12 HOURS BEFORE CHRISTMAS...
Nakalabas na lahat ng kalalakihan sa Santicidad kasama si Kapitan Lucas. Sila ang huling grupo ng mga tao na lilikas. Ilang oras na lamang at mabubuhay na mula sa pagkakahimlay nito ang Wakwak.
Isang malapad, makapal at mabigat na bato ang magsisilbing pangsara sa lagusan papasok at palabas ng Santicidad. Hindi iyon kayang pagalawin kahit ng sampung tao sa sobrang laki at bigat niyon kaya halos lahat ng mga kalalakihan ay nagtutulong-tulong upang itulak iyon.
"Bilisan niyo!" sigaw ni Kapitan Lucas habang nakatingin sa mga nagsasara ng lagusan.
Nagulat siya nang bigla siyang lapitan ni Lola Barang. Umiiyak ito at medyo naghihisterikal.
"Kapitan! Ang apo ko! Si Lia! Wala siya dito. Nasa loob pa siya ng Santicidad!" Halos lumuhod na ito sa harapan niya.
Hinawakan niya ang matanda sa magkabilang braso at inayos ito ng tayo. "Sigurado ba kayo, lola?" tanong niya.
"Oo, kapitan! Ayaw niya talagang lisanin ang ating lugar dahil gusto niyang magpa-iwan. Gusto niyang patayin ang Wakwak kahit imposible iyon. Gusto niyang ipaghiganti ang pamilya niya na pinatay noon ng Wakwak! Tulungan niyo akong hanapin at ilabas siya ng Santicidad, kapitan. Nakikiusap ako sa iyo!"
"Huwag kang mag-alala. Bilang ako ang pinuno niyo, babalik ako sa loob at ilalabas ko si Lia bago mabuhay ang halimaw na iyon! Ipinapangako ko sa inyo na ligtas ko siyang ilalabas." Matapang na turan niya.
"Maraming salamat, kapitan! Salamat!" Umiiyak na sabi ni Lola Barang.
Ipinahinto niya ang pagsasara ng lagusan kahit kaunti na lang ay maisasara na iyon dahil kinakailangan niyang pumasok ulit ng Santicidad para hanapin si Lia at ilabas ito.
"Huwag niyong isasara ang lagusan hangga't hindi ako bumabalik," sabi niya sa grupo ng mga kalalakihan.
"Gusto niyo bang samahan namin kayo sa paghahanap kay Lia, kapitan?" tanong ng isa.
Umiling siya. "Huwag na. Kaya ko na ito nang mag-isa. Basta, hintayin niyo ako at si Lia dito."
"Mag-iingat po kayo, kapitan!" sabay-sabay na sabi ng lahat bago siya muling pumasok sa Santicidad.
-----***-----
HABOL ni Lia ang kanyang paghinga nang lumabas siya mula sa tumpok ng dayami na pinagtaguan niya. Sa wakas, nakaalis na ang lahat ng tao sa Santicidad. Lumikas na ang lahat dahil mamayang alas dose ng hatiggabi ay mabubuhay na ang Wakwak. Nakikita niya ang malaki at malalim na bitak ng lupa sa gitna ng palayan. Doon marahil lalabas ang halimaw na pumatay sa kanyang mga magulang.
Mas lalong tumahimik ang kanilang bayan. Wala nang katao-tao at sarado lahat ng bahay. Pumunta siya sa kanilang kubo upang doon na mamalagi. Hindi na naman niya kailangang magtago pa. Alam rin niya na sa oras na iyon ay alam na ng lola niya na hindi siya sumama sa paglikas. Humihingi siya ng tawad sa hindi niya pagsunod dito. Buo na kasi ang loob niya na gawin ito. Matagal na niya itong plinano.
Pagkapasok niya sa loob ng kubo ay kinuha na niya ang mga bagay na gagamitin niya para mapatay ang Wakwak-- ang patalim, matulis na kahoy at krus.
Napaigtad siya nang may marinig siyang yabag ng mga paa sa labas. Kasbay niyon ay ang boses ni Kapitan Lucas na tinatawag ang kanyang pangalan.
"Lia? Nandiyan ka ba?"
Isinuksok niya sa gilid ng kanyang palda ang mga gamit na hawak at lumabas siya sa bintana sa likod ng kanilang kubo. Muli siyang bumalik sa pagkakatago sa dayami. Mukhang sinabi ng kanyang lola kay kapitan na narito pa siya at hindi sumama sa paglikas kaya hinahanap siya nito. Kung gayon, kailangan pa niyang magtago dahil kapag nakita siya nito at inutusan siyang pumunta sa ligtas na lugar ay wala na siyang magagawa kundi ang sundin ito.
Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng kubo. Patuloy sa pagtawag si kapitan sa kanya. Halos pigilan na ni Lia ang kanyang paghinga sa pangamba niya na makita siya nito.
-----***-----
6 HOURS BEFORE CHRISTMAS...
Ala sais pa lamang ng gabi ngunit kalat na ang dilim sa buong paligid. Muling bumalik si Hiromi kasama ang kanyang mga kaibigan sa kagubatan kung saan naroon ang Santicidad. Mula sa kanilang pinagtataguang malaking bato ay nakikita nila ang dalawang lalaki na nasa lagusan papasok ng Santicidad. Napansin din nila na may ilaw sa kwebang malapit sa lagusan. Kung bakit ay hindi nila alam at wala silang balak alamin pa. Ang goal lang nila ay ang makapasok sa Santicidad at makapagbigay ng regalo sa mga tao na naroon. Kahit wala silang nakuhang permit o permiso sa kapitan ng maliit na bayan na iyon ay itutuloy pa rin nila ang kanilang pagtulong. Upang maging madali ang pamamahagi nila ng regalo ay pi-nack na nila ang mga iyon sa plastic bags.
"So many lamok! Pinapapak na nila ang binti ko!" Maarteng reklamo ni Hannah.
Tunay naman ang sinasabi nito. Marami talagang lamok at malalaki pa ang mga iyon.
"Shut up, Hannah... Baka marinig nila tayo!" saway ni Hiromi.
"Ng mga lamok? May tenga ba sila?" singit ni Nysa.
"Shut up ka na lang din, Nysa!" aniya sabay irap dito. "Kailangan na nating makapasok sa loob. We'll just wait na umalis iyong dalawang lalaki."
"Kanina pa sila doon at mukhang wala naman silang balak umalis. Kailangang may gawin tayo para umalis sila," ani Beatrice.
Tumahimik silang lahat at nag-isip...
"Alam ko na!" Sa sobrang tahimik nila ay nagulat sila sa biglang pagsasalita ni Nysa.
Umiling si Hiromi. "No, Nysa. Tumahimik ka lang--"
"No rin, Hiromi. Pakinggan niyo muna ako. Ganito ang naisip ko. Lalapit ako sa dalawang lalaki tapos gagawa ako ng paraan para umalis sila sa daan. And then, kapag wala na sila doon, saka kayo papasok at susunod ako!"
"Paminsan-minsan pala gumagana din ang utak mo, Nysa! Nice!" Natatawang sabi ni Andrei.
Sumang-ayon naman si Hiromi at ang iba pa sa sinabing iyon ni Nysa. Nilapitan na nito ang dalawang lalaki habang sila ay marahang naglalakad palapit sa daan papasok sa Santicidad. Kinakausap ni Nysa ang dalawang lalaki. Nakita nila na sinipa ni Nysa sa paa ang isa at hinabol ito ng dalawang lalaki. Iyon na ang chance nila para makapasok. Nanguna na si Hiromi sa pagtakbo papunta sa lagusan. Nagulat silang lahat nang makita ang napakalaking bato na nakaharang sa kalahati ng lagusan. Ngunit sandali lang silang tumigil. Pumasok din silang lahat agad doon.
"Saan tayo magtatago?" tanong ni Hannah.
Luminga-linga si Hiromi wala siyang makitang lugar na pwede nilang pagtaguan. Nanlaki ang mata nilang lahat nang makita nila ang isang lalaki na nakatalikod sa gawi nila. Tumakbo agad sila sa likod ng isang kubo at nagtago sa likod ng mataas na tambak ng dayami.
"'Yong kapitan iyon, right?"
"Oo, Hannah! Hindi niya dapat tayo makita!" aniya.
"Guys, I think hindi ito maganda. Ngayon ko lang sasabihin ito sa inyo... May masama akong pangitain. May nakita akong halimaw sa panaginip ko! Umalis na lang tayo dito. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa lugar na ito!" Napatingin silang lahat sa sinabi ni Thor.
Biglang kinabahan si Hiromi sa sinabi ni Thor. Parang ganoon din kasi ang napanaginipan niya dati. Isang halimaw...
"Ano ba, Thor? Nandito na tayo. Hindi na tayo pwedeng umatras," bagkus ay sabi niya. "Wait. Si Nysa pa pala..."
"Malaki na iyon. Kaya na niya ang sarili niya," ani Andrei.
"Malaking tanga!" dugtong ni Jepoy sabay tawa.
Tinapunan niya ng tingin ang dalawa. Nag-volunteer si Hiromi na siya na ang maghihintay sa pagdating ni Nysa upang makita nito kung nasaan sila. Laking pasasalamat niya nang pagsilip niya mula sa gilid ng kubo ay wala na iyong kapitan. Maya maya ay nakita na niya si Nysa at agad niya itong kinawayan. Mabilis itong tumakbo palapit sa kanya. Humihingal at pawisan. Mukhang napagod ito sa pagpapahabol doon sa dalawang lalaki.
"Ano? Nakita ka ba nila na pumasok dito?" tanong niya.
"Hindi... Ako pa! Wala kayong bilib sa akin, e!"
"Good! Tara na sa likod ng kubo. Doon muna tayo magtatago. Bukas ng umaga ay mamimigay na tayo ng regalo." Nakasunod sa kanya si Nysa habang naglalakad sila papunta sa pinagtataguan ng kanilang mga kaibigan.
-----***-----
1 HOUR BEFORE CHRISTMAS...
Bagsak ang mga balikat na lumabas si Kapitan Lucas ng Santicidad. Sinalubong siya ng mga kalalakihan kasama na rin si Lola Barang na namumugto ang mga mata dahil sa pag-iyak.
"Nasaan ang apo ko, kapitan?" tanong ng matanda sa kanya.
Malungkot siyang umiling. "Paumanhin pero hindi ko siya nakita. Mukhang nagtatago siya sa akin..." sagot niya.
Napahagulhol si Lola Barang. Papasok sana ito sa loob pero pinigilan ito ng mga kalalakihan. "Liaaa!!!" sigaw nito habang nagpupumilit pumasok.
Nilapitan niya si Lola Barang. "Isang oras na lamang ang nalalabi at mabubuhay na ang Wakwak. Hindi magiging ligtas si Lia sa Santicidad kung mag-isa lamang siya doon..." Natigilan ang lahat sa sinabi niya.
"A-ano pong ibig niyong sabihin, kapitan?" tanong ng isang lalaki.
"Gaya ng sinabi ni Lola Barang, sinadya ni Lia na magpaiwan sa Santicidad upang paslangin ang Wakwak! Bilang pinuno niyo, hindi ako makakapayag na may mapahamak kahit isa sa inyo nang wala akong ginagawa kaya..." Huminto muna siya sa pagsasalita. Sa mga tingin pa lamang sa kanya ng mga tao ay mukhang alam na ng mga ito ang nasa isip niya. "Kaya papasok ako sa Santicidad at sasamhan ko si Lia sa pagpatay sa Wakwak!"
"Ngunit, kapitan, walang kamatayan ang Wakwak! Isang pagbubuwis ng buhay ang gagawin niyo!" Protesta ng isa.
"Ngunit hindi ko kayang walang gawin habang alam ko na isa sa kabaryo ko ay nasa loob!" Hinarap niya si Lola Barang. "'Wag kayong mag-alala, pipilitin kong maging ligtas ang apo niyo. Sisikapin naming mabuhay sa Santicidad hanggang sa muling bumalik ang Wakwak sa ilalim ng lupa..."
"Kapitan..." Wala nang nasabi pang iba si Lola Barang.
Matapang siyang pumasok muli sa Santicidad. Panay ang tutol ng mga kalalakihan ngunit hindi niya pinakinggan ang mga iyon. "Isarado niyo na ang lagusan..." utos niya sa mga ito. Wala nang nagawa ang mga ito kundi ang isara ang lagusang gamit ang napakalaki at bigat na bato.