Chapter 5

1844 Words
Alas otso ng umaga. Pinagmamasdan ko ang mga taong labas-pasok sa coffee shop dahil isang mesa lang ang layo nito sa kinauupuan ko. Ilang habang din mula sa gilid ko ang sidewalk kaya pati ang mga nagba-bike at naglalakad papunta sa kung saan nila kailangang magtungo. Tiningnan ko ang usok mula latte sa ibabaw ng aking mesa. Natanggap ko ang text ni Jasper kagabi na kailangan kong hintayin ang driver niya na susundo sa akin papunta sa bahay niya. Akalain mo 'yon. Libreng shuttle papunta sa pagtatrabahuan mo. Ang pera kong pampagasolina, ginasta ko na lang sa kapeng nasa harapan ko ngayon. Kasabay ng pagbukas ng pintuan ng coffee shop ay ang dagliang pagkanta ng chimes sa ibabaw nito. Tinitigan ko ang magkasintahang lumabas mula doon. Magkaakbay sila. Nakangiti, halatang masaya. Pareho silang may dalang cellophane na naglalaman ng frappucino na wala akong alam kung ano ang flavor. Napangiti ako saglit saka itinuon ang mga mata ko sa sarili kong kape. Tandang-tanda ko pa ang eksenang 'yon. Ang tagal na no'n, oo. At gaya ng liwanag na makikita sa kanilang mukha, ganoon din kami. Pero hindi rin 'yon nagtagal. Doon ka biglang naisip na sa bawat ngiti, sa bawat ligaya, mayroong kapalit. Ilang taon din ang lumipas bago ko 'yon natanggap. Ang lupit ng tadhana. Bakit ba ako paliligayahin kung babawiin din naman? Pero sa tingin ko, kailangan 'yon. Ang nakakakilabot na sikretong natuklasan ko, ang humubog sa kung sino ako ngayon. Matapang at maingat. Tumunog ang selpon ko sa mesa. Si Adele, nag-text. Pumunta siya rito kagabi, may dalang mga kasama. Nagtanong kung may asawa ka na ba o anak. Walang nagsalita, kaya kumalma ka. Salamat. Maaasahan ka talaga, Ninang Adele. "Hello, po." Taranta kong napatay ang selpon nang makarinig ng boses mula sa aking likod. Kaya lumingon ako, at nasilayan ang isang binatang medyo payat tingnan sa kulay asul niyang polo shirt na maluwag ang manggas. Tiningnan ko ang mukha niya. Hindi siya mukhang payat. Payat talaga. "Ako nga pala po si Josiah. Kayo po ba ang pinapasundo ni Sir Jasper? Si Miss Sophie Bor-Bordelon?" "Oo. Sa sobrang galing ng panggugulat mo, pwede ko nang itapon 'tong kape." "Pasensya na po," aniya saka ngumiti sa akin, abot tenga at muntikan pang mawala ang kanyang mga mata. Sobrang inosente tingnan, animo'y walang bakas ng dilim sa katawan. Bigla kong naalala si Marcel. "Hinihintay po kayo ni Sir. Magmadali na po raw tayo kasi may aasikasuhin pa raw siya." Tama. Ang tanging sinabi ko lang sa kanya ay sa isang coffee shop sa isang mall ako maghihintay, wala akong sinabi na doon ako magkakape habang naghihintay. Kainis. Pinaupo ko muna si Josiah habang inuubos ko ang mainit-init ko pang kape. "Baka gusto mo ng isang slice ng cake?" tanong ko sa kanya pero tumanggi siya. Sa payat niyang 'yan hindi siya dapat tumatanggi sa mga nag-aalok ng pagkain. Isang babae ang nagbukas ng malawak na gate mula sa loob. Ang minamanehong sasakyan ni Josiah ay pumasok na sa garahe. Mayroon pang dalawang sasakyan sa loob, isang pick-up at isa pang sedan. Baka nandito rin nakatira ang mga magulang ni Jasper. Agad akong nakaramdam ng kaba. Paglabas namin ng sasakyan ay sinundan ko si Josiah papunta sa entrance ng bahay. Pagbukas niya ng pinto ay may nakita akong dalawang babae na nakatayo doon, parehas nakasuot ng kulay itim na mga damit pangkasambahay. Isang dalaga at isang babaeng may edad. Nakatayo sila sa may hagdanan, magkatabi. "Nandito na pala kayo." Naglakad si Jasper pababa ng hagdanan. Nakasuot lang siya ng jersey shorts na kulay kayumanggi at kulay puting t-shirt na maluwag sa kanya. Medyo basa pa ang kanyang mahabang buhok. Kaliligo niya lang. Lumapit siya sa akin at tinuro ang dalawang babae. Pagtingin ko sa kanila, nasa tabi na ng babaeng may edad si Josiah. Mukha silang magpamilya. "Ipapakilala ko nga pala sa 'yo ang mga kasama ko rito sa bahay. Si Josiah, driver at hardinero ko. Ito naman, si Aling Delia. Siya ang tagapagluto at nanay ng bahay na 'to." Nginitian ko saglit si Aling Delia. Hindi siya ngumiti pabalik. Oops. "At siya naman si Elaine." Hindi ko kinaya ang dilim ng ekspresyon ni Elaine. Masyadong matalim ang mga mata niya. Parang ayaw niya akong makita. "Pinapakilala ko sa inyo si Sophie. Siya ang magiging personal dietitian ko ngayon. Tratuhin niyo siyang mabuti gaya ng pagtrato niyo sa akin, at huwag niyo siyang bibigyan ng sakit sa ulo. Tayo-tayo lang dito sa bahay kaya dapat tayong magtulungan, maliwanag?" "Yes, Sir," sabay-sabay na tugon ng tatlo. "Sige… balik na kayo sa mga trabaho niyo," aniya. Sumunod naman ang tatlo sa utos ni Jasper at naiwan ang mga shopping bags sa may pinto. Mukhang kahapon pa nakabinbin ang mga iyon at hindi ginalaw. Ibinaling niya ang tingin niya sa akin. "Sophie, magsisimula ka ngayon. Sabi ni Felix marunong ka raw magluto." Nanlaki ang mga mata ko. Seryoso, ngayon na? Nagtagpo ang mga kilay niya at tiningnan ako sa mata. Ang suplado niya tingnan. Noong nakaraan lang umiiyak 'tong mokong na 'to sa harapan ko. "Nasa job description mo 'yon, 'di mo ba binasa ang kontrata?" Bumuntong-hininga ako. Eighty thousand pesos a month. Kakayanin ko 'to. Tutal ako naman ang nangangailangan. "Binasa ko po. Nasaan po ang kusina?" "Sumunod ka sa akin… at huwag mo na akong tawaging 'po' dahil halos magkaedad lang tayo." Ramdam ko ang lamig ng tiles habang nasa likod niya ako. At ang lamig niya rin. Galit ba siya sa akin? O ganito lang talaga siya magtrato ng mga baguhang empleyado? "Matanda ako sa 'yo ng tatlong taon, Jasper." "Ah," sambit niya sabay tawa nang kaunti. "Oo nga pala, nakalimutan ko." "Binasa mo ba talaga ang resume ko, Jasper?" "Hindi lahat, sa totoo lang." "Sandali." Huminto ako sa paglalakad. Siya rin. Lumingon siya sa akin at nagtaas pa ng isang kilay. Okay, ngayon napakaarogante na niyang tingnan. "Jasper, gusto ko lang linawin sa 'yo na nandito ako para magtrabaho." "At mayroon akong anemia, Sophie," sagot niya. Dismayado, ayon sa boses. Bumaba na ang isang kilay. "Kung iniisip mo na uulitin natin ang kung ano mang nangyari sa atin noon, nagkakamali ka. Kalusugan ko ang nakasalalay dito, kaya kung nagtitino ka sa trabahong 'to, ako rin. Bilang amo mo." Tumango ako. Nahinto kami sa gitna ng malawak na sala at sandali pa ay nasa kusina na. Hindi naman malaki ang bahay, sakto lang. Namangha ako sa kusina niya" moderno at kulay itim. Maliban na lang sa ref at dark brown na mga silya, ang mga cupboard pati ang lababo ay pininturahan ng itim. Kung dito ko ibubuhos ang ilang oras ng araw ko, mabuti na rin. Ituturing kong templo ang lugar na 'to. "Nandiyan sa ref ang lahat ng mga kakailanganin mo. Tawagin mo lang ako sa sala kung tapos ka na." At iniwan niya akong mag-isa sa kusina. Nakakainis. Haharap na naman ako sa mga walang buhay na kaldero at kawali na ginawang chandelier. Hawak ko ang isang baso ng tubig, nakatayo sa kanyang gilid at nakasandal sa may lababo. Pinagmamasdan ko siya sa kanyang pagnguya ng karne. Pagkatapos ay kinain niya ang kamote tops. Mushroom beef steak na may kamote tops salad. Lumingon siya sa kinatatayuan ko at tumango. May eyebags siya sa ilalim ng mga mata. Anong oras ba siya natutulog? "Masarap," sambit niya bago lunukin ang kinain. "Pero huwag mong masyadong galingan, ayaw ko pang palitan si Manay Delia." "Salamat. Tiningnan ko pala ang laman ng ref mo at sabihin na nating marami-rami riyan ang hindi na kakainin. Ibigay mo na lang kina Josiah o sa mga kapitbahay mo." Hindi siya sumagot. Binalik niya ang atensyon sa pagkain. Napairap ako sa ginawa niya, nang hindi niya nakikita, siyempre. Hindi ako pumunta rito para lang hindi niya pansinin. "Anong oras ka natutulog, Jasper? Inaasikaso mo pa rin ba ang trabaho mo kahit gabi na?" Huminto siya sa pagnguya. Wala ng laman ang kanyang baso kaya inabot ko ang babasaging pitsel at nilagyan ito. Oo, gumagawa ako ng paraan upang makapag-usap kami dahil kailangan ko siyang kilalanin - kung ano ang mga hilig niya, mga ginagawa niya, at kung papaano ito nakakaapekto sa kalusugan niya. "Salamat," aniya at hinawakan ang baso. "Video games. Playstation." Binigyan ko siya ng mahabang tingin. Nagmumukha akong judgmental pero wala akong pakialam. CEO na naglalaro ng playstation? "Ano?" tanong niya. "Bawal ba?" "Sinabi ko ba? Mga anong oras ka ba natatapos sa paglalaro mo?" "Hmm… alas dos ng umaga." "At pumapasok ka mga alas nuebe? Alas diyes ng umaga?" "Alas diyes, oo." "Alright." Inilagay ko ang sarili kong baso sa lababo. "Kulang pa rin ang tulog mo. Huwag nating hintayin na maospital ka pa bago ka magbago ng lifestyle. May history ka ba ng blood transfusion?" Nagkibit-balikat si Jasper. I guess that's a no. Pagkatapos niyang kumain, tumayo siya at naglakad sa sala, tinawag si Elaine. Dinig na dinig ko ang malakas niyang boses na um-echo pa sa buong bahay. Nakakabawas din ng lakas ang pagsigaw, lalo na sa isang taong mayroong anemia gaya niya. "Yes po, Sir?" Bumaba si Elaine mula sa hallway na konektado sa sala. May buhay na ang mukha niya, nakangiti at kumikinang pa ang mga mata. Sobrang kyut niya tingnan sa maid outfit niyang suot. At sobrang obvious din na may gusto siya kay Jasper. Kaya pala ganoon na lang siya makatingin sa akin kanina. "Handa na ba ang kwarto ni Sophie?" "Opo, Sir. Nandoon na po lahat ng mga gamit." "Mabuti. Sophie, sundan mo lang si Elaine. Doon at kwarto at opisina mo. Pwede ka rin niyang bigyan ng house tour kung gusto mo." House tour kasama si Elaine? Hell, no. Baka itulak niya pa lang ako sa isang malapit na malaking kanal dito. "Ah, sa susunod na ang house tour na 'yan." Nginitian ko si Jasper saka si Elaine. Hindi na nakangiti sa akin ang babae kaya itinigil ko bigla. "Sige na, Jas, tutuloy na kami. Hahanapin lang kita rito sa bahay pagkatapos namin." Sinimulan ni Elaine na maglakad. Sinundan ko siya. Hindi ko maalis ang aking mga mata sa makintab niyang buhok na kinulayan niya ng dark brown. Nilakad namin ang hallway. Huminto kami sa isang pinto na nasa bandang kanan. Kung tutuusin, hindi naman kailangan ng tulong ni Elaine sa pagpunta rito sa kwarto ko. Sandali, bakit ko ba kailangan ng kwarto? Opisina ang kailangan ko at iyon lang. Hindi naman ako titira rito. Pumasok si Elaine sa kwarto at sumunod ako. Dark blue ang kulay ng wallpaper. Mayroong study desk na kulay itim, isang kama, isang cabinet, isang maliit na sopa at coffee table. Ikinatuwa kong mayroong printer at computer sa desk, pati notebook, ballpen at binder. Malaki talaga ang inaasahan niya sa akin. Tama lang, gagawin ko naman ang lahat upang maibalik sa kondisyon ang katawan niya. "Kung gusto mong magtagal sa bahay na 'to, matuto kang lumayo kay Sir Jasper." Nagulat ako sa sinabi ni Elaine kaya napalingon ako sa kanya. Bago pa ako makapagsalita, nagtungo na siya sa pinto at isinara ito. Nanatiling dilat ang aking mga mata, ang aking puso ay kumakabog nang malakas.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD