Chapter 2

1007 Words
Ding dong. Inasahan ko na paglabas ko ng elevator, may mga sasalubong sa akin. Pero wala. Ako lang ang mag-isang lumabas, walang pumasok. Kasalukuyan akong nasa top floor ng Alcontin Building, isang real estate building na mayroong sampung palapag. Gusto ko ang set-up ng lobby, masyadong pang-hotel ang dating. Minsan na akong nakapunta sa isang condominium unit na pagmamay-ari ng Alcontin Group. Ang nakatira doon, isang kustomer ko limang buwan na ang nakakaraan. Hindi ko makakalimutan kung gaano kalaki ang kusina pati na ang banyo. "Good morning, Miss. May appointment po kayo?" tanong ng lalaking receptionist sa front desk. Ngumiti lang ako. "Sophie Bordelon. Nag-apply ako as personal dietitian last week. May interview ako ngayon dito." "Ay, kayo pala po 'yon. Sandali lang, upo muna kayo roon, Miss," anito sabay turo sa likuran ko kung nasaan ang mahabang sopa na yari sa leather. Para akong zombie na naglakad doon at tulala pa ang mukha nang maupo na. Kinuha ko ang selpon sa bag, pinaandar ang data. Nagpadala ng mensahe si Joanna, kasama ang litrato ng isang batang babae na mayroong mantsa na kulay itim sa bibig at sa kanang pisngi. Nakangisi ang bata, ang bilugan niyang mga mata ay kumikinang habang ang buhok niyang hanggang leeg ay parang kinailangan ng suklay. Manang-mana sa akin, ano? Hahahahha. Ang ganda niya! Nag-heart react ako sa imahe at mensahe, pagkatapos ay pinatay ko ang selpon, isinilid ulit sa bag. Kanina habang sakay ako ng jeep, ang saya-saya ko. Inisip ko, sa wakas! Makakawala na rin ako sa mga pulupot ng salapi at pagnanasa! Ngunit paglabas ko ng elevator kanina, may bigla akong naramdaman na hindi maganda. Ang enerhiya ko, parang biglang nag-evaporate. "Miss Bordelon?" tawag ulit ng lalaki sa akin. Parang nasilaw ang mga mata ko sa mga ngipin niyang kay puti nang ngumiti siya ulit. Sobrang kinis pa ng kutis at malinis ang gupit. Sana may sideline ang batang ito sa mga commercial. Romantiko rin ang dating niya, kaya babagay siya sa Closeup. "Dumaan lang po kayo dito sa hallway, paliko diyan sa kanan. May makikita kang pinto diyan. Katukin mo lang, alam nilang darating ka." Tiningnan ko ang hallway na nasa pagitan ng front desk at sopa na nakasampak sa pader. Ito na. Pagkatapos kong magpasalamat, naglakad ako nang marahan patungo sa pintong sinasabi niya. Wala akong dalang kung ano, maliban sa ngiti, selpon, pitaka at plastik na ngiti. Hindi kailangang maging palakaibigan ang isang dietitian. Kung karanasan ang batayan, marami na akong mga pasyenteng pinagalitan noon. Kaya hindi, walang ngingiti sa interview ngayong araw na 'to. Nakita ko na ang pinto. Double doors, mayroong magkatabing bakal na pahaba sa gitna. Kumatok ako ng tatlong beses. "Pasok!" anang boses ng isang lalaki mula sa loob. Tinulak ko ang isang pinto sa kanan. Ang una kong nalanghap sa pagpasok ko sa maaliwalas na opisina ay Ambi Pur na lavender. Pagtingin ko sa gilid, may nakita akong lalaking nakatayo at nakatalikod, matangkad at malinis din ang pagkakagupit ng buhok. Lumingon siya sa akin habang hawak ang isang folder. Ngumiti siya. Katawang Goliath, mukhang David. "Ikaw siguro si Miss Bordelon. Sit." Tinuro nito ang mesa na yari sa kamagong na mayroong nakabukas na puting laptop sa taas at isang parihabang kahoy na may name plate. Jasper Alcontin CEO Umupo ako sa bakanteng silya sa harapan ng desk. Hindi ako naabisuhan nito. Ang mismong CEO ang i-interview sa akin? Napatingin ako kay Goliath at sa parihaba niyang salamin. Medyo mahaba ang mukha ni Sir CEO, manipis ang kanyang mga labi, habang ang kanyang ilong ay matangos. Kung huhusgahan ang kanyang balat, masasabi kong kailangan niyang magpaaraw. "Nabasa ko rito sa resume mo na nagtrabaho ka bilang isang dietitian sa Quirino General Hospital sa loob ng tatlong taon, at one year din sa Southern Hospital. Anong masasabi mo sa mga karanasan mo sa mga ospital na 'to? Maganda ba ang karanasan mo sa dalawa?" Nanatiling nakatayo si Mister Alcontin sa harap ko. At ang tanging nagawa ko lang ay tumingin sa isang sulok. Tatlong taon sa isa, isang taon sa isa pa. Halos isang taon walang trabaho, mahigit dalawang taon na bumukaka sa mga lalaking hindi ko kilala. Hindi ko ito naisip. Ano ba ang ugali ng mga kumpanya sa mga dating bayaran na nais mag-apply sa kanila? "Um, sa Quirino General Hospital, hindi lang po pasyente ang mga binibigyan namin ng pagkain. Paminsan-minsan po, mga staff din po ang pinapakain namin. Mga doktor, nurse, janitor, maintenance. May mga panahon po talaga na kasali po ako sa pagluluto. Hindi po siya maiiwasan." "So marunong kang magluto?" tanong nito. Nakatayo pa rin si Sir. Tumango ako. Kung ayaw kong magtrabaho, ako ang pinapaluto ni Ninang Adele sa bahay. Mas mabuti na 'yon keysa makinig sa mga kustomer na walang ibang bukambibig kung hindi ang mga asawa nilang bungangera at lumalaking negosyo. "Opo." Umismid siya, hindi nakatingin sa akin. "Mabuti na rin. Pero may sariling tagapagluto naman si Boss kaya hindi mo na kailangang mag-alala diyan. Ang dapat mo lang gawin ay i-supervise and mga niluluto ng cook at ang kinakain-" "I'm sorry, Sir," saad ko sa malambot na tinig. Tumitig ako sa kanya nang malalim. Sinong "Boss"? "Akala ko po kasi kayo ang boss?" Tinuro ko ang name plate sa itaas ng lamesa. Ngumiti ulit si Goliath, umiling-iling siya. "Oh, I'm sorry. Hindi ako nakapagpakilala sa 'yo. Nakalimutan ako." Binigay niya ang kanyang kanang kamay upang kamayan ko. "Ako pala si Felix, secretary ni Mr. Alcontin." Bago ko makuhang kamayan si Felix, bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang isang lalaking nakasuot ng amerikanang kulay dark blue, itim ang kurbata at makinis na pares ng sapatos. Hindi medyo matipuno ang katawan ng lalaking dumating, ngunit mayroong iba sa hugis bigas nitong mukha at sa- Sandali. Kilala ko ang lalaking 'to. "Boss! Ito nga pala si Ms. Bordelon, 'yong sinabi ko sa inyo na nasa masterlist." Tumayo ako at humarap kay Boss. "Good morning, Sir." Nanlaki ang mga mata niya, napanganga nang kaunti ang kanyang bibig. Alam ko. Hindi rin ako makapaniwala na ikaw pala 'yan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD