiyak-ngiyak ka, ayos lang sana kung nakuha niya lang ang phone mo at hindi 'yon binuksan kasi may password, e ang kaso wala. Nganga."
Umikot ang mga mata ko sa stress na nararamdaman. "Oo na, ‘wag mo na ipamukha sa akin kung gaano ako katanga. Bakit hindi nalang tayo pumunta sa classroom para mabawi ko na ‘yong cellphone ko?”
Hindi na siya sumagot at hinila na lang ako. Mukhang naalala niyang kailangan naming mag madali para hindi ma-late. Hindi na lang din ako umalma dahil baka sisihin niya pa ako nang wala sa oras kapag na-late siya.
Nang makarating kami sa harap ng classroom ay bigla akong may naalala kaya agad akong huminto. Nagtaka naman si Jason dahil hindi na ako sumunod sa kanya.
"Hoy. Tutunganga ka nalang ba riyan? Ano pang hinihintay mo, pasko?"
Kaunti na lang talaga masasapak ko na 'tong bruhang 'to. Aware naman siyang naiinis ang katawang lupa ko ngayon tapos ang dami pa niyang sinasabi.
"Puwede ba, kinakabahan na nga ako tapos chinachaka mo pa ako riyan," naiinis kong sabi at inirapan siya.
"E, bakit ba kasi hindi ka na pumasok? Hali ka na nga!" Hinawakan niya ang pulsuhan ko at akmang hihilahin ako papasok ng classroom pero mabilis kong binawi ang kamay ko at umatras.
"Sandali!"
Naiinis niya akong tinignan. "Isa na lang talaga, Iry Ley, makukurot ko talaga 'yang pwet mo kung hindi pa tayo papasok. Pag tayo talaga naabutan ni Sir Kalvo rito, naku! Itatakwil na talaga kita forever. Hindi na tayo bestfriends. Friendship over, girl!"
Wow, ah?
Inirapan ko na naman siya. Walang katapusan na ‘to. "Ang arte naman nito. Sana alam mo ang feeling ko ngayon ano? Hindi mo alam ang hiyang mararamdaman ko kapag nakita ako ni Zage. You know, you know?” ungot ko.
Nag-flip hair siya at bumuntong hininga. "Okay fine, sandali, sisilipin ko na."
Mahina akong pumalakpak. Kaya love na love ko ‘tong si Jason, e, hindi niya matiis ang pagiging dyosa ng pinakamamahal niyang kaibigan na walang iba kun’di ako!
"Coast clear," aniya matapos silipin ang mga tao sa classroom.
"Sure ka?"
"Yes!”
“Sure na sure? Ilang percent sure?”
Sinamaan niya ako ng tingin. “Sure nga! One million percent! Pati palda ng mga kaklase natin sinilip ko na at wala akong nakitang Fafa Zage na nagtatago! Bakit pa ba kita naging kaibigan kung wala kang tiwala sa akin?"
Natawa ako at nag peace sign sa kanya bago pumasok sa classroom, nakahinga naman ako nang maluwag dahil wala nga si Zage. Ang galing magmasid ng bakla kasi perfect talaga. Pero halos hindi ako mapakali sa kinauupuan ko at palagi akong tumitingin sa pintuan kapag may pumapasok, kinakabahan na baka si Zage 'yon.
Nahihiya talaga ako! Nakakahiya naman kasi talagang mabasa ng isang lalaki ang ganoong message, ‘di ba?
Bumukas ulit ang pintuan at pumasok doon sina Minho, Larry at Kevin. Bigla akong naalerto na baka kasunod nila si Zage kaya mabilis akong nagtago sa likod ng upuan.
Nagulat naman si Jason sa ginawa ko kaya agad niya akong tinanong. "Hoy loka, anong ginagawa mo riyan? Mukha kang tanga alam mo ba ‘yon?" aniya at sinipa pa ang pwetan ko.
Walang’ya!
"Ano ba?! ‘Wag mo akong sipain! Hindi mo ba nakikitang nagtatago ako? Putulin ko kaya ‘yang paa mo!?" pasigaw kong bulong sa kanya.
"Sino ba kasi ang pinagtataguan mo?"
"Zage," maikli kong sagot. Nagtanong pa siya kahit aware naman siya sa issue ng buhay ko ngayong umaga. Nakakaloka.
Pero sandali, bakit hindi ko nakikita si Uzumaki? Si Minho, Larry at Kevin lang ang nakita kong pumasok at wala ang bespren nilang pinsan ni Naruto.
"Alam mo kasi, Bes, ‘wag kang OA. Hindi nila kasama si Fafa Zage kaya tumayo ka na. Nagmumukha kang palaka na tumatae riyan, e."
Inirapan ko siya at dahan-dahan akong tumayo. Nakahinga ulit ako nang maluwag dahil wala nga si Zage kaya bumalik na ako sa pagkakaupo. Bibigyan talaga ako ng atake sa puso ng lalaking ‘yon kapag nakita ko siyang pumasok na lang bigla sa classroom at hindi ako aware.
"Good morning, Class."
Napatayo kaming lahat nang pumasok si Sir Kalvo na agad na nag-liwanag ang ulong walang buhok dahil sa ilaw ng classroom.
"Good morning, Sir."
"You may take your seat."
At nang makaupo kami, nilibot ni Sir ang mga mata sa buong klase na parang may hinahanap. Napapikit ako, parang ako ang hinahanap ng mga mata niya, e. Wala nga pala ako sa klase niya kahapon. Taena naman.
At tama nga ako. Dahil nang makita niya ako, pinaningkitan niya ako ng mga mata niya at pinatayo.
"Well well well, Barusa. Saan ka kahapon at bakit wala ka sa klase ko?"
Napabuntong hininga na lang ako. Ako na naman ang pag iinitan ng kalbong 'to na lagi naman niyang ginagawa kaya dapat hindi na ako maninibago.
Sasagot na sana ako nang biglang bumukas ang pinto at halos atakehin ako sa puso nang makita si Zage na nakatingin agad ng deretso sa akin pagpasok na pagpasok pa lang niya.
Anak ng taena naman. Super duper ultra mega paking tape.
"Why are you late, Mr. Uzumaki?"