Ngiting-ngiti ako habang papasok sa kwarto nang sa wakas ay makauwi galing sa AGC. Pipihitin ko na sana ang doorknob nang maalala ko ang kakambal kong si Anika. Imbes na pumasok ako sa sarili kong kwarto ay sa kwarto n’ya ako tumuloy. “What documents are you talking about? Kaninang nandoon ako sa office ni Daddy ay hindi mo itinawag. Ngayong nakauwi na ako tsaka ka magtatanong?!” inis na bulalas ng kakambal ko nang makapasok ako sa kwarto n’ya. Kasalukuyan s’yang may pinipindot sa harap ng laptop n’ya habang ang isang kamay ay nakatapat sa tenga at may hawak na phone. “Wait for it! I’ll find it and send it to you!” sabi n’ya at gigil na ibinaba ang tawag at saka nakita ko pa ang sadyang pag-off n’ya sa phone n’ya at padarag na ibinaba ‘yon. Naiiling na naglakad ako palapit sa kanya.

