--------
***Carliegh’s POV***
-
“Babe, I’m really sorry… something came up lang, you know—my job as a CEO,” muling hinging paumanhin ni Holland habang hawak ang kamay ko, bahagyang mariin, parang gusto niyang iparamdam sa akin na ayaw niya talaga akong iwan pero wala siyang choice.
Katatapos lang ng dinner date namin. Maaga pa. May plano pa kaming puntahan—isang dessert lounge sa kabilang building, then maybe a short drive habang nag-uusap lang kami tungkol sa kasal. Simple things. Ordinary plans. Pero para sa akin, iyon na ang mga bagay na pinakaaabangan ko.
Pero isang tawag lang… tapos na agad ang gabi namin.
May tawag siya mula sa sekretarya niya. Masyado raw talagang busy sa kompanya, at karamihan sa mga empleyado ay nag-o-overtime pa. Sinabihan niya ang sekretarya niya na tawagan siya kung may problema o kung kailangan siya roon—at mukhang kailangan nga siya ngayon.
“I need to go there now. They need me.”
Tumango ako, pilit pinapanatiling mahinahon ang mukha ko. Ngumiti pa ako, kahit ramdam kong unti-unting bumibigat ang dibdib ko.
“I understand,” sabi ko. “Responsibility mo ’yan. The company depends on you.”
Pero sa loob-loob ko… masama ang loob ko. Mabigat. Masakit.
Hindi ko naman hinihingi na piliin niya ako kaysa sa trabaho niya. Hindi ako gano’n ka-selfish. Alam kong mahalaga ang kompanya niya. Alam kong maraming umaasa sa kanya. Pero… kahit ihatid man lang ako pauwi? Kahit siguraduhin niyang makakauwi ako nang maayos?
Alam niyang wala akong dalang kotse. Hindi naman ako pwedeng magdala dahil magkasama kami. Pero hindi ko inaasahan na hindi pala niya ako mahahatid.
Nagmamadali siya. Sobrang nagmamadali.
It’s for us too, pilit kong sabi sa sarili ko. Para sa future namin. Para sa buhay na bubuuin namin.
“Thank you for understanding, babe,” malambing niyang sabi, saka marahang hinaplos ang pisngi ko—parang sinusubukang burahin ang lungkot na hindi ko naman pinapakitang nararamdaman ko.
Lumapit siya sa gilid ng kalsada at itinaas ang kamay para pumara ng taxi. Ilang segundo lang, may humintong sasakyan sa harap namin.
Binuksan niya ang pinto para sa akin. Pero bago ako tuluyang sumakay, hinila niya ako palapit.
Sandali lang.
Marahan niyang hinalikan ang labi ko—isang mabilis pero mainit na halik.
“Text me when you get home, okay?” bulong niya.
Tumango ako.
Sumilip siya sa loob ng taxi at tumingin diretso sa driver, seryoso ang mukha—yung authoritative aura na automatic lumalabas kapag CEO siya.
“Make sure she gets home safe,” mariin niyang sabi. “Mananagot ka sa akin kapag may nangyaring masama sa kanya.”
Tumango agad ang driver, halatang kinabahan.
------
Aminado ako… hindi ko talaga napigilan ang sarili kong mapaluha habang nasa loob ako ng taxi. Tahimik lang ang paligid—mahina ang tugtog ng radyo, steady ang andar ng sasakyan, at ako… pilit na pinipigilan ang hikbi ko.
Nakakainis.
Kahit naintindihan ko si Holland—alam kong importante ang trabaho niya, alam kong malaking responsibilidad ang hawak niya—pero masamang-masama pa rin ang loob ko.
Habang papalapit ang kasal naming dalawa… pakiramdam ko mas lalo siyang nawawala sa tabi ko.
Lagi siyang busy.
Lagi siyang wala.
Lagi siyang nagmamadali.
Parang… palayo siya nang palayo.
Napahigpit ang kapit ko sa handbag ko habang nakatingin sa bintana. Ang ilaw ng lungsod, malabo sa paningin ko dahil sa mga luhang hindi ko mapigilang tumulo.
Hindi ko na nga maramdaman kung ikakasal pa ba talaga kami… bulong ng isip ko.
Napapikit ako at napailing.
Naiinis ako. Hindi kay Holland… kundi sa sarili ko.
Bakit ba ako umiiyak? Bakit kung anu-ano ang iniisip ko? Ikakasal na kami. Ito ang pangarap ko. Apat na taon kong hinintay ang sandaling ’to. Hindi ako dapat nagdududa. Hindi ako dapat nanghihina dahil lang pakiramdam ko nawawalan siya ng oras para sa akin.
Mahina akong napabuntong-hininga.
“Get yourself together, Carleigh…” pabulong kong sabi sa sarili ko.
Mabilis kong pinunasan ang luha ko gamit ang tissue, inayos ang buhok ko, at pilit na ibinalik ang composure ko.
Pero ilang sandali lang…
Napakunot ang noo ko nang maramdaman kong bumagal ang takbo ng taxi.
Hanggang sa tuluyan itong huminto.
Napatingin ako sa labas ng bintana. Madilim ang paligid. Halos walang dumadaang sasakyan. Hindi rin traffic.
“Kuya… bakit po tayo huminto?” tanong ko, pilit pinapanatiling mahinahon ang boses ko kahit may bahid na ng kaba.
Sumilip sa rearview mirror ang driver, halatang nahihiya.
“Ma’am… pasensya na po talaga,” sabi niya. “Nasiraan po tayo. May problema na po talaga itong taxi ko… umatake na naman po yung sira.”
Parang biglang bumigat ang dibdib ko.
“Nasiraan…?” ulit ko, hindi makapaniwala.
Tumingin ako sa labas. Tahimik. Madilim. At may ambon na unti-unting lumalakas.
Mahina lang ang ulan… pero sapat para mas lalo pang maging malungkot at malamig ang paligid.
At doon ko naramdaman ang matinding frustration na sumiksik sa dibdib ko.
------
Tatlongpung minuto na ang lumipas pero hindi pa rin naaayos ang taxi na sinasakyan ko.
Kanina pa nakayuko ang driver sa harapan, kung ano-ano ang kinukutkot sa makina, pero wala pa ring nangyayari. Nakaupo lang ako sa loob, nakatitig sa labas habang pinapanood ang patak ng ulan na dahan-dahang dumudulas sa bintana.
Hindi na ako komportable.
Hindi na rin ako mapakali.
Huminga ako nang malalim at tuluyan nang nagdesisyon.
“Kuya… okay lang po. Maglalakad na lang ako. Hahanap na lang ako ng masasakyang taxi,” mahinahon kong sabi kahit halata sa boses ko ang pagod at inis.
Nag-alangan pa siya pero ngumiti lang ako at bumaba na.
Mahina lang ang ulan. Ambon lang halos. At sa totoo lang… wala na akong pakialam kung mabasa ako. Ang mahalaga makaalis na ako sa lugar na ito.
Mahigpit kong hinawakan ang bag ko habang naglalakad sa gilid ng kalsada. Basa na ang buhok ko, pati damit ko dumidikit na sa balat ko, pero dire-diretso lang ako.
Kaya ko ‘to… konti na lang…
Pero bigla akong napahinto.
May dalawang lalaking naglalakad papalapit sa akin mula sa unahan.
Mabagal ang lakad nila. Relaxed. Pero ang tingin nila sa akin… gumagapang sa balat ko.
Parang hinuhubaran ako gamit ang mga mata nila.
Napatigil ako. Kusang umurong ang paa ko.
“Miss… saan ka pupunta?” tanong ng isa, nakangisi. “Hatid ka namin.”
Mahigpit kong niyakap ang bag ko.
“Ah… no, thank you. Kaya ko na po,” magalang kong sagot, pilit pinapanatiling steady ang boses ko.
Pero nagbago ang ekspresyon nila.
Nawala ang ngisi. Napalitan ng inis.
“Ayaw mo?” malamig na sabi ng isa. “Arte naman nito.”
Lumapit pa sila.
Mas lumakas ang t*bok ng puso ko.
“Okay lang po talaga—” hindi ko na natapos.
Biglang inabot ng isa ang braso ko.
Napasinghap ako at mabilis na umatras.
Tumawa sila.
Malakas. Bastos. Nakakakilabot.
Takot na takot na ako.
Tumalikod ako at tumakbo.
Kahit naka-high heels. Kahit madulas ang kalsada. Kahit halos wala na akong makita sa ulan at sa luhang bumabalot sa paningin ko.
Naririnig ko ang yabag nila sa likod ko.
Hinahabol nila ako.
“Hoy! Tumigil ka!”
Mas lalo akong tumakbo… pero—
Natapilok ako.
Sumubsob ako sa basang semento. Kumirot ang bukong-bukong ko. Napaiyak ako agad, hindi na dahil sa sakit… kundi sa sobrang takot.
Bakit walang dumadaan?
Bakit walang sasakyan?
Bakit parang--- wala akong mahilingan ng tulong?
Pilit akong gumapang paatras habang papalapit sila.
Hanggang sa—
May biglang humarang sa pagitan namin.
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari.
Isang suntok.
Isang malakas na sigaw.
May natumba. May napaungol. May sinipa.
Nahihilo na ako. Hindi ko na maayos makita ang nangyayari. Umiikot ang paningin ko. Mabigat ang katawan ko.
Pero bago tuluyang pumikit ang mga mata ko…
May isang mukha akong malinaw na nakita.
Basang buhok. Matigas na panga. Nag-aalala ang kanyang mga mata.
“Holland…” mahina kong bulong.
At tuluyan nang nagdilim ang paningin ko.