Naka-upo na sila sa mga ‘monoblock chairs’ katabi ng lamesa rin at kumakain ng mga inorder na street foods ni Analyn, hindi kumikibo si Iska at paunti-unti lang na kumakain rin. “Kumain ka lang nang kumain diyan ah, dinamihan ko talaga para busog lusog tayo. Haha!” magiliw na pagkakasabi ni Analyn kay Iska. Hindi pa rin ito kumikibo at tanging pag-tango lang ang tugon sa sinabi nito, “Saan ka ba nakatira?” tanong ni Analyn. “Doon lang sa kabilang street.” mahinang sagot ni Iska. “Anong street?” pangungulit na tanong ni Analyn, “Sa Amaya Street.” muling sagot ni Iska. “Oh! Dalawang street lang pala ang pagitan natin e.” ani mo’y kinikilig na turan ni Analyn, “Ako doon lang ako sa Gumamela Street.” ani ni Analyn. “Ahhh..” mahinang sagot ni Iska na may kasabay na pag-tango ng ulo niya, lumipas ang halos ilang minuto ay natahimik lamang sila at nanatiling kumakain.
“Bakit nga pala ganyan ka pumorma? Hehe…” nahihiyang tanong ni Analayn kay Iska na pambasag katahimikan, “Alam mo naman ginagawa ko diba? Isa pa e puro lalaki kasama ko sa bahay.” sagot ni Iska sa mababang boses. “Bakit puro lalaki kasama mo at bakit rin ba kasi ganyan ang napili mo na gawin sa buhay mo?” may pagtataka na puno ng kuryosidad na tanong ni Analyn, natigilan naman si Iska at napa-kunot noo na tumingin sa mata niya. “Oh, bakit ganyan ka makatingin? Gusto lang naman kita makilala.” naiilang na sabi ni Analyn, “Bakit ba kasi ako pinagtitripan mo?” medyo inis ngunit mahinang pagtatanong ni Iska. “Hindi kita pinagtitripan ano, sadyang na-curious lang ako sa iyo at hindi ko rin maintindihan kung bakit sarili ko mismo ang gusto ka kilalanin at maging kaibigan. Mukha ka naman kasing hindi masamang tao, dalawang beses mo na nga ako nailigtas sa kapahamakan at isa lang naman ang nalaman ko na hindi maganda sa ginagawa mo pero itinama mo pa nga uli sa huli.” mahabang paliwanag ni Analyn, “Kalimutan mo na lang ‘yun, isipin mo hindi mo ako kilala kung sakali man na makita mo pa ako ulit” madiin na sabi ni Iska sa mababang boses. “Pero hindi ko naman ata kaya ‘yun?” pagtanggi ni Analyn, “Kaya mo.” sambit ni Iska. “Bakit ba ayaw mo?” tanong ni Analyn, “Basta nga, ayoko nga e ang kulit mo!” naiinis na tugon ni Iska. Lumungkot ang mukha ni Analyn at hindi na nag salita pa, ilang minuto pa ang lumipas at napag-pasyahan na nilang mag-paalam sa isa’t isa para umuwi. “Hmmm, so, ano, uwian na?” nag-aalangan na tanong ni Analyn, “Oo.” tugon ni Iska sa mababang boses. “Sige, ba-bye na at mag-iingat ka.” pagpapaalam ni Analyn nang nakangiti ngunit bakas ang lungkot sa mga mata, “Oo, ikaw rin.” sagot ni Iska. “Salamat ulit.” pahabol ni Analyn, tumango lamang si Iska at tuluyan nang lumakad sila palayo sa magkabilang direksyon.
Habang naglalakad pauwi ay hindi maiwasan ni Analyn ang malungkot dahil akala niya ay magkakaroon na siya ng bagong kaibigan, huling beses kasi niya na magkaroon ng mga kaibigan ay noong high school pa ngunit nagkasakit ang isa sa mga ito at namatay. Ang isa naman niyang kaibigan ay naaksidente na siya rin namang dahilan na ikinamatay nito, dalawa lamang ang naging malalapit niya na kaibigan noon na kapwa nakilala niya tuwing may nambubully sa kanya at pinagtatanggol siya ng mga ito. Subalit ngayon ay wala na siyang makaramay kung magka minsan kapag may pinoproblema siya, kaya ganoon na lamang ang lungkot niya sa pagkawala ng pag-asa dahil ayaw ni Iska tanggapin ang pakikipagkaibigan niya rito.
“Kumusta mahal ko?” halos mapasigaw si Analyn sa gulat nang may lalaki na lumapit sa kanya at binulungan siya nito, “Ano ba naman Raymond! Bakit ka ba nambibigla riyan? Isa pa, bakit mo ba ako tinatawag nang ganyan? Ilang beses ko na ba sinabi na ayoko na nga sa iyo!” galit na tugon niya rito at nagmamadaling lumakad palayo. “Dati-rati lang e ikaw ang panay habol sa akin ah?” natatawang turan nito habang sinusundan siya, “Noon ‘yun! Dahil minahal kita pero manloloko ka at napaka babaero mo at ginawa mo pa akong kabit! Lumayas ka na sa harapan ko at huwag ka na magpapakita pa pwede!” nagpupuyos sa galit na bulyaw niya rito. “Hindi nga kita ginawang kabit, bigla lang naman bumalik ang ex ko at umaasta na kami pa pero hindi kita niloko.” paliwanag nito habang sinusundan pa rin siya sa paglalakad, “Wala akong panahon sa pang-uuto mo, humanap ka na lang ng ibang gagaguhin mo!” muling tugon niya at galit na galit na binulyawan ito. Tumigil na ito ka susunod sa kanya makalipas ang ilang minuto, tuluyan na rin siyang nakarating sa kanyang bahay.