Kinabukasan.
Maimin's POV
Hindi ko alam kung anong oras na. Nang tumingin ako sa bintana, nakita kong mataas na ang araw. Saglit kong inilibot ang aking mga mata. Nakita ko si master Kranz na natutulog at yakap si master Juna.
Bahagya akong gumalaw dahilan para mahulog ang kumot na nakatakip sa katawan ko. Huh? Sinong naglagay nito? Oo nga pala—dahil sa sobrang pagod dala ng paglalaro namin kagabi, hindi sinasadyang nakatulog ako sa sala.
Grabe! Sa buong pagiging anghel ko ito ang unang beses na nakaramdam ako ng ganito katinding pagod. Pero... masarap naman at masaya sa pakiramdam.
"Miss Maimin are you awake?" tanong ni Charles pagkapasok niya sa sala.
Hindi ko man naintindihan ang sinasabi niya pero sigurado akong binabati niya ako. At mukhang nahalata rin naman ni Charles na hindi ko naintindihan ang sinasabi niya.
"Nakahanda na po ang agahan."
"Maimin, Maimin,"
Napalingon ako nang marinig ang boses ni master Juna. Nakaupo na ito at nagkukusot ng mata. Nagising siguro siya nang magsalita si Charles.
Agad akong tumayo at binuhat si Juna. Ngumiti naman ito at mahigpit na yumakap sa leeg ko.
"Magandang umaga master Juna."
"Um!"
Buhat si master Juna, naglakad na kami papunta sa silid kainan. Hindi na ginising ni Charles si Kranz dahil magagalit daw ito kaya naman kaming dalawa lang ni Juna ang kumain.
Matapos ang masayang umagahan ay pumunta na ako sa silid ko para mag bihis. Ang sabi ni Charles, trabaho kong samahan si master Juna kahit saan ito magpunta kaya naman natural na kasama rin nila ako sa pagpunta nila sa tinatawag nilang school.
Ayon sa mga anghel na nakababa na rito, ang skul raw ay isang lugar kung saan tinuturuan ang mga batang tao ng iba't-ibang aralin na kailangan nilang matutunan para magamit nila sa buhay.
Sa tinngin ko tulad din ito ng tinatawag naming celestial hall kung saan tinuturuan kami kung anong gagawin namin bilang cloud angels.
Nakakatuwang marami rin palang pagkakahalintulad ang mga tao at anghel sa ibang aspeto.
Matapos ang ilang minutong paghahanda ay lumakad na kami paalis. Malapit lang ang school sa bahay ng mga Querubin. Ilang minuto lang ay nakarating na kami kaagad.
Maraming bata at mga kasama nila ang sunud-sunod na pumapasok. Nakangiti ang ilan sa kanila, may mga tumatakbo at mayroon din namang mga umiiyak na ayaw humiwalay sa magulang o kasama.
Ang sabi ni Charles, ayos lang daw kahit hindi ako pumasok sa loob ng school habang nagka-klase si master Juna. Babalik lang ako kapag kakain na sila.
"See you later Maimin," nakangiting kaway ni Juna habang papasok sa loob ng silid aralan.
Gumanti rin ako ng kaway at ginaya ang sinabi niya—sa abot ng aking makakaya!
"Si yu leyter master Juna."
Humarap sa akin si Charles nang makapasok na si master Juna. Kumuha siya ng papel galing sa di tiklop na lalagyan at iniabot sa akin 'yon.
"Ito ang allowance mo para ngayong araw. Pambili ng pagkain at kung ano pang gusto mong bilhin."
Tiningnan ko ang iniabot niyang papel. May tatlong ulo ng taong hindi ko kilala. Sikat siguro ang mga ito sa mundong ito. Kumbaga makikilala sila kapag iniabot sa pagbibilhan ang litrato nila.
Paano pa kaya kapag totoong tao ang iniabot sa tindahan? Makakaya kaya nitong bilhin ang buong tindahan? Ay! Ano ba naman itong mga pinag-iisip ko!
Tama na nga Maimin.
"I will be back after three hours. Sa mga susunod na araw, ikaw na mag-isa ang bahala kay master Juna."
Tumango ako. "Naiintindihan ko Charles."
Yumukod siya tapos ay naglakad na pabalik sa sinakyan namin kanina.
Ngayon naman... Anong gagawin ko? Isang oras pa bago ang breyk taym (break time) ni master Juna.
Inilibot ko ang paningin at namataan ang isang maliit at magandang tindahan. May nakasulat sa ibabaw nito: Angel's Tea.
Angel?
Anghel?
Isa kayang anghel ang nagmamay-ari nito? Mapuntahan nga para malaman!
Patakbo akong pumunta sa tindahan. Sumilip sa bintanang salamin bago nagpasyang pumasok. Magara at nakakaenganyo ang loob nito. Mapusyaw na dilaw ang ilaw at gawa sa metal ang mga upuan na pinalamutian ng makikintab na bagay. Gawa sa kahoy ang lamesa at bawat isa sa mga ito ay may nakapatong na lalagyan na may papel sa ibabaw.
May itinitinda rin silang iba't-ibang klase ng tinapay at hindi ko alam na pagkain. Maraming nakasulat sa tinatawag na MENU pero hindi ko naman maintindihan.
Maingat akong naglakad palapit sa nagtitinda. Nakangiti naman siyang tumingin sa 'kin sabay tanong ng: "Ano po ang order nyo?"
"Order?"
Nakangiti pa ring tumango ito.
Order... ano ba 'yon?
"May bayad po ba 'yon?" nalilitong tanong ko.
Tumaas ang kilay noong tindera pero nakangiti pa rin. "Ngiti lang po ang libre namin dito."
Ngumiti ako. Ngumiti rin siya. Nag-ngitian kaming dalawa.
Niloloko naman ako ng taong ito e, sinong mabubusog sa ngiti? Ah! Oo nga pala, binigyan ako ni Charles ng pera. Siguro bibigyan niya ako ng order kapag nakita niya ang litrato no'ng tatlong tao.
Inilabas ko ang pera at ipinakita 'yon sa kanya. "Ako si Maimin, isang cloud angel. Anghel ka din ba?"
Natulala 'yong tindera at ilag sandaling hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Makalipas ang ilang sandali...
"Vlogger ka ba? Content ba 'to sa Youtube?"
Nako po diyos ko!!!
Wala akong maintindihan sa sinabi niya kahit isa! Anong isasagot? Anong isasagot mo Maimin!?
"H-Hindi po, gusto ko lang bumili ng masarap," nahihiyang turan ko.
Sigurado akong hindi isang anghel ang kaharap ko dahil wala akong nararamdamang kahit anong aura mula sa kanya.
"Iyon lang ba? No problem! Hot tea or milk tea?"
Bakit ba ang dami niyang tanong? Bahala na nga! "...milk tea."
Kinuha niya ang pera ako at muling nagtanong.
"Flavor?"
Ano na naman!!??
"Yong pinakamasarap."
"Okay, wait for a moment." Inabutan niya ako ng isang card at pinalitan ang papel ko ng mas marami pang papel na iba-iba ang kulay. "Upo ka muna, ihahatid ko na lang sa table mo."
Marahan akong tumango at umupo malapit sa may bintana. Kita roon ang school ni master Juna pati na rin ang mga dumadaang sasakyan.
Hindi pa rin ako makapaniwala na naging isang tao ako. Kahit na mukhang masaya maging tao, hindi ko pa rin mapigilang mailang dahil hindi ito ang mundong kinagisnan ko. Pero ano pa bang magagawa ko?
Hanggat hindi pa nakakagawa ng paraan si lolo Superior para makabalik ako sa pagiging cloud angel mananatili ako rito.
"Here's your order ma'm."
Inilapag nang babaeng nagtitinda ang isang malaking baso sa lamesa ko. Kulay lupa iyon at may nakikita akong bilog-bilog na kulay itim sa ilalim.
Ano... 'to? Masarap ba 'to?
Kinuha ko ang isang mahabang bagay na kulay pula kasama ng baso. Hindi ko alam kung paano 'yon gagamitin. Saglit akong tumingin sa paligid at tumigil ang tingin ko sa isang babaeng umiinom din ng gaya ng sa 'kin. Nakita kong nakatusok sa ibabaw ng baso ang mahabang bagay.
Ginaya ko, pasok! Sinunod kong gawin ang ginagawa niya. Higop ng kaunti, nilasahan, sandaling natigilan.
Aba! Sarap nito ah! Ito ang unang pagkakataon na nakatikim ako ng ganito kasarap na inumin. Bilang isang anghel, hindi kami gaya ng mga tao kaya hindi kami nagugutom. Kaya hindi kami makakatikim ng masasarap na pagkain.
Kaya kong uminom nito buong araw!
Pagkatapos maubos ng iniinom ko, muli akong bumalik sa nagtitinda para um-order ng isa pa. Gusto kong ipatikim ito kay master Juna. Masayang naglakad ako palabas ng tindahan pero saktong pagbukas ko ng pintuan ay bumangga ako sa tumpok ng laman.
Bahagya akong napaatras pero malas ng nabangga ko dahil napaupo ito sa semento kasabay ng pagkalat ng gamit na dala nito.
"Are you blind!?" sigaw no'ng babae.
Ayan na naman ang mahiwagang lenggwahe.
"Naku, naku! Pasensiya na tao, hindi ko sinasadya." Tarantang lumapit ako sa kanya para tulungan siyang makatayo kaya lang galit na tinabig niya ang kamay ko tapos ay tumayo at itinulak ako.
Hindi agad ako nakakilos kaya naman bumagsak ako sa semento una ang puwet. Hindi pa nakuntento ang tao. Kinuha niya ang dala kong inumin at ibinuhos ang laman no'n sa 'kin.
Gulat na tiningala ko siya.
"Maybe this will help to clear your vision. Next time when walking try to see what's in front of you! H'wag kang tatanga-tanga!"
Alam kong galit siya at may mali ako pero... ganito ba ang ginagawa ng mga tao kapag galit sila? Hindi ba sila tumatanggap ng paumanhin?
Kung gano'n... tinatanggap ko kung anoman ang gawin niya sa akin. Pero...
"Hindi tanga si Maimin!" Hindi ko man alam gawin ang kayang gawin ng mga tao pero hindi ako tanga!
"Really? But why do you look like a fool to me? Ang mabuti pa iwasan mong lumabas para hindi ka makasira ng araw ng iba!"
Itinaas niya ang isang kamay at akmang sasampalin ako. Pumikit ako at hinintay ang sampal niya. Ilang sandali ang lumipas pero wala akong naramdamang sakit.
Iminulat ko ang isang mata at nakita ko pinakamagandang taong nakita ko.
"What the hell do you think you're doing Valentina? Who gives you the permission to hurt my person!?" malamig ang tinig na turan nito.
Pakiramdam ko bumaba ang temeperatura ng paligid dahil sa aura niya. Ramdam ko rin ang galit na nagmumula sa kanya.
"K-Kranz? What... what do you mean by your person? Do you know her?" namumutla at nauutal na sabi no'ng babae.
Hindi siya sinagot ni Kranz bagkus ay naglakad siya palapit sa'kin, kumuha ng panyo galing sa bulsa at walang dahang pinunasan ang mukha ko.
Masakit po. Balak niya po atang burahin ang mukha ko.
"Dirty. Wipe it yourself." Iniabot niya sa 'kin ang panyo tapos ay bumaling sa babaeng Valentina ang pangalan. "I am warning you, if you dare to hurt her again, I will surely get back at you!"
"Who is she to you!?"
"None of your business." Walang babala na hinatak ni Kranz ang kamay ko at naglakad na kami paalis.
Nilingon ko 'yong babaeng naiwang nakatayo at kitang-kita ko sa mukha niya ang matinding galit.
Lolo Superior, mukhang nagkaroon po ata ako ng kaaway.