Chapter One

2622 Words
HINDI maipaliwang ni Annika ang magkahalong kaba at takot sa dibdib niya. Hindi ito ang unang pagkakataon na mamamasukan siya bilang isang caregiver subalit hindi talaga niya maiwasan ang dagain. Ilang minuto na rin siyang nakatulala sa kawalan at hindi malaman kung ano ang dapat na gawin. "Sigurado ka ba sa papasukin mong ito, Annika?" nag-aalangang bulong pa niya sa sarili na agad sinundan ng isang buntong-hininga.       Ganoon nalang ang kabang nararamdaman niya dahil maski sa hinagap kasi ay hindi sumagi sa isip ni Annika na sa isang mansyon pala siya nakatakdang manilbihan. Sa unang tingin ay masasabi niyang higit pa sa dalawampung beses ang laki ng bahay na iyon kaysa sa tahanan nilang mag-aama. Hindi niya inakala na porque sinabing nasa isang subdivision iyon sa Ortigas, tulad pala iyon ng mga magagarang bahay na madalas sa telebisyon niya lang nakikita.      Mula Laguna ay lumuwas pa siya pa-Maynila nang mabalitaan mula sa isang kaibigan ang tungkol sa trabahong iyon. At dahil sa talagang kailangan niya ng mapagkakakitaan ay naglakas-loob na siya kahit pa nangangahulugan iyon na mapapalayo siya sa pamilya.        Muli ay sinipat niya ang maliit na papel sa kamay niya upang siguruhin kung tama nga ba ang address na napuntahan niya. Mainam at hindi nga siya nagkamali. Sa kabila ng kabang nararamdaman, malaki pa rin ang pasasalamat niya na kahit ito ang beses niyang lumuwas ng mag-isa pa-Maynila, sa awa ng Diyos ay tama naman ang kaniyang napuntahan.       Sa hindi mabilang na pagkakataon ay muli siyang humugot ng malalim na hininga. Hindi maiwasang sumagi sa isip niya ang mga nangyari bago siya nagdesisyon na makipagsapalaran sa estrangherong lugar na iyon …                                                                                                                                                                                                 "Annika ... " Nang marinig ang mahinang pagtawag na iyon ng kaibigang si Ysa ay naputol ang pag-iisip niya ng malalim. Napalingon siya sa kaibigan na ngayon ay kasama niyang naglalakad papunta sa terminal ng jeep. Pauwi na sila ng mga oras na iyon matapos ang maghapong duty sa pinagtatrabahuhang restaurant. Madilim na ang paligid subalit hindi nila iyon alintana dahil kahit papaano'y mga mga post lights naman na nagkalat sa kalsada.       "Hmm?" tipid na tugon niya. Sa totoo lang ay sobra na ang pagkahapong nararamdaman niya kung kaya't para bang wala na rin siyang enerhiya na magsalita pa.       "Bakit ang lalim yata ng iniisip mo? Sa lahat ng bagong sahod, ikaw ang hindi masaya. Tingnan mo nga 'yang nguso mo, konti nalang sasayad na sa lupa,"  pabiro subalit may bahid ng pag-aalalang sambit nito.      Sa halip na matawa o mangiti sa pagbibiro nito ay hindi pa rin niya maiwasang mapabuntong-hininga. Bahagya pa siyang napakamot sa ulo bago tuluyang tumugon. "Kinukwenta ko lang kung paano ko hahatiin 'yung sweldo ko sa mga gastusin sa bahay at sa mga utang na kailangang bayaran. Ngayon palang mukhang kukulangin na naman ako, Ysa." Nakita niya ang biglang pagbagsak ng balikat ng kaibigan subalit napansin niya na pinilit pa rin nitong ngumiti. "Naku! Hindi pa nga nag-iinit sa kamay mo 'yang sweldo mo, namomroblema ka na naman? " muli ay pagbibiro nito. Batid niyang ginagawa iyon ng kaibigan upang kahit papano ay pagaanin ang loob niya. Gayunpaman ay bigo pa rin itong pangitiin siya. Sa huli ay napabuntong-hininga na lamang ito at saka siya matamang tinitigan. "Sabi ko naman kasi sa iyo noon, tanggapin mo na 'yung trabahong inaalok ni Luisa sa iyo sa Maynila. 'Yung pagiging caregiver ba 'yun? Tama 'yun nga! Hindi ba’t nabanggit mo na maganda ang sasahurin mo kung sakali? Bakit hindi mo pa kuhanin ang pagkakataon na iyon? Bakit ba nagtitiyaga ka pa sa kakarampot na kita natin sa pag-w-waitress kung may pagkakataon ka namang kumita ng malaki?” Alam mo napapagod ka lang sa trabaho natin ngayon nang wala namang kinapupuntahan. 'Yung stress level mo, hindi rin nababawasan! Payong kaibigan lang pero sana, i-consider mo rin siya, Annika."      Natahimik na lamang siya. Sa totoo lang ay punto naman ang kaibigan niya. Mailap naman talaga para sa undergraduate na gaya niya ang oportunidad na makakuha ng trabahong mataas-taas ang suweldo kung kaya't nagtitiis siya sa maliit na kinikita ngayon. Matagal na rin niyang pinag-iisipan ang tungkol sa alok na iyon subalit talagang pinipigil siya ng ideyang maiiwan niya ang ama’t kapatid niya. Lalo pa't sa dalawang dekadang buhay niya ni minsan ay hindi pa siya nalayo sa mga ito.     May naipundar naman sanang maliit na Flower Farm ang kaniyang ama at nasirang ina sa Tagaytay, subalit hindi pa rin sapat iyon lalo na't hanggang ngayon ay nagbabayad pa sila ng mga patong-patong na utang dahil sa pagkakasakit noon ng kaniyang ina at ng nakababatang kapatid niya na si Mikay. Hindi niya maiwanan ang mga ito, lalo na't maging ang kaniyang ama ay may katandaan na at palagian na ring nagkakasakit. Pakiramdam niya'y hindi rin siya mapapanatag kung iiwanan niya ang mga ito sa ganoong sitwasyon.      Nasa ganoong pag-iisip siya nang maramdaman niya ang mahigpit na pagyapos ng kaibigan sa braso niya. "Gusto mo mag-KTV tayo ngayon, Annika? Treat ko! Kalimutan mo muna 'yung mga problema na 'yan!" masiglang suhestiyon nito sa kaniya kasabay ng pagtaas ng kilay. "Please? Pagbigyan mo na ako, please?"       Sa wakas ay napangiti na siya dahil sa pangungulit nito."Talaga? Libre mo? Bago 'yun ha," kunwari ay nag-aalinlangang tugon niya.     "Oo nga! Ako bahala sa iyo! Basta sasama ka ha?"      Napatango na lamang siya kasabay ng isang mahinang pagtawa. "Tiyak hindi mo naman ako titigilan hangga't hindi mo ako napapayag! O sige! Basta walang inuman ha? Kantahan lang! Maaga pa akong gigising bukas dahil may naka-schedule akong tutorial session kay Sam. Sayang naman, extra income rin 'yun."     "Yes!" nagagalak na saad ng kaibigan na maikailang ulit pang napatalon sa kinatatayuan dahil sa sobrang excitement. "Ako pa ba! Oo naman! Alam ko! Walang iinom, kantahan lang ..." itinaas pa nito ang kanang kamay sa ere na para bang nanunumpa. "Promise! Close my heart! Tapon susi pa!" Hindi niya mapigilan ang muling mapatawa ng mahina dahil sa maarteng pagsasalita ni Ysa.       Muli ay nagpatuloy sila sa paglalakad habang nagkukuwentuhan subalit kapwa sila natigilan nang marinig ang pagring ng cellphone niya. Nang i-check niya iyon, rumehistro doon ang pangalan ng ama niya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ganoon nalang ang biglang pagkabog ng malakas ng dibdib niya. Habang nanginginig pa ang mga kamay ay dali-dali niyang sinagot ang tawag. "Hello, Dada ..."      “Annika, si Mikay, sinugod siya sa hospital! Nawalan siya ng malay kanina!" Pakiramdam niya'y sandaling tumigil ang mundo niya matapos marinig ang natatarantang boses na iyon ng ama."P-puntahan mo na kami ngayon, anak. N-nandito kami ngayon sa h-hospital."     "S-sige po ... Pupuntahan ko po kayo agad." Nanlalambot man ang tuhod niya dahil sa magkahalong takot at kaba ay piniliit pa rin niyang pakalmahin ang sarili.         Nang maputol ang tawag ay muli siyang bumaling sa kaibigan. "Y-Ysa ... si Mikay, sinugod daw sa hospital. K-kailangan ko siyang puntahan. I'm sorry pero—"       "Diyos ko! Sinumpong na naman ba si Mikay? Ang mabuti pa magmadali na tayo Annika! Sasamahan kita!"      Tumango lamang siya. Nang makita niya ang paparating na taxi ay agad nila itong pinara.         Habang nasa biyahe, pakiramdam niya’y napakabagal ng oras. Kung maaari lang ay gustong-gusto na niyang paliparin ang sinasakyang taxi upang mabilis na mapuntahan ang kapatid. Mabuti na nga lang at kasama niya si Ysa upang paalalahanan siyang kumalma. Kung hindi ay malamang na inatake na rin siya puso dahil sa labas na pag-aalalala. Walang patid na lamaang siyang umusal nang dasal hanggang sa marating na nila sa wakas ang hospital.        Nagmamadaling tinungo nila Annika at Ysa ang emergency room. Halos madurog ang puso niya sa nadatnan niyang kalagayan  ni Mikay. Mula sa pinto ay natanaw na niya agad na kung anu-anong aparato ang nakadugtong sa maliit nitong katawan habang nababakas pa rin sa mukha nito ang labis na sakit na dinaramdam maging ang kahirapan nito sa paghinga. Dahil doon ay parang sinemento si Annika sa kinatatayuan niya. Bigla ay nilukob siya ng kakaibang takot kung kaya't hindi niya magawang lumapit sa kapatid. Hanggang sa naramdaman niya ang pagpisil ni Ysa sa kanang kamay niya. "Tatagan mo loob mo, Annika. Mas kailangan ka ngayon ng kapatid mo. Huwag kang matakot ..."  Kahit papaano ay lumakas ang loob niya dahil sa sinabi na iyon ng kaibigan.  Paisa-isang hakbang siyang lumapit sa kinaroroonan ng kapatid. Umupo siya sa gilid ng kama nito at mataman itong pinagmasdan. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito.       Hindi niya maiwasan ang makaramdam ng habag . Sanggol palang si Mikay ay pabalik-balik na ito sa hospital. Sa ngayon ay sampung taon na rin itong pinapahirapan ng congenital heart disease ... sakit na siya ring bumawi sa buhay ng kanilang ina walong taon na ang nakakalipas.       Nanatili siya sa tabi ng kapatid hanggang sa maramdaman niya ang marahang paghaplos sa buhok niya mula sa likuran. Nang lingunin niya iyon, sumalubong sa kaniya ang nangangambang mukha ng kaniyang ama.      "S-sabi ng doktor, hindi na raw tinatanggap ng katawan ni Mikay ang mga gamot na iniinom niya," anito sa garalgal na boses. "At ang mas nakakabahala pa, nakakita sila ng panibagong baradong ugat sa puso niya."       Pakiramdam niya'y may kung anong biglang kumirot sa dibdib niya matapos marinig iyon. "Kung ganoon po, paano na si Mikay? Paano na siya gagaling?" kinakabahang usisa niya sa ama.      "Heart surgery … K-kailangan niya ulit maoperahan sa lalong madaling panahon.  Coronary Artery Bypass Grafting ang tawag sa pagkakaalala ko. Ang kaso, anak kailangan natin ng higit kalahating milyong piso para sa operasyon," bakas sa boses nito ang labis na panlulumo.        Maging siya ay napahawak sa sintido dahil sa narinig. “K-kalahating milyon po? S-saan po tayo kukuha ng g-ganoong kalaking pera, Dada?”       "May nakausap na akong pwedeng mautangan. Kaya lang, gusto niyang gawing collateral ang flower farm. Kung sakali'y dalawang taon lang ang ibibigay niyang palugit sa atin at kung hindi natin siya mabayaran, tiyak na mawawala sa atin ang flower farm," paliwanag nito na mas lalo pang nagpasikip sa dibdib niya.       Napakahalaga para sa kanila ng Flower Farm na iyon. Magkasamang itinayo at buong-puso pinalago ng mga magulang niya ang ari-ariang iyon kaya hindi niya matatanggap kung mawawala iyon sa kanila. Lalo na't napakaraming alaala doon ng kaniyang ina.        Tuluyan na siyang natahimik. Hindi na niya alam ang iisipin pa. Napakagulo. Maging siya ay hindi na rin alam ang gagawin. Hanggang sa naramdaman niya ang bahayang pag-isod ng ama. Hinawakan nito ng napakahigpit ang kamay ni Annika.        "Alam kong ayaw mong mawala ang flower farm natin, anak. Pero sa ngayon, ang kapakanan muna ng kapatid mo ang kailangan nating isipin. Huwag kang mag-alala, pinapangako ko sayo, gagawin ko ang lahat huwag lang iyong mawala sa atin. Magtiwala ka sa akin, malalampasan din natin ‘to.”      Tumango lamang siya bilang tugon pagkunwa'y yinakap ng mahigpit ang ama. "A-alam ko po, Dada ... g-gawin niyo po ang dapat." …      Muli ay bumuntong-hininga siya matapos maalala iyon. Hindi niya maatim na ipapasan sa ama ang lahat ng responsibilidad kaya nagdesisyon siyang magsakripisyo. Pikit-mata niyang tinanggap ang alok na maging caregiver alang-alang sa pamilya niya … kahit pa pakiramdam niya’y parang sinasakal siya ng ideyang matagal siyang malalayo sa mga ito.       Nang maramdaman niyang nakaipon na siya ng sapat na lakas na loob, mabilis na niyang pinindot ang doorbell sa pangambang baka magbago pa ang isip niya. Batid niyang kung patatagalin niya pa iyon ay baka tuluyan na siyang matalo ng mga pag-aagam-agam niya.      Ilang sandali rin siyang naghintay hanggang sa isang matandang lalaki na sa tingin niya'y lampas sisenta anyos na ang nagbukas ng gate para sa kaniya. Base sa unipormeng suot nito ay mabilis niyang nahinuha na nagtatrabaho doon ang matandang lalaki bilang driver. "Anong maitutulong ko sa iyo, ineng?" Nakangiting usisa nito sa kaniya.       She cleared her throat before answering. Ramdam niya kasi ang panunuyo ng lalamunan niya dahil sa kanina pang pag-iisip. "M-magandang araw po. Hinahanap ko po sana si Manang Ester. Ako po si Annika Rivero, ‘yung ni-refer po ng apo niyang si Luisa para maging caregiver,” aniya sa kabado pa ring boses.       Bahagya itong tumango. “Kung gayon ay ikaw na pala ‘yung binabanggit ng apo naming si Luisa na mamasukan dito bilang caregiver?  Mabuti at nakarating ka. Inaasahan ka talaga ni Ma'am Yvette ngayon. Abala sa pagluluto ng agahan si Ester, 'yung asawa ko na siyang nakausap mo kaya ako na ang bahala sa iyo. Halika na sa loob at nang mapakilala kita kay Ma'am."      Tumango lamang siya habang tipid na ngumingiti. Agad siyang iginaya ng matandang lalaki papasok sa loob ng bahay. Tinulungan pa siya nito sa pagbitbit ng maletang dala niya.       Kung anong pagkamangha ni Annka sa ganda at lawak ng labas ng mansyong iyon, ay higit pa ang pagkamanghang naramdaman niya nang masilayan ang nasa likod ng mataas na gate na iyon.       Malawak ang garden at may kalakihan ang garahe nito. Kung ang mismong istruktura naman ng bahay ang pag-uusapan, napakaaliwalas nito sa paningin lalo na’t halos yari sa salamin ang pader nito. Mula sa salaming pader na iyon ay matatanaw ang eleganteng interior design ng mansyon na batid niyang hango naman sa Scandavanian Style dahil puros puti at abo ang nangingibabaw na kulay sa paligid. Iniisip niya pa lang kung gaanong karaming salapi ang ginugol para lamang maitayo iyon ay talagang nalulula na siya.        Nang marating nila ang living room, agad siyang iginaya ng mama na maupo sa magarang sofa. Halos nanibago rin ang pang-upo niya sa lambot ng upuan na iyon.     Sandaling nagpaalam ang lalaki para tawagin ang amo. Muli ay namumbalik tuloy ang kabang nararamdaman niya.         Pagbalik nig matandang lalaki ay kasama na nito ang isang ginang na sa unang tingin ay aakalain mong artista. Sopistikada itong tignan sa corporate attire na suot na sinamahan pa ng maayos na pagkakapusod ng buhok. Sa mestisang kutis at postura nito ay agad ring naisip ni Annika na may dugo itong banyaga.       Napatayo tuloy siya. Ramdam niya ang pangangatog ng tuhod niya dahil sa kaba. Gayunpaman, agad rin iyong nawala nang isang ngiti ang ginawad nito sa kaniya. "Hello there! I'm Yvette Cervantes. And you are?"        Sandali siyang natulala dahil sa narinig. Kung hindi siya nagkakamali ay minsan na niyang nabasa ang pangalan nito sa isang business magazine. Presidente ito ng Cervantes Primeholdings Inc., ang pinakatanyag na kompanya sa bansa sa larangan ng pagnenegosyo. Nagmamay-ari ang mga ito ng shopping malls, hotels, condominiums at maging real estate properties.               "Ako po si Annika ... Annika Rivero." Inilahad niya ang bahagya pang nanginginig niyang kamay na agad rin namang tinanggap ng ginang.        "Well then, nice meeting you, Annika. Please make yourself comfortable." Muli siya nitong iginaya na maupo pagkunwa'y sunod na tumabi sa kaniya. "You're just on time. Paalis na sana ako. Buti nakaabot ka pa ..." anito habang hindi pa rin naaalis ang ngiti. "By the way, do you want anything? Coffee? Juice? Or tea?"       Napailing siya. "H-huwag na po. S-salamat nalang po."         Tumango lamang ito. "Well then, let’s get straight to the point. Alam kong nagkausap na rin naman kayo ni Manang Ester sa telepono ng ilang beses. I’m just going to clear few things …”       Hindi niya maiwasan ang mapalunok nang mapansin ang matamang pagtitig sa kaniya ng ginang na para bang sinusuri ang kabuuan niya.     “Sa nakikita ko, mukhang disente at katiwala-tiwala ka naman, Annika. Sana lang magampanan mo ng maayos ang trabaho mo. I reward good service with good compensation. In fact, I’m very much willing to give twenty-five thousand pesos as your monthly salary. Hindi pa kasama roon ang iba pang benepisyo at bonus na pwede mong matanggap."       Halos hindi niya mapaniwalaan ang narinig. Sabay na bumilig ang mga mata niya dahil sa pagkabigla. B-bente singko mil po?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD