TULAD nga ng inaasahan ko, naging agaw-pansin sa mga tao si Zein. Sabay pa kaming nagugulat ni mama sa tuwing may bigla na lang titili na grupo ng mga kababaihan sa paligid namin. Iyon naman pala ay halos magtulakan na ang mga ito na ayaing mapalitrato sa lalaki. Ganoon kalakas ang karisma ni Zein. Saglit kaming nagkatinginan ni mama kasunod ng pagkibit-balikat niya. Tila nais niyang ipabatid na iisa ang laman ng isip naming dalawa. Ang totoo ay bigla akong nailang dahil dumami ang mga tao na naging resulta ng pagliit ng daanan namin. Patungo kami ngayon sa loob ng mall. Ang sabi ni mama ay manonood kami ng sine pagkatapos naming kumain sa restaurant na pinili mismo ni Tito Louie para sa amin. Dati-rati ay swerte na ang makapag-mall kami ni mama ng isang beses sa loob ng isang buwan dah

