Kabanata 18

3468 Words
Anabella “Bakit mo pala ako inaya para sa ganitong trip mo? Hindi naman kita ka-close,” puna ko nang maalala ang bagay na iyon. Hindi ito nagsalita agad, kaya naman natahimik ako sa gilid. “Gusto kitang makilala nang lubos . . .” Huh? Hindi ko alam pero may kung anong klaseng bagay na nagkagulo sa sistema ko sa narinig mula sa pangahas nitong bibig. Tumikhim ako at inignora ang nararamdaman. “Para saan pa? Aalis na rin naman na ako sa mga susunod na araw.” Nilingon ako nito at hinila paalis doon kaya nangunot ang noo ko. “Sumakay ka na. We’re going somewhere,” tila badtrip na turan nito kaya hindi na ako umimik pa. Sabay kami habang nasa kalsada. Hindi ko naman alam kung saan nito balak magtungo kaya naging sunod-sunuran ako rito. Hanggang sa napansin ko na pabalik na kami sa aming lugar. Pero imbis na pumasok sa looban ay nagdire-diretso kami sa kalsada. Saka ko lamang napagtanto na papunta kami sa parke nang mapansin ko ang daan na tinatahak namin. Pagdating namin sa mahabang daan na pasyalan ay napangiti ako nang bahagya. Nami-miss ko na naman ang pasyalan na ito sa tabi ng parke. Napansin ko na bumaba ito ng bisikleta pagdating sa entrada ng park, kaya naman bumaba rin ako at naghintay ng gagawin nito. “You want ice cream?” Umiling lamang ako bilang tugon. Pagpasok namin sa parke ay tuluyan akong napangiti. Nag-bloom lamang lalo ang kagandahan ng parkeng ito sa paglipas ng panahon. Dumami ang mga naggagandahang bulaklak at mga palaruan. “This place is memorable for me,” imporma nito bago maupo sa duyan matapos itabi ang mga bisikleta. Nilingon ko ito na nasa katabing duyan ko lamang. “Why?” Natawa ito nang bahagya at nailing sa sarili. “Dito ko binugbog ang lalaking pinagseselosan ko noong panahon na gago pa ako.” Natigilan ako at tumabingi ang ulo sa pag-iisip. “Dito mismo?” “No. Actually, doon lang sa labas banda.” Muli itong napailing-iling na para bang naiinis sa sarili. “Napakagago ko noon para gawin iyon. Isang duwag at takot dahil alam kong hindi ako gusto ng babaeng gusto ko. Mas gusto niya ’yong lalaking iyon.” “Why are you saying this to me?” kunot-noo kong tanong. Napangiti ito nang hilaw at tinanaw ang kawalan. “I’m crazy . . .” Nagtiim-bagang ito. “I’m really sorry kung sa iyo ko ito sinasabi. For the past decade, my nightmare is still hunting me. Kahit sa kampo namin, hindi ako tinatantanan ng imahe niya. I don’t know, I don’t really know w-what to do. Ikaw lang ang pinagsabihan ko nito,” anito kaya para bang pati ako ay mababaliw rito. “Subukan mo kayang magpatingin sa eksperto. Baka riyan ka pa mabaliw,” komento ko at nag-iwas ng tingin. “Please, help me,” nagmamakaawa na turan nito kaya lalo akong naasiwa. “Sa eksperto nga, ’di ba? Eksperto ba ako?” Gusto kong mainis dito dahil tila may binabalak itong hindi ko magugustuhan. “No, no. Just stay by my side, Anabella. You make me calm, so I thought if you stay by my side, I will overcome this stress and I will be okay,” pangungumbinsi nito na ikinangasim ng mukha ko. Nang tila hindi ako nito madala sa nais niya ay dinugtungan nito ang sinasabi. “I can give you a job. Kaya kong doblehin ang sahod mo, or triplehin. If you want, I will grant your wish. Just take care of me. Deal?” Masiyadong masarap sa pandinig ang ganoong offer, na tipong tila naging tunog nanggogoyo na. Pero kilala ko siya, mayaman naman ang pinanggalingang pamilya at malaki pa ang sahod sa pagsusundalo kaya hindi nakakapanghinala na kaya nitong doblehin o triplehin ang sahod oras na pumayag ako sa kahibangan nito. Malaking pera na iyon, baka makabili pa ako ng sariling kotse o bahay o maliit na lupa kapag nagkataon. Naningkit ang mga mata ko at pinagmasdan ito nang maigi. Parang gusto ko pero alanganin. Una, baka loko-lokohin niya na naman ako at pagsungitan sa katagalan. O baka naman sa iba na kami mapunta at magkatuluyan pa—a big iw! Isipin ko pa lang na magkakatuluyan kami ay nangingilabot na ang buo kong katawan. Pero pinag-iisipan ko ang sinabi nitong wish ko raw. Maybe, puwede niya akong tulungan upang makuha sa ampunan si Mama? Afterall, he has influence lalo na at bitbit niya ang apelyido ng pinanggalingan niyang pamilya. It will be easy for me to get my mother out of that orphanage. Pero ano ba ang kahahantungan ko oras na pumayag ako? Hindi ko alam. Malay ko ba kung may binabalak ito na masama, lalo na ngayon na alam kong may panghihinala siya nang kaunti sa akin—sa pagkatao ko? Ewan. Naguguluhan ako at kinakabahan. Nag-iwas ako rito ng tingin at napakagat ng ibabang labi. “P-Pag-iisipan ko pa . . .” “Puwede kong ibigay at ipangalan sa iyo ang lupain na tinatambayan mo noong mga nakaraan sa gubat, iyon ay kung papayag ka sa alok ko. Note that your job is just easy. Aalagaan mo lang naman ako for one month. After that, puwede ka nang bumalik sa Manila.” “Anong klaseng alaga ba ang gusto mo? Pagsisilbihan kita, ganoon?” I can do that. Pero hanggang doon lang iyon. Walang maruming klaseng balak. Mabagal itong tumango at seryoso akong tiningnan. “Yes, all the time. Sa bahay ka titira.” Awtomatikong namilog ang mga mata ko at napatanga. “No way! Nakakahiya sa pamilya mo,” angal ko rito. Tumango naman ang lalaki at pasimpleng inangat ang sulok ng labi. “Okay. Puwede nating gamitin ang maliit na bahay sa tabi. Doon ay walang makakapang-istorbo sa atin.” Nangilabot ako sa sinabi nito ngunit inignora ko lamang iyon dala ng mga iniisip. Nang magpaalam ako rito na magbibisikleta lang sa paligid ay hinayaan ako nito at sinundan lamang ng tingin. Hindi naman ako makakatakas dahil isa lang ang labasan dito, at iyon ay sa pinasukan namin kanina. Nagtungo ako sa medyo malayo at tahimik na puwesto upang makapagpahinga naman ang puso kong kanina pa kabog nang kabog. Dala na siguro ng kaba at kakaibang pakiramdam ko habang kalapit siya. Heck. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na nakakausap at nakaharap ko na ang lalaking kinaiinisan ko noon. Kinapa ko ang dibdib at napangiwi. Ano ba ang nangyayari sa akin? Nanlalambot ako sa kaalamang katabi ko siya at nakakausap nang maayos kanina. Hindi naman ako masiyadong nagaguwapuhan noon sa kaniya na katulad ng pagkahibang ko kay Señorito Alessandro, pero ngayon na pareho na kaming nasa tamang edad ay tila nag-iiba na ang pagtingin ko sa kaniya. Hindi ko maitatanggi na malakas ang karisma niya. Ang katawan niya na malaki at malakas na pinaglalawayan ng halos mga kababaihan dito ay may dala ring epekto sa akin—at hindi ko gusto itong nararamdaman ko. Hindi ako dapat magkagusto sa kaniya. Remember what he did to you before, self? Huwag kang bibigay dahil lang sa maganda siyang lalaki! Yeah, right. Hindi talaga dapat. Buntong-hininga akong napaupo sa damuhan at sumandal sa malaking puno na nasa likuran ko nang mapagod sa pakikipag-usap sa sarili. Ginulo-gulo ko pa ang buhok bago ilabas ang diary ko upang doon ibaling ang atensiyon at panandaliang makalimutan si Evan . . . Sweet Anabella’s Diary Day 6 “Nakita mo iyon? Ang lakas ng sapak sa kaniya ng Senior! Mabuti nga sa kaniya,” malakas na turan ni Malik at tinaga ang katawan ng natumbang puno na kanina niya pa pinuputol para ipangsiga. Pinagmasdan ko lamang ito habang nakaupo sa gilid. Malakas ang loob nito lalo na at naririto kami sa lupa nila na pinagtatamnan. “Hindi ko talaga maintindihan ang lalaking iyon. Napakalaki ng galit sa atin,” komento ko at nangalumbaba. Itinabi nito ang nabiyak na sanga at pinagpuputol iyon sa maliliit na hati. “Paano, inggiterong lalaki. Nasobrahan din sa papuri kaya lumaki nang sobra ang ulo,” ayaw paawat na sambit nito bago ako ngisian. “At least, binayaran niya ang danyos na ginawa niya. Malaki na rin ang limang libo, ano.” Natawa ako rito bago mapailing. May limang libo na sana ako, kung hindi lang kinuha sa akin ni Nanay. Pangdagdag daw iyon sa matrikula ng mga kapatid ko. Sayang naman iyon at maiipon ko pa sana. “Malik,” pukaw ko rito matapos ang ilang sandaling pananahimik. Tiningala ko ang puno sa itaas namin. “Malik, may sawa!” tili ko at agad na napatakbo palayo. Maging ito man ay nabigla at napatakbo rin palayo. “Teka, ang laki niyon, a!” puna nito sa kasing laki ng brasong gumagapang na hayop. Katakot naman iyon. Tiyak na kayang-kaya niyong lunukin ang mga aso ko. Kaya para hindi mabahala ay napagpasyahan namin na umuwi na muna at baka umalis na rin kinabukasan ang sawa. Palakad-lakad kami sa gitna ng palayan nang matanaw ko si Nanay na marahas na kumakaway sa amin ni Malik. “Kanina pa kita hinahanap na bata ka! Punyeta! Kuhanin mo ang mga sinampay at abala ang ibang mga katulong dito!” bulyaw nito pagkalapit namin, dahilan upang bumahag ang buntot ko at napayuko. “Malik, ba-bye,” mahina kong turan bago tumakbo papasok sa bakuran ng aming amo, makaiwas lamang sa aking ina na nanggagalaiti sa galit. Buntong-hininga kong inumpisahan ang pagkuha ng mga sinampay ng magpamilya bago pa sumapit ang dilim. Walang katao-tao sa paligid kaya napangiti ako nang mapagmasdan ang bestida na pagmamay-ari ni Venus na nakasampay. Kay gara niyon at kulay puti pa. Tiyak na mamahalin iyon at branded. Sayang lang at hindi siya nalabas ng bahay nila. Nais ko pa namang makilala siya nang lubos. Napatigil ako sandali nang masumpungan ang panloob na suot na alam kong pagmamay-ari ni Señorito Evan. May kaniya-kaniyang ngalan iyon bilang tanda, kaya nangasim ang mukha ko at napasimangot. Iyong lalaking iyon, simula pa noong nakaraan ay hindi ko na nakikitang naglalagi sa palayan, maging sa tinatambayan nitong basketball court sa aming plaza. Tiyak na nahihiya na iyon dahil kalat na sa aming lugar ang ginawa niya. Pati mga kapatid niyang lalaki ay pinarusahan ng Señor. Nang matapos ako sa pagkuha ng mga damit ay agaran ko iyong itinakbo papasok sa magarang bahay. Hindi ko rin nakita sa sala ang mga anak ng aming amo kaya nagkibit-balikat ako. Ngunit sa aking paglapit sa hagdan upang sana ay umakyat ay kamuntikan ko nang mabangga si Criza na tila tuliro. Tila ba lantang gulay ang katawan nito nang mabangga ang balikat sa pader ng kusina sa pagkabigla. Kasunod nito ang kilalang manliligaw nito sa murang edad na pinanlakihan pa ako ng mga mata upang takutin. Si Jonas na disi-siete anyos na. Ano ang ginagawa nila rito? Hindi naman nagtatrabaho rito ang manliligaw niya, tiyak na mapapagalitan ito kung sakaling malaman ng Señor. Sinundan ko ng tingin si Criza na hindi ako nagawang lingunin at nagdire-diretso lamang palabas ng back door kasama ang lalaki. Ano kaya ang nangyari roon? Tila ba na-engkanto. Hindi man lang nagtaray sa akin. Nagkibit-balikat ako sa kawalan. Kaysa magsayang ng oras ay ipinagpatuloy ko na lamang ang planong pag-akyat. Sa isang guestroom ko talaga balak magtupi ng mga damit dahil wala namang nagamit niyon. Kaya lamang ay nakita ko roon ang lalaking sinapak ng kaniyang ama noong nakaraan. Tahimik itong nagpapahangin sa balkonahe ng guestroom habang may sinisimsim na inumin sa babasaging kopita nito. Natigilan ako sa hamba ng pinto at pinakatitigan ang likod nito. “Magtutupi ka? Come in,” walang emosiyon na turan ng Señorito kaya alanganin akong humakbang papasok. Ano naman kaya ang ginagawa niya rito? May sarili naman siyang kuwarto. Teka! Ano naman ba ang pakialam ko? Ni hindi ko naman pag-aari itong bahay nila! Ngiwing naupo ako sa upuang naroon matapos ipatong sa mesa ang mga damit. May basket na roon sa gilid kaya roon ko na lamang ilalagay kapag natapos ko nang tupiin. Saglit pa akong napatigil nang mapansin ang Señorito na tahimik na naupo sa kama sa tabi ko. Sinipa nito ang ironing board bago ako harapin upang pagmasdan ang ginagawa ko. Sa loob-loob ko ay tila ba ako natakot dito nang husto. Lumipat na lamang kaya ako ng puwesto? Ngunit papaano ko mapaplantsa ang ilang damit dito, e, dito ang plantasahan ng mga damit? Mahihirapan lang ako magbitbit ng malaking iron board nila. Kay bigat pa naman niyon. “Nakita mo ’yong dalawang iyon sa ibaba kanina?” mayamaya ay imik nito na ikinatigil ko sa pagtutupi. Ni hindi ko namalayan na paspasan na pala ang ginagawa kong pag-aayos ng mga damit. Nangunot ang noo ko sa Señorito, saka tumango. Doon bumakas ang isang masamang ngisi sa labi nito. “Ano sa tingin mo ang ginawa nila roon sa kusina?” nanghahamong saad nito. Huh? “H-Hindi ko po alam . . .” “f*****g b***h,” mariing sambit nito na siyang nagpagimbal ng mundo ko. Unti-unting sumama ang aking mukha dahil alam ko naman ang ibig sabihin niyon gawa ng lagi kong naririnig mula sa kanilang magkakapatid na lalaki. “A-Anong f*****g b***h? Hindi ako ganoon!” Lumabas ang agresiyon ko sa katawan dahil doon. Grabe naman siya! Hindi pa ba siya nadadala sa suntok ng tatay niya? Natawa ang lalaki sa itinuran ko. “React ka nang react, ikaw ba ang tinutukoy ko? Assumera ka talaga, Kring-Kring. Wala namang papatol sa iyo na ibang lalaki. Tsk.” Agad naman akong kumalma at natauhan sa sinabi nito. Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagtutupi. “E, sino ba ang tinutukoy mo? Grabe ka kung magsalita.” “’Yong babae kanina,” blangkong saad nito. “Totoo naman. Inosente ka lang masiyado.” “May pangalan iyon si Criza. Hindi f*****g b***h,” pagtatanggol ko ngunit nginisian lamang ako nito. “The hell I care, Kring-Kring. Wala akong interes na alamin o banggitin ang pangalan niya,” tugon nito na nagiging arogante na naman. Bakit ba siya ganiyan? Samantalang pinalaki naman sila nang maayos noon. Noong naging binatilyo ay saka lang naging bastos ang bibig. Noong tinuli naman, todo kung makakapit sa Señora at tila ba batang takot. Para ring baldado matapos niyon at si Criza pa ang naghahanda ng panghugas niya sa pribadong katawan niya gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas. Tapos ngayon ay ganito siya? “Kay tagal-tagal nang naninilbihan si Criza sa inyo, tapos hindi mo alam ang ngalan niya? Imposible naman ata iyon.” “Posible ’yon. Lalo na kung wala naman sa kaniya ang interes at atensiyon ko.” Okay. Ayaw ko nang makipagtalo pa sa kaniya. Iyan ang trip niya kaya pagbigyan. Itinabi ko ang mga damit pang-alis ng magpamilya upang plantsahin mamaya. Hindi pa rin umaalis ang lalaki kaya nagkunwari na lamang akong bulag upang hindi kabahan sa presensiya nito. “Alam mo, gusto ko ng babaeng marunong sa gawaing-bahay. So attractive,” imik na naman nito kaya napatigil ako at nagkibit-balikat dito. “Para alilain mo?” “Seryoso ka bang dose anyos ka lang? Pansin ko na kung magsalita ka at mag-isip ay para kang matanda,” namamanghang anito na ikinakunot lalo ng noo ko. Hindi na lamang ako nagsalita. “Ano pala ang ginawa mo sa limang libo na ibinigay ko? Bakit ganiyan pa rin ang damit mo? Itapon mo na iyan at mukhang basahan na,” dagdag pa nito na talagang ipinamukha pa sa akin ang kupasin kong damit. E, nasa labahan pa ang mga bago kong damit, e. Hindi ko ito nilingon nang sumagot. “Pinangdagdag sa matrikula ni Kuya at Ate, Señorito,” sagot ko sa unang tanong nito. Doon nawala ang mga ngisi sa labi nito at napalitan ng pag-iisang linya niyon. Nagtiim-bagang ito. “It’s for you. Bakit kailangan pa nilang kuhanin sa iyo? Tingnan mo kaya ang hitsura mo kaysa sa kanila. Mas mukha kang kawawa at sakitin. Marunong namang magtrabaho ang mga kapatid mo pang tuition nila, wala lang kamong pagpupursige. Napakabata mo pa pero ikaw pa itong sumasalo sa mga gastusin ng mga kapatid mo. Dapat sa iyo ay naglalaro ng manika.” “Oo, pero ito ang buhay namin, Señorito. Ito ang reyalidad. Mahirap lamang kami ngayon, uunahin ko pa ba ang paglalaro? At saka ambag ko na rin iyon dahil pinapatuloy ako ni Nanay Criselda sa tirahan nila. Kapag lumaki na ako ay bubukod na rin ako para hindi ganito na nakukuha nila ang pera ko,” matigas kong saad, ngunit agad ding napanguso nang maalala ang limang-libo ko na labag man sa loob ko ay ipinaubaya ko na kay Nanay. Umismid ito at sumandal sa unan sa kama. “Alam kong mahirap kayo. Pero ang punto ko, wala ka nang itinitira para sa sarili mo. Mukha ka na ngang kawawa, tapos kukuhanin pa nila ang para sa iyo dapat. Pambili mo sana iyon ng maayos-ayos na pangbihis at magandang panyapak. Tingnan mo ang mga kapatid mo, may kakayahan naman silang magtrabaho at maghanap ng paraan para makaipon ng para sa sarili nilang gastusin, ayaw lang magpursige. Si Efren, panay ang bili ng alak imbis na ipunin gayong may babayarin sa school. ’Yong kapatid mo naman na babae, puro pagtatambay ang iniintindi. Patanga-tanga pa sa kusina at paglilinis ng bahay, sinasahuran pa naman,” iritadong turan nito na tila ba damang-dama ang dinaranas ko ngayon. “And please, pakisabihan ang Ate mo na tigilan na niya ang kadiri niyang tingin sa akin. She’s creeping me out. Daig pa ang lalaking manyak. Hindi nakakatuwa, seriously.” Napatanga ako sa huling sinabi nito. Si Ate Hope? Bumakas nang pasimple ang pagkadisgusto sa mukha ko nang ma-imagine ang tila ba nanghahalay na tingin ni Ate kay Señorito. Hindi naman bago sa akin ang kaalamang patay na patay ito sa lalaki, pero ang ganoong klaseng gawain? Sobra na iyon. Ano ang gagawin ko? Hindi naman iyon nakikinig sa akin. “Sige, sasabihan ko si Tatay para mapagsabihan niya si Ate,” wika ko. Hindi ito umimik at tahimik lamang akong pinagmasdan. “Sino ba ang nanay mo, Kring-Kring? I heard hindi ka galing kay Manang Criselda,” usisa nito sa personal kong buhay kaya naman lihim akong napailing. “Wala. Hindi ko kilala,” kaila ko. Naisip ko na maaaring madagdagan lamang ang pambato nito sa akin kapag nalaman nitong may problema sa pag-iisip ang nanay ko. “Wala talaga? Then what is your middle name? Avila, Sweet—and?” “Wala, wala nga ho, Señorito. Papaano nga magkakaroon, e, wala nga akong nanay?” “So, Sweet Avila is just your name? No second name?” Lihim akong nagtaka sa mga pinagsasasabi nito. Kailan pa siya nagka-interes sa pangalan ko? Tumango na lamang ako rito upang tigilan na niya ang aking ngalan. Mas kilala ako ng mga tao sa aking unang pangalan dito sa amin. Wala namang may pakialam sa buong pangalan ko, kaya bakit ko pag-aaksayahan ng panahon na ipakilala nang lubos ang sarili ko sa iba? Tiyak na makahahanap lamang sila lalo ng pangtira sa akin . . . “Aalis na ako rito sa susunod na dalawang buwan. Huwag mo akong mami-miss, a?” turan nito nang umpisahan ko na ang pagpaplantsa sa mga damit na nagusot sa paglalaba. Hindi ako umimik dahil wala naman akong masasabi. Bakit ko naman siya mami-miss? Ang kapal din niya. Nang mapansin nito ang pananahimik ko ay sumeryoso ito. “Si Malik nga pala ang tipo mo. Hayaan mo, pagbalik ko rito, babarilin ko kayo pareho kapag nakita ko kayo sa tabi at magka-holding hands.” Isang disgustong ekspresiyon ang bumalatay sa aking mukha. “Hindi naman ganiyan ang mga sundalo. Kung ganiyan lang din ang plano mo, huwag mo nang ituloy ang pagsusundalo,” saad ko na ikina-angat na naman ng sulok ng labi nito. “At naniwala ka naman agad? Bakit ko naman babahiran ng dumi ni Malik ang mga kamay ko? Kaya kitang agawin sa kaniya nang hindi gumagamit ng dahas. Not now dahil wala pa tayo sa hustong edad. Pero pagbalik ko rito at nakita kitang muli, mangatog ka na dahil sa akin ang bagsak mo,” ngingisi-ngisi nitong sambit na talagang nambanta pa. Tumaas-baba ang dibdib ko sa pinipigil na inis dahil dinamay na naman nito si Malik sa usapan. Inilapag ko sa gilid ang plantsa at hinarap ito. “Bakit mo naman ako aagawin sa kaniya? Hindi naman kita gustong maging kaibigan.” Umismid agad ito sa narinig. Tila ba nakarinig ng nakakatawang bagay. “Kaibigan my ass. Magsama kayo ng Malik mo na talunan. Tsk.” Masama ang naging mukha nito, lalo naman ang tabil ng dila. Nahiga ito sa kama nang pabalag at tinalikuran ako. “Ang taba-taba mo naman. Ang pangit kaya ng ganiyan, Kring-Kring . . .”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD