5. Tiyanak SA KUWENTO, SA bawat pagkukuwento, laging may bentahe ng pananaw. Kaya kong tingnan ang mga pangyayari ilang taon bago ang ngayon, o kahit ilang taon mula ngayon, iyon ang naisip ni Daniel. May mga tao na hindi bahagi ng orihinal na kuwento, pero magkakaroon ng papel sa takbo ng naratibo sa isang paraan na hindi inaasahan. Gaya ng kuwento ng unang dayuhan na yumapak sa Boracay. Kung paano niya nalinlang, nabola, ang unang mga taga-Boracay, upang biglang maangkin niya iyon, ang lupa, ang tubig, ang hangin ng isla. Subalit kuwento ito na pinabulaanan ng maraming tagaroon mismo sa isla. Walang nakasaksi sa paglapag ng dayuhan mula sa kung anong sasakyang-pandagat. Walang nakakilala sa dayuhan. Walang makakakilala sa dayuhan kung sakaling makita ito ngayon. Wala talagang dayuh

