Edran's
"MAHAL, ALAM MO ba?" biglang sambit ni Dean sa gitna ng aming paglalakad.
Ilang buwan na ring huli akong pumasyal sa plaza ng Montreal. Mag-a-anim na 'ata o pito? Ganunpaman, nanatili pa rin ang ambience ng lugar… malamig, maingay, at dinadayo ng maraming tao. Nagsa-sanaol lang naman ako sa f*******: patungkol sa pagbisitang muli sa lugar na ito dahil sa nami-miss ko na rin. Ngunit ito namang si Dean, tinotoo ang pasaring ko at inaya nga akong mag-date rito nang makita ang post. Kahit kailan talaga, napaka-sweet ng tao na 'to. Nakapasuwerte ko talaga sa kanya.
"Hindi, tanga. Paano ko malalaman 'di mo naman sinasabi?" pabalang ko naman na tugon. Hinigpitan naman niya ang pagkakahawak ng aming mga kamay bilang tugon.
Sa ilang oras kong pagtingin-tingin sa paligid ay na-realize ko na ang dami na palang nagbago Sa lugar na ito. Oo, kagaya pa rin ng dati ang atmospera ng lugar—napakalamig ng simoy ng hangin na nanonoot sa balat, pero liban dito lahat ay bagong-bago na sa aking paningin. Mas nagiging moderno na ang lugar na ito dahil sa bagong tayong mga lamp posts, benches, at slides. Ngunit kahit na gaano pa kalaki ang pagbabagong nangyari sa lugar na ito, mananatili paring paborito ko ang pasyalang ito.
"Mahal na mahal kita," bulong nito sa tainga ko at sinundan ng paghawak sa panga ko at pinuwersang lumingon sa direksyon niya.
Nang magtagpo ang mata namin ay hindi ang ganda ng mga mapupungay niyang mata mga una kong napuna, kung hindi ang kinang nito. Ilang taon man ang inabot ng relasyon namin, 'di ko kailanman nakitaan ng pagbabago ang kinang ng mata niya. Kasunod ng aming titigan ay ang paggawad niya ng masuyo at matamis na halik sa aking labi. Ilang segundo rin ang tinagal ng halik na 'yon nang magdesisyon akong putulin ang aming lampungan dahil naramdaman kong sinisiksik na ni Dean ang dila niya sa labi ko. Gusto yata makigpaglaplapan ng isang 'to at sa public place pa talaga. Tindi rin ng trip, e.
"Parang tanga, Dean. Balak pa akong laplapin dito," ani ko na hindi mawala-wala ang ngiti sa labi dahil sa kilig.
Tinawanan lang ako ng walang hiya at humirit ng isa pang halik sa aking pisnge. Umani naman ng atensyon sa paligid ang biglaang halikan na naganap sa amin ni Dean. Maraming mga mata ngayon ang nakatingin sa direksyon namin. Sa reaksyon ng mukha nila, kitang kita mo talaga ang pandidiri. First time 'ata ng mga 'to makakita ng lalaking naghahalikan. Pero paki ba namin? 2021 na, pero ang mga tangang 'to homophobic pa rin. Tinuloy nalang namin ni Dean ang paglilibot sa plaza.
"Mahal, gustong-gusto na kita pakasalan," biglang sambit niya.
"Hmm. E 'di mag-po-prose ka," simple kong sagot.
"Kala mo talaga sasagot ng 'Yes' kapag ginawa ko, e."
Sasagutin ko sana siya nang pabalang ulit nang may makita akong police. Hala, gago. Ba't may police sa plaza na ito? Anong meron? Buti nalang sumagi kaagad sa isip ko na bagong renovate pala ang lugar. Natural maglalagay talaga ng tagabantay ang awtoridad para maiwasan ang posibleng vandalizing. Naka-contact lens ako ngayon at may date kami ni Dean, kaya dapat umakto akong normal. Ako si Edran na isang ordinaryong tao at gaya ng normal na magkasintagan ay nagde-date sa plaza. I-disregard ko dapat ang pagiging Matia ko.
Ibinaling ko nalang ang aking atensiyon sa nakita kong malapit na tindahan ng fishball at inaya si Dean. "Kain tayo ng fishball, Mahal."
Masaya kong pinagpiyestahan ang isang baso ng fishball habang si Dean naman ay titig na titig sa akin—nagmumukha siyang tanga sa ginagawa niya. Ano na naman kayang trip ng isang 'to. Una ay kamuntikan akong laplapin sa pampublikong lugar, ngayon naman ay titig na nakakatunaw ang ipinupukol niya sa akin. Tinitigan ko rin siya pabalik nang matalim. Sasabayan ko lang siya sa trip niya. Napangiti nalang siya sa aking ginawa. Loko talaga ang isang 'to.
"In love na in love ka talaga sa 'kin, Dean," pang-aalaska ko pa.
"Siyempre naman. Ikaw 'yan si Edran Ruñueta, este Edran Pancheco at I love you," ani niya. Di ko naman siya pinansin at tinuloy ang pagkain.
"I love you," malambing niyang bulong sa tainga ko. Inulit pa talaga.
"I love you too," napipilitan kong tugon at baka 'di tumigil ang isang 'to 'pag hindi nakarinig ng I love you pabalik.
"MAHAL NA MAHAL kita, Edran Pancheco." Wala 'atang magawa ang isang isang 'to. Kanina pa 'to na ganito ang script, e.
"Dean, kanina ka pa sambit nang sambit ng katagang 'yan. Nakakatakot ka na. Mamamatay ka na ba? Jusko ka," asik ko rito.
Kasalukuyan ko siyang binibigyan ng masamang tingin habang nakaupo kami sa isang bench ng plaza. Paano ba kasi, 'di na 'ata siya titigil sa kakasambit ng I love you. Sweet naman siya in some way, pero nakaka-cringe rin at the same time. Ay, basta, ayoko marinig nang paulit-ulit ang I love you ngayon. Limang taon na rin kami magjowa kaya nakakasawa talaga marinig minsan. Siya naman ay tawa nang tawa sabay mahinang kurot sa aking mga pisnge. Wala man lang paki sa sinabi ko. Ewan ko nalang sa 'yo, Dean.
"Ang kyut, kyut mo talaga, mahal," pangungulit pa ni Dean.
Tuloy lang siya sa pagkurot sa pisnge ko habang kasalukuyan kong ine-enjoy ang pagkislap ng mga tala sa kalangitan. Liban sa sunset, favorite view ko rin talaga ang pagmasdan ang pagkinang ng mga tala kapag gabi. Wala lang, kaaya-aya lang siya sa mata at napakagaan. Minsan gusto ko nalang talaga maging tala para pakinang-kinang lang ako sa kalangitan at walang pino-problema sa mundo. Weird talaga ng iniisip ko minsan at 'di ko maintindihan.
Sa kalagitnaan ng walang kuwenta kong pagmuni-muni ay pagsulpot ng mukha ni Dean sa aking paningin at ngumisi siya nang malapad. Gumawa pa siya ng pangit na mukha. Aktong magsasalita sana siya ulit, pero kaagad kong tinakpan ng aking kamay ang bibig niya. Alam ko na ang sasabihin niya, kaya inunahan ko na. Ang strange ng kinikilos ni Dean ngayon. Nakatayo nalang siya sa harapan ko at napalitan na ng pagkaseryoso ang kanyang mukha. Ano na namang kababalaghan ang nasa isip ng isang 'to.
"Ho! Nakakakaba pala 'to," ani niya at buong lakas na ni-shake ang kanyang kamay.
"Dean, ano bang nangyayari sa iyo ngayong araw?" 'di ko mapigilang tanong.
Tinitigan ko talaga siya ng mata sa mata. May kakaiba talaga kay Dean ngayong araw. May something talaga, pero mukhang hindi naman 'ata tungkol sa problema. Kasi kapag problemado ang taong 'to, siya 'yong tipo ng tao na nag-o-open up talaga sa akin kung may pinagdadaanan. Sasabihin talaga niyan sa akin at iiyak kung gustong niyang umiyak. Sa limang taon naming pagiging mag-jowa, open book siya sa akin. Napapatanong tuloy ako kung ano bang bumabagabag sa taong ito ngayon.
Walang sabi-sabi ay bigla siyang lumuhod sa harapan ko at mabilis pa sa kidlat na may hinablot sa kanyang bulsa. Dean... 'wag mo sabihing... Jusko po! Isang maliit na kahon ang nilabas niya. Hawak-hawak niya ito ngayon habang nakaluhod pa rin sa harap ko. Mukhang alam ko na ang mangyayari... Nang buksan niya ang maliit na box ay siyang pagsambulat sa aking paningin ng kumikinang na singsing. Ramdam ko ang pagnganga ng panga ko sa sobrang gulat.
"Edran Pancheco, will you marry me," ramdam ko 'yong nginig sa boses niya habang binabanggit ang bawat kataga ng kanyang pahayag.
Sa isang saglit naging blangko ang laman ng utak ko. Parang huminto sa pag-process ang brain ko ng ilang mga segundo. Hindi kinaya ng braincells ko ang biglaan na paganito ni Dean. Mind blown sabi nga nila. Pero 'di lang 'yon, dahil isama na rin natin ang pagkaspeechless ko—wala akong masabi. Parang kanina lang binanggit niyang gustong-gusto niya akong pakasalan at biniro ko siyang mag-propose, tapos heto at tinotoo niya ngayon.
Nakatitig lang ako sa kaniya at 'di makapaniwala sa kanyang ginawa. Kita ko ang unti-unting pagliwanag ng kaliwang mata niya at kasabay nito ang siyang pagbabago ng aking paligid. Ang mga taong nakatingin sa amin ay biglang naglaho bagkos ay napalitan ito ng senaryo ng tabing-dagat. Isa-isang naglitawan sa aking paningin ang bawat miyembro ng pamilya namin. Mula sa magulang ko hanggang sa ate at kuya niya. Nakaluhod pa rin siya harap ko, pero ngayon nagbago na ang suot niya at napalitan ito ng tuxedo na puti. Nang ibinaling ko naman ang tingin ko sa sarili ko ay naakasuot din ako ng tuxedong puti.
Paano nangyayari ito? Nanaginip ba ako? Ito ang eksena ng kasalang gustong-gusto ko—beach wedding at pamilya lang namin ang imbitado. Sinubukan kong kurutin ang sarili ko, ngunit walang nagbago at gan'on pa rin ang eksenang nasa aking paningin. Sakit lang sa pisnge ang inabot ko kung kaya imposibleng nanaginip ako. Nasa plaza ako kamakailan lang kaya paanong sa isang iglap narito na ako? Sa halip na matuwa ay naguguluhan talaga ako sa mga nangyayari.
Sa gitna ng aking pagkalito ay pumasok nang biglaan sa isipan ko ang pag-ilaw ng kaliwang mata kanina ni Dean bago nangyari ang lahat ng ito. Itong suot ko ngayon, itong mga taong nakapaligid sa amin, at itong dalampasigan ng karagatan—ito ang pagkatotoo ng pangarap ng ko. Ganitong-ganito rin ang mechanics ng Level 4 Gathering: Paradise Island, ng isang Matia na Fooler ang attribute—ang i-manefist ang isa sa dreams mo. Tinatagan ko ang ang aking mentalidad at buong lakas na winaksi ang eksena sa aking harapan. Para naman itong papel na tinangay ng hangin at bumalik sa dati ang aking nakikita—nasa plaza na ulit ako at kasalukuyan kaming pinapalibutan ng mga tao.
"Dean..." tanging naisambit ko.
Matia si Dean. Hindi puwede 'to... hinding-hindi. Sa limang taon naming magkarelasyon, nanatiling lihim sa kanya ang pagkatao ko bilang isa Matia. Hindi ko rin sinabi sa kanya ang katotohanang ito dahil ayokong madamay siya kapag nagkataong may gulo. Alam ko namang matatanggap at mauunawaan niya ako kapag inamin ko sa kanya, pero ayokong isakripisyo ang seguridad niya. Ito ang sikretong pinakatago-tago ko na ayaw kong mabunyag. Pero ngayon... kalahi ko na si Dean.
"Yes," sagot ko kanya sabay madaliang sinuot ang singsing.
Wala akong sinayang na oras at pinatayo siya kaagad. Kasabay nito ang paghatak ko sa kamay niya para makaalis na sa lugar na ito. Kung meron man kailangan akong gawin ngayon, hindi iyon magbunyi, ngunit ang makaalis sa lugar na ito. Kailangan na kailangan namin makatakas ngayon din. Kung hindi ako nagkakamali, may nakita akong pulis na nagbabantay sa plaza kanina lang. Anomang oras at puwede umilaw ang lighttracker niya at tiyak na hahanapin niya ang Matia na nag-gathering.
Pero sa halip na magpatangay sa paghila ko ay tumayo lang si Dean sa pwesto niya at nilalabanan ang paghila ko. Mas malaki ang bulto niya kaysa sa akin at mas malakas siya kaya 'di ko talaga siya magawang pasunurin. "Edran, do you mean it o napipilitan ka lang? Parang 'di ka masaya."
Binigyan ko siya ng tingin na nakikiusap. Sumama ka nalang, Dean. Gustong-gusto kitang pakasalan more than anything. Kahit ngayon pa gagawin ko. Pero kailangan natin makaalis sa lugar na ito ngayon din bago pa man mahanap tayo ng pulis. Kapag umilaw 'yong lighttracker niya, tiyak na may mangyayaring masama sa 'yo. Hindi puwedeng mangyari 'yon. Dahil hindi ko alam kong ano gagawin ko 'pag nawala ka. Hindi ko makakaya.
"Edran, I can wait. Makapaghihintay ako kung kailan ka handa. Maiintindihan ko, kaya puwede mo akong hindian. 'Wag mo lang pilitin ang sarili mo," dagdag niya pa.
Para mawala ang pangamba niya at magtiwala sa akin ay binigyan ko siya ng masuyong halik sabay bulong sa gitna ng halik na iyon ng, "Yes, I want to marry you Dean Ruñueta. Pero kailangan muna nating lumayo sa lugar na ito. Okay?"
Ngitian niya naman ako ng matamis sabay tango at ginawaran ako ng mabilisan na halik sa labi. Nang hawakan ko ulit ang kamay niya ay sumunod naman siya sa akin. Hila-hila ko siya papalabas ng plaza nang nahagip ng tingin ko ang pulis na nakita ko kanina. Hawak niya ang walkie-talkie sa kanyang kaliwang tainga at may katawag sa kanyang telepono. Mas domeble ang kaba ko. Tiyak na tumawag na 'yon ng back up.
"Mahal, saan mo ba kasi ako dadalhin? Gusto pa kita halikan sa harap ng maraming tao, e. Ang saya-saya ko kaya ngayon," reklamo pa nito.
'Di ko nalang siya pinansin at uligaga na tumatakbo kami papalabas ng plaza. Sigurado akong umiiyak na ako ngayon dahil ramdam na ramdam ko ang pagdaloy ng tubig sa pagitan ng ilong at pisnge ko. Nag-aabang kami ng pampasaherong jeep ngayon, ngunit hindi talaga sumasang-ayon sa amin ang tadhana dahil punong-puno ang mga ito at wala ring dumadaan na kahit isang taxi. Potang-ina. Kailangan naming magmadali. Naked attribute Matia ako at Level 6 lang. Wala akong magagawa kapag nagkataong naabutan nga kami ng police rito o malala kapag Visionaries ang ipapadala nila.
"Mahal, okay ka lang?" sambit ni Dean.
Nanginginig ako habang pumapara ng kahit na anong sasakyan na puwede naming masakyan para makaalis sa lugar na ito. Minsan pa ay hinaharang ko ang sarili ko, ngunit 'di talaga sila humihinto. Nagmumukha na akong baliw sa ginagawa ko. Senyales na desperadong-desperado na talaga ako. Pakiusap, kahit bike pa 'yan ilayo niyo lang kami ni Dean sa lugar na ito. Ngunit 'di yata rinig ang pakiusap ko dahil rinig na rinig ko ang tunog ng sirena ng pulis. Parang gumuho bigla ang aking mundo. Hindi 'to maaari.
Papalakas nang papalakas ang sirena ng patrol car at kasabay nito ang palakas na pagtambol ng puso ko. Hindi kami puwedeng umasa sa mga sasakyan dahil wala na talagang hihinto. Aktong hihilahin ko si Dean at lumayo kami rito nang biglang may mabilis na sasakyang humarurot at huminto sa harapan namin. Kasabay naman nito ang paglabas ng dalawang pulis sa kotse at tinutukan kami ng barili. Ilang saglit pa ay namalayan ko nalang na napapalibutan na kami ng pulis.
"Lalaking nakasuot ng kulay pula, itaas mo ang kamay mo, ngayon din," sigaw ng isang pulis.
Alam kong puno na ng pagtataka si Dean ngayon, pero kaagad din naman siyang sumunod. "Sir, ano pong problema."
"Sir, lumayo po kayo sa nakapulang lalaki. May criminal record 'yan at matagal na 'yan hinahanap ng mga kapulisan," wika pa ulit ng pulis.
Hinding-hindi ako papayag na mangyari ito. Wala kayong maloloko dito, mga pulis na mangmang. Ang bilis niyo naman makaimbento ng criminal record kahit na ang pagiging Matia ni Dean ang pakay niyo. Mga sinungaling! Bakit ngayon pa kasi nag-awaken si Dean. Sure akong ngayon lang siya nag-awaken dahil kung noon lang niya nadiskobre 'tong kapangyarihan niyang ito, sasabihin at sasabihin niya iyong sa akin. At kahit sino namang Matia na nasa tamang pag-iisip, hindi gagamitin ang kapangyarihan niya sa pampublikong lugar.
"Hindi kayo makakalapit sa boyfriend ko kung wala kayong warrant of arrest," sigaw ko.
'Di ko alam kung anong pumasok sa utak ko at sinigaw ang katagang 'yon. Pero, tama, lahat ng pagdakip ay may due process, hindi puwedeng dadakipin nila si Dean nang walang hawak na ebidensya—hindi pwedeng puro paratang lang. Marami ring mga taong nakapalibot sa amin. Puwede ko gamitin ang simpatiya nila. Siguradong nakatingin sila sa magiging aksyon ng pulis. Makukwesiyon ang mga pulis na 'to kapag wala silang pinakitang warrant of arrest.
"Baka naman kriminal ka rin, Sir, at kinakampihan mo 'yang kriminal na 'yan," tugon naman ng isa.
"'Wag kayang magpulis kung puro assumption lang ang meron ka at wala kang ebidensiya," bakas ang nginig at galit sa boses ko. "Kayong mga tao rito, kayo ang saksi kapag dinakip ng mga pulis na ito ang boyfriend ko na walang pinapakitang warrant."
Kailangan kong gamitin ang pupuwede mang gamitin para makalaya sa sitwasyon na ito at kasali na rito ang mind games sa mga pulis at sibilyan. Siguro naman pag-iisipan na ng mga pulis ang ginagawa nila. Kapag tinuloy nila ang pagdakip kay Dean, may backlas ito sa mga tao panigurado. Pansin kong kumukuha pa ng cellphone ang iba. Ganyan nga, tuloy niyo ang ginagawa niyo.
Ngunit sa halip na ang pag-urong ng bayag ng mga pulis ay pagkasa ng safety ng baril ang narinig kong tugon sabay sabi ng isang pulis, "Hulihan niyo 'yan kriminal din 'yan."
Napa-potang-ina nalang ako sa aking isipan. Anong klaseng response 'yan. Dahil pinagtanggol ko si Dean, kriminal na rin ako? 'Tsaka hindi naman totoong kriminal si Dean. Walang hiya talaga ang mga pulis na 'to. Ang kakapal ng mukha. Ginagamit ang dahas upang mapasunod ang mga tao sa gusto nila. Mapa-Matia man o regular na sibilyan man ang hinuhuli nila, wala silang justice system na sinusunod. Hustisya ang tingin nila sa mga sarili nila. Wala silang pakialam sa due process. Ang kakapal talaga ng apog ng administrasyon na ito at ng batas militar nila.
"Sasama na ko. Walang kinalaman ang kasama ko rito," pagboses ni Dean.
"Mahal, 'wag ka nang umangal, please. Ayoko may mangyaring masana sa future Misis ko. Alam ko at alam mong wala akong criminal record. At saka alam mo naman ang justice system ng Pilipinas 'di ba? Ayokong may mangyaring masama rin sa 'yo," masuyo niyang bulong sakin at tiningnan ako sa mata.
Tang-ina, Dean, bakit ba palaging inuuna mo ako? Bakit ba mahal na mahal mo ako? Ngayon ko lang napansin na naging kulay-abo na ng kaliwang mata niya. Isa na nga siyang ganap na Matia. Dean… hindi mo alam kung ano ang gagawin nila sa 'yo. Gagawin ka nilang Guinea pig doon o kaya naman ay papatayin ka nila. Napakasahol ng administrasyon sa mga Matia. Potang-ina! Bakit ba kasi hindi ako Fooler na uri Matia. Maitatakas sana kita rito kung sakaling Fooler ang attribute ko. Wala namang silbi itong Naked na attribute.
Wala akong nagawa kung hindi ang tiningnan kung paano pinusasan ng mga pulisya si Dean at isinakay sa kanilang kotse. Tanging pagmasid lang sa papaalis na sasakyan ng pulis habang tangay-tangay si Dean ang nagawa ko. Hindi ko na sinubukan pang makipag-argumento sa kanila dahil na rin sa pakiusap ni Dean. Kapag tinuloy ko rin ay tiyak na 'di magdadalawang isip ang mga mas masahol pa sa kriminal na pulis ba i-flag akong kriminal. Kapag nangyari 'yon sino ang magliligtas kay Dean?
"Mahal, Pangako hahanap ako ng tulong at ililigtas kita."