Edran's
"CHIEF, BAKA NAMAN mapakiusapan at puwedeng mahiram ang lakas ng The Sight. Kailangan natin iligtas si Dean," sambit ko.
Kasabay kong maglakad pauwi ngayon si Grenzel, ang chief head ng organisasyon ng mga Matia sa Quezon City. Nakatayo ang organisasyon sa Ermin Garcia Avenue kung saan karamihan sa mga Matia ay nagtatago. Lingid ang impormasyon na ito sa kaalaman ng police. Bilang chief head, si Grenzel ang may hawak ng pinakamalaking kapangyarihan sa loob ng organisasyon. Isang utos lang niya ay susunod ang mga Matia nang walang pag-alinlangan.
Katatapos lang namin dumalo ni Grenzel sa isang pagpupulong ng organisasyon. Isa sa naging diskusyon sa pagpupulong ay ang pagsusumite ng mga karagdagang panukala upang mas paigtingin ang seguridad ng Ermin Garcia Avenue upang 'di kami matunton ng awtoridad. Pinag-usapan din namin ang bagong latag na mga impormasyon tungkol sa imbestigasyon kay Irecia—ang isa sa mga pinakamakapangyarihang Matia ng organisasyon at ang kaisa-isang anak ni Grenzel.
Ngunit sa kasamaang palad, wala pa ring bagong impormasyon kay Irecia liban sa pagsama nito sa taong nagngangalang si Aldrich. Kung tama ang math ko, dalawampong taon na rin ang nakaraan, ng kanyang paglaho na parang bula. Naalala ko pa na limang taon ako n'on noong huling kita ko sa kanya. Napakabait niyang ate at matulungin talaga sa mga kapwa niya Matia. Naging executive nalang ako ng organisasyon namin, ngunit wala pa rin talagang konkretong rason ng pagkawala niya, kaya hindi pa rin itinitigil ni Grenzel ang imbestigasyon kay Irecia. May puwersa pa rin siyang dinidispatsa upang mag-imbestiga sa pagkawala ni Irecia.
"Edran, isa ka sa mga executives. Alam mong hindi ko puwedeng basta-basta nalang i-mobilize ang The Sight para sa mga bagay na hindi naman makabubuti sa organisasyon," tugon naman niya.
Hindi talaga coincidental ang pagsabay ko kay Grenzel ngayon, ang totoo ay sinadya ko talaga. Kailangan ko siyang makausap nang solo para masabi na rin sa kanya ang sitwasyon ni Dean. Nakuwento ko naman sa kanya ang nangyari mula sa pag-awaken ni Dean bilang isang Matia hanggang sa ang paghuli sa kanya ng mga pulis. Ngunit sa pagkukwento ko ay hindi ko nakitaan ng reaksiyon si Grenzel bagkos walang pagbabago sa mukha niya kahit ekspresyon man lang. Hindi ko nakitaan na may pakialam siya sa sinapit ni Dean.
"Isang Matia 'yon, Chief. Akala ko ba ang misyon ng organisasyon na natin ay iligtas ang bawat buhay ng mga Matia na nanganganib?" sumbat ko. 'Di ko mapigilang madala sa aking emosyon.
"Edran, nakakalimutan mo 'ata na hindi miyembro ng organisasyon ang boyfriend mo. Wala ako at walang pananagutan ang organisasyon sa kanya," tugon niya pa. "Pinangungunahan ka na ng emosyon mo, Edran. Hindi ikaw ang pinakabatang executive dahil sa rason na 'yan. Umayos ka."
Napatahimik ako at natauhan sa sinabi ni Grenzel. Ang dali kong matangay ng emosyon kapag sitwasyon na ni Dean ang pinag-uusapan. Tama nga naman si Grenzel. Ako pa mismo ang isa sa mga nagsulat ng batas na ito na tutulong lang ang organisasyon kapag miyembro na nito ang nadawit. Sa mga pagkakataong ang isang Matia ay nadawit sa anumang gulo o eskandalo, sa ngalan na hindi siya miyembro ng organisasyon, wala siyang makukuha na anumang tulong—walang gagawin ang organisasyon talaga.
Ginawa namin ang panukala upang 'di na maulit ang insidenteng naganap limang taon na ang nakakaraan. Nagdispatsa ang organisasyon ng grupo ng Matia upang iligtas ang isang Matia na nahuli ng awtoridad dahil sa aksidenting paggamit ng kanyang kapangyarihan, ngunit sa huli, maraming Matia lang ang namatay sa rescue operation. Isang trap pala iyon ng awtoridad. Ang bilis magbago ng panahon, dahil ngayon ako naman ang naagrabyado sa sarilinh panukalang isinulat ko.
Ngunit… kung tama ang naalala ko saklaw rin ng panukala na sa mga kaso na kung saan may benepisyong maaani ang organisasyon kapag tinulungan nito ang isang Matia na hindi kabilang sa samahan, maaaring kumilis ang organisasyon. Kailangan lang nang kongkretong rason na makabubuti nga ang pagtulong sa kanya para sa buong organisasyon. Mukhang nahanapan ko na ng paraan kung paano ko mapapakilos ang The Sight para matulungan si Dean.
"Chief head, dapat nating iligtas si Dean mula sa kamay ng mga awtoridad. Hindi 'to tanong or suhistiyon, ngunit utos," panimula ko. Naging dahilan naman ang aking salita ng pag-arko ng mga kilay ni Grenzel. "Sa pag-aaral, may kaugnayan ang potential ng isang Matia sa kung anong level ng gathering ang naipamalas niya sa kanyang pag-awaken."
"Oh, tapos?" 'di kumbinsido niyang sagot.
Mukhang hindi pa rin nauunawaan ni chief head ang p-in-oint out ko. Ang Paradise Island ay isang Level 4 na gathering—ito ang pinamalas ni Dean. Level 4 ay ebidensiya na ang laki ng potensiyal na mayroon si Dean bilang isang Matia. Kung nasa ganitong level na siya sa awakening palang niya, ano nalang kapag pinaglaanan siya ng resources, oras, at training ng organisasyon. Maaring maabot niya ang Level 10 na gathering—magiging isa siya sa pinakamakapangyarihang Matia.
Kapag tinulungan siya ng organisasyon ngayon, mas malaki ang maitutulong niya sa samahan sa hinaharap. Sa pagkakilala ko kay Dean, siya ang taong tumatanaw ng utang na loob. 'Di niya tatalikuran ang mga taong nagbigay ng tulong sa kanya. Kapag sinunod ng organisasyon ang mungkahi kong iligtas si Dean, ang organisasyon lang din ang makakabenepisyo nang lubos sa tulong na gagawin nila. Hindi mababalewala ang effort nila.
"Chief head, Level 4… Level 4 na gathering ang na-awaken ni Dean. Isa siyang talent. Bihira lang ang mga Matia na nagpamalas ng Level 4 na Gathering sa kanilang pag-awaken. Kahit nga ako Level 1 ang kaya. Kung 'di dahil sa talino ko, 'di naman ako masasali sa executives ng organisasyon," huminga ako ng malalim bago magpatuloy. Mukhang nililihis ko na ang usapan. "Ang punto ko chief head, investment ang mangyayari kay Dean. 'Wag din natin kalimutang Fooler ang attribute niya, ang pinakamalakas na attribute kung offense lang naman ang pag-uusapan. Ang laki ng maiaambag niya sa organisasyon."
"Naiintindihan ko ang ideya mo, Edran. Investment, huh. Ngunit… napaka-risky naman ng investment na ito. Walang kasiguradohan kung tatanawin niyang utang na loob ang pagtulong na gagawin ng organisasyon. Paano kung tatalikuran niya lang ang organisasyon pagkatapos ng gagawin natin?"
Napakasegurista talaga ng chief head kahit kailan. Ito rin ang dahilan kung bakit nanatili siyang pinuno ng organisasyon sa loob ng limampung taon. Hindi siya basta-basta nagdedesisyon, sinisigurado niyang wala siyang tapos na desisyon na gagawin. Pero kung sabagay, dapat nga namang may assurance ang investment na ito. Hindi puwedeng walang aanihin ang organisasyon matapos ang pagtulong, dahil kung nagkataon luging-lugi ang organisasyon.
"Chief, kilala ko si Dean. Mabait na tao 'yon at tatanawing utang na loob ang gagawin ng organisasyon," depensa ko naman.
"Edran, 'di uubra ang rason na 'yan sa kapwa mo mga executives. Kailangan natin ng definite na rason. Hindi 'yong ibabatay mo sa pagkakilala mo lang sa isang tao."
Sinabi ni Grenzel na "natin"… mukhang matagumpay ko siyang nakumbinsi sa gusto kong mangyari. Inangat ko naman ang kamay ko't pinakita ang singsing sa kanya. Siguro sapat na 'tong engagement ring na 'to para tatanawin ni Dean na malaking utang na loob ang tulong ng organisasyon. Bilang isang executive, nakatali ako sa organisasyon, kaya kung papakasalan ako ni Dean, nakatali na rin siya sa organisasyon. Sigurado na rin ang pag-anib niya sa samahan kung nagkataon. Nakita ko ang pagsilay ng ngiti sa labi ni chief head na sinabayan ng marahang pagtango.
"Titingnan ko ang magagawa ko. Nakakasiguro akong isasali ko ito sa susunod na pagpupulong. Alam mong kailangan ko pa ang kalahati ng boto ng mga executives para i-mobilize ang The Sight," ani niya.
MISS NA MISS ko na si Dean. Tatlong araw na rin nang dinakip siya ng mga pulis at hanggang ngayon wala pa akong balita tungkol sa kanya. Hinahanap-hanap na siya ng mama niya sa akin. Inamin ko kay tita lahat at pinuntahan niya sa presinto ang anak niya, pero wala sa presinto ng Cubao si Dean at pinasa pa si Tita sa presinto ng Baliwag. Ngunit pagkadating naman ni Tita sa presintong sinabi ay ipapasa ulit siya sa iba. Pinaglalaruan talaga kami ng potang-inang mga pulis na ito.
"Yohoo! Executive Edran, gising ka pa?"
Tulala ako't nag-iisip ng pupuwede kong gawin para mailigtas si Dean habang wala pa ring ginagawang aksiyon ang organisasyon. Kanina may ginawa ulit na pagpulong at tinupad ni Grenzel ang pinangako nilang i-bring up ang isyu ni Dean. Ngunit gaya ng inaasahan, lahat ng desisyon ay may proseso, sabi ng mga executives ay kailangan nila ng isang buong linggo upang i-review ang kaso ni Dean. Napakahaba n'on ngunit iyon ang panuntunan ng organisasyon. Sa isang linggong 'yon, siguro akong nakakaawa na ang lagay ni Dean. Sa ngayon, kailangan ko kumilos mag-isa. Kahit malaman man lang ang lokasyon ni Dean.
Kapag ang isang Matia ay napasakamay ng mga pulis isusuko nila ito sa awtoridad at dalawa lang ang kahihinatnan niya either papatayin o gagawin na test subject sa mga experiment nila. Tiyak kong ang pangalawa ang pinaggagawa nila kay Dean ngayon—guinea pig ang sinasapit niya sa kamay ng mga awtoridad. Imposible kasing basta-basta nalang patayin si Dean lalo pa at Level 4 nga ang naipamalas ni Dean sa kanyang awakening. Papakinabangan talaga nila nang husto ang existence niya.
"Hello, executive Edran. Gising ka pa?" sambit ng boses. Nanumbalik kaagad ako sa aking wisyo 'di lang dahil sa pagtawag kung hindi sa direksiyon na pinanggalingan nito na mula sa aking bintana.
Nagtaka naman ako kung sino ang gising pa ng ganitong oras at sa bintana ko pa talaga? Grabe, akyat bahay ba 'to? Pero bakit kilala niya ako. Wala sa oras at ginamit ko ang aking gift. Level 1 Gathering: Penetrate. Ang mechanics ng gathering na ito ay kaya kong i-disregard ang existence ng isang pader o damit para makita kung ano ang nasa loob o likod nito. Nang nagliwanag ang mata ko ay nakita ko ang isang babaeng nakatayo sa pintuan… Raven?
Wala akong sinayang na oras at kaagad na pinagbuksan siya ng bintana. "Anong ginagawa mo sa yero namin. Gagi."
Nakakagulat ang batang 'to. Ano bang sadya nito? Sa yero pa talaga ng bahay namin dumaan para bisitahin ako. May lahi 'ata 'tong akyat bagay, e. Sa pagkakaalala ko, labing anim na taon palang 'tong si Raven. Wala ng mga magulang at lola niyang Matia nalang ang nag-aalaga sa kanya. Sila dalawa ng lola niya ay miyembro rin ng organisasyon. Sa murang edad ni Raven, Level 6 na Matia na rin siya. Isa siya sa mga prodigy ng organisasyon kumbaga.
"Kailangan ko ang tulong mo, executive…" Yumuko siya matapos sambitin iyon.
Hinawakan ko ang kanyang kanyang balikat sabay walang pag-alinlangan na sinabing, "Anong maitutulong ko?"
Biling isa sa mga executives ng organisasyon ng Matia, obligasyon kung makinig sa mga problema ng kasapi namin at tumulong sa mga aspetong puwedo akong magbigay. At kung makakaya naman ay mag-propose ng panukala upang mawakasan ang problema nila sa buhay. Kahit na mayroon akong issues ngayon, hindi ko puwedeng isawalang bahala ang obligasyon ko bilang executive ng organisasyon. May separasyon ng personal kong buhay at buhay ko bilang isang executive.
"Kailangan ko ng pera, executive." Kita ko ang paglalaro niya sa kanyang kamay, mukhang kabado siya.
"Ha? 'Di ba may benepisyo ka namang nakukuha mula sa organisasyon? 'Di ba sapat?" nagtataka kong tanong.
Ang bata-bata pa ni Raven para problemahin ang pera. Ano naman kaya ang paggamitan ng batang ito sa pera? Sa pagkakaalam ko may incentives naman na nakukuha ang batang 'to buwan-buwan. Malaki talaga ang investment ng organisasyon ang mga prodigies na bata kagaya ni Raven. Isa siya sa daan-daang bata na pinahahalagahan ng organisasyon. Dahil sa huli, ang samahan lang din naman ang magbebenipisyo kung lalaki silang makapangyarihan. May issue kaya tungkol sa pagiging 'di sapat na incentives na binibigay sa kanila.
"Wala. Pero kailangan ko ng maraming pera para sa operasyon ni lola." Hindi pa rin niya magagawang tumingin ng direkta sa akin.
"Oh siya, magkano ba ang kailangan mo?" Baka naman pupuwede kong mapahiram ang batang 'to.
"Isang daang libo."
Napantig ang tenga ko. Isang daang libo… hindi sampong libo, hindi rin dalawampong libo, dahil isang daang libo. Jusko po! Pumunta siya sa akin para manghiram ng ganyan kalaking pera? Mukha ba akong mayaman? Saan ako kukuha ng isang daang libo. Raven, Jusko ka! Kahit pagsamahin natin ang minimum wage ko bilang isang executive ng organisasyon at factory worker, hindi aabot nang ganyan ang sahod ko. Nako, Raven, mali ka ng napuntahan.
"Raven, nauunawaan ko ang sitwasyon mo, pero mali ka ng napuntahan, wala ako ng gan'on kalaking pera," matapat kong tugon.
"Narinig ko n'ong nakaraang araw ang pag-uusap niyo ni chief head," tugon naman niya.
Pang-ilang ulit na akong nagulantang dahil sa batang ito. Paano niya narinig? Ang tsimoso naman 'ata ng Raven na 'to. Saka ko lang na-realize na sa kahabaan pala ng kalye naganap ang pag-uusap namin ng chief head noong nakaraan. Kaya may makakarinig at may makakarinig talaga sa amin. Pero kung gayon nga, ano naman ang kinalaman nito sa isyu niyang paghihiram ng pera? Ang layo naman 'ata. Mapapahiram ko ba siga ng pera kong narinig niya 'yon?
"Anong meron?" taka kong tugon.
"Matutulungan kita hanapin ang jowa mo," direkta niyang tugon.
Naiintindihan ko na ang gusto niyang mangyari. Sa pagkakaintindi ko, nais niyang tulungan ako sa paghahanap sa kay Dean, ngunit kapalit nito ay ang pagtulong ko naman sa kanya. Nag-memake sense naman siya dahil ang kailangan ko lang ngayon ay mahanap ang kinaroroonan ni Dean para kapag nakapagdesisyon na ang organisasyon na tulungan si Dean, 'di na kami magsasayang ng oras para i-trace si Dean. Level 6 Matia at Historic attribute si Raven. Kung gan'on ay kaya niyang gamitin ang Level 6 Gathering na The Walk of History. Matutulungan niya akong mahanap si Dean 'pag nagkataon.
Ngunit sa paanong paraan naman kaya niya aking gustong tumulong pabalik? Dahil kung pera lang naman ang usapan, wala ako n'on. Gusto niya bang tulungan ko siya mangutang? Ngunit napakagaan naman ng bagay na 'yon para maging kapalit. Napaka-taxing ng level 6 na gathering, tapos ang kapalit lang ay tulungan mangutang? 'Di ako naniniwala. Mukhang may gustong ipagawa sa akin si Raven. Pupuwede ko rin naman siyang tulungan mangutang kahit wala nang kapalit. Mukhang kailangan kong mas marinig pa kung anong kapalit ang gusto ni Raven.
"Anong kapalit," sambit ko matapos pag-isipan ang mga bagay-bagay.
"Tulungan mo akong magnakaw."
Hindi lang ulit ako nagulantang kung hindi nanlaki rin ang mga mata ko. Magnakaw? Narinig ko ba nang tama ang sinabi niya? Pero nang mapag-isipan kong isang daang libo nga pala ang kailangan ni Raven para sa operasyon ng lola niya, naintindihan ko. Hindi basta-basta mahihiram ang gan'on kalaking pera—walang magpapahiram kung tutuusin dahil magdadalawang isip ang taong uutangan niya kung may kapabilidad ba siya na bayaran ang gan'on kalaking utang. Ngunit pagnanakaw lang ba ang tanging solusyon sa problema niyang ito?
Sa analysis ko, mukhang fair trade ang gusto ni Raven. Gagamitin ko ang kapangyarihan niya para malaman kung nasaan si Dean at gagamitin naman niya ang kapangyarihan ko para magnakaw. Abilidad sa abilidad ang mangyayari.
May angking talino rin itong si Raven dahil sinamantala niya talaga ang pangangailangan ko ng isang Historic attribute na Matia. May mga Historic na attribute naman na Matia sa organisasyon, ngunit ayaw kung idamay sila sa issues ko kaya naman sinusubukan kong maghanap ng ibang paraan.
Alam rin niyang wala siyang makukumbinsing Naked attribute na Matia na tutulong sa kanyang magnakaw dahil iniiwasan talaga ng mga Matia na gumamit ng kapangyarihan upang makaligtas sa tracing ng mga lighttrackers. Sinamantala niya talaga ang sitwasyon ko. Ang mga Naked attribute na Matia ay kayang kaya na makita ang structure ng isang bahay gamit ang mga kaliwang mata nila—kayang tumagos ng pader ang paningin. Kung kaya naman ay perfect fit talaga para sa pagnanakaw ang Naked attribute.
"Pagnanakaw lang ba ang solusyon sa problema mo, Raven?" Hindi ako makapag-isip ng desisyon kung papayag ako sa alok ni Raven o hindi. Ngunit kahit saang anggulo tingnan, mali at mali ang pagnanakaw.
"Hindi 'yan ang tanong dito, executive. Oo o hindi lang ang hinihingi kong sagot mula sa 'yo. Tatanggapin mo ba ang proposal ko o hindi?"
ALAS DOS NA ng madaling araw. Binabalot pa rin ng dilim ang kalangitan at buhay na buhay ang mga kuliglig, ngunit heto kami ni Raven sa plaza ng Montreal. Ganitong oras namin isasagawa ang plano sapagkat walang tao at walang cops na magbabantay—malayang magagamit ni Raven ang kanyang The Walk of History. Oo, napapayag ako ni Raven sa gusto niyang mangyari, hindi ko maaaring tanggihan ang offer niya lalo pa at impormasyon naman ni Dean ang kapalit.
Nakasuot kami ng makapal na damit upang 'di masyadong lamigin at para na rin maiwasan na makilala kami ng sa mga CCTV cameras kung meron man. Kaakibat ng pagpayag ko sa offer ni Raven ay ang pag-point out ko na dapat naming unahin ang sitwasyon ni Dean. Kailangan ko na magkautang na loob sa kanya upang magkaroon ako ng lakas na loob na magnakaw. Labag talaga sa konsensya ko ang pagnanakaw kaya kailangan ko ng motivation.
"Sisimulan ko na ba?" ani niya.
"Oo. Mga alas nuwebe ng gabi n'ong Lunes," sagot ko.
Nagsimulang mag-ilaw ang kaliwang mata ni Raven na siyang tanda na ginagamit na niya ang kanyang kapangyarihan. Ilang minuto rin niyang inipon ang liwanag sa kanyang kaliwang mata at 'di muna ito ginamit. Kaya ko sinabi ang petsa at oras ng pagkadakip kay Dean dahil ang mechanics ng Level 6 Gathering na The Walk of History ay kailangan na may eksaktong petsa at araw upang hindi mag-aksaya ang Matia ng oras sa pa-unti-unting pagbabalik tanaw, bagkos maari niyang laktawan ang mga 'di importanteng pangyayari.
Maya-maya pa ay inilahad niya ang kanyang kamay na nagsasabing handa na siyang gamitin ang kapangyarihan niya. Kasabay ng paghawak ko sa kanyang maliit sa kamay ay siya namang paglitawan bigla ng tao at mga sasakyan sa aking paligid ngunit lahat sila ay kulay abo. Ilang saglit pa at bumilis ang kanilang pagkilos ngunit parang umaatras ang hakbang nila hanggang sa 'di ko na masundan ang kanilang kilos dahil sa bilis nito. Ngunit ilang minuto lang ay humina na ulit ang paggalaw ng kulay-abong mga tao hanggabg sa huminto ito sa senaryo na kung saan hinihila ko si Dean papalabas ng plaza.
"Dito ba ako magsisimula?" tanong ni Raven.
"Oo," puno nang determinasyon kong sagot. Dean, heto na ako.