Kabanata 2:

1133 Words
Kabanata 2: Habang lumalalim ang tulog ni Johnson, iyon namang pagbigat ng kaniyang dibdib. Unti-unti, pakiramdam niya’y may dumadagan. Hanggang sa para na siyang sinasakal. Medyo hindi na siya makahinga pero parang dream come true ito sa kaniya. Gusto na niyang matigok, e. Wala naman na kasing kwenta ang buhay niya. Unti-unting bumagal ang paghinga ni Johnson. Tagaktak na ang pawis niya habang patuloy pa rin ang pakiramdam niyang iyon. Sinubukan niyang gumalaw, pero tangena, hindi niya magawa! Sinubukan niyang magsalita ngunit walang kahit anong lumalabas sa kaniyang bibig. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, natuklasan niyang iyon lang ang tanging nakagagalaw. Naghahalo na ang takot, panginginig at pagkabahala ni Johnson. Inisip niyang baka ito na ang katapusan. Siguro’y wala na siyang misyon sa mundo. At nang tanggap na niya ang kaniyang kapalaran, nagising siya dahil sa malakas na pagtilaok ng manok. Mabilis na nahugot ni Johnson ang kaniyang hininga. Agad siyang bumangon at hinihingal na sinapo ang kaniyang dibdib. “A-ano ‘yon?” takang tanong niya sa kaniyang sarili. Umiling siya at ipinagsawalang bahala na lang iyong nangyari. Mas dinadaing niya kasi ngayon ang sakit ng ulo. Kung bakit ba naman kasi uminom siya kagabi, dagdag problema lang tuloy ang inabot niya. Kahit masama ang pakiramdam, pinilit niyang kumilos dahil kailangan niyang pumasok sa trabaho. Hindi naman kasi dapat siya naghihirap ngayon lalo pa at wala naman siyang binubuhay. Wala rin siyang mga kapatid. Kaya lang, iyong mga ginastos sa pagpapalibing sa mga magulang niya noong isang taon, hanggang ngayon ay binabayaran niya pa. Kung magastos ang mabuhay, magastos din ang mamatay. Buhay nga naman, wala kang pagpipilian. Pagkalabas ng bahay, naabutan ni Johnson si Shanna, bihis na bihis ito at napakaganda. Ang hirap tuloy’ng mag-move on! “Good morning, Johnson!” bati nito sa kaniya. Tango lang ang isinagot niya saka dumiretso ng paglalakad. Bitter na bitter talaga ang peg niya dahil sa nasaksihan kahapon! Bigla siyang napapiksi nang tinapik ni Shanna ang balikat niya. Lumingon siya rito para lang makita ang napakagandang ngiti ni Shanna. ‘Shet, ‘wag kang ganyan! Kailangan kong maka-move on sa ’yo!’ sigaw ng isip ni Johnson. “Pasabay sa paglalakad, ha?” anito. Gusto niyang sapuhin ang kaniyang noo. Kung alam lang nito ang nararamdaman niya. Nakakainis talaga! Paano kaya siya makakamove-on kung ganito ito sa kaniya? “Pasensya ka na, nagmamadali ako, e!” saka siya mabilis na kumaripas nang takbo. Narinig pa niya ang tawag ni Shanna pero tumuloy pa rin siya. Para siyang tangang pilit pinipigilang bumagsak ang mga luha sa kaniyang mga mata. Ang gago kasi! Bakit hinayaan niyang humantong sa ganito ang pag-ibig niya para kay Shanna? “O, ang aga mo yata?” Gulat na tanong ng boss niya. “At saka bakit hinihingal ka?” Tinapos niya muna ang lahat ng kailangan niyang i-hinga at mas nagpigil ng luha bago sumagot. “Maaga ho kasi akong nagising boss.” Tumango ito, “Gano’n ba? Pero bakit parang may humahabol yata sa iyo?” tanong pa nito. Sumilip pa talaga sa labas para tingnan kung may humahabol ba sa kaniya. “Wala boss, nag-jogging lang ako,” pagdadahilan niya. Tumaas ang kilay ng tsismoso niyang boss. Halatang gusto pang magtanong ngunit hindi na lang ginawa dahil kilala siya nito bilang isang taong hindi pala-kwento. Sinimulan na niyang ayusin ang mga gagamitin. Si Johnson, isa siyang barbero. Hindi iyong barberong gawa-gawa kwento, totoong barbero si Johnson sa isang Salon. Malaki ang Salon na pinagtatrabahuan niya, s’yempre kapag malaki, malaki rin ang sahod. Isa pang kagandahan, mabait ang amo niyang pure lalaki. Nakaipon na siguro siya kung hindi lang maraming utang ang naiwan sa kaniya... Katulad ng madalas na nangyayari sa araw-araw na buhay ni Johnson, nagtrabaho siya nang matiwasay. Ang mga baklang katrabaho niya ay umaasa pa ring mabibingwit siya. Hindi alam ng mga baklang ito na hindi siya daks, sakto lang. Minsan kapag may ginugupitan siyang babae, sa sobrang paghanga nito sa kagandahang lalaki niya ay nagbibigay ito ng tip. Kaya lang minsan nag-re-request pa ng halik. Gano’n siya kagwapo. Wala nga lang kwarta. Pagka-uwi sa bahay, gano’n na naman ang nangyari. Ang kaibahan nga lang, walang Neneng na kumatok sa kaniya para magbigay ng bopis. Wala tuloy siyang maibigay na pagkain sa galising asong pinangakuan niyang pakakainin. Tinahulan tuloy siya! Sobrang boring ng buhay ni Johnson. Sa buong isang linggo, ganito umiikot ang mundo niya. Pero ngayon, tila kakaiba. Dahil naging mas madalas ang kaniyang bangungot… “Shet! Ito na naman yata!” Sigaw ng isip ni Johnson habang ang kaniyang katawan ay tila sinimento mula sa kaniyang higaan. Sa loob ng isang linggo, madalas niyang nararanasan ito. Iyong pakiramdam na hindi siya makagalaw sa kaniyang hinihigaan. Nakikita niya ang mismong kwarto niyang tambak ng mga labahang damit at balat ng tsitsirya pero ang hindi niya mawari’y kung bakit gising ang diwa niya ngunit ang kanyang katawan ay hindi makagalaw. Tagaktak ang pawis niya at naninikip na ang kaniyang dibdib dahil sa tila mabigat na bagay na nakadagan sa kaniyang katawan. Gusto niyang makawala lalo na’t pakiramdam niya’y mamamatay siya sa ganitong sitwasyon. At katulad ng madalas niyang ginagawa, inisip niyang panaginip lang ito. Isang masamang panaginip at dapat na siyang magising. Pero putsanggalang shet naman, o! Sa minalas malas pa’y may nagpakitang demonyo sa harapan niya. “Tangena! Bangungot na yata ‘to, a!” mura niya gamit ang isip. Paano’y hindi pa rin siya makapagsalita. Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya. Umaakyat mula sa paanan hanggang sa marinig niya ang paglangitngit ng papag na hinihigaan niya. Mas lalo siyang pinagpawisan. Napakapangit kasi ng demonyo! Kasing itim ito ng uling at ang mga mata’y pulang pula, nanlilisik! Nakakakilabot! Kinakabahan na siya, hindi na niya alam ang gagawin. Hindi siya makagalaw, hindi makasigaw, hindi na halos makahinga! Hanggang sa tuluyan itong ngumiti nang nakapangingilabot. Nakakadiri! Tumutulo pa ang laway ng nakadidiring nilalang! “Umalis ka, shet! Ayoko pang mamatay!” pero walang lumalabas na boses sa kaniyang bibig. Pumikit siya at pilit kinalma ang kaniyang sarili. Ilang beses niyang inisip na panaginip lang ito. Na hindi ito totoo! At kahit todo ang kaba, unti-unti rin naman siyang kumalma, hanggang sa nakaramdam siya ng matinding panginginig na sanhi para mapadilat siyang muli. Wala na ang demonyo. Pero ang panginginig naman ang naging kalaban niya! Ano ba ‘to? Na-e-epelepsi na ba siya? Shet, wala naman siyang ganoong sakit, a? Pinilit niyang makawala sa panginginig. Nakakapagod. Para siyang cellphone na naka-vibration mode! Hanggang sa, sa wakas ay naigalaw niya ang kaniyang mga kamay, gano’n din ang mga binti at paa niya. Bigla siyang napakapit sa unan! “Shet! Ano ‘to?!” bulalas niya. Unti unti siyang lumutang. Umaangat siya mula sa higaan. Hanggang sa makaramdam siya ng pagkahilo... at tuluyan siyang nakaalis mula sa kaniyang katawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD