Mabilis na lumipas ang mga araw. Ang buhay na nagsilbing reyna sa kanilang kaharian habang nahihimlay si Laksana ay mistula ring nagsilbing gamot sa katawan nito.
Unti-unting nagmulat si Laksana.
Nagdiwang ang lahat nang malaman nilang maayos na ang kalagayan ng nakatakdang maging reyna. At ilang araw pa muli ang lumipas ay nagsilang na si Laksana ng isang malusog at napakagandang sanggol. Subali't nang iangat ng tagapagbantay na babaeng siyang nagpaanak kay Laksana ay makikita ang pagtataka nito.
"May problema ba sa aming anak?" nangangambang tanong ni Hari Abraham.
Natakot ang hari at reyna sa isiping baka hindi normal ang kanilang anak dahil ipinagbuntis ito ni Laksana sa pamamagitan ng mga diwata.
"Wala naman," sagot ng tagapagbantay sabay lapag ng sanggol sa tabi ni Laksana, "nagtataka lang ako dahil wala akong nakitang sinag saan man sa parte ng katawan ng sanggol."
Agad ding tiningnan ng hari kasama sina Adlino at Dana ang sanggol na nasa tabi ni Laksana.
"Paano nangyari ito? Narapat lang na mabigyan siya ng sinag sapagkat anak na siya ng hari at reyna," may pag-aalalang sabi ni Dana.
Bumuntung-hininga ang hari.
"Marahil ay dala ito ng katotohanang mga diwata ang may basbas sa kanya at hindi si Prina," sagot ni Hari Abraham.
"Kung ganoon, na kanino ang sinag? Sa pagkakaalam ko ay wala ng engkantada o parisa ang nagbubuntis dito," si Laksana.
"Marahil ay hindi pa nakatakdang isilang," seryosong sagot ni Hari Abraham.
"Dahil kaya sa nangyari? Ipagpatawad mo Mahal na Hari, hindi ko intensiyon ang suliraning ito," tila nahihiyang ani Laksana.
Bumuntung-hininga si Hari Abraham bago nagwika, "Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, Laksana. Ako marahil ang nagkamali dahil kahit alam ko na noon ang katotohanan ay nanahimik ako. Disinsana'y hindi na lumala pa ang sitwasyon."
"Sino kaya ang nakatakdang biyayaan ni Prina ng sinag?" may pagtataka pa rin sa anyo ni Laksana. "hindi ba't sa sandaling magsilang na ang kasalukuyang reyna ay ang pagsilang din sa nakatakdang mabibiyayaan ng sinag?" dagdag pa niya.
"Iyan ang ipinag aalala ko, Laksana. Maaaring marami ang pangyayari sa hinaharap na magbabago dahil dito. Lalo pa at hindi alam ni Prina ang mga nangyari. Nangangamba ako dahil baka ikagalit niya ang mga desisyong ginawa natin lalo na ang pagtanggap natin ng basbas mula sa mga diwata ng Diwanyan," mahaba at seryosong pahayag ng hari.
"May gumugulo lang din sa aking isipan," sabi ni Laksana na naglakad palapit sa bintana ng silid nila.
"Ang tungkol sa ating anak? O ang tungkol sa sinag?" mabilis na tanong ng hari at lumapit pa ito kay Laksana.
"Pareho. Labis lamang ang aking pagtataka, nasa ating anak na ang lahat ng dahilan upang siya ang magtaglay ng sinag. Subali't - "
"Tulad mo ay ganoon din ang iniisip ko. Maaari kayang may naunang sanggol na napagkalooban na ng sinag si Prina?" pagputol ni Laksana sa iba pang sasabihin ng hari.
"Kung ganoon ay nasaan? Sino? Walang ibang sanggol na isinilang maliban sa ating anak," pahayag ni Laksana at paulit-ulit na iyon ang kanyang nasa isipan.
****
Isang mahaba, makulay at napakagandang kasuotan ang nagpalitaw lalo ng kagandahan ni Laksana. Iyon ang gabi ng kasiyahan. Nakatakdang ipasa kay Laksana ang korona at ang k'wintas ng kapangyarihan. Hindi maitatago ang kaligayan sa mga mata nito at sa lahat ng naroon. Maging ang mga magulang nito ay tuwang-tuwa rin.
Matapos maibigay ni Karta ang k'wintas ng kapangyarihan ay nagpamalas kaagad ang bagong reyna ng kapangyarihan mula sa k'wintas. Mula sa kanang kamay ni Laksana ay mistulang may isinaboy ito. Isang napakagandang bahaghari ang napalabas nito. Nagbigay liwanag lalo sa kaharian ang bahagharing ipinamalas niya. Pagkatapos ay nanatili na ito ng permanente sa bandang itaas ng kaharian ng Bilona. Waring naging senyales ito ng panibagong kasiyahan sa Bilona.
Masuyo namang nakatunghay lang ang hari sa bahaghari habang buhat buhat ang anak nila. Larawan ng kapayapaan ng araw na iyon ang Bilona.
Nguni't kinaumagahan ay ginulantang sila ng isang balita mula sa isa sa mga tagapagbantay ng Bilona. Humahangos itong nagpunta sa hari at reyna.
"Mahal na Hari, Mahal na Reyna ipagpaumanhin ninyo. Subali't may kailangan kayong malaman," balisang sabi ng tagapagbantay.
"Ano iyon, tagapagbantay?" kunot ang noong tanong ni Hari Abraham.
"Ang bahaghari," sagot ng tagapagbantay.
"Bakit? Ano ang problema sa aking bahaghari?" nagtataka namang tanong ni Reyna Laksana.
"Nawala ang kulay ng buong bahaghari, Mahal na Reyna. Hindi po ito katulad kagabi na kakikitaan ng iba't ibang kulay at maliwanag. Ngayon ay hindi na," paliwanag ng tagapagbantay.
Agad lumabas ang hari at reyna upang tingnan ang ibinalita ng tagapagbantay. Nagulat nga ang mga ito sa nakita.
"Anong nangyari? Bakit nagkaganito? Ano ba ang ibig sabihin nito?" nababahalang sambit ni Reyna Laksana.
Maya-maya ay nagsalita ang hari na waring malalim ang iniisip, "Marahil ay tungkol ito sa sinag."
"Ano ang ibig mong sabihin?" baling sa kanya ng reyna.
"Mistulang nagpapahiwatig ang bahaghari na dapat ay kasama natin sa pagdiriwang ang nagtataglay ng sinag," sinabi ng hari ang kutob nito.
"Subali't —"
"Kailangan nating puntahan si Polaya sa yungib ng mga makasalanan. Malaki ang aking pagdududa na si Polaya ay nagbuntis din. Marahil ay nagbunga ang naging pag-iibigan nila ni Prinsipe Solomon," pagputol ni Hari Abraham kay Reyna Laksana.
Napanganga si Laksana sa tinuran ng hari.
Maaari nga kayang tama ang haka-haka ng hari? Si Polaya nga ba ay nagbuntis at ang naging bunga ng makasalanang pag-iibigan nila ay ang nagtaglay pa ng sinag?
****
Nakahanda na ang hari at reyna sa pagpunta sa yungib ng mga makasalanan upang alamin kung buntis nga ba si Polaya. Pagpasok sa pinaka pinto ng hukuman ay makikita sa dulo na nakaupo ang hukom. Hinintay ng hukom na makalapit ang hari at reyna at saka nagsalita.
"Ano ang aking maipaglilingkod Mahal na Hari at sa bagong reyna?" nakangiting bati ng hukom.
"Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa Mahal na Hukom. Nais naming magpunta kina Polaya sa yungib ng mga makasalanan," si Hari Abraham.
Napatayo ang hukom.
"Bigyan ninyo ako ng isang mabigat na rason upang kayo'y aking pahintulutan. Alam ninyong hindi basta basta ang pagpapapunta sa yungib ng mga makasalanan," alangang sagot ng hukom.
"Marami kaming katanungang kailangang masagot Mahal na Hukom," sagot ng hari.
"Katulad ng?" tinitigan nitong mabuti si Hari Abraham.
"Katulad ng kung nagbuntis ba o nagbubuntis si Polaya," mabilis namang sagot ng hari.
Waring natigilan ang hukom sa sinabi ng hari.
"Bakit Mahal na Hukom? May nalalaman ka ba tungkol dito?" pananantiya ni Reyna Laksana sa naging reaksiyon ng hukom.
Hindi kaagad nakasagot ang hukom na ipinagkatinginan ng hari at reyna.
"May hindi ka ba sinabi sa amin?" kinakabahang tanong ni Hari Abraham.
Maya-maya ay humalakhak ang hukom.
"Huwag kayong umasta na parang hukom sa aking harapan," anito bago tumayo sa kinauupuan, "ano ba ang nagtulak sa inyo upang isiping si Polaya ay nagbuntis?"
"Sapagka't hindi taglay ng aming anak ang sinag. Malaki ang aming pagtataka sapagka't lahat ng dahilan ay nasa aming anak na upang taglayin niya ang sinag," paliwanag ng reyna pagkatapos ay isinalaysay nito ang nangyari sa bahaghari.
Gulat na gulat ang hukom bago tumalikod sa mga ito at nagsalita.
"Tanggapin ninyo ang basbas ko. Maaari na kayong magtungo sa yungib ng mga makasalanan. Nawa'y makuha ninyo ang kasagutan sa mga tanong na gumugulo sa inyong isipan," pagpayag ng hukom matapos marinig ang kuwento ng reyna.
Pagkuwa'y sumenyas ito sa mga Ideyong naroon upang senyales na samahan ng mga ito ang hari at reyna sa yungib ng mga makasalanan. Agad pumasok sa isa pang pintuan ang mga ito. Ang pinto ng silid kung saan nililitis ang mga may kasalanan tulad ni Polaya. At mula sa loob ng silid na iyon ay muli silang pumasok sa isa pang pintuan patungong yungib ng mga makasalanan. Naiwang nag-iisip ang hukom.
"Maaari kayang ang sanggol na aking pinaslang ang nagtaglay ng sinag?"
Sa isiping iyon ay nakaramdam ng takot at pangamba ang hukom. Sumagi kaagad sa isipan nito si Prina. Maaari kasing makarating kay Prina na nawawala o hindi makita ang nagtataglay ng sinag at ipagtataka nito iyon. Dahil doon ay nag-isip ang hukom kung paano malulusutan ang problemang kinakaharap.