Anabella
Natigilan ako bigla nang sumulpot ang boses na iyon. Dala ng pagod at gutom ay hindi na ako nag-react pa nang husto rito. “S-Señorito . . .”
“Tang ina! Huwag mo akong ma-Señorito-Señorito rito! Paasa ka!”
Namilog ang mga mata ko sa naging pagsigaw nito na halatang galit. Makaraan ay napayuko na lamang ako at bahagyang nakaramdam ng takot dito.
“P-Pero inutusan po ako na maglinis ho ng library . . .”
Napaasik ito na tila hindi tanggap ang naging dahilan ko.
“Tss. I know you are just making excuses! Ayaw mo lang akong siputin! Paasa!” akusa nito na hindi ko na inangalan pa. Hindi ko alam ngunit parang mas bata pa ito mag-isip at umakto kaysa sa akin. Kapag hindi napagbibigyan, nagdadabog.
“Sige po,” sabi ko na lamang at ambang aalis doon nang pagbantaan ako nito gamit ang mga matatalim na tingin. Tumigil ako sa puwesto at marahang nakagat ang ibabang labi.
“Fine. Umalis ka at huwag nang bumalik dito hanggang mamayang gabi. Pero pagsisisihan mo ang ginawa mong pambabalewala sa mga salita ko, Kring-Kring.”
Nag-angat ako ng tingin sa lalaki na nag-aalburoto. “Wala naman po kasing kuwenta ang mga sinasabi ninyo. Mas kailangan ko po ng pera . . .”
Totoo naman.
Muli na naman ako nitong pinutol na ikinatuptop na lamang ng bibig ko.
“At talagang sumasagot ka pa, ah? Get out of my house! Napakapangit mong balyena ka!”
Tila ba tumigil ang mundo ko nang kaladkarin ako nito palabas ng back door. Huli ko nang naramdaman ang pagtama ng pang-upo ko sa sementadong sahig.
Ilang saglit ko pang pinasadahan ng tingin ang pinto na pinaglabasan ko, saka napahinga nang malalim.
Lagi naman. Tuwing nagagalit siya ay lait na lamang ang naibabato sa akin. Ano pa ba ang bago?
Oo nga at biniyayaan siya ng kagandahang hitsura, pero sapat na ba iyon para manlait at manghamak siya ng isang tulad ko? Isang patunay na hindi lahat ng edukado ay may magandang asal.
Naisipan kong magpahangin na lamang sa aking tambayan at magduyan doon. Hindi maalis sa isip at damdamin ko ang sinabi at ginawa ni Evan kanina, kay bigat sa pakiramdam. Tila tuloy ay wala na akong pag-asa sa buhay.
Wala sa sariling itinapat ko ang mukha sa salamin na bitbit, saka natigilan. Inalis ko rin agad ang maliit na salamin at mariing napapikit. Kailangan ko nang pumayat.
Nagsasawa na ako sa mga pang-aasar nila at nais kong magbago.
Marahan kong hinaplos ang tiyan na kanina pa kumumulo dala ng pagliban sa tanghalian kanina. Nawalan na ako ng gana. Pakiramdam ko, kapag kumain pa ako ay lalo pa akong lolobo at iyon ang ayaw ko. Titiisin ko na lang siguro ang gutom at baka pumayat ako agad-agad.
Iyon ang pinaniwalaan ng mura kong pag-iisip dala ng kamangmangan pagdating sa tamang pagpapapayat.
Hindi ako kumain ng kahit na ano sa hapunan maliban sa isang pirasong saging.
Isang patak ng luha ang naging resulta niyon habang nangangatog ang katawan ko sa higaan. Madilim ang paligid ngunit hindi ko iyon alintana. Mas pabor ako roon dahil alam kong walang makakakita sa akin sa kalaliman ng gabi.
Lahat ng mga masasamang alaala ko ay bigla na lamang rumagasa sa isip ko na para bang isang galit na galit na ilog. Pakiramdam ko pa, mawawala ako sa katinuan sa mga oras na iyon habang inaalala ang mga nakaraan.
Pangit ako. At iyon ang isang bagay na hindi magugustuhan sa akin ng kahit na sino maliban sa sarili kong ama na siyang nagtatanggol sa akin. Kahit wala pa mang sabihin ang ibang tao sa akin, kita ko na sa mga mata nila ang pagkadisgusto sa akin.
Bakit ganoon? Kahit anong pilit ko na huwag intindihin ang mga sinasabi nila, sobra pa rin akong nasasaktan. Para pa ring sinasaksak ng kutsilyo ang damdamin ko.
Sa kaiiyak at pagod ay nakatulog agad ako sa ganoong sitwasiyon. Nagising na lamang ako na tirik na tirik na ang araw at wala na ang mga tao sa bahay.
Kahit inaantok at nanlalata ay binunot ko mula sa bag ang talaarawan at isinulat doon ang nangyari nitong mga nakaraan. Pinagmasdan ko pa iyon nang maigi nang matapos, saka ibinalik sa lalagyan.
May nilagang saba sa mesa kaya kumuha ako ng ilang piraso niyon at inilagay sa plastik.
Wala akong ganang tumulong sa kabilang bahay ngayon kaya naisipan ko na lamang na tumambay maghapon sa aking tambayan. Pasalamat talaga ako kay Itay dahil mayroon kaming ganitong lupa na maaari kong puntahan kapag nais kong lumayo sa mga tao.
Kapag narito ako, makakalayo rin ako sa mga tukso ng pagkain. Nais ng isip ko na kumain nang kumain dahil sa bigat ng nararamdaman, ngunit nais ko ring panindigan ang pagpapapayat.
Napabuntong hininga na lamang ako habang nakaupo sa gulong na duyan. Nang magsawa roon ay kinuha ko ang dala kong sisidlan ng tubig, saka sumalok ng sariwang tubig sa batis.
Ibinuhos ko iyon sa rosas na bigay ni Malik noon—na eksaktong itinanim ko sa tabi ng puntod ng aking Lolo. Nawa’y yumabong pa iyon gaya ng pagyabong ng mga halaman sa lupaing ito.
Naisipan kong muli na manghuli ng mga malalaking tilapya roon upang may maipakain sa mga aso. Doon ko na nilaga ang mga iyon, tinanggalan ng mga tinik at saka hinayaang lantakan ng aking mga alaga.
Nang ambang babalik ako sa duyan ay siya namang pagsulpot ng boses ni Malik. Tumuwid ako ng tayo at saka ito hinarap.
“Halika, dali! Napaaway ang kapatid mong babae!”
H-Ha?!
Awtomatikong dinagsa ng kaba ang dibdib ko at dali-daling pinagliligpit ang mga gamit na binitbit ko rito. Tinulungan pa ako ni Malik na magbitbit niyon kaya laking pasalamat ko.
Pagdating namin doon ay ibinaba muna namin ang mga gamit sa bahay, saka tumakbo papunta sa plaza. Naroon nga at nagkukumpulan ang mga tao dahil sa nangyaring kaguluhan. Hinanap ko ang aking kapatid at agad na nakaramdam ng kaba dahil sa dami ng dumadaloy na dugo sa noo nito. Sa tabi nito ay si Nanay Criselda na tila hindi alam ang gagawin.
Tumama sa akin ang tingin nito nang lumapit ako at dinuro. “Ikaw muna ang pumalit sa akin doon! Dadalhin ko si Hope sa hospital!” sigaw nito na agad kong tinanguan.
Binuhat ng mga kapatid ko si Ate Hope, isinakay sa tricycle at dinala sa hospital. Naiwan kami roon na nakasunod ng tingin sa dinaanang kalsada ng pamilya ko.
Huminga ako nang malalim bago balingan si Malik na nakatulala sa harapan.
“Ano ba ang nangyari?” nanghihinang bulong ko rito, kinakabahan at natatakot sa mga posibilidad na mangyari sa kapatid ko.
Nilingon ako ni Malik at hinila paalis doon. Sa tapat ng bahay kami tumambay na wala namang katao-tao.
“Nag-away sila ng grupo ni Criza kanina. Nagparinigan daw dahil sa kani-kanilang crush, kaya ayun, nagsabong na.”
Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa sa sinabi nito. Sa huli ay napailing na lamang ako.
Para lang sa lalaki, mag-aaway sila nang ganoon? Wala pa naman sila sa wastong edad. Hay naku!
“Ambot sa kanila. Gusto kong maawa pero parang huwag na lang,” tatawa-tawang sambit ko bago umalis sa pagkakaupo.
Humalakhak bigla ang katabi ko kaya naman nilingon ko ito at kinunotan ng noo. Grabe naman ito kung makahalakhak.
“Alam mo, kung magsalita ka ay para ka na talagang matanda,” puna nito bago tumayo. “O, siya! Magtungo ka na roon sa bahay ng Señora at tumulong. Baka ika’y mapagalitan pa ni Manang Criselda,” pagtataboy nito sa akin na ikinahinga ko na lamang nang malalim.
Nang umalis ito ay nagtungo ako sa loob ng bahay upang maglinis ng sarili. Matapos ay nagpunta ako sa bahay ng aking amo upang tumulong. Abala ang lahat para sa tanghalian kaya naman hindi na ako nakisali pa roon dahil alam kong pandidirihan lang ako roon.
“Ate!”
Napaigtad ako nang may tumili mula sa likuran ko. Isang paslit na gulo-gulo ang buhok ang humaharurot palapit sa akin. Nang isang hakbang na lamang ang distansiya nito sa akin ay nakuha pa nitong tumalon, saka tumuwid ng tayo sa harapan ko.
“Hi, Megan . . .”
“Sali ka sa amin mamaya, Ate! We are going to play volleyball sa rooftop!” maligalig na anito na ikinangiti ko tuloy.
“Okie dokie,” excited na turan ko, kinikilig sa ideyang maglalaro kami ng volleyball.
“Yehey! Kuya Alessandro will give us chocolates and toys kung manalo tayo, Ate! Niyayaya kita because I know you’re good at volleyball.” Humalakhak ito sa huling sinabi, tuloy ay nahawa ako rito.
Wala naman akong interes sa premyo, pero kung manonood si Señorito Alessandro ay talagang gaganahan akong magpakitang gilas. Kahit doon man lang ay makatanggap ako ng papuri at magagandang salita mula sa ibang tao.
Akala ko ay magpapatali ito sa akin, nagtaka na lamang ako nang hilahin ako nito papunta sa likod ng bahay nila kung saan nananatili ang mga alaga nilang aso na naglalakihan.
Napangiti ako dahil tiyak na maganda ang buhay nila rito at napapakain palagi ng tama at masasarap na dog food. Puro mga ibang lahi iyon at talaga namang nakakatakot asarin kahit pa nakatali.
“See that black German Shepherd puppy, Ate? My millionaire ninong gave that puppy to me as a gift last month. I’m not into dogs naman since then, pero inaalagaan ko na lang with the help of my brothers kasi hindi pa ako masiyadong marunong mag-handle ng doggie.”
Takang nilingon ko ang bata na nakangusong nilapitan ang tuta nito na maliksi at malaki. Malaki na iyon pero tuta pa lang daw. Ano pa kaya kapag lumaki pa ito lalo? Ang gara pa ng millionaire ninong.
“Bakit pala niregaluhan ka ng aso?” kuryosong tanong ko.
Nilingon ako ng paslit at nagkibit-balikat. “For companion, I think, Ate. Ang mga kapatid ko rin ay nakakatanggap ng mga aso tuwing may okasiyon kahit na hindi naman sila mahilig sa mga aso noon. Hanggang sa dumami na lang ang mga dog namin na puro bigay lahat ng mga friend ng family namin.”
Ah, kaya pala ang daming aso na alaga ni Venus. Napakamahal pa naman ng mga ibang lahi ng aso, libo-libo iyon at nakalulula ang presyo.
“Kumusta na pala ang ampunan ng mga hayop ng Señora?” tanong ko nang maalala iyon. Naroon ang mga rescued dogs at cats na inaalagaan nila, taon-taon pa ay nagbibigay ng libreng anti-rabies at mga vaccine. May libreng kapon din at nagawa kong ipakapon ang mga alaga kong aso na lalaki noong nakaraang taon. Hinihintay ko na lang na magkaroon ulit ngayong taon para ang mga babaeng alaga ko naman ang ma-spay at nang hindi na magbuntis pa. Nasa tamang edad naman na para kapunin.
“Doing good, Ate. By the way, I’m sad,” paglalahad nito sa nararamdaman na nangungunot ang noo.
Pinigilan ko ang pagngiti dahil tila ba hindi paslit ang kausap ko. “Bakit ka naman malungkot ngayon?”
Ikinumpay nito ang mga kamay bago iyon ilapat sa magkabilaang pisngi na tila pa pagod na pagod na sa buhay. “Hay! Kasi naman, malapit nang umalis si Kuya Jackson. Mami-miss ko siya kapag naroon na siya sa bago niyang school sa Baguio,” ngusong saad nito bago ako hilahin papasok sa loob.
“Alam mo, kapag umalis na ang kapatid mo, huwag mo na lang siyang masiyadong isipin para hindi ka malumbay. Ang totoong ina ko ay hindi ko laging nakakasama dahil naroon siya sa ampunan, pero hindi ko na masiyadong iniisip kahit na miss na miss ko na siya kasi alam kong malulungkot lang din ako. Nagpopokus na lang ako sa mga gawain ko rito at nag-iipon para sa magandang kinabukasan,” pagkukuwento ko na napahinga pa nang malalim dahil sa muling pag-usbong ng lumbay sa puso ko.
Malungkot man ako o umiyak ng dugo, hindi ko makukuha si Mama Lucia dahil wala akong pera at baka hindi ko rin mapakain o maalagaan nang maayos dito. Galit pa naman si Nanay Criselda at mga kapatid ko kay Mama Lucia.
“Hindi n’yo po totoong nanay si Manang Criselda?” Namilog ang mga mata nito sa pagkabigla.
“Oo, e.” Kaya nga hindi ako matanggap ni Nanay . . .
Hay, buhay.
Nagpaalam ito na manananghalian lamang kaya hinayaan ko at nagtungo na lamang sa likod ng bahay nila. Tumambay ako sa puno ng mangga at tahimik na pinagmasdan ang katanghalian.
Tanging ihip ng hangin lamang ang naririnig ko na siyang nagduyan sa akin para ako’y antukin.
Lumipat ako sa duyan at doon ay nahiga upang ipahinga ang sarili. Nakaramdam ako ng kaunting hilo at panghihina dahil sa gutom ngunit nagawa kong tiisin, desperada sa pangarap na pumayat agad.
Akala ko, sa pamamagitan ng pagpapagutom sa sarili ay mabilis akong papayat. Sa huli ay nagawa ko ring kumain sa bahay na tila ba ginutom ng isang linggo. Sunod-sunod ang naging kain ko dahil sa sobrang gutom habang maluha-luha.
Nakokonsensiya ang isip ko dahil madadagdagan na naman ang timbang ko nito. Sabi ko kanina, tama na, e. Binali ko rin ang sinabi kong huwag kumain nang marami.
Tumigil ako sa pagkain at binitiwan ang hawak na kutsara. Napatakip ako ng mukha at hindi na napigilan pa ang tahimik na paghagulgol.
Kahit anong gawin kong pag-iwas sa pagkain nang marami ay talagang hinahanap-hanap ng katawan ko. Maliban sa nakasanayan ko na, mas gumagaan din ang pakiramdam ko kapag kumakain at nabubusog. Kaso sa huli, konsensiya rin ang inaabot.
Papaano na ba ito? Ayoko nang tawagin na baboy at mataba! Gusto ko namang gumanda at sumeksi tulad ng iba!
Sa bigat ng nararamdaman ay lumuluha ang aking mga mata nang ubusin ang pagkain. Nagkulong lamang ako sa higaan ko matapos kumain, iniisip kung ano ba ang dapat kong gawin sa buhay.
“Ate!”
Naalis ang atensiyon ko sa labas ng bintana, saka sinilip si Megan na lumitaw ang ulo mula sa nakabukas na pinto.
“Megan . . .”
Excited ito nang mapagmasdan ko ang reaksiyon. “Laro na tayo, Ate!”
Agad na namilog ang mga mata ko, dali-daling bumaba sa higaan at saka patakbong lumapit dito.
“O-Oo nga pala. Pasensiya na at nakalimutan ko,” paumanhin ko na pasimpleng nakagat ang ibabang labi. Ngunit ang totoo ay nawalan lang talaga ako ng ganang sumali sa laro nila dahil sa bigat ng pakiramdam. Pero bahala na, kukuhanin ko na lang ang pagkakataon na ito upang ibaling sa iba ang atensiyon. Ayokong malungkot nang malungkot.
Hinila ako nito papunta sa rooftop ng malaking bahay nila. Naabutan pa namin ang mga kalalakihan na ikinakabit ang net at tila malapit nang magsimula.
“Kring-Kring!” sigaw ni Señorito Cain sa palayaw ko at pumito mula sa kabilang panig. Kay lawak kasi ng rooftop nila. “Sasali ka? Bawal ang lampa at biik dito!” paninimula na naman nito sa asaran na ikinahinga ko na lamang nang malalim.
Ano pa nga ba ang magagawa ko, e, balasubas silang magkakapatid na lalaki? Mabuti pa ang mga pinsan nila, hindi mapanglait at mapang-asar sa akin.
E, kung sa bahay ng mga pinsan na lang nila kaya ako magsilbi? Malabo. Unang-una ay hindi ko pa kayang lumayo sa aking itay. Natatakot pa ako.
Ikinalma ko ang sarili bago lumapit sa mga ito kahit na tinutukso-tukso ng mga kuya ni Megan. Si Señorito Evan ay tahimik lamang habang nakahalukipkip at nakaupo sa tabi, taimtim na pinagmamasdan ang bawat galaw ko.
“Isasali pa ba natin itong si Kring-Kring? Baka hindi kayanin ng katawan nitong maglaro. Sobrang taba pa naman at hindi rin marunong maglaro,” anang Criza na mataray ang mga tingin sa akin. Kung umakto ito ay mukhang hindi napuruhan sa pag-aaway nila ng kapatid ko.
Narinig iyon ng mga pinsan ni Megan at agad na natigilan. Ambang magsasalita ang mga ito nang umimik si Megan sa tabi na sinusubukang patalbugin ang bola.
“Let her, Ate Criza. You’re not good either, so, watch your mouth and stop being so trashy. Humble yourself, kasi hindi ka laging nasa ibabaw,” sagot ng paslit na ikinabigla naming lahat, hindi inaasahan na sa batang edad nito ay magagawa nang barahin nang ganoon si Criza.
Natawa na lamang ang mga tao roon maliban sa grupo ni Criza na pasimpleng umirap sa akin.
Naghati kami sa dalawang grupo roon at masuwerteng pinili ako ni Venus para maging kakampi nito. Puro kami mga babae roon, samantalang ang mga kalalakihan ay nagsilbing tagapanood namin.
Inilibot ko ang tingin sa paligid sa muling pagkakataon upang kumuha ng inspirasiyon mula kay Señorito Alessandro. Ngunit imbis ay nahinto ang tingin ko sa lalaking seryoso ang mukha na nakamasid sa akin.
Daglian ang ginawa kong pag-iwas at ipinokus ang atensiyon sa mga kalaban sa harapan namin.
Nahuli ko pa ang masasamang tingin sa akin ni Criza na pinalagutok pa ang mga daliri. Napailing na lamang ako sa isip. Tiyak na didibdibin na naman nito ang larong ito dahil ayaw niyang magpatalo pagdating sa akin.
“Go, Ate!” tili ni Megan na ikinangiti ko nang wagas. Sumenyas ako ng pasasalamat dito bago tumikhim at nagseryoso.
Kaya ko ito. Medyo kinakabahan lang ako dahil nanonood ang aking tagapagtanggol at tagapagligtas. Malamang ay kailangan kong galingan.
Si Venus ang unang pumalo ng bola na agad naharang ng kabilang kampo. Hindi ko alam ang kakayahan ng mga magpipinsan pero base sa mga kilos nila ay halatang magagaling din.
At siyempre, hindi rin ako magpapahuli pagdating sa larong iyon. Kilala ako sa galing sa pagpalo at pagharang ng bola kaya ipinakita ko iyon sa mga oras na iyon.
Ilang papuri ang natanggap ko matapos ang larong iyon, lalo pa at naipanalo ng grupo namin ang laro. Ngingiti-ngiti akong mag-thumbs up kay Megan na tuwang-tuwa sa amin.
“I didn’t expect you’re that good, little girl. Sa liit mong iyan ay magaling ka pala,” lapit sa akin ni Señorito Alessandro na may bitbit na medyo malaking box na hindi ko alam ang laman.
Halos mapugto ang hininga ko at natulala rito, hindi makapaniwala na talagang pinuri ako nito. Wow! Tuloy ay pakiramdam ko, ang galing-galing ko.
“Kaya nga, e. Sampal iyon sa sinabi ng batang Criza kanina,” iiling-iling na bulong ng Señorita Gisselle habang inaambahan ng bola ang kaniyang pasensiyosong kabiyak.
Mayamaya ay patakbong nagtungo sa puwesto namin si Megan na panay ang hagikgik. Nauna ito sa amin nang buksan ni Señorito Alessandro ang kahon na naglalaman pala ng mga tsokolate at laruang pambabae.
Lahat kami ay masaya, maliban na lang sa grupo ni Criza na nasa gilid at nagbubulungan habang masama ang mga mukha, at kay Señorito Evan na walang ganang lumapit sa amin.
“Hindi naman magaling si Kring-Kring. Masiyado n’yo namang inuuto ang bata,” anito na diretso sa mga mata ko ang tingin.
Sa isang iglap ay nawala ang mga ngiti ko. Ang kaninang masayang pakiramdam ay napalitan ng lungkot dahil lagi na lang niyang sinisira ang kumpiyansa ko sa sarili.
“Ay sus! Papansin ka talaga masiyado, Evan-o!” imik ni Señorita Gisselle na nanunuksong tiningnan ang pinsan. “Kunwari ka pa. Sabihin mo na lang kasi ang totoo! Hindi ’yong dinadaan-daan mo pa sa mga ganiyan ang nararamdaman. Haler, malapit ka na kayang umalis!” anito pa sa lalaki na natigilan. Bumaling sa akin ang Señorita na malawak ang pagkakangisi at inilapit ang mukha. “Crush ka kaya ng pinsan ko.” Humagikgik ito at napatakip pa ng bibig.
Ako naman ay napatanga, ni hindi makapaniwala. “H-Ha?” A-Anong crush?
Umugong bigla ang tuksuan sa pagitan namin, habang ako ay napilpilan ang bibig.
Baka naman binibiro lang ako? At balak na namang asarin?
“Crush ka nga nitong si Jackson dahil maalaga ka raw at mabait! Kunwari lang naman iyang lalaking iyan sa pang-aasar sa iyo!” lantad pa ng pinsan nitong babae at sunod kong narinig ay ang ugong ng halakhakan.
Natulala na lamang ako sa lalaki na bumagsik bigla ang mukha habang namumula . . .