Prologue
Ito na. Kalahating oras na lamang ay aalis na kami. Kaunting sandali na lamang ay lilipad na kami papuntang Canada kung saan ako magbabagong-buhay. Kung saan ko tutuparin ang aking mga pangarap. Mga pangarap na hindi natupad nang dahil sa napakalaki at bigat na responsibilidad na nakaatang sa aking mga balikat.
Kalungkutan ang lumukob sa aking puso sa mga sandaling ito katuwang ng kasiyahan. Kalungkutan para sa aking apat na kapatid na maiiwan sa aking inang sugarol. Sila Nika na isang labing-walong taong gulang, si Niko na kinse anyos, si Niccolo na sampung taong gulang at ang bunso naming si Nathaniel na limang taong gulang.
Tang***. Mahirap at masakit. Mabigat sa dibdib na iiwanan ko sila, ngunit nangangako naman ako na oras na makaahon ako at makaipon ay muli ko silang babalikan upang kunin sa aking ina. Ako na ang tatayong magulang sa kanilang apat dahil walang kinabukasan sa piling ng aming inang si Matilda at walang kwenta naming ama umalis nang walang paalam para sumama sa kabit.
Ito. Ito ang buhay namin na nakatira sa masikip, madumi at maingay na squatter area.
Ang mundong nais kong takasan. Ang responsibilidad na gusto kong takbuhan muna sandali. Dahil mula kinse anyos hanggang ngayong beinte-singko na ako ay ako pa rin ang kumakayod para sa amin. Nakakapagod. Labis na nakakapagod.
"Are you ready, babe?" tanong ng aking nobyo na si Henry habang magkatabi kaming nakaupo.
Nilingon ko siya at pilit na ngumiti. Ang lalaking aking ginagamit para matakasan ang mundo ko. Ang lalaking nagpakita pa lamang ng interes sa akin ay hindi ko na pinakawalan pa. Isang mayamang lalaki na mag-aahon sa amin sa kahirapan.
Mahal? Hindi ko siya mahal. Ni katiting na damdamin ay wala akong nararamdaman para kay Henry, ngunit siguro naman ay matututunan ko siyang mahalin, hindi ba? Mabait siya at maginoo.
Habang ako ay isang babaeng madumi ang bibig, palamura at magaslaw kumilos.
"Oo naman, babe. Sobrang excited na ako." may pinong ngiti sa mga labing tugon ko sa kaniya kahit pa ang kalooban ko ay nagsusumigaw na.
Oo. Tang***, oo excited na ako! Ayoko na sa Pilipinas. Pu**. Masuka-suka na ako sa tuwing makikita ang lugar namin. Suklam na suklam na ako sa tuwing uuwi si mama na lango sa alak at walang pera dahil naubos sa sugal. Perang pinaghirapan ko at kinukuha niya na para sana sa pagkain namin.
Ngunit sa kaniyang harapan ay isa akong mabait, kagalang-galang at mahinhin. Mga bagay na wala ako. Dahil kinailangan kong magpanggap na ibang tao para makuha ang loob niya. Isang babaeng mapagpanggap na nakaupo sa tabi niya habang suot ang damit na galing sa ukay at dala ang ilang damit na bigay niya sa akin.
"Good." nakangiting sabi niya sabay pisil sa aking kamay na hawak niya.
Ilang sandali pa ay hinila na niya ako patayo. Nang mapansing natanggal ang pagkakatali ng sintas ng suot kong rubber shoes ay binitwan ko siya at yumuko muna para itali ito. Habang nakayuko ay may isang pares ng magagandang paa at manicured na mga kuko ang huminto sa harap ni Henry.
"Hayup ka. Totoo pala ang balita sa akin ng driver mo. Balak mong umalis para takasan ako!" sigaw niya at natigilan naman ako.
"Huwag dito, Francine. Huwag ka dito mag-eskandalo." rinig kong pakiusap ni Henry at hindi ako nakakilos kaagad at natuod na. Ang mga kamay na nagtatali ay hindi na nakakilos pa.
"F*** you! Kasal tayo, Henry! May dalawa na tayong anak tapos aalis ka na lang ng ganoon na lang, ha?! Nasaan ang babae mo?! Where is the b****?!" pag-e-eskandalo ng babae na tila intensyon talagang gumawa ng eksena.
Unti-unti kong nahanap ang lakas kong tumayo. Nagngangalit ang mga ngipin at kamao dahil sa nalaman. At balak pala akong gawing kabit ng taran****ng lalaking ito kahit na single ang pakilala niya sa akin!
Nang umayos ako nang tayo ay bahagya akong lumayo sa dalawa habang nakataas ang noo. Wala akong kasalanan kaya bakit ako mahihiya?
Sa pagtayo ko ay napako sa akin ang naglalagablab na mga mata ng babae at dinuro ako.
"Ikaw? Ikaw ba ang malanding kabit ng asawa ko? Ha? Ikaw ba?!"
Patay-malisya kong itinuro ang sarili ko at tinignan si Henry mula ulo hanggang paa. "Wait, ako? Excuse me pero hindi ko pinangarap na maging kabit at isa pa. May boyfriend ako kaya huwag kang mapagbintang."
Pagak na tumawa ang babae na maganda nga at mukhang may pinag-aralan, ngunit mas masahol pa sa akin na walang natapos kung umasta.
"Boyfriend? Nasaan?"
Nakaramdam ako ng taranta at mula sa sulok ng aking mga mata ay nakita ang isang lalaking padaan. Para makatakas sa kahihiyan ay walang anuman ko siyang hinila at ipinulupot ang kamay sa braso niya.
"Siya. Siya ang boyfriend ko." buong pagmamalaki kong pagpapakilala sa babae sabay lingon sa lalaking nahila ko.
Nagkatinginan kami at nakita ko ang pagtataka sa mukha niya. Ibubuka na sana niya ang bibig para marahil tumanggi kaya naman lalo akong nataranta.
Kaya naman para maisalba ang sarili ay walang pagdadalawang-isip akong tumingkayad at hinalikan sa labi ang estranghero.