❀⊱Amy's POV⊰❀
Kanina pa ako nakaupo dito sa sofa. Nag-iisip ako kung ano ang sasabihin ko sa aking mga magulang. Dalawang buwan akong mawawala at hindi ko alam kung ano ang sasabihin kong dahilan sa kanila. Ayokong magsinungaling sa kanila, pero alam ko rin na hindi ako titigilan ni Calix. Bahala na, gagawan ko na lang ng paraan. Siguro sasabihin ko na lang na may tumanggap sa aking trabaho sa Manila at may two months training with pay. May pera pa naman ako sa bangko, iyon na lang ang ipapadala ko sa mga magulang ko, kunwari sweldo ko 'yon. Tama, ganuon na lang. Baka naman sa loob ng dalawang buwan, mahulog sa akin ang lalaking 'yon. Hindi naman ako pangit, alam ko sa sarili ko na may ibubuga ako kahit na kanino niya ako itapat kung sa kagandahan lang din naman ang pag-uusapan.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko, pagkatapos ay tumayo ako at lumabas ako ng aming bahay. Pero nagkagulatan pa kami ng Cynthia ng magkabanggaan kaming dalawa sa pinto. Sapo ko ang aking noo na nakatitig sa kanya dahil tumama ang noo ko sa pintuan. Tawa naman siya ng tawa at hinimas pa niya ang noo ko.
"Sorry. Hindi ko naman alam na bigla kang lalabas kaya pagbukas ko ng pinto ayan at sa'yo pa tumama. Masakit ba pagkakauntog mo?" Sabi niya. Inis naman akong umirap sa kanya, pero alam naman niya na pabiro lang ang inis ko.
"Nandito ka pala Cynthia. Sabihin mo sa nanay mo na mamaya ko na dadalhin sa kanya ang mga gulay na ibibigay ko sa inyo. Nanghuli din ang aking asawa ng bangus, dadalhan ko kamo kayo mamaya para hindi na kayo mamalengke pa. Huwag mong kalilimutan 'yang sinabi ko sa'yo." Sabi ni nanay kay Cynthia. Namumuso naman ang mga mata ng kaibigan ko. Gustong-gusto kasi niya ang bangus, lalo na kung ibababad ito sa suka na maraming bawang at paminta ng ilang araw bago pirituhin.
"Naku tita matutuwa niyan ang aking ina. Makakatipid kami ng ilang araw sa kakainin namin dahil po sa inyo. Salamat po tita." Tuwang-tuwang sabi ni Cynthia. Napangiti naman ako at hinila ko na ang kamay niya palabas ng aming bahay. Nagtungo agad kami sa maliit na kubo. Naalala ko ang maliit na kubo na ito na lagi kong nakikita na natutulog si Calix. Minsan ay nahulog pa ito dahil sa kalokohan nila Marcus nuon. Nilagyan kasi nila ng malaking palakang buhay sa noo si Calix, kaya ng maramdaman nito ang malamig, basa at malagkit na palaka, bigla siyang nagwala at nahulog sa sahig. Natawa tuloy ako ng maalala ko ang nangyari.
"Uuuy, bakit ganiyan ang ngiti mo?" Pang-aasar ni Cynthia. Siniko ko siya, napapailing pa ako ng ulo.
"Naalala ko lang ang mga kaibigan ko. 'Yung ikinukuwento ko lagi sa'yo na sila Althea at Olive. Namimiss ko na sila, kaya lang busy na sila sa mga buhay-buhay nila. Si Althea ay nasa Milan pa at may inaasikasong trabaho dahil ipinasa na ng kanyang ama ang pagiging CEO sa kanya. Si Olive naman ay umuwi ng probinsya, namimiss ko na ang isang 'yon, pero hanggang ngayon ay hindi pa ako tinatawagan. Busy na rin siguro sa maliit na negosyo niya at sana ang maliit na negosyo niyang 'yon ay umunlad. Masipag pa naman ang isang 'yon." Wika ko sa kanya.
Totoong namimiss ko na sila. At si Olive naman ay nagtayo ng isang maliit pero maayos na kainan sa probinsya nila. Masarap magluto si Olive kaya sigurado ako na mapapalago niya 'yon. Ako naman ay itong maliit na farm ang binili ko para sa mga magulang ko mula sa kinita ko sa pagiging assassin namin nuon sa organisasyon ni Althea. May pera pa naman ako sa bangko, hindi ko lang inilalabas pa dahil ayokong magtaka ang aking mga magulang. Ang alam lang kasi nila ay nanghiram ako nuon ng pera kay Althea para mabili ko ang farm na ito.
"Bakit hindi mo tawagan?" Sabi niya. Ngumiti ako sa kanya. Ilang beses ko ng sinubukang tawagan ang dalawa, pero dahil sobrang busy nila, hindi nila ako masyadong mabigyan pa ng oras, kaya hinayaan ko na lang. Hindi ko na lang sila kinukulit muna dahil kung magkakaroon sila ng oras, sigurado naman ako na uunahin nila akong tawagan.
"Busy pa kasi mga 'yon. Anyway, bakit ka pala nandito?" Sagot ko. Ngumiti ako sa kanya, medyo pilit pero hindi ko ito pinahalata.
"Wala ka kasi dito kagabi, tapos maghapon ka pang wala kanina kaya pabalik-balik ako dito. Tatanungin sana kita kung gusto mong mag-apply ng trabaho sa ibang bansa, nangangailangan daw ng caregiver at medyo malaki ang sasahurin. Gusto ko sanang mag-apply, kaso natatakot ako dahil hindi ko alam kung mabait ba ang magiging amo ko, baby daw ang aalagaan ko sa Japan. Gusto mo bang subukan natin? Bukas na kasi ako pupunta ng Manila para makipag-usap duon sa sekretarya ng magiging amo ko. Mabait naman daw ang mag-asawang magulang nung baby at nandito pa sila sa Pilipinas, pero soon ay pupunta na ng Japan, at kapag natanggap ako ay makakarating na ako ng Japan." Sabi ni Cynthia. Nanlaki naman ang mga mata ko ng marinig ko ang sinabi niya.
"Ano naman ang alam mo sa Japan? Baka mamaya kung ano ang mangyari sa'yo duon ha? Alam mo namang maraming illegal recruiter, tapos ang mga babaeng ipinapadala sa ibang bansa, ginagawa nilang prostitute. Mag-iingat ka Cynthia." Sabi ko. Ngumiti naman siya sa akin at kinuha ang isang kamay ko.
"Ibig bang sabihin niyan ay hindi ka sasama sa akin sa Japan? Sayang ang ganda pa naman ng sweldo nila. Pero huwag kang mag-alala dahil kaya ko ito. Gagawin ko ang lahat para mabago ko ang buhay namin. Bibigyan ko ng magandang kinabukasan ang bunso kong kapatid at ang mga magulang ko." Ngumiti na lang ako sa kanya at sinabi ko sa kanya na wala akong interes na magtrabaho sa ibang bansa. Mas gusto ko dito sa Pilipinas para kasama ko lang ang aking mga magulang.
"Basta mag-iingat ka duon kung sakali man na matanggap ka. Tapos, huwag kang makakalimot na tumawag sa akin, at saka pala natanggap na din ako sa isang kumpanya sa Manila, maganda din ang sweldo at may training ako ng two months. Pero may sweldo naman ang two months na 'yon. Kaya nga kailangan ko ng magpaalam kila nanay at tatay tungkol dito. Nag-aalala ako, baka hindi nila ako payagan." Sabi ko. Tumawa naman siya at naupo sa silyang gawa sa kawayan.
"Ano ka ba? Lagi ka namang pinapayagan ng mga magulang mo. Lalo na tungkol sa trabaho 'yan, sigurado ako na hindi ka magdadalawang salita sa kanila at papayag na agad sila." Sabi niya, lumaki naman ang pagkakangiti ko. Sana nga ay pumayag sila nanay, kasi kapag hindi sila pumayag, dito ako guguluhin ni Calix sa amin. Kaya nga magsisinungaling ako sa kanila na may trabaho na ako para lang makasama ko si Calix ng dalawang buwan. Sana mahulog siya sa akin... sana ay magawa niya akong mahalin. Dalawang buwan din 'yon... dalawang buwan kaming magkakasama sa iisang bubong.
"Bakit parang ang lungkot mo? Hindi ka ba masaya na may trabaho ka na, tapos may sweldo pa ang training mo? Saan ka pa! Ang swerte mo kaya." Sabi niya. Napakamot naman ako ng batok, pero nagulat siya ng biglang mapatingin sa batok ko.
"Hala, Amy bakit may pula-pula ka sa may batok mo? Napaano ka?" Gulat na gulat niyang tanong. Nabigla naman ako at agad kong inayos ang suot ko. Nakalimutan ko na binigyan nga pala ako ng marka ng sira ulong lalaking 'yon.
"Kanina kasi nuong sinuot ko itong damit na galing ng sampayan, puro pala malalaking langgam na kulay pula. Tignan mo, meron pa ako sa siko, pantal-pantal na nga." Wika ko. May katotohanan naman ang sinabi ko, pero ang marka sa batok ko, iyon ang hindi totoo. Marka ito na ibinigay sa akin ni Calix dahil siya lang daw ang nagmamay-ari sa akin.
"Ay naku, kaylan kaya mauubos ang langgam diyan sa puno ng mangga ninyo. Dapat diyan pausukan ng may gamot para maubos ang mga malalaking langgam." Sabi niya, tumingin pa siya sa may sampayan ng damit na nasa ilalim ng puno ng mangga. Hindi na tuloy ako mapakali at panay na ang hawak ko sa aking leeg. Buti na lang at sa may batok at hindi kita nila nanay, baka hindi 'yon maniwala sa akin kapag sinabi ko na kagat ito ng langgam.
Lumipas pa ang ilang sandali at nagpaalam na si Cynthia. Nanatili naman ako dito sa kubo, nakatingin lang ako sa bintana, pinagmamasdan ang magandang tanawin sa loob ng farm namin. Hindi ko talaga gustong magsinungaling sa mga magulang ko, pero kailangan... dahil bukas ay inaasahan ni Calix na makikita niya ako sa loob ng bahay na 'yon na binili niya na pansamantalang magiging tirahan naming dalawa. Kapag hindi ako sumipot, gagawin niya ang sinabi niya na dito sa farm namin may mangyayari sa aming dalawa. Syempre ayoko 'yong mangyari.
Napahugot na lang ako ng malalim na paghinga. Bahala na. Sana lang talaga ay payagan ako ng mga magulang ko. Kapag pumayag sila, mag-eempake na ako ng gamit ko mamaya.
Calix, Calix, nakakainis ka talaga! Sigurado kasi ako na ten thousand lang 'yon eh, bakit naging isang bilyon? Saan nanggaling ang isang bilyon na 'yon? Nakakainis talaga!