Chapter 4

954 Words
“Saan ka ba galing?!” pasinghal na tanong sa akin ni Ninang Adele. Naiintindihan ko siya. Kung ako ang malalagay sa sitwasyon niya, hindi lang singhal ang gagawin ko sa aking magiging alaga. Binuksan niya nang malawak ang pinto at hindi na ako nag-atubili pang naglakad papasok. Nagkatitigan kami. Makulay ang apron na suot niya, pero ang mukha niya, hindi. Pakiramdam ko ay lalapain niya ako anumang oras. Minsan talaga kung sino pa ang tahimik, sila pa ‘yong mga tipong parang dragon kung magalit. Ilang sandali pa, napalitan ng pagkabahala ang ekspresyon sa kanyang mukha. “Ba’t ang lungkot ng mukha mo? May nangyari ba?” “Ninang…” sambit ko. Napatingin ako saglit sa sapatos kong kulay itim. Hinintay niya ako ng ilang segundo hanggang sa magawa ko siyang titigan ulit. “Salamat po talaga sa pagpapatuloy sa akin dito sa bahay niyo. Sa pagpapatrabaho sa akin. Kumita ako ng malaki at nabuhay naman kahit papaano. Ginusto ko talagang mapunta sa industriyang ‘to, pero napag-isipan ko po nitong huli… tama na po siguro. Ititigil ko na po ‘to.” Lumapit siya at hinawakan ako sa kamay. Ramdam ko ang init mula sa kanyang balat, at ang lungkot sa kanyang mga mata. “May isa na namang taong mang-iiwan sa akin-” “Ninang, hindi po! Ano ba kayo, bibisita pa rin naman ako sa inyo kahit papaano… pero, kailangan ko po talagang magpakalayo rito. Para na rin sa anak ko. Kailangan niyang lumaki at isipin na buong buhay na nagtataguyod sa kanya ang kanyang ina, matinong trabaho ang kinuha niya.” Tumango si Ninang, pagkatapos ay niyakap ako. Naiyak kaming pareho. “Wala na akong tagahugas ng pinggan dito,” natatawang sabi niya. Nginitian ko siya. Si Ninang Adele ang tumayo kong ina nang mamatay si Mama. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kabaitang binigay niya sa akin. Siya ang pumuno ng pagmamahal na hindi naibigay sa akin ni Mama, at nagpapasalamat ako sa Diyos na binigay sa akin ang tulad ni Ninang Adele. Kung siya ang naging totoo kong ina, hinding-hindi ko siya itatanggi kahit pa isa siyang bayaran. “Mami-miss ko po rin ang mga luto niyo.” Pinahiran ko ang aking mga luha matapos humarap sa kanya. “Kung nagkaanak po kayo, sigurado akong napakaswerte niya sa inyo.” “Anak kita, Sophie. Tandaan mo ‘yan, okay?” Tumango ako at umupo sa sopa. Sinundan ng aking mga mata ang kanyang pigura na naglakad patungo sa stove saka ito pinatay. Iniligpit niya ang kulay pulang apron na mayroong pattern ng mga bulaklak sa isang hook sa pinakadulong pader. Nagsimula ako sa pagkuha ng sigarilyo sa bag at kaagad na sinindihan ang isang stik. “Dito ka na lang kaya kumain? Marami-rami ‘yang tinola na niluto ko.” Binigay ko sa kanya ang yosi saka nagsindi ng pangalawang stik. Para sa akin. Sa totoo lang, mas gusto kong makita ang anak ko ngayong malaya na ako sa gawaing ito. Tutal, siya naman ang dahilan kung bakit ko ito ginagawa. “Huwag na muna, Ninang. Oorder lang kami ng pagkain kapag nasa apartment na ako ni Joanna.” Mariin niya akong tinitigan bago nagbuga ng usok sa gilid. “Anong trabaho naman ‘yang pinasok mo? Malaki ba ang kinikita riyan?” tanong niya sa baritonong boses. “Opo.” Nagkataong nagkatitigan kami nang magbuga ako ng usok. “Personal dietitian ng isang chief executive officer.” “Malaki ang kita?” “Opo.” “Aba, mabuti…” Ano nga pala ang dapat kong sabihin sa kanya? Shet. Nasa dulo ‘yon ng dila ko kanina, eh. Ugh… “Pero akalain mo, dietitian ka rin noon. Hindi nga lang personal. Pero at least ngayon, patok. CEO…? Hmm… lalaki ba 'yan?" "Ninang… pwede bang humingi ng pabor? Pwede bang… sakaling may pumunta rito at magtanong kung may anak na ako, pwede bang sabihin niyong wala? Sabihan niyo na rin po sila Adrienne tungkol dito?" Tulalang nakatingin sa akin si Ninang Adele. "Bakit?" "Jo, tapos na akong maglagay ng plato sa mesa." Lumingon sa akin si Joanna matapos niyang bihisan si Selene, na naglalaro ng paborito niyang stuffed toy sa ibabaw ng kulay dark blue niyang kama. Tinabihan ko siya at hinagod ang kanyang makintab na buhok. Sobrang kintab at kasingdilim ng sa akin. "Salamat Sophie at dumating ka ngayon. Pwede bang maligo na muna ako kahit sandali?" "Ah, bago 'yan… may pakiusap na muna ako. Kung okay lang sa 'yo?" Napabalik ng upo si Joanna. Suot niya ang bestidang binili ko sa ukay-ukay noong isang linggo. Bumagay sa kanya ang damit, pero mukha siyang pagod ngayon. Bihira ko lang siyang makita sa ganoong estado. Ngumiti siya, hindi umabot sa mata. "Ano 'yon?" "Pwede bang… magpanggap ka munang ikaw ang nanay ni Selene?" Tiningnan niya ako nang mahaba. Pagkatapos ay tumawa siya nang maikli, para bang hindi makapaniwala na sinabi ko iyon sa kanya. "Seryoso ka ba? Ano ba 'tong ginagawa ko? Hindi ba ako nanay ni Selene ngayon? Ilang taon ko na 'tong ginagawa, Sophie, hello!" Napakamot ako sa ulo. Magsasalita pa sana ako tungkol sa isang nakakakilabot na bagay na hindi ko masabi sa lahat nang bigla niyang damputin ang dalawa kong kamay at tumabi sa akin. "Huwag kang mag-alala. Nasa akin ang pekeng birth certificate ni Selene, nakasaad doon na ako ang nanay niya. Okay?" Huminga ako nang malalim hanggang sa umiwas ako ng tingin kay Joanna. Bigla kong naalala si Jasper. Ang mga mata niya… hindi ko 'yon makalimutan. Tumayo si Joanna papalabas ng kwarto ni Selene. "Pakiramdam ko para lang akong lumipat ng impyerno. Ibang lebel nga, pero impyerno pa rin kung tutuusin." Napalingon siya sa akin. “Ba’t mo sinasabi ‘yan?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD