"Ano ba ang ibig mong sabihin aking mahal?" malambing na sabi ni Reyna Polaya kay Hari Abraham, "Ang aking kapatid ay gusto tayong sirain kaya't narapat lamang na mapadala siya sa hukuman," pagkatapos ay masuyo niyang hinaplos ang pisngi ng hari.
Tinanggal ni Abraham ang palad ni Polaya sa kanyang pisngi bago nagsalita.
"Hindi mo ako malilinlang, Polaya. Nang gabing magsiping tayo, alam ko na hindi ako ang una mong nakasiping," sabi ng hari at hindi na rin nito tinawag na reyna si Polaya.
Gulantang ang lahat. Hindi halos makapagsalita si Polaya.
"Mga Ideyo, bitiwan niyo si Laksana at sa halip ay ang mapagkunwaring si Polaya ang inyong dakpin, kasama ang aking kapatid na si Prinsipe Solomon," utos ng hari sa mga Ideyo.
Pagkawika niyon ay bigla na lamang may lumitaw na apat pang Ideyo na siyang humawak naman kay Prinsipe Solomon. Ang naunang apat, binitiwan si Laksana at naglaho sila sa tabi nito at doon sumulpot sa tabi ni Polaya.
"Bitiwan niyo ako! Ako ang reyna at wala kayong karapatang gawin ito sa akin," sinubukang iwaksi ni Polaya ang mga Ideyo nguni't malalakas ang mga ito.
Ang kapangyarihan ni Polaya ay hindi niya magagamit sa mga Ideyo sapagka't walang bisa ang kapangyarihan ng sino mang nilalang oras na nahawakan na sila ng Ideyo. Nguni't dahil may sariling kapangyarihan si Polaya dala ng sinag sa tagiliran nito, nagawa niyang maglabas ng isang pulang kapangyarihan sa pamamagitan ng mata at pinatama ito kay Laksana.
"Laksana!" gulat na tinakbo ni Dana ang kinaroroonan ng anak.
Sumaklolo ang mga naroon kay Laksana at maya-maya'y bigla na lamang sumulpot doon ang hukom. May katandaan ang itsura nito at may bigote't balbas na abuhin. May nakalagay din sa ulo nitong bilog na parang sombrero. Ang dalawang kamay ay nasa likuran nito at abuhin ang kanyang kasuotan. Mahinahon ang itsura ng hukom habang kay Polaya nakatingin.
"Kita ko ang nangyayari doon sa aking hukuman. Labis kang kahabag-habag, Polaya," pagkawika niyon ay bigla niyang ikinumpas ang kamay sa harapan ni Polaya at nagmistulang nakulong ang reyna sa isang malaking hugis kahon na kristal.
"Diyan ay hindi mo na magagawang manakit, Polaya," pagkatapos ay bumaling ito sa mga Ideyon'ng naroon at muling nagwika, "Tayo na!"
"Sandali lamang. May nais lang akong malaman," pigil ni Polaya kay Hari Abraham habang maluha-luha at may bahid ng kalungkutan. "Sabihin mo sa akin, bakit hindi mo sinabing batid mo na pala na hindi ikaw ang una noong gabing magtabi tayo?" tanong niya sa hari.
Bumuntung-hininga ang hari bago sumagot.
"Sapagka't nais kong matahimik lamang ang kaharian ng Bilona. Ayokong magkaron pa sana ng suliranin sa reyna na kaluluklok lamang. Ayokong madismaya si Prina. Kaya't pinili kong manahimik lalo pa't hindi ko naman alam na ang aking kapatid ang iyong tunay na minamahal. Ang iyong minamahal na pinagpalit mo sa lahat. Hindi ka tunay magmahal, Polaya," titig na titig sa kanyang sabi ng hari.
Mapait ang naging pagngiti ni Polaya.
"Siguro nga ay hindi karapat-dapat sa akin ang magmahal. Patawarin ninyo ako, nabulag ako sa kapangyarihang akala ko'y magiging akin. Patawarin niyo ako Ina, Ama," baling din ni Polaya sa kanyang ama't ina na bakas din ng kalungkutan, "At... Ihingi niyo rin ako ng tawad sa aking kapatid. Hindi ko sinasadya," pigil ang mga luha nito bago nilingon si Prinsipe Solomon, "Patawad, aking mahal."
Tuluyang bumagsak ang mga luha ni Polaya habang nakatingin sa kanyang dating nasasakupan. Maliban sa mga nagkasala ay kasama ring pupunta si Karta bilang saksi sa parusang ipapataw sa mga ito. Kasama rin dapat si Laksana dahil ito ang nagsiwalat ng katotohanan ngunit wala itong malay at mukhang malubha ang natamo kay Polaya. Maging ang hari ay hindi na sumama upang daluhan si Laksana. Sa isang kumpas ng kamay ng hukom ay naglaho sila ng mga Ideyo, si Karta, si Polaya at Prinsipe Solomon. Tanging abuhing usok ang naiwan sa kaharian.
Agad namang sinaklolohan ni Hari Abraham si Laksana na nasa kandungan ng inang si Dana. Binuhat niya ito at dinala sa isang silid na malapit lang doon sa bulwagang iyon.
"Ipatawag si Aloba ngayon din!" baling nito sa mga kawal na nandoon.
Si Aloba ay isa sa pinakamagaling na manggagamot nguni't nasa malayong lugar, ang tinatawag na Sebar. May isang araw ang paglalakbay mula roon. Agad namang kumilos ang mga tagapagbantay at inihanda ang sasakyang panhimpapawid. Umiiyak si Dana nang mga oras na iyon habang nakahilig sa dibdib ng kabiyak niyang nakatayo at nakatunghay kay Laksana.
"Adlino, saan ba tayo nagkamali? Bakit ito nangyayari sa ating mga anak?" ang tangis ng babae.
"Hindi ko rin alam, Dana. Nag-aalala ako para kay Laksana, nguni't mas higit ang aking pag-aalala kay Polaya," nananatili mang matatag ang anyo ni Adlino ay hindi pa rin nito maitatago ang labis na pag-aalala para sa mga anak, higit kay Polaya.
Nilingon ng hari ang magkabiyak at napayuko na lang din.
"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa inyong mga anak. Nguni't labis ang aking kalungkutan sapagka't parang hindi ko matutupad ang aking naipangako kina Ama at Ina na magiging maayos ang Bilona sa aking mga kamay," malungkot na sabi ng hari sa mga sandaling iyon.
***
HUKUMAN...
Ang itsura ng hukuman mula sa labas ay isang hindi kataasang hugis tatsulok na kulay abuhin. Pagpasok pa lamang sa pinto ay pawang mga libro na ang makikita. Ang magkabilang gilid ay mistulang aparador na punong puno ng mga libro. Sa dulo nito ay isang malaking upuan. Doon lagi nakaupo ang hukom at doon din tumatanggap ng mga nilalang na nagrereklamo. Pagpasok sa pinto, sa gawing kanan ay may isa pang pinto patungo sa isang silid kung saan ay naroon na sa loob ang hukom at iba pa. Doon ginaganap sa silid na iyon ang bawat paglilitis na nangyayari. Pagpasok sa pinto ng silid na iyon, ang gawing kanan ay may malaking hugis parisukat kung saan napapanood o nakikita ang mga nangyayari sa labas. Ang tanging napapanood lang dito ay ang nangyayaring pagdakip ng mga Ideyo sa labas. Hindi lahat ng nangyayari sa labas ay nakikita doon. Sa bandang kaliwa ay naroon ang isang malaking mesa at upuan. Mula sa pinto, kapag idiniretso mo ang paningin ay isang pinto pa ang makikita. Ito ang pinto patungo sa yungib ng mga makasalanan. Dumeretso ang hukom sa kanyang upuan. Pagkatapos ay sumara ang pinto ng silid na iyon. Nawala na ang mala-kahong kristal na napagkulungan kay Polaya. Kahit anong klaseng kapangyarihan ay nawawalan ng bisa sa loob ng hukuman. Maya-maya pa'y itinaas ng hukom ang kamay nito sa harap ni Polaya at parang may isip na kusang natanggal ang k'wintas kay Polaya. Kusa itong napunta sa palad ng hukom. Nguni't nagulat ang hukom nang makita ang k'wintas.
"Anong nangyari sa k'wintas ng kapangyarihan?" buong pagtatakang sambit ng hukom.
Maging si Karta ay bahagyang lumapit upang makita ang k'wintas. Itim na itim ang kulay nito at mistulang wala ng buhay.
"Kunin mo na ito, Karta. Matapos ang pagpataw ng parusa kina Prinsipe Solomon at Polaya ay magbalik ka na sa Bilona. Ibigay mo ang k'wintas at sabihing kinakailangan na nila ng bagong reyna. Nasisiguro kong hindi maganda ang kinahaharap ng kaharian ng Bilona ngayong mistulang walang buhay ang k'wintas ng kapangyarihan. Kailangan niya ng bagong reyna na hahawak sa kanya," mahabang sabi ng hukom pagkatapos ay bumaling naman siya kina Prinsipe Solomon at Polaya.
"Mukhang wala na tayong dapat pang sayanging oras. Kailangan na kayong mapadala sa yungib ng mga makasalanan. Malaki ang suliraning iniwan ninyo sa kaharian ng Bilona at siguradong hindi lang mga taga Garnaya ang maaapektuhan kundi ang iba pang nasasakupan dito sa ating mundo."
Si Prinsipe Solomon noon ay wala pa ring imik. Si Polaya ay panay ang agos ng luha at bakas sa kanya ang pagsisisi.
"Iparating ninyo sa Bilona at mga taga Garnaya ang aking pagsisisi at ihingi niyo ako ng tawad sa mga nasaktan ko," buong-pusong sabi ng babaeng panandaliang naging reyna ng Bilona.
"Dalhin na sila," utos ng hukom sa mga Ideyo.
Naunang sinamahan ng mga Ideyo si Prinsipe Solomon sa bumukas na pinto patungong yungib ng mga makasalanan. Nilingon nito si Polaya na hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya.
"Hihintayin kita, Polaya. Mahal pa rin kita at patuloy na mamahalin kahit naroon na tayo," madamdaming sabi dito ni Prinsipe Solomon.
At tuluyan na ngang pumasok sa pintuan patungong yungib ng mga makasalanan si Prinsipe Solomon at naglaho na siya kasama ang mga Ideyo. Nang si Polaya na ang ihahatid ay nagulat ang mga Ideyo at nabitiwan nila si Polaya. Maging ang hukom ay napatayo sa gulat. Napaawang naman ang bibig ni Karta sa nakita.
Si Polaya ang higit na nagulat at pinagmasdang mabuti ang sarili habang manghang-mangha.
Nagliliwanag ang buong katawan nito! Nagliliwanag siya!
"Hindi ito maaari... hindi ito dapat mangyari..." nagngingitngit na sabi ng hukom.
"Mahal na hukom, dapat itong malaman sa Bilona lalo na ng mahal na hari," wika ni Karta.
Napapikit naman ang hukom sa sinabi ni Karta. Alam kasi nito ang patakaran kapag ang isang may sala ay kakikitaan ng dahilan para hindi mapatapon sa yungib ng mga makasalanan.
Ano nga ba ang nangyayari kay Polaya?