GANOON na lamang ang paninigas ni Henri sa kanyang kinauupuan nang makita ang kasintahan na iniinterbyu sa isang sikat na programang pantelebisyon. Hindi dahil nagulat siya na nasa telebisyon ito, kundi dahil sa pahayag nito na may isang photoshoot ito kung saan naka-two-piece lamang ito! Samantalang pinagkasunduan na nila ang bagay na iyon! Alam nitong hindi siya pabor na maghubad ito at ipakita ang pangangatawan sa buong mundo! Anong pinagsasabi nito? "Wow, iyan ang inaabang-abangan ng mga tao, Miss Trinidad! Matagal na nilang hiniling na makita ang kaseksihan mo!" ani ng host. Bumigat ang paghinga ni Henri. Ngunit mas lalong hindi siya makahinga ng maayos dahil sa sagot ng kasintahan niya na buong tamis na nakangiti! "Well, malapit na nilang makita!" Na siyang ikinatawa ng host.

