"Hindi niyo ako maaaring ipatapon sa yungib ng mga makasalanan, mahal na hukom. May buhay akong dinadala sa aking sinapupunan!" ang may galak na pahayag ni Polaya.
Parang wala sa sarili ang hukom na nakatingin lang sa kawalan. Bakas ang pangangamba sa mga Ideyo at kay Karta sapagka't alam nilang hindi iyon dapat mangyari. Nagsalita nang mahina ang hukom na waring siya lang ang nakaririnig.
"Hindi... hindi ko ito papayagang mangyari," anito sa mahinang tinig.
"Ano ang inyong plano, mahal na hukom?" tanong ni Karta.
"Hindi dapat mabuhay ang batang iyan," walang pag-aalinlangang sabi ng hukom.
"A-anong ibig... niyong sabihin?" nakaramdam ng kaba si Polaya.
Lumapit ang hukom kay Polaya at nagwika, "Hindi na nila kailangan pang malaman ang tungkol sa iyong pagbubuntis. Makasisira ito sa reputasyon ng ating mundo. Ikaw na makasalanan ay magbubuntis? Pababalikin sa Bilona na parang walang nangyari? At kapag nangyari iyon, baka mawalan na ng paniniwala sa akin ang sino mang nilalang dito sa ating mundo. Hindi na nila paniniwalaan ang aking mga batas. Kaya't hindi nila malalaman ito, Polaya. Patawarin mo ako sa aking gagawin."
Itinaas ng hukom ang kanyang kamay at nagmistulang nilalamukos nito ang sinapupunan ni Polaya upang p'wersahing iluwal na nito ang sanggol. Namilipit sa sakit si Polaya.
"Aa... aaahhh..! T-tama na... huwag ang anak ko..." naramdaman kaagad ni Polaya ang paghihirap.
Maya-maya pa ay maririnig na ang uha ng sanggol sa ilalim ng mahabang kasuotan ni Polaya.
"A... ang anak ko..." pilit na kinakapa ni Polaya ang sanggol.
Biglang itinaas ng hukom ang kamay at lumutang ang sanggol. Iwinaksi nito ang kamay at malakas na bumalibag ang sanggol sa pader.
Nawala ang iyak.
At kaawa-awang bumagsak ang sanggol.
"Anak!" lubha ang hagulgol ni Polaya at pilit ginagapang ang anak.
Naglakad ang hukom at hinarangan si Polaya.
"Ito ang nararapat, Polaya. Hindi ko hahayaang mabalewala ang aking mga batas dahil lamang sa iyo," hindi kakikitaan ng awa ang hukom sa ginawa nito kay Polaya.
Nabahiran ng labis na galit si Polaya.
"Higit kang kasumpa-sumpa ngayon! Ikaw ang mas dapat na maparusahan! Ikaw at ang iyong batas ay kasuklam-suklam! Sabihin mo sa akin... anong batas mo ang nakatago rito na nararapat sa isang mamamatay na hukom na katulad mo?!" lumuluha nitong pangongondena sa hukom.
Waring tinamaan ang hukom sa sinabi ni Polaya nguni't nanatili itong kalmado. Bumaling siya sa mga Ideyo.
"Ngayon ko lamang ito ginawa at paninindigan ko na."
Kumumpas muli ang kamay ng hukom at bigla na lamang bumulagta at naglahong parang bula ang mga Ideyo. Bumaling ito kay Karta.
"Dalhin mo ang patay na sanggol at ibaon sa tagong lugar. Siguruhin mong walang makakaalam na may namatay na sanggol dito sa ating mundo. Pagkatapos ay magbalik ka rito," utos ng hukom kay Karta.
Nahihintakutan man ay sinunod nito ang hukom lalo na nang magbanta pa sa kanya ang hukom kapag umano nagtangka siyang magtungo sa Bilona at ipaalam ang nangyari sa hari. Pinangunahan ng takot para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya si Karta kaya naman sinunod niya ang ipinag-uutos ng hukom. Nang makabalik si Karta, bumaling ang hukom kay Polaya na noo'y hinang-hina na.
"Wala ng iba pang dapat makaalam nito," sabi ng hukom.
Higit sa lahat ay tunay na makapangyarihan ang hukom. Subali't wala itong kakayahang magtanggal ng ala-ala sapagka't tanging mga reyna at hari lamang ang nabiyayaan ng ganoong kakayahan.
"Inuutusan kita Polaya, tanggalin mong kusa ang iyong ala-ala. Wala ni isa sa mga pangyayari rito sa aking hukuman ang iyong maaalala maging ang tungkol sa iyong pagbubuntis. At kasama mong tatanggalan ng ala-ala si Karta," ginamit ng hukom ang kapangyarihan nitong pasunurin ang isang nilalang.
Nagawa ni Polayang sundin ang hukom dahil na rin sa lumukob sa kanyang kapangyarihan ng hukom na sumunod sa ipinag-uutos nito. Pagkatapos ay nawalan na ng malay si Polaya. Bumaling ang hukom kay Karta.
"Ma-mahal na hukom..?" nagmistulang walang alam si Karta sa lahat ng nangyari roon.
Takang-taka si Karta lalo na nang makitang nakahandusay si Polaya at walang malay.
"Ikaw na ang maghatid kay Polaya sapagka't lahat ng Ideyo ngayon ay may ipinag utos ako," parang walang kasalanang nagawa ang hukom nang utusan nito si Karta.
Puno pa rin ng pagtataka si Karta at saka pinangko si Polaya at nagtungo na sa pinto patungong yungib ng mga makasalanan.
"Maaari ko na lamang din sana kayong paslangin subali't marami ang maghahanap sa inyo. Kaya't mabuti pang tanggalan na lamang kayo pareho ng ala-ala," bulong ng hukom sa kanyang sarili.
***
Malungkot naman sa labas ng kaharian ng Bilona nang sumunod na araw. Ang mga bulaklak ay mistulang nangamatay. Ang mga dahon ng puno ay tuyong-tuyo na waring hindi nauulanan. Tuyot naman ang lupain ng mala-disyerto na Garnaya. Maging ang mga ginto dito ay bigla na lamang naging bato. Walang buhay ang kanilang mundo dahil sa biglaang pagkawala ng kanilang reyna.
Makalipas ang isa pang araw ay dumating na rin sa wakas ang mga tagapagbantay kasama na ang manggagamot na si Aloba. Sinubukan nitong pagalingin si Laksana.
"Ikinalulungkot ko, subali't mistulang hindi tumutugon ang kanyang katawan. Mukhang hindi kinaya ng isang simpleng Parisang katulad niya ang natamo sa kapangyarihan ni Polaya. Matatagalan ang kanyang paggaling," masamang balita ang ipinahayag ni Aloba.
Bumaling si Adlino sa hari, "Ano na ang iyong gagawin mahal na hari? Kung walang hahaliling reyna kaagad, magpapatuloy ang ating suliranin. Wala tayong mapagkukuhanan ng kahit anong makakain pagka't walang buhay ang lahat. Hindi rin tayo makakakuha sa iba pang lugar sapagka't wala tayong mga gintong maipamamalit. Kapag nagpatuloy ito, lahat tayo ay mamamatay."
"Mayroon pa kayong pag-asa!"
Isang tinig ang nagpalingon sa kanilang lahat. Tatlong naggagandahang mga babae na may kumikislap na kasuotan ang nasa pintuan ngayon ng silid na kinalalagyan ni Laksana.
"Ang mga diwata ng araw, buwan at ulan!" namamanghang sambit ni Dana.
Sila ang mga diwatang mapayapang naninirahan sa Diwanyan.
"Apektado rin kami sa nangyaring pagkawala ng inyong reyna. Hindi tumatalab ang kapangyarihan namin upang bigyang buhay ang inyong kaharian," ani ng diwata ng araw na si Arya.
"Hindi maganda ang aking nasisinagan. Mga walang buhay ang halaman!" sabi ng diwata ng buwan na si Bina.
"Ni hindi kaya ng kapangyarihan kong bigyan ng maraming bunga ang inyong puno. Kaya't napagdesisyunan naming tulungan kayo," pahayag naman ng diwata ng ulan na si Urma.
"Subali't hindi niyo kami maaaring bigyan ng ibang reyna sapagka't ayon sa batas, si Laksana lamang ang maaring humalili sa dating reyna," alangan namang sagot ni Hari Abraham.
Sa sandali kasing mawala ng wala sa oras ang reyna ay ang kapatid lamang nito ang maaaring humalili sa kanya. At kapag nagkataon namang walang kapatid ang reynang nawala, saka pa lamang nila tatawagin si Prina upang sabihin ang suliranin.
"Sino bang may sabing magbibigay kami ng ibang reyna?" baling ni Diwata Arya kay Hari Abraham.
"Isa pang buhay ang aming ibibigay," nakangiting sabi ni Diwata Bina.
"Anong ibig niyong sabihin mga diwata?" naguguluhang tanong ni Dana.
"Bibigyan namin ng isa pang buhay ang sinapupunan ni Laksana na siyang pansamantalang magiging pag-asa ninyo," ang diwata ng ulan ang sumagot.
"Habang may pumipintig sa sinapupunan ni Laksana kahit na siya ay walang malay, ito ang magsisilbing mistulang reyna ninyo na magbabalik sigla sa inyong kaharian," masayang pahayag ni Diwata Bina.
"Ibig bang sabihin ay babae ang magiging anak namin?" naninigurong tanong ng hari.
"Oo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay babae ang magiging anak ng hari at reyna. Nangangahulugan na kapag siya ay nabiyayaan ng sinag, siya ang inyong susunod na reyna at ang hari ang nakatakda ninyong hanapin," sagot ng diwata ng araw.
"Ibig sabihin, pagdating ng araw kinakailangan ninyong magbigay ng paligsahan para na sa lahat ng lalaki dito sa ating mundo. Magbabago na ang patakaran ng inyong pagpili sa bagong hari. Maaari na ang kahit sino man sapagka't hindi na kayo magkakaanak ng lalaki," paliwanag ng diwata ng ulan.
"Tinatanggap niyo ba ang aming tulong?" tanong ng diwata ng buwan.
Wala namang magagawa ang hari kundi pumayag. Pagkatango nito ay napakabilis na nagliwanag ang buong katawan ni Laksana. Agad ding nagbalik sa normal ang lahat. Namukadkad ang mga bulaklak. Hitik na muli sa bunga ang mga puno. Maging sa Garnaya ay kumislap na muli dahil nagbalik na ang mga ginto.
Nagbalik na ang sigla sa lahat. Ang desisyong nangyari ay hindi na napag isipan pang mabuti ni Hari Abraham. Hindi na nito naisip ang mangyayari sa sandaling malaman iyon ni Prina na hindi man lang naidulog muna sa kanya.