CHAPTER 01

1717 Words
ANG sunod-sunod na pagtapik sa binti ni Lia ang gumising sa kanya mula sa pagkakatulog. Pagmulat niya ng mga mata ay kanyang nakita si Lola Barang. May pagkabahala sa mukha nito. Alam niya kung bakit, hindi na niya kailangan pang tanungin ang matanda. Labing-dalawang araw na lang at sasapit na naman ang Kapaskuhan. Ang araw na kinatatakutan ng mga taga-Santicidad. Siya? Hindi siya natatakot sa Wakwak. Hinihintay pa nga niya ang muli nitong pagkabuhay. Bakit? Dahil maisasagawa na rin niya ang paniningil niya sa nilalang na pumatay sa buong pamilya niya! Ang halimaw na kung tawagin nila ay Wakwak. Labing-tatlong taon na ang nakakalipas nang sa unang pagkakataon ay naranasan ni Lia ang Paskong kinatatakutan ng mga taga-Santicidad. Pitong taong gulang pa lamang siya noon nang makita niya ang paghahasik ng lagim ng Wakwak sa maliit nilang baryo. Marami sa kanila ang hindi nakalikas sa ligtas na lugar at isa na doon ang kanyang pamilya. Kitang-kita niya mismo sa sariling mga mata kung paano walang awang pinaslang ng Wakwak ang mga mahal niya sa buhay. Ang kanyang nanay, tatay at ang ate niya. Hinding-hindi makakalimutan ni Lia kung paano itinusok ng Wakwak ang matutulis nitong kuko sa leeg ng kanyang nanay at tatay nang subukan ng mga ito na pigilan ang Wakwak sa pag-atake sa kanyang ate. Nakatago siya noon sa itaas ng isang puno. Inuna siyang iakyat ng pamilya niya bago ang mga ito ngunit naabutan ang mga ito ng Wakwak. Nang tumumba ang mga magulang niya sa lupa ay isinunod nito agad ang ate niya. Sinakmal ito ng Wakwak sa leeg at nang hiklasin ay may sumamang laman. Mismo, mula sa kanyang mga mata ay nasaksihan niya kung paano kinain ng Wakwak ang kanyang pamilya. Hindi ito tumigil hangga't may natitirang laman sa mga ito. Nanatili si Lia sa itaas ng puno. Malakas ang pang-amoy ng Wakwak ngunit hindi siya nito naamoy dahil naligo sila sa putik. Iyon ay upang mawala ang pagiging-amoy tao nila. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nakita ng Wakwak. Ang pangyayaring iyon ay nagdala ng takot sa pagkabata ni Lia. Hiniling niya noon na sana ay napatay na rin siya ng Wakwak dahil mahirap ang mag-isa. Mabuti na lamang ay kinupkop siya ni Lola Barang. Itinuring siya nitong tunay na anak kahit hindi naman sila magkadugo. Noong bata si Lia ay takot na takot siya sa Wakwak. Lalo na kapag ikinukwento sa kanya ni Lola Barang kung paano ito manalasa noong unang panahon. Ngunit habang siya ay lumalaki at nagkaka-isip, unti-unting nawala. Napalitan iyon ng galit at pagnanais na maipaghiganti ang kanyang pamilya! Sinasabi ng iba na wala daw kamatayan ang Wakwak. Pero hindi siya naniniwala. Alam niyang may kahinaan din ang hayop na nilalang na iyon, alam niyang may paraan din para mapatay ito. Hindi lang ito matuklasan dahil mas nauuna ang takot ng mga tao dito sa kanila. Sa kanyang pag-iisip sa bagay na iyan ay may naisip siyang maaaring pumatay sa Wakwak. Ano nga ba ang wala dito sa Santicidad? Pananampalataya sa Diyos. Iyon ang wala sila at sa palagay niya ay iyon din ang makakatalo sa Wakwak. Biruin niyo, sa araw ng pagsilang ni Hesus nabubuhay ang Wakwak. Marahil iyon ay dahil sa hindi nila ipinagdiriwang ang Pasko. Dahil katwiran ng mga unang tao ng Santicidad, bakit pa nila ipagdariwang ang Pasko kung tinalikuran na sila ng Diyos? Ngunit tunay nga bang tinalikuran na sila ng Diyos? O paraan Niya lang ito para magbalik-loob ang bayan nila sa Kanya? "Lola, bakit po?" tanong pa rin ni Lia dito kahit alam na niya ang sasabihin nito. "Natutuyo at namamatay na ang mga pananim, ilang araw na lamang at mabubuhay na naman ang Wakwak. Kailangan na nating maghanda!" "Ano pong gusto niyong gawin ko?" Tuluyan na siyang bumangon sa papag na kanyang kinahihigaan. Bumaba na siya doon at isinuot ang sapin sa paa. Lumabas si Lola Barang sa kubo habang siya naman ay nakasunod sa matanda. Tumingala ito sa langit na kulay dugo. Malapit nang kumagat ang dilim ng sandaling iyon. "Tulungan mo akong balitaan ang ating mga kabaryo sa pagkabuhay ulit ng Wakwak. Labing-tatlong araw na lamang ang natitira para sa ating paglikas sa ligtas na lugar..." Ang tinutukoy ni Lola Barang na ligtas na lugar ay ang kweba sa labas ng Santicidad. Kweba rin ang lagusan papasok at palabas ng kanilang baryo. Aakalain mo nga na simpleng kweba lamang iyon ngunit kapag narating mo na ang dulo ay mapupunta ka na sa kanilang maliit na baryo na napapalibutan ng matataas na bato. Nakakamangha lang na tila itinago talaga ng Diyos ang Santicidad. Hindi nga niya alam kung may ibang tao na nakakaalam sa lugar nila. Hanggang doon lamang ang layo na alam nila na ligtas sila sa sumpang meron ang Santicidad. Hindi nila alam kung kapag mas lumayo sila ay mabubuhay pa ba sila. Ilang kabaryo kasi nila ang umalis sa lugar nila at kapag bumabalik ay bigla na lamang namamatay. Ang iba naman ay namamatay na lang kapag labis na napapalayo sa Santicidad. Isang misteryo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng kasagutan kung bakit iyon nangyayari. Marahil dahil wala talagang mahanap na sagot sa bagay na iyon ay sinabi na lang na sumpa iyon. Kaya naaawa si Lia sa mga sanggol na ipinapanganak sa Santicidad. Katulad niya ay makukulong ang mga ito sa lugar na ito habangbuhay. Hindi nila makikita kung ano ba ang meron sa labas ng gubat kung saan naroon ang Santicidad. Lahat ng nakatira sa Santicidad ay magkakakilala. Masyadong maliit lamang ang baryo nila para hindi sila maging magkakakilala lahat. Tumakbo si Lia sa malaking kampana na nasa harapan ng kanilang kubo. Pinatunog niya iyon nang sunud-sunod. Ilang sandali pa ay isa-isa nang naglabasan ang mga tao sa mga bahay nila. Alam na nila na kapag tumunog ang kampana ay babala na malapit nang magising ang halimaw. Nahabag siya nang makita niya ang mga tao. Takot at pagkabalisa ang nasa mga mukha ng lahat. Maya maya pa'y isang matangkad na lalaki ang pumunta sa unahan nilang lahat. Matikas ang katawan nito sa kabila ng edad nito na singkwenta. Ito ay si Kapitan Lucas na pinuno nila dito. Siya ang pinapakinggan ng lahat. Siya rin ang nakatuklas na pwede palang manatili sa kweba sa labas ng Santicidad habang nananalasa ang Wakwak ilang taon na ang nakakalipas. Humakbang paunahan si Lola Barang. "Kapitan, nakita ko ang unang senyales! Namamatay na ang mga pananim sa palayan! Parating na siya!" Nanginginig sa takot ang boses nito. Nagbulungan ang mga tao. Itinaas ni Kapitan Lucas ang kanyang kamay. Agad naman na tumahimik ang lahat. Talagang kakakitaan mo siya ng otoridad dahil sinusunod siya ng lahat. "Wala kayong dapat ikabahala sa muling pagkabuhay ng Wakwak. Labing dalawang Pasko na ang lumipas at ang panglabing tatlo ay mangyayari labing tatlong araw mula ngayon. Mahaba pa ang ating panahon para maghanda. Anihin niyo na ang lahat ng inyong pananim. Iimbak niyo nang maayos upang hindi mabulok lalo na ang mga gulay. Limang araw bago ang Pasko ay mag-uumpisa na tayo sa paglikas!" Malakas na sabi nito. "Salamat, kapitan. Bukas na bukas din ay gagawin na namin ang pag-aani," sagot ng isang matandang lalaki. "Sige na. Magsiuwi na kayo. Sisiguruhin natin na walang mapapatay ang Wakwak sa muli niyang pagkabuhay!" Iyon lang at umalis na si Kapitan Lucas. Isa-isa nang nag-alisan ang mga tao. Sila rin ni Lola Barang ay bumalik na sa kubo at isinarado ang pinto. Kalat na ang dilim sa labas. "Lola, talaga bang walang paraan para mapatay ang Wakwak?" tanong niya habang hinuhugasan nito ang bigas na isasaing. Napahinto ito sa ginagawa at napatingin sa kanya. "Wala, Lia. Ang Wakwak ay sumpa na sa ating baryo dahil sa makasalanang ginawa ng mga sinaunang tao na nakatira dito. At hanggang ngayon ay pinagbabayaran ng mga inosenteng tao na katulad natin." Muli itong bumalik sa ginagawa. Siya naman ay dumungaw sa bintana habang nakatingin sa labas. Mula dito ay tanaw niya ang mga natutuyong pananim sa palayan. Bilog ang buwan kaya maliwanag ang buong paligid. Nakakapanibago. Kapag ganito kasing bilog ang buwan ay maraming bata ang naglalaro sa labas kapag ganitong oras. Mag-uuwian lamang ang mga ito kapag tinawag na ng kani-kanilang mga nanay o tatay para maghapunan. Tapos babalik na naman kapag natapos kumain. Limang araw bago ang Pasko ay mag-uumpisa na tayo sa paglikas! Parang naririnig ni Lia nang paulit-ulit ang sinabing iyon ni Kapitan Lucas kanina. Sila lang. Sila lang ang lilikas ngunit ako ay hindi, bulong niya. Magpapa-iwan siya dito upang patayin ang Wakwak. Hindi lang naman niya ito gagawin para sa kanyang mga kabaryo ngunit mas para sa kanyang pamilya. Ayaw niyang palampasin ang pagkakataon na iyon para maghiganti dahil hindi na niya kayang maghintay ulit ng labingtatlong taon para gawin iyon. Umalis na siya sa pagkakadungaw sa bintana at nagtungo sa kanyang higaang papag. Inapuyan niya na ang gasera dahil madilim na sa loob ng bahay. Walang kuryente sa Santicidad kaya pulos gasera ang gamit nila tuwing gabi. Ibinaba niya ang telang pantakip na nagsisilbing kurtina at dibisyon sa higaan niya at ni Lola Barang. Mula sa ilalim ng kanyang unan ay hinugot niya ang isang patalim at matulis na kahoy na kasing-haba ng dalawang lapis. Ang mga ito ang gagamitin niyang sandata upang paslangin ang Wakwak. Ah, meron pa palang isa... Isang bagay na natagpuan niya noon sa kweba sa labas. Kinuha ni Lia ang bagay na iyon sa loob ng kanyang unan. Isang krus kung saan nakapako si Hesus. Isang dangkal ang haba niyon at yari sa bakal. Ang dulo niyon ay patulis na parang dulo ng patalim na meron siya. Maingat niyang ibinalik ang mga bagay na hawak sa dating kinalalagyan nang tawagin siya ni Lola Barang. Dinala niya ang gasera sa lola niya. "Bakit po?" tanong ni Lia. "Bantayan mo ang sinaing. Mangunguha lamang ako ng talbos ng kamote sa labas. Sasabawan ko at iyon ang ating iuulam ngayong gabi," anito. "Sige po. Mag-iingat po kayo," tugon naman niya. "Bawasan mo ang gatong kapag kumulo na." "Alam ko na po iyon, lola. Sige na po, umalis na kayo." Naiiling na lumabas si Lola Barang ng kubo upang manguha ng pang-ulam para sa hapunan mamaya. Hay... Labing tatlong araw pa ang aking hihintayin para makaharap ang halimaw na Wakwak. Naiinip na ako. Hindi na ako makapaghintay!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD