Chapter Seven
Halos wala namang nagbago sa pakikitungo ni Dennis sa kanya. Palagi pa rin itong sweet tulad ng nakagawian na nito. Napakamaaalahanin at walang oras na hindi ang kapakanan niya ang iniisip ng lalaki. Kung ganito lang ka-smooth ang ligawan ay magpapaligaw na siya rito habang buhay.
Nalalabi nalang ang bakasyon niya. Napapansin niya na napapadalas ang tumatawag sa lalaki. Kung minsan ay sinasagot na nito iyon pero lumalayo ito sa kanya. Minsan nga'y mataas ang tono ng boses nito habang nakikipag-usap sa kabilang linya. Sa tuwing tatanungin naman niya ay showbiz commitments lang daw.
Isang gabi ay narinig na naman niya itong umuungol. Binabangungot na naman ito. Pagpasok niya sa kwarto ay nakita ni Maggie ang pag-ilaw ng telepono nito. Sinilip niya iyon. Si Rachel Nicdao ang tumatawag. Ang sikat na viral girl na makakasama nito sa Cupid's Match at kasamahan din nitong mina-manage ni NJ Gamboa. Nagtatalo ang kanyang isipan kung sasagutin niya ang tawag o gigisingin niya si Dennis.
Nakapagpasya na siya. "Den... Den gising. Nananaginip ka na naman." Kaagad naman itong nagising.
"Salamat Magz. Salamat." Naghahabol pa ito sa paghinga pagkagising.
"Ano ba kasi yang napapaginipan mo? Sa tingin ko pareho lang yan sa dati. Pareho lang kasi ang sinasabi mong 'hindi', 'hindi ikaw'. Magtapat ka nga sa akin Den. May problema ka ba?"
"Wala akong problema. Hindi ko 'yon dapat problemahin." Nagpakawala ito ng malakas na buntong-hininga.
"Ano yung hindi mo dapat problemahin?" Siya naman ang kumuha ng kamay nito. "Wag ka ng mahiya Den. Ako naman 'to eh."
Nakipagtitigan lang ito sa kanya saka siya niyakap. "Wala lang 'yun. Hindi ko nga dapat problemahin di ba? I have nothing to do with it. Some kind of management issue lang. Sila na ang bahala don."
"Sure ka na ba?"
"Sure na..."
Hindi naman siya eksperto sa mga panaginip. Kung ano man din ang problema ni Dennis sa management nito ay ito nga ang dapat makipag-ayos. Sa laki ng tiwala niya rito ay naniniwala siyang maliit na bagay nga lang iyon. Hindi na niya nabanggit dito na nakita niyang tumatawag si Rachel.
Malungkot man pero kailangan na namang lisanin ni Maggie ang lugar. Ang mahalaga napatunayan niyang isang pangako ang napanindigan ng taong iniwanan niya noon. At ngayon, kasama na niya itong aalis. Alam niya na babalik ulit siya rito. Kasama muli ito, si Dennis ang kanya na ngayong masugid na manliligaw. Hindi nalang pang summer ang lahat dahil pwede talagang sila ang perfect match.
Pagbalik niya sa Maynila ay saktong isang linggo nalang para siya'y sumabak na bilang director. Nakipag-coordinate na siya kaagad sa studio. Napasugod nga siya roon dahil sa hindi magandang balita mula kay Marissa.
"Commitment na niya 'to two months ago. Naka-line up na ang mga susunod na artista. Hindi pwedeng ganyan siya. Oo sikat na siya dahil sa viral dubsmash videos niya pero hindi dapat siya nag-aattitude." Hina-highblood si Maggie habang kausap si Marissa. Si Rachel ang tinutukoy niyang artista. Isang linggo bago ang pagsalang nito sa Cupid's Match ay nag-back out ito.
"Ako ang bahala. Papalitan nalang natin siya. Ako naman ang talent coordinator dito. Sagot ko na 'to direk. Mas dapat mong paghandaan ang big day mo sa Monday." Alam talaga kunin ng kaibigan ang kanyang kiliti. Kung siya rin naman ang tatanungin ay sabik na talaga siyang maging isang full pledge director.
"Salamat Marissa ah. Ayoko lang talagang pumalpak kaya siguro ako nagkakaganito."
Nagsisimula na sana silang magdramahan ng dumating ang isang humahangos na staff. "Direk!" Direk na ang tawag nito. "Bad news na naman po. Nabawasan na naman tayo ng artista. Pina-rehab daw po si Donald Celso. Lulong na raw po sa droga kaya minabuti raw po ng manager na si NJ na ipasok na sa rehab."
Napadukdok nalang siya sa mesa. "Ano bang nangyayari Marissa? Ang malas ko yata bilang director." Isa lang kasi ang ibig sabihin 'non. Naka-schedule din kasi next week si Donald. Dalawang artista na ang nawala. May chemistry pa naman din ang dalawa dahil parehong viral dubsmash stars at napapabalita ng magkasintahan.
Tumayo ito at hinimas ang kanyang likod upang gumaan ang kanyang loob. "Wala itong kinalaman sayo Magz huh. May pinagdadaanan 'yung Donald. Drug addict. Kung 'yun ang dapat sa kanya edi ipasok siya 'don."
Hinango niya ang ulo sa pagkakadukdok saka naglabas ng isang malalim na hininga. "Dalawang artista na ang kailangan nating palitan. Kaya mo ba until next week?" Nanlulumo niyang tanong sa kaibigan.
"Pipilitin ko. Kung ako sayo mag-isip ka na rin ng ibang solusyon kung meron ka. Basta ako I can move the schedule of other actors na hindi maarte from their original schedule sa show para kumpleto na ang line up mo next week. Yan ay kung hindi ako makakahanap ng iba pang kapalit."
Dahil hindi pa naman niya opisyal na pagbabalik trabaho kaya sinadya na mismo ni Maggie ang opisina ng manager na si NJ Gamboa. Lihim na kalakaran sa showbiz ang mga nakatataas para solusyonan ang mga problema. Naabutan niyang nandoon si Dennis sa opisina ni NJ. Pinaunlakan naman siya ng batikang manager sa isang pag-uusap.
"I'm sorry Mr. Gamboa but I'm really disappointed with your talents and your talent management as well." Prangkang sambit niya rito. Ito siya pagdating sa trabaho.
"I'm really sorry Maggie." Halata naman ang panlulumo sa mahinang boses ng matandang lalaki. Mataba si NJ at may edad na rin. Marami na itong napasikat na artista.
"Ayoko lang talagang mag-mess up sa unang linggo palang ng pagiging direktor ko. Wala na tayong magagawa kay Donald. Pero baka pwede mong kumbinsihin si Rachel na bumalik sa show." Sinubukan pa rin niya itong pakiusapan.
"Sorry again Maggie pero imposible na yan. Ngayong araw din kasi ang lipad ni Rachel pa-Amerika."
Napailing nalang siya. Sa huli ay wala rin siyang nahita rito. Walang available sa iba pang mga artista nito. Tanging sina Dennis nalang talaga at Janice. Pag-alis sa opisina ay agad naman siyang sinundan ni Dennis.
"Napaka-stressful ng co-artist mo rito huh? Kahit ako babangungutin sa kanila." Sambit niya rito habang sabay silang naglalakad papunta sa kanyang sasakyan.
"Sa kotse ko nalang ikaw sumakay. Ihahatid nalang din kita sa inyo. I know a place where you can relax." May sasakyan din naman si Dennis na pag-aari pa ng daddy nito noon kaya pumayag na siya sa alok nito. Kailangan nga niya ng lugar kung saan siya makakapag-isip ng maayos. Gusto niya ring makasama ang manliligaw. She wanted him by her side. Sa hirap man o sa ginhawa.
Nasa Quezon City lang ang headquarters ng Diamond TV. Ang pinanggalingan nilang opisina ni NJ ay nasa syudad lang din. Napansin niyang hindi rin sila gaanong lumayo.
"QC Circle 'to hindi ba?" Tanong niya pagka-park nito ng sasakyan.
"Yup. The nearest place na may mga puno. Makakapag-relax ka rito."
"Kilala mo na nga ako." She smiled. "Kaya siguro ako masyadong stressed out sa work kasi hindi ko man lang naisipang magpunta sa mga ganitong lugar kahit sa syudad."
"Let's go?"
Pagbaba nila ng sasakyan ay naglakad-lakad na muna sila paikot sa parke. Sumisipol si Dennis. Napansin siyang nagtatama ang likod ng kanilang mga kamay habang kumakampay dahil sila'y naglalakad. Walang anu-ano'y marahan nitong kinuha ang kanyang palad. Napatingin siya rito. Sakto naman na nasa tapat na sila ng fountain sa gitna.
"Galawang hokage ka ah. Para-paraan." Pinungayan niya ito ng mga mata.
"Sige na nga magpapaalam na ako. Pwede bang HHWW tayo?"
Natawa siya sa acronym nito. "Ano yung HH...?
"HHWW. Hindi mo alam 'yon? Grabe ka talaga Maggie Sugarcone Ice cream ko! Holding hands while walking ang ibig sabihin 'non. Luma na kaya 'yon!" Para itong bata na nagpaliwanag.
"Ah 'yun pala yon. Nakalimutan ko lang. Tigilan mo ako sa Sugarcone Ice cream mo ah! Ang mabuti pa ibili mo nalang ako ng sorbetes!" Tinuro niya ang nagtitinda ng sorbetes. Gabi na pero pinapalibutan pa rin ang matandang lalaki ng mga nais magpalamig. Napansin niyang hindi pa halos kilala ng karamihan si Dennis bilang artista. Sasamantalahin na niya ang pagkakataong ito na masosolo niya ito at walang kaagaw na tagahanga.
Lumapit sila sa nagtitinda habang HHWW- holding hands while walking. Binili ang tinapay na pinalamanan ng mango flavored ice cream.
"Ngayon lang ako nakakakain ng ice cream na pinalaman sa tinapay. Ang sarap pala!" Komento ni Maggie habang kumakagat pa sa tinapay.
"Ang sarap di ba? Isipin mo nalang na ganito din ang solusyon sa problema mo ngayon. Para sa akin ito na 'yung chance mo para masabi mo sa kanila ang plano mo para sa Cupid's Match. Parang itong ice cream, masarap pala sa tinapay."
Napahinto siya sa paglalakad at dagling niyakap si Dennis. Isang ideya ang binigay nito sa kanya. "Sa tingin mo kaya ko na?" Bulong niya rito.
"Kaya ko nga sinasabi sayo. I trust you."
Kinabukasan pagbalik sa studio ng Eats Time ay inihain niya ang bagong konsepto para sa Cupid's Match. Dalawang artista, isang lalaki at isang babae. Dalawang pangkaraniwang tao, isang lalaki at isang babae ang gagawa ng mga hamon. Pwedeng ang artista sa kapwa artista, pangkaraniwang tao sa pangkaraniwang tao o artista sa pangkaraniwang tao ang pwedeng maging perfect match sa araw ng Sabado.
"Matagal ko na po itong naiisip at pangarap para sa segment. To make it more realistic at mang masa. Totoo yung emosyon ng mga artista kasi pangkaraniwang tao ang nakakasama nila. Mas totoong emosyon lalo't higit ang manggagaling sa pangkaraniwang tao dahil nakasama nila ang mga artista. Kayo na po ang magdesisyon."
Naging matindi ang pagtatalo para sa reformat concept ni Maggie. Hindi naman kasi mababa ang kanilang rating pero hindi rin iyon tumataas. It's a risk. Kailangang maipasa na ito sa araw na iyon dahil marami pang kailangang ihanda kung sakaling itutuloy ang reformat. Sa susunod na linggo na 'yon.
Hati ang boto. "Ikaw na ang magdesisyon JM." Utos ng isa sa mga exec sa paretirong direktor.
Bumuntong hininga na muna ang direktor. "Maggie's concept was actually brilliant. Maraming posibleng mangyari kapag nag-reformat tayo. Pwedeng kagatin yan ng tao. Pwedeng hindi. Pero ganon naman talaga sa tv industry, hindi ba? Kailangang sumugal. Ang pagpapalit ng direktor ng show ay pwede nating gawing daan para sa pagpapalit ng mga konsepto para sa programa. Fresh new ideas. Pinagkatiwalaan ko si Maggie na pumalit sa akin dahil alam kong kaya niya. Siya na ang bagong kupida. Gusto niyang pumana ng mas maraming puso para sa programa. I'm with her."
Halos maiyak si Maggie sa mga sinabi ng kanyang mentor. Lumapit siya rito upang ito'y yakapin. "Thank you po direk."
"Let me guessed. May lovelife ka na no? You are so inspired."
"Direk talaga. Wala pa po." Nahihiyang tugon niya.
"Wala pa. Ibig sabihin, very soon meron na?"
"Pssssshhhh..... wag po kayong maingay direk."
Dahil ilang araw nalang din ang paghahanda ay ipinaliwanag ni Maggie sa buong staff ang mga pwedeng magpatipid sa oras at pagod ng lahat. Mga dating games pa rin naman ang gagawin pati na ang mga props. Pwede namang kada linggo mag-isip ng mga bagong pakulo. Kailangan lang nilang magpa-audition ng dalawang pangkaraniwang tao. Sa ngayon kahit sa audience nalang muna. Regardless of looks and status if life ang requirements. Isang babaeng guro at isang lalaking napadaan lang para manuod ang kanilang nakuha. Kumpleto na dahil ang dalawang artista ay sina Dennis at Janice. Ang dalawang pares ng mga artista para sa mga susunod na linggo ay pinaghati-hati na. Isang pares nalang kasi ang kailangan. Nakatipid pa sila sa ganong paraan.
Lumipas ang mga araw at dumating na ang pinakamalaking araw para sa career ni Maggie. Maaga palang sa araw na iyon ng Lunes ay naghahanda na ang lahat. Kasama siya. Maaga ring dumating ang mga artista. Agad siyang nilapitan ni Dennis at kinuha ang nanlalamig niyang mga kamay.
"This is it. Kaya ko ba 'to?" Tanong niya rito.
"Kaya mo yan. Nagtitiwala ang lahat sayo. Ako ang una sa mga 'yon." Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kanya.
"Thank you for inspiring me to do this."
Halik sa kanyang mga kamay ang naging tugon nito.