Chapter 2

1798 Words
CHAPTER 2 --------------- KIYONG POV --------------- Kapag sila ay nakakakita ng mga kaluluwa o kakaibang mga nilalang ay hindi nila maiwasan ang grabeng pagtahol. O ‘di kaya minsan ay ang pag-alulong na nagsisilbing babala nila. "Sino ba ‘yung tinatahulan mo?" parang tangang tanong ko sa kaniya sabay hatak ng tali niya sa leeg. No’ng makita ako ni Browny ay hindi pa rin siya kumalma. Bagkus ay mas nilakasan pa niya ang pagtahol niya na parang itinuturo sa akin ang taong nasa likuran ng bakod. "Shhh!!" naiinis na bawal ko sa kanya. "Kumalma ka nga!" Hinatak ko ‘yung tali niya at inilayo ko na muna siya. Tapos ay lumapit ako sa gawing gate para tingnan kung sino ‘yung tinatahulan niya. "Kelvin! Kamusta na aking pamangkin?" masayang bati sa akin no’ng panauhin. "Tiyang Remy?" hindi makapaniwalang tanong ko sa matangkad at medyo payat na babae sa harapan ko. In short ay payat na version ni Ninang Rosie. Ang Tiyang Remy ko na kapatid ni tatay ay taga Cebu. Tagaroon ang napangasawa niya kaya doon na siya tumira. Bata pa lang ako no’ng huli ko siyang makita kaya hindi ko na talaga siya naaalala sa personal. Nang mamatay si tatay ay hindi sila nakarating ng mga anak niya dahil may bagyo sa kanila noong panahon na ‘yon. "Ako nga ito! Ano ka ba namang bata ka? Hindi mo na ba ako nakikilala?" natatawang tanong niya sa akin. "Syempre, nakikilala po!" buweltang sagot ko naman tapos ay nagmano ako. Tinulungan ko si Tiyang Remy na hakutin ang mga bitbit niya. Siyempre ‘yung mga magagaan lang ang kinuha ko buhat sa mga dalahin niya. "Pasensiya na po at ang totoo hindi ko po agad kayo nakilala, Tiyang. Bakit po ba hindi po kayo nagpasabi na uuwi po kayo ngayon para kahit paano ay nasundo ko po kayo sa pier?" maya-maya ay tanong ko no’ng maupo siya agad sa sofa na wari ko ay pagod na pagod. "Nagpasabi ako sa Ninang Rosie mo. Hindi ba sa inyo sinabi? Tumawag ako kahapon sa kaniya ah!" sagot niya na sumenyas pa na buksan ko ‘yung electric fan. "Salamat pamangkin," sabi niya no’ng sumunod ako sa utos niya. "Sinabi kong uuwi ako para maalagaan ko naman si nanay ng ilang araw. Alam mo naman ang buhay ng tao ngayon, sobrang bilis lang. Ayaw ko naman lumipas ang panahon na mawala pati si nanay ng hindi ko nasisilayan. Tulad no’ng biglaang pagkawala ni kuyang, no’ng tatay mo," malungkot na salaysay niya sa akin. "Ganoon po ba? Baka po nakalimutan po banggitin ni Ninang Rosie sa amin. Nasa hospital pa po kasi siya at nakabantay kay Inang. Baka marami pong iniisip," sagot ko na lang. "Isa pa Kelvin, mainit masyado sa pier buti nga at hindi nyo ako sinundo. Diyos ko kahit nasa barko ako ay mainit pa rin!" reklamo niya habang apura pa din ang paypay kahit nakatutok na sa kaniya ‘yung electric fan. "Sandali nga lang po pala tiyang at kukuhanan ko kayo ng maiinom at makakain. Tatawagin ko na rin po si Sandra, siguradong matutuwa po ‘yon pag nalaman po na bumisita kayo," sabi ko tapos ay pumunta na agad ako sa may kusina at tinawag ko si Sandra. Siyempre no’ng makita ni Tiyang Remy ang kalagayan ng pamangkin niya ay naiyak talaga siya. Naging emosyonal siya dahil naawa daw siya sa aming magkapatid dahil sa sinapit naming dalawa. Tapos ay naaalala niya ang yumao kong ama. Ipinakilala ko din si Kim sa kaniya bilang kaibigan. Sinabi ko na ang buong pamilya niya ay mabait sa amin at itinuturing kaming hindi iba. Syempre tuwang tuwa naman si tiyang sa mga nalaman niya. Sabi niya ay lubos siyang nagpapasalamat sa kanila. Panatag na rin daw siya na may tumutulong sa amin at hindi kami hinihiya o kinukutya. "Sobrang nadudurog talaga ang kalooban ko tuwing naalala ko ang tatay mo Kelvin," emosyonal na sabi pa rin ni tiyang habang nakatingin sa cabinet kung saan naka display ang mga tropeyo ko sa Judo. Ayaw ko na nga kasing ipalagay pa ‘yon don pero makulit si Ninang Rosie. "Tuwing magkakamit ka ng karangalan sa sports na ‘yon ay laging tumatawag sa amin si Kuyang at ikaw palagi ang ipinagmamalaki niya. Sabi niya pagdating ng tamang panahon ay magiging isang sikat kang manlalaro ng Judo hindi lang sa bansa natin kundi sa buong mundo. Proud na proud ang tatay mo sayo at sa kakayahan mo. Siyempre kami din naman na mga kamag-anak mo ay proud din sa ‘yo," dagdag pa ni tiyang na nagpunas pa ng mga luha niya. No’ng marinig ko ang mga sinabi niya ay parang may humaplos sa puso ko. Kapag naaalala ko kasi si tatay, ang lahat ng mga sakripisyo niya pati na ang mga pangaral niya ay parang gusto kong umiyak. "Sa ngayon po, Tiyang, ay medyo imposible na po ang pangarap na ‘yon ni tatay. Alam nyo naman po ang kalagayan ko," malungkot na sabi ko at nakita ko din ang ibayong lungkot sa mga mata niya. "Pero, Tiyang! Hindi ko naman po sinabi na sumusuko na ko! Kaya huwag po kayong mag alala nila tatay. Ipinapangako ko na darating ‘yung panahon na hindi lang ako basta makakalakad ulit. Kundi makakabalik ako sa pagju-judo at tutuparin ko ‘yung mga pangarap nyo sa akin," buo ang kompiyansang pahayag ko. "Napasaya mo ako pamangkin sa sinabi mong iyan," maluha-luhang tinapik pa niya ang balikat ko. "Tama ‘yan, huwag kang basta susuko at magpapagapi sa hamon ng buhay. Bata pa kayo ni Cassandra at marami pang blessings ang darating sa buhay ninyo." "Hayaan mo, Kelvin, kapag naging maganda ang ani ng manggahan ngayong taon ay maglalaan kami ng salapi na pandagdag para sa operasyon nyong magkapatid. Alam mo naman kasi na nabagyo kami no’ng mga nakakaraang taon kung kaya't hindi naging okay ang kita." "Salamat po, Tiyang. Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na po kami sa inyo ni Tiyong Celso. Lalo na po sa pagpapadala nyo po ng allowance sa amin buwan buwan," nakangiting sabi ko. "Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong pamilya. Noong nabubuhay naman ang iyong ama ay grabe din naman ang naitulong niya sa aming mag asawa pati na rin sa mga pinsan mo. Isa pa ay..ugh ugh.." Hindi na naituloy ni Tiyang Remy ang mga sasabihin niya no’ng bigla siyang naubo nang naubo. "Tiyang, okay lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ko sabay lapit sa kaniya upang himasin ang kanyang likuran. "Sandali lang po at ikukuha ko kayo ulit ng tubig," maya-maya ay paalam ko. Nagmamadali akong pumunta sa kusina. Pagbalik ko ay dala ko na ang baso na may lamang tubig. Iaabot ko na sana ‘yon kay tiyang no’ng mapahinto ako sa paglapit sa kanya. Nagulat kasi ako no’ng makita ko ‘yung palad niya na nakatakip sa bibig niya kanina. Parang may kung anong kulay itim na naroon. "Tiyang may sakit po ba kayo?" nag-aalalang tanong ko. "Wala! Nasamid lang ako! Ano ka bang bata ka?" natatawang sabi niya sabay punas ng bibig at palad sa panyong hawak niya. Tapos ay agad niya ‘yung itinago sa bulsa niya. "Pahingi ngang tubig," hiling niya at inunat niya ‘yung braso niya para kunin sa akin ‘yung baso. Lumilis ng bahagya ang longsleeve na suot ni tiyang. Doon ay aksidente kong nakita na parang may maitim na part don sa gawing pulso niya. Para ‘yung tattoo dahil kulay itim pero sa paningin ko ay para ‘yung isang nabubulok na sugat kung susuriin. "Tiyang?" "Hmmm." "May sugat po ba kayo braso n’yo? Baka gusto n’yo po na gamutin natin?" maya-maya ay tanong ko. "Wala! Bakit ba kung anu-ano ng napapansin mong bata ka?" galit na sigaw niya sa akin sabay baba ng sleeve niya na tumaas kanina. Nagulat talaga ako sa inasal na ‘yon ni Tiyang Remy kaya napipilan ako. Parang nagulat din naman siya sa pagsigaw niya kaya nahihiyang nilapitan niya ako. "Pasensiya ka na, pamangkin, pagod lang siguro ako. Ang haba kasi ng biyahe, eh. Puwede ba akong makitulog na muna? Gisingin mo na lang ako kung pupunta na tayo ng hospital, okay lang?" pakiusap niya. Siyempre, sinamahan ko na muna siya sa bakanteng kuwarto don at baka nga pagod lang siya. Hindi na ako nagtanong o nangulit pa. Alas-singko ng hapon no’ng makapag-ready kami ni Tiyang Remy. Ngayong gabi ay kaming dalawa ang magbabantay kay Inang Pabeng sa hospital. Para si ninang Rosie naman ang uuwi para makapagpahinga. Si Sandra na pansamantalang maiiwan sa bahay ay isinama na muna ni Kim sa bahay nila. Ibinilin ko din na susunduin ulit siya ni ninang Rosie tulad ng nakagawian dati. Dala ang mga gamit na dadalin namin sa hospital ay sumakay kami ng tricycle. Bago nga kami makaalis ng bakuran ay nainis pa ako ni Browny dahil parang ayaw na niyang tumigil sa kakatahol. Tingin ko ay namaos na nga ang boses niya dahil ilang oras na ring siyang ganon. Simula yata no’ng dumating si tiyang Remy sa bahay ay naka unli tahol na siya. Bente minutos ang lumipas bago namin tuluyang marating ang hospital. Pagdating namin don ay puno halos ang mga tao sa hallway. "Tumabi tabi ka nga kasi! Pilay ka na nga humaharang ka pa!" mainit ang ulong sita sa akin no’ng isang matabang lalaki. Malaki kasi ang bitbit ko sa kaliwa kong kamay kung kaya't hindi sinasadyang natabig ko siya. "Pasensiya na po, boss," hinging paumanhin ko. "Hoy, aba! Lalaki! Ikaw itong mali ng daan, ikaw pa itong magagalit sa pamangkin ko? Ikaw itong walang diperensiya sa katawan, bakit hindi ikaw ang mag-adjust?" sita naman ni Tiyang sa matabang lalaking yon. "Tiyang, okay lang ho! Okay lang ho!" awat ko naman sa tiyahin ko na minsan ay mainitin pala talaga ang ulo. "Bossing, pasensiya na talaga! Aalis na kami!" baling ko naman sa lalaking umuusok na yata ang ilong sa pagsita ng tita ko sa kanya. "Ano ka ba naman, Kelvin? Hindi puwedeng laging ikaw ang may kasalanan. Huwag kang basta basta nagpapaapi sa mga katulad ng lalaking ‘yon! Matapang lang ‘yon dahil nakitang nakasaklay ka," pangaral pa niya sa akin no’ng naglalakad na ulit kami. "Tatandaan ko po ‘yan, Tiyang!" sang-ayon ko naman sa kanya. "Ayoko lang po talagang mapaaway lalo na at kasama po kita. Isa pa, naisip ko din po kasi na stress ‘yung mga tao dito. May sakit ang pamilya nila, mga nag-aalala at walang mga sapat na tulog. Kadalasan, problema nila ang perang pambayad kaya po mga maintin ang ulo. Pagpinatulan ko ‘yung mga sinasabi nila magkakagulo pa po," paliwanag ko. Bumuntonghininga si tiyang. "Sabagay, tama ka! Pero alam mo sana kung kailan lang puwedeng tanggapin ang panlalait nila, ha," bilin pa niya sa akin. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD