KABANATA 3 ( Pagsiwalat )

1576 Words
Samantala, kaya pala hindi matagpuan ni Prinsipe Solomon si Reyna Polaya ay nasa Garnaya ito at kinakausap ng mga magulang. Dinalaw nito ang mga magulang at para na rin kumustahin ang Garnaya. "Polaya, nais naming magtapat ka. Si Prinsipe Solomon ba ay iniibig mo?" deretsahang tanong ni Adlino sa anak. Nabigla si Reyna Polaya sa tanong ng ama. "Ano bang pinagsasabi ninyo ama!" nagalit ang reyna sa naging tanong ng kanyang ama. "Polaya, ama mo ang iyong kausap! At baka nakakalimutan mo ring bilang reyna ay hindi dapat ganyan ang iyong asal," agad na suway naman ni Dana. "Ngunit ina, ano ba ang pumasok sa isipan ninyo para sabihing si Prinsipe Solomon ay iniibig ko?" "Hindi ganyan ang magiging reaksiyon mo kung hindi totoo ang tinatanong namin," pang huhuli ni Adlino. Nguni't hindi natinag si Reyna Polaya. "Wala akong alam sa sinasabi ninyo, at kung inyong mamarapatin, kailangan ko ng bumalik sa Bilona. Maaring hinahanap na ako roon maging ang aking kabiyak," pagkatapos ay tumalikod na ito. Nagmamadali man sa paglalakad ay narinig pa nito ang sinabi ng ina. "Nakita namin ang pag-uusap ninyo ni Prinsipe Solomon sa pagdiriwang, at dama namin na may kakaiba sa naging pag-uusap ninyo. Nawa'y nagkakamali kami Polaya. Panghahawakan namin ang mga salita mo," pahabol ng kanyang ina. Nang makalabas siya sa kanyang dating tahanan, agad na nitong tinawag ang mga tatlong mga lalaking tagapagbantay na palagi na niyang kasama. KAHARIAN NG BILONA... Pagkabalik ni Polaya ay agad siyang sinalubong ni Prinsipe Solomon. At mula naman sa labas ng kaharian ay naroong nakakubli sa halamanan si Laksana. Pagkakita kay Reyna Polaya ay agad na nitong binulungan ang ibong puti na hawak-hawak niya. Ibong puti ang nagsisilbing daan nila upang maparating sa ibang nilalang ang kanilang mensahe kapag nasa malayo sila. "Humayo ka na't sabihin sa aking mga magulang, pariso at parisa, na magtungo sila ngayon din dito sa kaharian ng Bilona," utos nito sa puting ibon. "Polaya, -" hindi nito natuloy ang sasabihin dahil agad na nagsalita si Reyna Polaya. "R-E-Y-N-A!" mariing sabi nito. "Patawad, Reyna Polaya, sub—" muling pinutol ng reyna ang mga sasabihin nito. "Wala ako sa kundisyon para makipag-usap lalo na sa'yo, Prinsipe Solomon. Nais kong magpahinga. Hindi naging maganda ang pagdalaw ko sa Garnaya." "Ngunit—" Agad hinarang ng mga tagapagbantay ng reyna si Prinsipe Solomon. Hindi na nga niya nagawang sabihin ang babala nito. Naisip kasi niya na maaring tanggalan ni Polaya ng ala-ala si Laksana upang hindi makapag-salita. Isa iyon sa kapangyarihang taglay ng reyna. Maging ang Hari Abraham ay may kakayahan din niyon. GARNAYA... Nakita ng mga Pariso at Parisa ang papalapit na puting ibon. "Mukhang may mensahe tayong parating. Tawagin ang lahat," sabi ng unang pariso na nakakita sa puting ibon. Bago pa man makadapo ang ibon sa isang mataas na tila poste at gawa sa ginto na sadyang ginawa para sa mga ibong mensahero ay nakalabas na rin sina Adlino at Dana at ang iba pa. "Twit! Twit! Twit! Twit!" "Kung ganoon ay pinapupunta tayo sa kaharian ng Bilona," ang sabi ni Adlino. Naiintindihan nila ang huni ng puting ibon. Alam nila kung ano ang nais sabihin nito. "Ano naman kaya ang dapat ipunta roon? Wala ng pagtitipon na magaganap o ano pa man sapagka't tapos na ang pagdiriwang at kung meron mang dapat pag-usapan, dapat ang hari at reyna ang ngpapadala ng mensahe gamit lamang ang isang sulat," nagtatakang tanong ng isang pariso roon. "Marahil ay importante at biglaan ito kaya't ibong mensahero na lamang ang pinadala. Mabuti pang magtungo na lamang tayo upang malaman natin," sabi naman ng unang pariso na nakakita sa puting ibon kanina. Maging sina Adlino at Dana ay naguguluhan na rin kaya't minadali na rin nila ang pag-alis. Mabilis nga silang nagtungo sa kaharian ng Bilona. Natanaw naman ni Hari Abraham ang mga pariso at parisa mula sa kanilang silid sa itaas ng kahariang iyon. 'Ano ang ginagawa ng mga pariso rito?' nagtataka nitong tanong sa sarili. Tuluyang lumabas at bumaba si Hari Abraham para alamin ang sadya ng mga ito. Siya namang salubong niya kay Reyna Polaya na noo'y balisa. "Ano't balisa ka?" taka nitong tanong sa kanyang reyna. "W-wala ito mahal ko. Napagod lamang ako sa pagpunta sa Garnaya," mabilis na sagot ng reyna. "Garnaya? Nanggaling ka doon? Kung ganoon kasabay mo ang mga pariso't parisang nagtungo rito?" may pagtatakang tanong ng hari. "Anong —" Naputol ang iba pagtatanong dapat ni Reyana Polaya nang marinig ang tinig ng isang matandang pariso. "Mahal na Reyna, mahal na Hari, ano ho ba ang maipaglilingkod namin sa inyo?" Nagkatinginan ang magkabiyak. "Ako nga ay nagtataka sa inyong pagparito. Wala kaming ipinadalang mensahe na magpunta kayo rito. Gayunpaman, siguro'y nais lamang ninyong dumalaw?" pagtitiyak ni Hari Abraham. "Hindi pagdalaw ang sadya namin mahal na Hari. Dumating sa Garnaya ang mensaherong ibon. At ang mensahe ay magpunta nga kaming lahat dito," pagtatanggi ni Dana. Siya namang bungad ni Prinsipe Solomon. "Marahil ay napaglaruan lamang ng kung sinong nilalang o taga ibang kaharian o taga ibang tribu. Gayunpaman, nalaman na ninyong walang ipinadalang mensahe ang mahal na Hari at Reyna kaya maaari na kayong umalis," paliwanag ni Prinsipe Solomon. Umugong ang bulungan ng mga pariso at parisa'ng naroon. Nang mula sa kanilang likuran ay bumungad at nagsalita nang malakas si Laksana. "Ako ang nagpapunta sa inyo rito dahil may kailangan kayong malaman!" "Anak?" nagtatakang sambit ni Adlino. "Laksana, umalis ka na. Hindi tama ang iniisip mo," kinakabahan na noon si Prinsipe Solomon. Lalong umugong ang bulungan. "Magsitahimik! Ano ang ibig sabihin nito, Laksana? At anong klaseng bagay ba ang ipapaalam mo at maging ang mga taga Garnaya ay pinapunta mo pa rito?" pinairal ni Reyna Polaya ang pagiging reyna nito. "Mahal na — " "Tumahimik ka, Prinsipe Solomon. Tama na ang mga kasinungalingan ninyo!" malakas na sabi ni Laksana. "Laksana, ano ba ito?" nag-aalala na rin si Dana sa nangyayari. "Nais kong ipaalam sa inyong lahat na naririto, ang kasalanang nagawa ng aking kapatid at ni Prinsipe Solomon!" matatag nitong sambit habang nakaturo kay Prinsipe Solomon. "Itigil mo ito Laksana! Hindi nakakatuwa!" ang galit na sabi ng reyna. Dahan dahang lumapit si Laksana sa kapatid at inilapit ang sariling mukha sa mukha ng reyna. Larawan ng awa sa kanyang kapatid si Laksana ngunit hindi niya hahayaang magpatuloy si Polaya sa kamalian nito. Hindi si Hari Abraham ang habol niya. Oo nga't iniibig nya ito, subali't mas nangingibabaw ang kagustuhan niyang maitama ang kapatid at 'wag mabahiran ng kasinungalingan ang kaharian ng Bilona na maaari ring makaapekto sa Garnaya. "At ano ang tama, Polaya? Ang iyong kasinungalingan mapalakas lamang lalo ang iyong kapangyarihan?" pang-uusig niya sa kapatid. "Hindi kita maintindihan..." puno ng pagtatakang sagot ni Reyna Polaya. "Ipaiintindi ko, Polaya," sabi ni Laksana at humarap ito sa lahat. "Nais kong malaman ninyong lahat! Na hindi siya karapat-dapat sa pagiging reyna." Lumakas ang ugong sa Bilona. Si Prinsipe Solomon naman ay tuluyan nang napayuko. "Si Polaya ay nagkasala. Bago pa man mangyari ang paligsahan, may relasyon na sila ni Prinsipe Solomon," pagsisiwalat na ni Laksana nang tuluyan. Natutop ni Dana ang bibig sa narinig. Mukhang tama ang kutob nila sa anak. "Patawarin kayo ni Prina..." sambit ni Dana subali't napabaling naman ang kanyang atensiyon kay Laksana, "Laksana! Itigil mo ang kahibangang ito!" naiiyak na sabi niya. "Hindi Ina, nagsasabi ako ng totoo!" sigaw naman ni Laksana. Nagsalita naman si Karta na nakatayo sa karamihan, "Mapapatunayan mo ba ang iyong bintang, Laksana?" Lumingon si Laksana kay Prinsipe Solomon, "Sabihin mo ang totoo, Prinsipe Solomon." Tinitigan ng reyna si Prinsipe Solomon. Titig na may galit at pagbabanta. "Prinsipe Solomon, maari mo bang linawin ito?" ang tanong ni Karta. "Walang katotohanan. Nagsisisinungaling siya. Ginagawa niya ito dahil kay Hari Abraham. Nais niyang siya ang maging reyna upang mapasakanya si Hari Abraham kaya niya ito ginagawa," pagtanggi naman ng prinsipe. "Sinungaling!" puno ng galit na sigaw ni Laksana. Agad lumapit si Reyna Polaya kay Laksana at sinampal ito nang malakas. "Ikaw ang sinungaling! Akala mo ba'y mas paniniwalaan ka nila kesa sa amin? Karta! Tawagin mo na ang mga Ideyong dadakip sa kanya upang maiharap na siya sa ating hukom na magpapataw ng karampatang parusa sa kanya," ang galit na galit na sabi ng reyna. "Masusunod, Mahal na Reyna." Sa isang kumpas ng kamay ni Karta kasabay nang mahinang pananalita ay bigla na lamang lumitaw ang apat na Ideyo. Ideyo ang tawag sa mga dumarakip sa kung sinumang nagkasala at dinadala na ito sa pulungan kung saan naroon ang hukom na magdedesisyon ng magiging parusa nito. Agad na hinawakan ng dalawang Ideyo sa magkabilang kamay si Laksana at ang dalawa pa ay nasa likuran nito. Malalaking lalaki ang mga Ideyo. Ang buong katawan ng mga ito ay mas lalong napalaki dahil balot sila ng bakal na kasuotan. May bakal ding nakatabing sa kanilang mukha at may hawak silang mistulang palakol na malaki at kanilang ginagamit na sanadata kapag nanlaban ang huhulihin nila. Ngunit bago pa man maglaho ang mga ito kasama si Laksana ay nagsalita si Hari Abraham. "Bitiwan niyo siya," madiin na pagkakasabi ng hari. Gulat ang lahat lalo na sina Prinsipe Solomon at Reyna Polaya. "Ano ba itong sinasabi mo aking Hari? Nagkasala siya at marapat lamang siyang dakpin," nagtatakang sabi ni Reyna Polaya. "Hindi siya ang nagkasala kundi ikaw aking Reyna," mahinahong sabi ng hari. Ikinagulat naman ni Laksana ang narinig. Ano't tila alam ng hari ang ginawa ni Polaya? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD