Kabanata 19

3266 Words
Anabella Tila ako naputulan ng dila sa sinabi nito. Nanahimik na lamang ako at binilisan ang kilos upang maging paspasan ang pag-alis dito. Nang matapos ay nagpaalam ako sa Señorito na hindi naman umimik. Kinabukasan ay maaga pa lang, nagtungo na ako sa aking tambayan upang manguha ng ipapakain sa mga alaga. Kasa-kasama ko ang aking mga aso sa gubat kaya hindi ako nag-alala para sa sariling kaligtasan. Namitas ako ng mga gulay na maaaring ipakain sa kanila, saka nanghuli ng mga isda sa ilog na malapit. Malalaki ang mga tilapya roon, lalo naman sa ilog na sakop na ng lupain ng aking mga amo. Tagaktak ang aking pawis sa mukha at leeg, nangungunot ang noo dala ng pagod at pagkahilo. Mamaya ay kailangan ko pang tumulong sa bahay ng aking mga amo. Ngunit sa gitna ng katahimikan ng paligid ay nagulantang ako dahil sa isang malakas na tahol mula sa napakalaking aso na bigla na lamang sumulpot. Sinundan ko ng tingin ang may hawak ng tali niyon at lihim na nainis dahil siya na naman. “Ang gaganda ng mga aso mo, a. Malinis at maganda ang pangangatawan. May babae ba riyan?” nakangising sambit ni Señorito Evan, kasunod ang mga kapatid at pinsan niyang lalaki at mga tito na pinagmamasdan ang ginagawa namin ng mga aso ko. Nakatayo lamang ang mga ito sa marka kung hanggang saan lamang ang limitasiyon nila. Umahon ako sa ilog at nagpunas ng mga kamay sa katawan ng puno. “Mayroon naman,” mahinang sambit ko bago balingan ang mga alaga na halatang natakot sa malaking aso na bitbit ni Evan. “Apat ang babae ko rito. Wala pang isang taon ang tatlo,” dagdag ko pa, nagtataka kung ano ang binabalak nito. Umangat ang sulok ng labi ng lalaki at nakipagtawanan sa mga kapatid niya na maloko. Hindi ko alam kung ano ang balak ng mga ito ngunit nahihinuha ko na hindi ko iyon ikatutuwa. “Good. Pumunta ka mamaya sa bahay at may sasabihin ako. Alas dose, Kring-Kring. Kapag hindi ka sumipot, ipapalapa kita rito sa Doberman Pinscher ko,” anito na talagang nambanta pa. Tiningnan ko lamang ito at ang aso nito na napakalaki. Tiyak na napakarami niyong kinakain. Balita ko pa ay tine-train nila ang mga aso nila mula sa pagkabata kaya hindi naman nanunugod at behave lang. “Ini-snob ka lang, ’tol! Isnabera na pala itong si Kring-Kring ngayon!” pag-uumpisa ni Cain na kay sarap batukan. Bakit ba ako na lang palagi ang trip nila? Hindi pa ata sila nadala sa ginawa ng ama nila sa kanila. Gusto pa ng round two. Napasulyap ako kay Señorito Alessandro na nakatingin din sa akin, kaya agad na nag-init ang mukha ko sa pagkapahiya. Dali-dali akong umiwas at tumalikod, saka lumusong muli sa ilog na hanggang tuhod ang lalim. “Ano ba iyang ginagawa mo riyan?” satsat na naman ni Señorito Evan na talagang lumapit pa sa puwesto ko. Trespassing na ito, a. Mabuti na lang at behave ang aso niya, kundi ay magkakagulo talaga rito. Hindi ko na ito nilingon at agad na dinakma ang hipon na nakita ko. Hmm, masarap ito at malaki pa. “Nangunguha ng makakain ng mga aso ko,” tugon ko at bago itabi ang nakuhang hipon. Uulamin ko na iyon mamaya. Nagagalit na si Nanay Criselda dahil napakalaki nga naman ng konsumo ng mga alaga ko sa pagkain. Hindi ko naman sila kayang ipamigay sa iba at baka mauwi lang sa trahedya. Mas mabuti nang naririto sila sa pangangalaga ko at napapakain ko naman nang maayos, may mga tanim naman ako at may ilog na mapagkukuhanan ng mga isda. Tiyagaan na lang talaga palagi. “Gusto mo ng dog food?” anito na ikinatingin ko rito. Natawa ang mga ito sa naging reaksiyon ko. “Parang ikaw pa ata ang natatakam sa dog food. Baka ikaw lang din ang umubos imbis na ang mga aso mo. Huwag na lang.” Dahil doon ay umalingawngaw ang halakhakan ng mga kalalakihang kabataan. Sinita ang mga ito ng kani-kanilang ama at tiyuhin na hindi ko na pinansin pa. Pinigil ko ang sarili na sagutin ito. Bagamat nakakainis na dahil gutom at pagod na nga ang tao, nagawa pa nitong dumagdag. Nang makuha ko na ang tamang dami ng ipakakain ko sa mga alaga ay umahon na rin akong muli upang makaalis na roon. “Psst! Alas dose, Kring-Kring!” pagpapaalala pa nito na hindi ko na pinansin dala ng sama ng loob. Huh! Akala niya! Hindi na nga ako kumain ng marami para sa agahan dahil umpisa na ng Oplan: Balik Alindog ko. Kapag ako pumayat, naku, naku! I-snob-in ko talaga siya nang todo. Pagbalik ko sa bahay ay naabutan ko si Itay na umiinom ng tubig habang nagpapahinga sa upuan sa tabi ng bahay. Kinakausap nito ang mga aso ko na nauna sa akin kaya naman lumitaw na ang malapad kong ngiti. Mabuti pa ito at mababait sa mga alaga ko. “Aba, aba! Kay rami ng iyong huli, aking dalagita! Talagang magaling!” maligalig na anito kaya naman natawa ako nang malakas. Ngek. Bolero ang aking ama. “Kumain na po ba kayo?” Tiyak na pagod na naman ito sa katatrabaho sa palayan. Tumango ang aking ama bago inguso ang plato sa tabi nito. Siya namang dating ng kumpare nito na si Mang Jo na may dalang tuba. “Naks! Malapit ka nang magkaroon ng dalaga, Timoy. Inom muna tayo riyan!” anito na naupo sa kawayang upuan bago ako alukin ng dala nito—na agad ko namang tinanggihan. “Ano ka ba naman, Jo! Hindi ko pinapayagan na uminom ang mga anak kong babae kaya huwag mo nang alukin.” Huminto ang tingin ko kay ama na walang kaalam-alam. Ni hindi nito alam na nag-iiinom na si Ate Hope nang palihim kasama ang mga kaibigan nitong mga babae’t lalake. Nagagawa nitong bumili ng mga alak. “Hindi na mabiro si Timoy,” kantiyaw nito sa aking ama bago ako balingan at pasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa, dahilan upang makaramdam ako ng pagka-asiwa. “Lasing o hindi, wala namang magtatangka sa anak mong si Kring-Kring dahil hindi naman kagandahan, mataba pa at negra. Dapat kasi ay hindi ninyo hinahayaan sa kusina ang bata. Mas mabuti pa nga si Hope at napakaseksing bata . . .” Tila ba isang bomba na sumabog sa mukha ko ang katotohanang iyon. Kaso, wala namang bago pagdating sa ganoon. Sabihan man akong pangit sa panlabas na anyo, wala akong magayawa dahil opinyon naman nila iyon. Hindi ko naman na mababago kung ano ang hitsura ko, maliban sa timbang. At saka bata pa naman ako, baka mag-iba pa nang bahagya ang hitsura ko tulad ng mga kakilala ko na mga nagdalaga na ngayon—iyon ay kung may mababago pa nga at papalarin. Nais ko ring mag-glow up tulad nila. Hay! Ayokong umasa nang sobra at lumipad nang mataas at masakit ang bagsak niyon. Ngumiti na lamang ako nang tipid sa kumpare ni Itay. Ngunit ang sarili kong ama ay halatang hindi nagustuhan ang sinabi ng kaibigan niya. Mula sa palakaibigang mukha nito ay napalitan iyon ng pangungunot ng noo. “Ano kamo? Ang tabil ng dila mo, a!” anas nito at bigla na lamang kinuha ang itak sa tabi. Napatakbo palayo nang wala sa oras si Mang Jo na iiling-iling. Agad ko namang sinita si Itay kaya ibinaba nito ang hawak. “Huwag mo na lang pansinin iyon, Itay . . .” “Gagong Jo iyon, a! Napakatabil ng dila! Akala mo kung sinong perpektong tao! Napakabastos ng bibig!” galit na anito na ikinahinga ko na lamang nang malalim. Matapos kong magluto at pakainin ang mga alaga ay nagtungo na ako sa bahay ng aming amo—hindi para kay Señorito Evan kundi para tumulong sa gawaing bahay na naghihintay roon. Sa backdoor na ako dumaan upang hindi makita ang mga tao na tiyak na nasa sala ngayon at abala. Ngunit napaigtad kami pareho ni Criza na nasa kusina at naabutan kong tulala sa kawalan. Agad ako nitong pinatamaan ng masasamang tingin na ikinagulat ko nang bahagya. “Umalis ka nga rito! Baboy!” A-Ano? Ano na namang kasalanan ko at ang init-init ng ulo nito? Hindi naman kaniya itong bahay. Kung maka-asta—tsk. Kaya naman upang hindi na lumala pa ang init ng ulo nito ay nagtungo na lamang ako sa laundry room ng bahay. Doon ay alam kong hindi nagpupunta si Señorito Evan. Suwerte ko na lang dahil may mga labahan doon at hindi ko siya sisiputin ngayong alas doce. “Oh! You’re here, little girl. Naroon na si Evan sa kuwarto niya at naghihintay sa iyo.” Gulantang kong nilingon ang pinanggalingan ng malalim na boses na iyon na lalaking-lalaki. At tila naman ako pinigil ng kaluluwa ko na tumili sa harapan ng aking prince charming. Hala! “N-Naku, Señorito!” Agaran ang pag-iinit ng magkabilaang pisngi ko sa tanawin nito. Hubad ang itaas nito habang nakasuot naman ng sweat pants nito na itim. Nasa kaliwang kamay nito ang t-shirt na puti at mukhang ipalalabhan na. Aguy! Kung minalas-malas ang damdamin ko kanina, suwerte naman ngayon. Ilang akong ngumiti rito, hindi na umaasa na magkakagusto ito sa tulad ko. Hindi bale, puwede namang gawing inspirasiyon na lang sa pang-araw-araw. Gumilid ako upang bigyan ito ng daan upang ilagay sa basket ang hawak nitong shirt. “Hindi mo ba sisiputin si Evan?” tanong nito na ikinawala agad ng mga namumuong imahinasiyon ko. Humaba nang palihim ang nguso ko dahil moment na sana namin ito ng aking prince charming, tagapagtanggol at Señorito. Kaso umeksena na naman ang pangalan ng ibang señorito. Bumalik ako sa paghihiwalay ng mga puting damit at de-kolor at tinalikuran ito. “H-Hindi na ho, Señorito. Marami pa po kasi akong gagawin,” pagdadahilan ko. Marahan itong tumango-tango bago sumandal sa gilid at humalukipkip. Tuloy ay lalong kumabog nang husto ang batang puso ko. “Ganoon ba? Tiyak na pag-iinitan ka lalo n’yong pinsan ko. Trip na trip ka, e.” Ang lumanay talaga ng boses nito bagamat madalas na ilarawan katulad sa ama nito na dati raw gangster. Tarantado raw itong si Señorito, pero sa totoo lamang ay pili lang naman ang mga taong ginagawan niya ng katarantaduhan. Mabait siya sa mga kakilala niya at malalapit sa mga kaanak at kapamilya niya, lalo na sa akin na nagsisilbi sa kanila. Ngumiti ako nang pasimple rito. Pigil na pigil ang kilig dahil alam kong bata pa ako para sa mga ganito. “Kaya nga po, e. Wala namang bago roon.” Muli itong napatango habang pinagmamasdan ang ginagawa ko. “I just wanna ask—if you don’t mind, Sweet—Ah, no. Gusto ko lang itanong kung ano ang nangyari sa mga pasa at peklat mo sa buong katawan?” Tila ba tumigil na naman ang mundo ko sa sinabi nito. Hindi dahil sa naging tanong nito, kundi dahil sa pagbanggit nito sa matamis kong pangalan. Aguy! Ang ganda pala pakinggan lalo na kung mula sa kaniya. Lumapad ang mga ngiti ko rito at pasimpleng hinila pababa ang long sleeve kong itim, sabay ayos sa paldang pang-manang—gaya ng sabi nila. “Wala ho ito. Makulit at pasaway po kasi akong bata kaya laging nagkakasugat. Kung saan-saan sumisiksik . . .” “Hmm, lahat ba iyan ay galing sa pagsiksik mo sa kung saan-saan? I doubt it—I mean, nakakapagduda. Sa tingin ko ay galing sa bugbog iyan,” anito na ikinatigil ko sa muling pagkakataon. Nawala ang mga ngiti na nakapaskil sa mga labi ko at nag-iwas ng tingin dito. “Nakausap ko ang tatay mo kanina sa palayan. Mabait ka naman daw na bata at masunurin. Hindi ko lang alam kung bakit kailangan pang dungisan ng sarili mong ina ang balat mo nang ganiyan ka-grabe. Just look at you now, ikaw ang nagsa-suffer dahil inaasar ka ng karamihan.” Teka, concern ba siya sa akin? Naks! Lalo tuloy akong kinilig at na-inspire. Ang bait-bait talaga niya! Ka-suwerte ng kaniyang karelasiyon. “Okay lang po. Mawawala rin naman ang mga ito,” pambabalewala ko sa sariling kapangitan. Okay lang, at least ay nalaman kong may concern talaga siya sa akin. Sapat na iyon upang mabuo ang araw ko. Isa pa, ako rin naman ang may gawa ng ibang peklat at sugat ko sa katawan. Ilang saglit pa ako nitong inusisa bago umalis dahil kakain pa raw ito. Agad ko namang nilabhan ang damit nito na may mantsa ng tsokolate. Kay bango pa ng damit nito, nakakapanghinayang labhan. Hay, Anabella! Umayos ka nga at kay bata-bata mo pa! Alalahanin mong malaki ang agwat ng edad niyon sa iyo pero nagagawa mo nang pagpantasyahan! Magtigil ka! Hay naku. Concern lang naman ang tao sa akin. Ako naman itong masiyadong kinikilig. Ito ang unang beses na nagkaroon ako ng crush kaya ganoon na lang kung kiligin ako sa isang lalaki, kaso sa maling panahon pa. Kung maganda ba ako at nasa tamang edad na—at kung sakaling wala pang babae sa buhay nito, may chance kaya ako roon kay Señorito? Parang wala pa rin. Parang wala pa rin naman akong kalatoy-latoy kahit pa gumanda at maging seksi. Sa dami ng magagandang babae sa hanay ng pamilya nila, tiyak na walang-wala ako sa mga iyon kahit pa mabiyayaan ng ganda. Ngek. Tahimik akong nangalumbaba habang pinagmamasdan ang washing machine na gumagana. Kay tahimik ng paligid dahil ako lang naman ang tao roon, tuloy ay bahagya akong nakaramdam ng lungkot at pangungulila. Bakit kaya naisipan ni Itay noon na patulan ang tunay na ina ko na alam naman na niyang may problema sa pag-iisip? May asawa na siyang si Nanay Criselda at mga anak bago ako umeksena sa buhay nilang magpamilya. Tuloy ay ang laki ng sama ng loob ni Nanay at mga kapatid ko sa ama sa akin at sa tunay kong ina. Siguro kung galing din ako sa dugo’t laman ni Nanay Criselda, hindi niya na ako pupunuin ng pasa at sugat sa katawan at laging pag-iinitan. Mamahalin niya rin ako at pagtatabihan ng pagkain gaya ng ginagawa niya sa mga kuya ko at kay Ate Hope. Hope dahil siya raw ang pag-asa ng pamilya na mag-aahon sa kanila sa hirap. May ganda si Ate at kaseksihan na puwede raw magamit upang makabingwit ng isa sa mga Montehermoso. Iyon na ang itinatanim ni Nanay kay Ate simula noong magkaisip ito, tuloy ay nahubog ang ate ko bilang ganoong klaseng babae na kailangang makabingwit ng mayamang lalaki para maka-ahon sa kahirapan. Kung ano-ano na lamang ang pinagagawa nito sa ate ko na gustong-gusto naman ni Ate Hope dahil crush niya si Señorito Evan. Pinaplano pa nila na kahit isa sa mga kapatid kong lalaki ay palaring mabingwit si Venus pagdating ng tamang edad nito. “Kring!” Napatigil lamang ako sa pag-iisip nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang mayordoma. Daglian ang ginawa kong pagtayo nang maayos sa harap ng matanda at hinintay ang mando nito. “Pinatatawag ka ni Señora. Nais niyang ikaw ang maglinis at mag-ayos ng kaniyang library,” anito na alam niyang pinakagusto kong utos. Napangiti ito nang makita ang kasiyahan ko sa mukha. May kasama itong babae na siyang magpapatuloy ng ginagawa ko kaya humarurot na lamang ako papunta sa kuwarto ng Señora. Muntik pa akong madapa sa hagdan dahil sa haba ng palda ko ngunit hindi ko iyon alintana. Bukas ang kuwarto nito nang maabutan ko at naghihintay na sa akin doon. “Oh, come here, Sweetie.” Lumapad lalo ang mga ngiti ko pagpasok. Inaya ako nito sa isa pang kuwarto na naglalaman ng iba’t ibang klase ng mga libro nito na halos lahat ay regalo ng Señor sa kaniya. Isa sa mga gustong-gusto ko sa Señora ay ang hilig nito sa mga libro at pagbabasa. Tipong naglaan talaga ito ng kuwarto para sa daan-daang libro niya na kung hindi romance, kadalasan naman ay puro mga libro tungkol sa mundo at nangyayari sa mundo, sa science. At isa iyon sa mga paborito kong basahin—na nakatutulong din sa akin upang lumawak ang aking bokabularyo pagdating sa Ingles. “Mayroon ako rito na ipapadispatsa nang mga libro. Puwede mong iuwi para mabasa mo at ipunin,” anang ginang sabay nguso sa isang box na puno ng mga libro. Doon ako na-excite lalo at lihim na kinilig. Madadagdagan na naman ang mga libro ko sa bahay na siya rin ang nagbigay noon. “Sige po. Ako na po ang bahala rito. Maraming salamat po, Señora,” ngingiti-ngiti kong tugon na agad naman nitong tinugunan ng isang malapad na ngiti at tango. “Alright! Iiwan na kita rito kasama si Venus. Puwede mong kausapin ang batang iyon at nang magkakilala naman kayo. Lagi kasing nagkukulong.” Huh? Narito si Venus? Iniwan ako nito matapos kong sumang-ayon. Agad na sinuyod ng mga mata ko ang kinalalagyan ni Venus na nasumpungan kong nakasubsob ang mukha sa makinis na lamesa sa dulo nitong library ng bahay nila. Halatang mahimbing na ang tulog nito kaya hinayaan ko na lamang. Marahan kong kinuha ang vacuum nila at iba pang kagamitan na kakailanganin sa paglilinis. Sinimulan ko ang gawain sa pagkuha sa mga libro upang itabi sa gilid. Hindi naman ganoon kalaki ang library nila rito tulad sa mga napapanood ko sa mga palabas sa telebisyon nila. Kayang-kaya ko iyon tapusin lalo na at malaki naman ang ibibigay ng aking amo. Pinunasan ko ang shelves roon na maalikabok at pinagpagan ang mga libro. Kay gaganda ng mga iyon at puno pa ng mga kaalaman kapag binuklat. Kay ganda basahin. Sana ay makatagpo rin ako ng lalaking katulad ni Sir Martin na reregaluhan ako palagi ng mga librong katulad nito. Kaso sino namang mayaman ang magkakagusto sa akin kung hindi ako kagandahan? Hay! Mas maiging huwag na akong magpantasya dahil sayang lang sa oras. Mas maiging kumayod na lamang ako para sa mga pansariling luho at kagustuhan. “Who are you?” Ay! Agaran ang naging paglingon ko sa likuran, para lamang mapansin ang kagigising lamang na si Venus na kay ganda. “A-Ahm. Hi, Duchess Venus . . .” Alanganin akong ngumiti rito nang pasadahan ako nito ng tingin, tila ba kinikilatis ako nang maigi. “Hi, too. What’s your name?” “A-Ah, ano, Sweet. Ako si Sweet.” Marahan itong tumango. “Ah, I remember you. I heard, magaling kang mag-braid ng hair. Lagi kang bukambibig ni Megan.” Humikab ito at sumandal sa malambot na sandalan ng kaniyang upuan. Napangiti na lamang ako nang lihim, lalo na at ang lumanay at ganda ng boses nito. Bonus pa na talagang ipinanganak na maganda. Ipinagpatuloy ko ang ginagawa habang ito naman ay ginamit ang laptop. Tahimik ang buong kuwarto kaya dali-dali kong tinapos ang gawain. Nais ko itong kausapin at kuwentuhan ng mga kung ano-ano, kaso nag-aalangan ako at baka hindi siya interesadong makipag-usap sa akin. Baka mainis pa ito. Nang mapansin ko na okay na ang lahat at hindi na maalikabok ang sahig ay ibinalik ko na ang mga kagamitan bago magpaalam kay Venus na marahan lamang akong tinanguan. Bitbit ang mga libro na ipinadidispatsa ng aking amo ay bumalik ako sa bahay upang ilagay iyon. Bumalik din naman ako matapos upang tumulong. Wala nang tao sa kusina o sa hapag-kainan man lang nila kaya napangiti ako. Hapunan naman ang aasikasuhin nila mamaya. May ilang oras pa ako para maging malaya at mamuhay nang walang asungot na nang-aasar. “Tingnan mo nga naman, hindi ako sinipot dahil iba pala ang pinagkakaabalahan . . .”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD