Foreword by Bienvenido Lumbera
FOREWORD
SI NICK JOAQUIN AT ANG UGNAY SA NAKARAAN NG KASALUKUYAN
May tungkulin ang artista sa kasalukuyan, ayon kay Nick Joaquin. Kailangang pasanin niya ang nakaraan upang mabigyan ng kabuluhan ang kasalukuyan. Nangangahulugan ito na ang kulturang nabuo noon ay dapat tangkilikin bilang pamana, na makagagabay sa bayan tungo sa hinaharap. Kinakatawan ni Tony ang henerasyong umaayon sa bagong kultura na dala ng mga mananakop na Amerikano. Pansinin na ang takbo ng buhay niya ay nakabatay sa madaliang pagsunggab sa bawat pagkakataon na makaaahon sa kaniya sa kahirapan. Kuwarta ang nagtatakda ng kaniyang mga hangarin sa loob ng pamamahay ng mga Marasigan: para sa kaniya ang pinta ni Don Lorenzo ay nangangahulugan ng komisyong kaniyang makukuha kung ang likha ng don ay mapagbili. Para sa magkapatid na Candida at Paula, ang pamana ng kanilang ama ay kailangang maangkin at handa silang magpakahirap upang iyon ay manatiling kanila. Subalit ang pista ng La Naval na tila nakalutas sa kanilang problema ay pansamantalang solusyon lamang. Lumabas ng silid si Don Lorenzo Marasigan upang maging bahagi ng pagbati sa Birhen ng La Naval. Malinaw na ang masayang pagtitipon ng mga labi ng kahapon ay pansamantalang resolusyon ng dula. Ang digmaang Pasipiko ay deux ex makinang inimbento ni Joaquin upang patingkarin pang lalo ang malumbay na kapalaran ng kaniyang magkapatid na tauhan. Sa pagsiklab ng digmaan tila nalutas ang problema nina Candida at Paula. Pero ang katotohanan ay binuksan lamang ni Joaquin ang isang bagong panahon ng pakikibaka ng mga Filipino sa paghahanap ng kulturang gagabay sa kanilang paglalakbay bilang bayang naggigiit sa identidad nito bilang malayang sambayanan. Kapansin-pansin na hindi ilustradong pintor na galing sa panahon ng Rebolusyon 1898 ang lilikha ng bagong Retrato del Artista kundi isang karaniwang peryodista-artista ang pumapasan sa kultura ng kahapon sa paglikha ng bagong Larawan. Narito ang buod ng huling pangungusap sa dula ni Joaquin: To remember and to sing, that is my vocation.
Bienvenido Lumbera
National Artist for Literature