Ilang minuto ng nakatitig si Mari sa gate ng dati niyang bahay. Alas syete na ng gabi nang makarating siya sa Baguio mula Metro Manila. Abot langit ang kanyang kaba habang nagdadalawang isip na pindutin ang doorbell ng bahay.
Paano kung galit parin sa kanya ang mga magulang niya. Balita niya'y natalo sa eleksyon ang kanyang ama noong umalis siya sa poder nila pero hindi niya alam ang dahilan. Hindi na rin siya nag-usisa pa. Ang importante sa kanya buhay at nasa maayos na kalagayan ang mga ito, sapat na sa kanya iyon.
Humugot siya ng malalim na hininga at nilakasan ang loob. Nanginginig ang kanyang mga kamay na pumindot ng doorbell. Hindi nagtagal ay bumukas ang gate at sumilip ang isang pamilyar na mukha—si Nanay Minda. Nanlaki ang mga mata nito nang mapagsino siya.
"Ysabela!" Bulalas ng matanda at nilakihan ang pagkakabukas ng gate.
Agad siyang yumakap sa dating kasambahay. Noon pa mang maliit siya ay ito na ang namataan niyang nag alaga sa kanya dahil halos wala namang panahon ang Mama Avenida niya para asikasuhin siya. Mas tutok ito kay Ate Veronica at Ate Jewel niya. And kanyang Papa Manolo naman ay laging abala sa munisipyo.
"Kumusta ka na hija? Naku ang laki laki mo na at ang ganda mo pa!" Naluluhang papuri nito at hinagod siya ng tingin.
"Ayos naman po ako Nay, kayo kumusta po?"
"Maayos din ako hija. Mabuti naman at napadalaw ka dito. Miss na miss na kita alaga ko.."
Napangiti siya sa mainit na pagtanggap ng Nanay Minda niya. Ang mga magulang niya kaya, sabik din kaya silang makita siya ulit?
"Nay, nandito po ba si Papa Manolo?"
Nakita niyang natigilan ang matanda sa kanyang tanong. Isang pilit na ngiti ang kumawala sa labi ng matanda. "Ahm.. Ah w—wala ang Papa mo pero nandito si Ma'am Avenida," alanganin nitong sagot.
Dahil sa ekspresyon ni Minda ay kinabahan siya sa susunod na mangyayari. Pakiramdam niya hindi magiging maganda ang kalalabasan ng pagpunta niya pero iwinaksi niya ito sa kanyang isipan. Matagal na panahon na iyon. Siguro naman nagkaroon na ng lugar sa puso ng mga ito na patawarin siya kahit na hindi naman niya sinasadya ang nangyari.
"Sina Ate Veronica at Jewel po, kumusta? Nandito din po ba sila?"
"May trabaho ang mga iyon kaya mamaya pa ang uwi."
Tumango naman siya at sumilip sa loob ng bakuran. Namiss niya tuloy ang dati niyang buhay kahit paman hindi naging ganun kasaya ang kabataan niya.
"P—pumasok ka muna hija.."
Tumango siya at sumunod sa matanda papasok ng bahay. Halos walang nagbago sa buong kabahayan sa nakalipas na anim na taon. Pakiramdam niya ay pinaluma lang ng panahon ang mga kagamitan sa loob.
"Maupo ka lang muna Ysabela, sasabihin ko kay Ma'am Avenida na nandito ka," paalam ng matanda.
"Sige po Nay Minda."
Sandali pa siyang tiningnan ni Nanay Minda bago tumalikod at umakyat sa ikalawang palapag ng bahay. Tumingin tingin siya sa mga larawan at nadismaya na wala man lang ni isang picture niya ang nandoon. Tuluyan na kaya siyang tinakwil ng mga magulang niya? Nakakalungkot isipin na parang hindi siya nag-eexist sa pamilya nila.
Tunog ng takong ang nagpabaling sa kanya at agad siyang napatayo nang makita ang kanyang ina sa taas ng hagdanan. Maganda at sopistikada parin ito kung titingnan mo. Kahit na nagkakaedad na hindi parin iyon halata. Ngumiti siya pero unti unting napawi dahil sa lamig ng tingin nito sa kanya na para bang ayaw siya nitong makita.
Hindi siya kumurap habang pinapanood na bumaba ng hagdanan ang kanyang ina. Hindi man ganun kainit ang pagtrato nito sa kanya mula pa noon ay miss na miss na niya ito.
"M—ma.." Mahinang sambit niya at agad sinugod ng yakap si Avenida.
Natigilan siya nang ilang segundo ang lumipas subalit nanatili lang itong nakatayo at hindi gumanti ng yakap. Dahan dahan siyang kumalas at nahihiyang umatras. Siguro ay hindi pa handa ang mama niya na makita siya.
May luha man sa mga mata ay pilit siyang ngumiti. "K—kumusta po Ma?"
"Bakit nandito ka?" Walang emosyon nitong tanong.
Pinanlamigan siya at hindi maapuhap ang kanyang sasabihin. Kani kanina lang ay saulo na niya kung anong sasabihin kapag nagkita na sila pero ngayon ay parang naumid ang dila niya.
"Pagkatapos ng gulong dala mo may gana ka pang magpakita dito? Bakit Ysabela? Hindi pa ba sapat ang kahihiyang idinulot mo kay Manolo?" Nanlilisik ang mga mata niyong bulyaw sa kanya.
"M—ma.. H—hindi ko naman po sinasadyang magkaganun ang nangyari," naiiyak niyang tugon.
"Alin ang hindi mo sinasadya, ang magpabuntis at lumandi?" Galit itong lumapit sa kanya at mahigpit siyang hinawakan sa balikat. "Dahil sayo natalo si Manolo sa eleksyon! Dahil sayo nagkanda leche leche ang buhay namin! Isa kang malas Ysabela. Sana hindi ka na lang ipinanganak!" Itinulak siya nito dahilan para mapaupo siya sa sofa.
"Ma, ginahasa nga po ako. Hindi ko po sinasadya ang nangyari. Bakit ba ayaw niyong maniwala sakin?"
"At anong gusto mong palabasin, na nagsisinungaling si Veronica!?"
"Totoo po ang sinasabi ko Ma. Kahit ngayon lang paniwalaan mo naman ako. Ang unfair nyo naman. Bakit laging sila ate lang ang tama sa paningin mo, paano naman po ako? Anak niyo rin naman ako," humahagulgol niyang sumbat. Ayaw man niyang sabihin iyon ay hindi na niya napigilan ang sarili dala ng kanyang emosyon.
"Shut up!" Sigaw ni Avenida at sinundan ng isang malakas na sampal.
Tumabingi ang kanyang mukha sa lakas ng pagkakasampal sa kanya. Puno ng hinanakit niyang nilingon ang kanyang ina. Hindi pa rin nababawasan ang poot sa mga mata nito bagkus ay parang mas nadagdagan pa.
"Wala kang karapatang sumbatan ako Ysabela! Unfair? You're talking about unfair? Your existence is the definition of unfair dahil bunga ka ng kataksilan ng asawa ko!"
Natigilan siya sa katagang lumabas sa bibig ni Avenida. Ilang beses siyang napalunok bago nahanap ang tinig upang magsalita.
"A—ano pong sabi nyo?"
"Hindi kita anak Ysabela! You are a product of a home wrecker kaya hindi na rin ako magtataka kung bakit nabuntis ka sa mura mong edad dahil mana ka sa nanay mong makati!"
Lumingon siya sa gawi ni Nanay Minda para magbakasakaling walang katotohanan ang sinasabi nito. Na bunga lang iyon ng galit ni Avenida sa kanya pero base sa naging reaksyon nito ay hindi nagbibiro ang kanyang ina. Nilapitan siya ni Avenida at hinila ang buhok pero para siyang nabingi at namanhid sa nalaman.
All through these years ay hindi niya pala totoong nanay ang kinikilala niya? Wala pala siyang karapatang manumbat, magtampo o magalit dahil hindi naman pala siya tunay na anak. Kaya pala ayaw sa kanya ng mga ate niya. Kaya pala balewala sa ama niya noon kahit gaano pa siya kagaling sa eskwelahan. Kaya pala malamig ang turing sa kanya ni Avenida.
This explains every little thing she noticed before. Pero bakit hindi nila sinabi? Dapat una pa lang alam na niya para matuto siyang lumugar sa dapat niyang kalagyan. Bakit hinayaan nilang mabuhay siya sa kasinungalingan?
Bumalik siya sa huwisyo ng tumama ang kanyang likod sa balustre ng hagdanan. Ipinikit niya ang kanyang mata para tiisin ang kirot sa kanyang likod.
"Ikaw at ang nanay mo ang dahilan kaya hindi ko nasilayang buhay ang anak ko! Dahil sa inyong dalawa, nawala ang bunso ko," umiiyak nitong sisi sa kanya.
Hindi na niya nagawang sumagot dahil labis din siyang nasaktan sa nalaman. Hindi niya lubos maisip kung ano ang nararamdaman ni Avenida tuwing nakikita siya.
"Kung hindi lumandi ang nanay mo, hindi sana ako magkakaproblema! Ang nanay mo ang dahilan kaya ako nakunan! Sana ikaw na lang ang namatay! Bakit? Bakit ang anak ko pa!"
Mas lalo siyang nawindang sa narinig. Siya at ang tunay niyang ina ang dahilan kung bakit nawala ang totoong anak nito? Paano naatim ng nanay niya ang makiapid sa lalaking may asawa na?
"Tiniis ko lahat Ysabela para hindi mapahiya ang pamilya ko dahil ang walang kwenta mong ina, iniwanan ka na lang basta samin. Bawat araw na nakikita kita naaalala ko lahat lahat pero dahil sa pakiusap ni Manolo ay sinubukan kong mamuhay ng normal kasama ka! Alam mo ba kung gaano ako kasaya nang umalis ka? Abot hanggang langit Ysabela! Kaya pwede ba? Kung may konti ka pang hiya sa katawan, umalis ka sa pamamahay ko at wag na wag ka ng bumalik!"
Umalis si Avenida sa harap niya at umakyat pabalik sa ikalawang palapag. Nanatili siya sa may hagdanan at naghihinang napaupo. Naririnig pa niya ang mahihinang hikbi ni Nanay Minda sa isang tabi at maya maya pa ay lumapit ito sa kanya pagkatapos ay niyakap siya ng mahigpit. Hindi alam ni Mari kung ilang minuto siyang nanatiling nakaupo habang umiiyak. Matapos mahimasmasan ay dahan dahan siyang tumayo.
"Pasensya ka na Ysabela," naiiyak na sambit ni Nanay Minda. Hinaplos nito ang kanyang pisngi at pinahid ang kanyang mga luha.
"Ayos lang po Nay, ako po dapat ang humingi ng dispensa sa nangyari," nahihiya niyang wika.
Isang beses pa niyang sinulyapan ang silid na pinasukan ni Avenida. Balang araw ay babalik ulit siya para humingi ng tawad sa kinilala niyang ina. Kung hindi man iyon nagawa ng nanay niya, siya na mismo ang gagawa. Lalayo siya sa mga ito para hindi na siya makakasakit at makakagulo pa…