Chapter 1

1399 Words
"Trixie, pwede bang bumili ka na lang ng ibang pabango? Ang tapang ng sa 'yo, ang sakit sa ilong!" reklamo ni Adrienne habang nakaharap sa full-body mirror malapit sa bintana. Tinakpan niya ang kanyang ilong habang nakatitig kay Trixie na nasa gilid ko, nakatayo. Mula sa pagta-type ay binalik ko ang selpon sa itim na baguette bag na nakasabit sa kanang balikat ko. Umirap si Trixie, nagtaas pa ng isang kilay saka inilagay ang kanyang Dior Hypnotic Poison sa kanyang maliit na sling bag na kulay itim, kasing itim ng budhi niya. Matagal na niyang alam na mayroong allergy si Adrienne sa pabango ngunit wala siyang pakialam. Halos isang taon na siyang walang pakialam. Umirap din si Adrienne kay Trixie, ang kanyang magandang katawan na suot ang ternong bra at panty ay nabalutan na ng pulang bestida. Suot din ni Adrienne ang itim na stiletto na tatlong pulgada ang haba. Regalo ng sugar daddy niya, ayon kay Ninang Adele. "Bumili ka na lang kaya ng bagong ilong? Mukhang… kailangan mo rin kasi," tugon ni Trixie sabay ngiti. Si Caroline na nakaupo malapit sa bintana ay nagsusuklay kanyang kulay berdeng buhok nang bigla siyang mapatawa. Sinulyapan ni Adrienne si Caroline ngunit hanggang doon lang 'yon. "Kung akala mo masasaktan ako sa sinabi mo, nagkakamali ka." Kumuha ng suklay si Adrienne mula sa kanyang canvas tote bag at sinuklayan ang buhok niyang kulay brown, mahaba at abot hanggang pwet. Kahit 5"1 lang si Adrienne, maraming mga kustomer ang pabalik-balik sa kanya dahil sa laki ng kanyang pwet. "Confident ako sa ilong ko. At komportable. Maliban na lang sa ayaw nito sa pabango." "Ouch, Adrienne. Pinapatamaan mo ba ako?" sambit ni Caroline sabay tawa. "Mabuti at pinagpala ka ng kumpiyansa pero ako, hindi. And speaking of noses, nakaipon na ako ng sapat na pera para sa magpagawa ng ilong. Wish me luck, guys." Nginitian ko si Caroline sabay kindat. Nagagandahan ako sa winged eyeliner niya, ay naiinggit din. Malapit na akong maging trenta at hindi pa rin ako marunong gumamit ng eyeliner, liquid o hindi. At ayoko ng masyadong maraming kolorete sa mukha. Nagsilingunan kaming lahat nang biglang bumukas ang pinto ng lounge. Iniluwa ng pinto si Ninang Adele, kulay itim na ang buhok at hindi na light brown. Mas nagagandahan ako sa kanya ngayong nagbago na ang kulay ng kanyang mahabang buhok. Para siyang bumata ng sampung taon. Nakikita kong gamit niya ang bigay kong lipstick noong isang linggo. Kulay dugo, bagay sa kanyang kutis na maliwanag kaunti. "Tama si Adrienne, Trix. Tandaan mo, hindi lang ikaw ang nag-iisang tao sa kwartong ito." "At paano kung ayaw ko?" tugon ni Trixie. Tumayo ako at humarap sa kanya. Matangkad ako kay Trixie ng ilang pulgada. Kayang-kaya kong hablutin ang pastel pink niyang buhok at ilampaso ang makinis niyang pagmumukha sa carpet upang magtanda ang babaeng ‘to. "Simple lang. Humanap ka ng bagong bugaw, Trix. 'Yong tatratuhin ka nang maayos." "Oh, meow," anang Adrienne, abot tenga ang ngiti. "Is this a catfight?" Humalakhak saglit si Caroline saka inilugay ang kanyang buhok. "Ganyan si Sophie kapag hindi nakapagkape." "Okay, girls. Tama na 'yan. Makinig na muna kayo sa sasabihin ko. At huwag na muna kayong mag-comment sa buhok ko, maliwanag?" Nagsitawanan ang dalawa maliban na lang sa amin ni Trixie, na inirapan ako pagkatapos. Ilang buwan na akong nagtitimpi sa malditang 'to, pasalamat siya at hindi ko siya pinatulan. "Mayroon na tayong mga bagong kliyente ngayong linggo. Alam ko namang ginagalingan niyo at hindi ko kayo sisisihin kung ayaw nilang bumalik. Para na rin siguro hindi magsuspetsa ang mga asawa o nobya o iba pa nilang mga kalaguyo, ngunit wala na tayong kasalanan doon. Sila ang lumapit sa atin, at magbabayad ng malaking halaga, para sa serbisyo natin. Maliban kina Mr. Ramos at Mr. Montano…" Biglang nag-vibrate ang selpon ko sa bag. May tumatawag, isang numerong hindi nakarehistro. Wala akong kakilalang pwedeng tumawag sa mga oras na 'to maliban kay Joanna. Nagtawanan silang tatlo. Hindi na ako nakinig, dumiretso na lang ako sa pinto at lumabas, saka sinagot ang tawag. "Hello?" tanong ng isang babae sa kabilang linya. "Nandiyan po ba si Miss Sophie Bordelon?" "Opo, ako si Sophie. Sino po sila?" "Ma'am, nag-apply po kayo sa Alcontin Company bilang personal dietitian last week? Pwede po ba kayong pumunta rito para sa interview?" Nagtagpo mga kilay nang hindi sinasadya. Ngayon pa ako makakaranas ng shotgun interview. "Anong oras, Miss?" "Mga alas diyes hanggang alas onse po. Kung hindi po kayo bakante, pwede rin bukas." Sinilip ko ang relo na nakapulupot sa aking kaliwang kamay. Mayroon pa akong isang oras. Bwisit. "Sure, darating ako riyan. Saang floor?" "Top floor po. Sasabihan ko na lang po ang receptionist na darating ka." "Sige, Miss. Salamat." "Salamat po. See you there and have a nice day, Ma'am. Good luck po." Una kong pinatay ang selpon. Sa isang iglap ay parang gumaan ang aking pakiramdam. At ito na. Nangyayari na nga. Ilang linggo rin akong naghintay upang makawala sa ginagawa kong ito. Kung nagawa ito ng nanay ko hanggang sa siya umabot siya ng singkwenta, maaga akong magreretiro. Dalawang segundo akong tumitig sa pintuan ng bahay, at nang matapos, naglakad ako palabas. Nilakad ko ang sementong hagdanan at nakisabay sa mga taong naglalakad ngayong oras. Kasama ko sa daan ang mga patungo sa kanilang trabaho, patungo sa supermarket upang mag-grocery, mga nagtatrabaho sa call center at pauwi na sa kanilang bahay, maglalako ng taho, at iba pang mga kaluluwa na kung hindi nagbabanat ng buto ay patungo sa pagsasaya. Ako? Naghihintay ng jeep papunta sa kalayaan. Pumara ako ng jeep at doon sumakay, napilitang umupo sa pinakagilid, malapit sa tsuper. Wala pang isang segundo, naamoy ko na ang putok ng katabi kong lalaki, kaya ibinaling ko ang ulo malapit sa drayber, at kinuha ang face mask. Nagmaneho si Manong, ligtas ang aking ilong. Nag-vibrate na naman ang selpon, ngunit naantala ang pagkuha ko nito sa bag. Pagtingin ko, nag-missed call na si Ninang Adele. At nag-iwan siya ng dalawang mensahe. Kaya mo ba ang dalawang kliyente sa isang gabi? Malaki ang bigay nitong isa. Narinig niyang magaling ka raw. Sophie, nasaan ka? 'Yon ang huling message niya bago siya tumawag. Pasensya na, Ninang Adele. Mahal kita gaya ng pagmamahal ko kay Mama. Ikaw ang sumalo sa akin noong mga panahong nawala ang nanay ko at napasok ako sa isang gulo. Ngunit alam kong maiintindihan mo. Marami ka pang mga magiging alaga na magaling, mabait, at maaruga, sa labas at loob ng bahay mo. Tatlong taon na ang nakalipas nang pumayag si Ninang na sumali ako sa mga pinapabugaw niya. Isa iyong matagal na pilitan dahil nag-alinlangan siya sa akin noon. Anak kasi ako ng matalik niyang kaibigan, na kasabay niyang naging prosti. Isang linggo akong walang trabaho nang mamatay si Mama dahil sa AIDS. Nakuha niya ito sa isang salon sa downtown kung saan siya nagpa-manicure. Wasak na wasak ako noon. Siya na lang ang tanging mayroon ako. Wala rin akong tatay. Imbes na bumalik sa dati kong pinagtrabahuan bilang isang dietitian, tinanong ko si Ninang Adele kung pwede ba niya akong gawing isa sa mga prosti niya. Ayaw. Bibigyan niya na lang daw ako ng pera. Tumanggi naman ako. May dumating namang pera sa akin mula sa abogado ni Mama. Pumayag lang si Ninang pagkatapos ng sampung buwan. Noong una, nasilaw ako sa pera. Wala pang isang buwan nang maisip kong hindi na ako nagtatrabaho para sa pera. Nagtatrabaho ako dahil gustong-gusto ko ang ginagawa ko. May mga pagkakataon pa nga na hindi na lang ako nagpapabayad. Dahil adik na adik ako sa s*x. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit umalis ako sa apartment namin ni Joanna, bestfriend ko simula pa noong high school. Nagpapapasok kasi ako ng mga lalaki sa apartment ko para lang doon. Hindi naman ako nagsisi dahil naging masaya naman ako kahit papaano, ngunit hindi pwedeng manatili na lang ako sa piling ng iba't-ibang mga lalaki, na walang gabing hindi ako balot at binabalot ang katawan nila ng laway, pawis at iba pang likido. Tiningnan ko ang mga gusali, mga tao, mga tindahan, na dinadaanan ng jeep. Mga batang naglalaro sa gilid, ang kanilang ngiti ay puro. Naging isa rin ako sa mga batang iyon. Puro at masaya. At nangyari ang buhay, hindi maiiwasan ngunit kailangan pa ring bumangon. Ngumiti ako. Ito na ang aking huling biyahe bilang isang babaeng bayaran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD