KABANATA 15: HABULAN

2136 Words
Lumabas silang apat sa basement at dire-diretsong tumakbo palabas sa gate ng bahay. Nasa tapat ng bahay ang kotse ni Kassie. Pumasok sila sa loob ng sasakyan. Si Kassie ang nagmamaneho sa driver's seat at katabi niya si Gina. Sina Jobert at Frederick naman ay nasa likod. "Bilisan natin, Kassie. Baka bumalik na si Brandon at maabutan tayo!" natatarantang sabi ni Jobert. "Bakit naman babalik agad 'yon? Nagpunta nga sa ospital," tugon ni Kassie na humawak sa kambyo at inatras ang kotse. Hindi nila masabi kay Kassie ang totoo na si Jobert ang tumawag at nag-impersonate lang siya kay Dr. Lambert kanina. Pinagpapawisan na sila nang butil-butil. Patingin-tingin sila sa likod. Nag-aalala sila na baka bumalik na si Brandon. *** Samantala, habang nagmamaneho sa kalsada, kinuha ni Brandon ang cellphone niya sa bulsa. Hinanap niya agad ang kontak ni Dr. Lambert. "Hello?" tawag niya habang nakatutok ang mga mata sa daan. "Yes Brandon? Bakit napatawag ka?" "May tatanong ako tungkol sa meeting, Dok" "Ha? Anong sinasabi mo?" nalilitong tanong ng doktor. "Hindi ba tumawag ka kanina at sinabi mo na may meeting tungkol sa NICU?" "Ano? Brandon, nagpaalam ako kagabi. Nag-leave ako ngayon. Anong sinasabi mo?" Biglang huminto si Brandon sa pagmamaneho. Nagulat din ang sasakyan na nasa likod niya, napahinto, at nagbusina nang malakas. Nagtaka ang mukha niya. Naramdaman niya na may mali. Naramdaman niya ang mabilis na t***k ng puso at agad na nanghinala sa mga nangyayari. Pinatay niya ang tawag at tumingin siya sa call history ng phone. Unknown number ang caller kanina sa basement. Napagtanto niya na naloko siya kanina. Inis na inis na binato niya ang phone sa harap at napasuntok sa manibela. Naisahan siya ni Kassie. "Hoy, ano ba? Nakaharang ka sa daan!" Nabuysit na rin ang driver ng sasakyan sa likod. Sinigawan siya nito. Pero wala siyang pakialam na inurong ang kotse. Walang pasabi na nag-iba siya ng direksyon. Kailangan niyang bumalik sa bahay. Maaaring nakatakas na sila Kassie. *** Nakaalis na sila sa tapat ng bahay ni Brandon pero kinakabahan pa rin sila. Hindi sila mapakali sa upuan. Nakatuon naman ang atensyon ni Kassie sa kalsada. Bigla siyang nagpreno. Sa kasamaang palad ay may nakahintong truck sa harap nila. Makitid lang ang kalsada at mukhang nagkaroon ng problema sa mga sasakyan na dumadaan. "Bakit ka huminto?!" Dahil sa pagkataranta ay napasigaw si Frederick. "Tignan mo may nakaharang na truck!" sagot ni Kassie na tinuro ang harapan. "Mag-iba tayo ng direksyon, Kassie!" suhestyon nito. "Saan naman tayo dadaan?" "May palikong daan sa street nila Brandon. Doon na lang tayo dumaan!" "Babalik tayo?! Nababaliw ka na ba? Saka mas mahaba ang kalsada doon! Matatagalan tayong makapunta sa police station!" tugon ni Kassie. "M-Maghihintay po tayo rito?" ninenerbiyos na singit ni Gina. Natatakot siyang mahuli sila ni Brandon at muli siyang ibalik sa basement. Napatingin si Kassie sa dalagita. "Urgh! Buysit! Bakit ba walang sumasagot? Nagbabayad ako ng tax para sa sahod ng pulis ah! Umayos kayo!" wika ni Jobert. Napapadabog ito habang pilit na kinokontak ang numero ng police at emergency hotline. "Wala ka yatang load, bro," hula ni Frederick. "May naisip ako!" sabi ni Kassie sa kanila. "Bumaba na kayo rito at mag-commute. Mas mabilis kayong makakapunta sa pulis kung magsasarili kayo ng sasakyan." "Ha? Paano ka po?" nag-alalang sabi ni Gina. "Maiiwan ako rito sa kotse," sabi lamang ni Kassie na mukhang hindi natatakot. "Nababaliw ka na ba? Maabutan ka ni Brandon dito!" tutol ni Frederick. "Maabutan na kung maabutan. Hindi ako natatakot sa kaniya!" "Sasamahan kita! Hindi kita iiwan dito," determinadong sabi ng binata. "Fred — " "Huwag ka nang tumutol. Hindi kita kayang iwang mag-isa, Kassie." Saglit na nagkatitigan lang sila. Nagtatalo ang kanilang mga mata. Pabalik-balik naman ang tingin ni Jobert sa dalawa. Mukha silang may LQ. "Ah sige na. Bababa na kami ni Gina. Mas mabuti na rin na may kasama ka, Kassie. Hayaan mo na si Fred," singit nito. Napabuntong-hininga na lamang si Kassie. "Sige na. Bahala ka!" "Mag-iingat ka pare." Tinapik ni Jobert ang balikat ni Frederick. "Ikaw rin. Maraming salamat sa lahat, Jobert." Nag-iwan ng ngiti sa kaniya si Jobert bago ito bumaba sa kotse. Yumakap naman si Gina sa baywang ni Kassie. "M-Malapit nang matapos ito. Huwag kang mag-alala. " Pagpapakalma ni Kassie na hinaplos ang buhok ng dalagita. "Mag-iingat ka, ate Kassie." Nag-aalala at nangingilid ang luha na paalala ni Gina bago ito lumabas sa sasakyan. Mabilis ang lakad na binaybay nina Jobert at Gina ang kalsada. Lumipat naman ng puwesto si Frederick. Tumabi siya kay Kassie sa unahan. "Kassie," simula niya. Hindi sumagot ang dalaga, ni hindi nga tumitingin sa kaniya. "Sorry na." "Saan?" "Sa pagpapanggap ko na patay." "At saan pa?" Tumaas ang isang kilay ni Kassie. "Ha? Mayroon pa bang iba?" Nagtaka naman ang mukha ni Frederick. "May listahan ako ng atraso mo, Fred." "Grabe ka." Hindi ito ang tamang oras para tumawa pero hindi napigilan ni Kassie ang mapabungisngis. Tumunog ang phone ni Frederick. May text message si Jobert, binuksan niya iyon at binasa. "May accident daw sa kalsada kaya traffic dito. Hindi raw tayo makakadaan dito, 'yon ang sabi ni Jobert." Nagkatinginan silang dalawa. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Kailangan nilang bumalik sa street ni Brandon at umiba ng daan. "Paano ba 'to?" Nag-alalang sabi ni Kassie. Kung siya lamang ay wala siyang aalahanin. Ngunit, ngayon na kasama niya si Frederick, nangangamba siya para sa kaligtasan ng lalaki. Napabuntong-hininga siya at napapikit. Napaisip pa siya nang malalim habang iniipon ang lahat ng lakas ng loob. Hinawakan ni Frederick ang mga kamay niya at nagulat siyang napatingin sa katabi. "Bahala na, magkasama naman tayo rito." Pilit na ngumiti si Frederick. *** Bumalik si Brandon sa bahay at dumiretso sa basement. Nakita niya na walang tao sa loob. Buysit na buysit na napadabog siya at tinaklob ang mesa. Nagkalat tuloy ang mga gamit doon. Kinuha niya ang rifle na nasa kabinet. Wala na siyang pakialam kung makulong siya. Gusto niyang ipaghiganti ang sarili.Ginawa naman niya ang lahat pero walang nagmahal sa kaniya nang totoo. Sawang-sawa na siya na lagi siya ang nalalamangan. Ngayon, nakapagdesisyon na siya at wala nang urungan. Papatayin niya talaga si Kassie. Lumabas siya sa bahay. Nagkataon naman na dumaan muli sila Kassie sa street na iyon. Sa kasamaang palad ay nakita sila ni Brandon. Kinabahan agad si Kassie nang magtama ang mga mata nila ng lalaki. "Bilisan mo Kassie, liko!" utos naman ni Frederick at lumiko sila sa kaliwa. "Si Frederick ba 'yon?" Nagtatakang pansin ni Brandon. Pamilyar siya sa narinig na boses. "Urgh! Buhay pa pala ang loko-loko!" Masama ang tingin niya na pumasok sa kotse. Hinabol niya agad ang kotse ng dalawa. Natatarantang napatingin si Kassie sa side mirror at nakita ang sasakyan ni Brandon sa likod. Inapakan niya nang mariin ang accelerator ng sasakyan. Mabuti na lang at medyo maluwag ang kalsada roon at walang masyadong vehicle. Binilisan din ni Brandon ang pagpapatakbo ng kotse. "Oh sh*t," sambit ni Frederick na napatingin sa likod. Nanalangin siyang hindi sila maabutan ni Brandon. Tumingin ulit siya sa unahan at nakitang may pulang Ferrari sa harap nila. "Wah!" napasigaw siya at napakapit sa upuan. Bigla ba namang nag-overtake si Kassie. Inunahan nila ang pulang Ferrari. "K-Kassie, ingat!" sigaw niya dahil kinakabahan siya sa bilis ng takbo nila. Sumulyap ulit si Kassie sa side mirror. Nandoon pa rin si Brandon at nag-overtake rin sa pulang Ferrari. "Kassie may traffic cone!" Tinuro ni Frederick ang unahan. Bumalik ang mata ni Kassie sa harap at nagulat nang makita ang mga traffic cone na nakaharang sa daan. May ginagawang kalsada pala rito. Biglang liko sila sa kanan. Pinihit niya nang mabilis ang manibela. "Ah!" sigaw ni Frederick na halos masubsob ang mukha sa bintana ng kotse. Narinig pa nila ang matinis na pagkiskis ng gulong sa kalsada. Naramdaman ni Kassie ang mabilis na pagtibok ng dibdib. Nagigising ang adrenaline rush nila sa habulan na ito. Nakapadpad na sila sa intersection. Naka-stop ang traffic light pero tuloy-tuloy pa rin sila sa mabilis na pagmamaneho. Dahil sa pagtyatyaga ni Brandon ay nagawa nitong makasabay sa kanila. Ngayon, katapat na nila ang sasakyan ng kalaban. Ginitgit ni Brandon ang kotse nila. "Ah!" Napatili si Kassie at mahigpit na humawak sa manibela. Si Frederick naman ay nahihilo na. Bumagal ang takbo nila dahil sa ginawa ni Brandon. Nakapag-overtake ang kalaban. Lumipat ito sa harap nila. "Oh my God!" sambit ni Kassie. "Bagalan mo at umiba tayo ng direksyon!" natatarantang suhestyon ni Frederick. "Paano? One way lang 'to! Hindi tayo makakaliko!" Napatingin si Frederick sa side mirror at nakita niya na may mga sasakyan sa likod. Napagtanto niyang, hindi sila pwedeng biglang huminto dahil baka mapahamak ang mga civilian na wala namang kinalaman sa gulo nila. "Ah!" Sabay na sumigaw sila nang biglang huminto si Brandon sa unahan. Inapakan ni Kassie nang mariin ang preno pero nabangga pa rin nila ang likod ng sasakyan, nayupi ang bumper at kapwa sila nasubsob. Biglang lumabas ang airbag sa unahan at tumalbog sila sa upuan dahil sa impact. "Ah... s-sakit..." reklamo ni Frederick na napahawak sa noo na bahagyang tumama sa harap. Namumula na iyon. Napatingin siya sa unahan at nakita niya na nayupi rin ang likod ng sasakyan ni Brandon. Tumingin siya sa likod. Salamat sa Diyos at nakahinto ang mga sasakyan na nakasunod sa kanila. Wala silang nadamay sa aksidente. Nag-overtake na lang ang ibang sasakyan na naroon. Bumaba si Brandon sa kotse nito. Nanlaki ang mata ni Frederick nang makitang may bitbit na baril ang lalaki. "O-Ouch..." Nagising na rin ang diwa ni Kassie. Nakahawak ito sa ulo na tumama sa airbag. Kinurap-kurap nito ang mga mata at nakita si Brandon na papalapit sa kanila. Tinutok ng kalaban ang baril sa driver seat. Natakot si Frederick, alam niya na si Kassie ang puntirya ni Brandon. Kinalabit nito ang baril. "Kassie!" Agad na yumakap siya sa babae at siya ang natamaan ng bala. "Uh!" ungol niya na bumagsak sa hita ng niligtas. "Fred!" Nag-alala agad si Kassie na yumakap sa binata. May nahawakan siya na mainit na likido. Tinignan niya ang mga kamay at natakot sa nakita. Dugo! "Frederick! D-Don't die on me!" nahintakutan niyang sabi. Baka dumating na ang pagkakataon na totoo ngang mamatay ang lalaki. Inihiga ni Kassie ang ulo nito sa passenger seat at ini-adjust ang upuan. "B-Buhay pa ako. Okay lang ako." Naghihirap na tugon ni Frederick na nakapikit ang mga mata. Hinawakan niya ang balikat na nagdudugo. "Are you sure? Huwag kang mamamatay ulit, ha?" nag-aalalang sabi ni Kassie na hinawakan ang pisngi ng kasama. "Don't make me cry again kundi wala na talagang kapatawaran!" "Hey, mababaw lang ito. L-Lumaban ka Kassie." Pilit siyang ngumiti at tumingin sa mata ng babae bago muling pumikit. Binaril ulit sila ni Brandon. Nabasag na ang glass window ng kotse. Muling bumalik ang mga mata ni Kassie sa unahan. Binuksan niya ang windshield para ma-distract si Brandon. "Kassie!" tawag ng lalaki. Ikinasa at itinutok ulit nito ang sandata sa kanila. Lalo yatang nagalit si Brandon nang masaksihan ang paglalambingan nila. Determinado ang mukha na bumaling si Kassie sa kalaban. "Ito ang gusto mo Brandon? Ang magpatayan tayo? Sige! Ibibigay ko." Nag-aalab sa galit ang mga mata niya. Humawak siya sa manibela, sa kambyo at iniurong ang kotse. Itinapat niya ang sasakyan sa lalaki at inilapat ang paa sa accelerator. Natigilan si Brandon at napanganga nang mahulaan kung ano ang gagawin ni Kassie. Naririnig niya mula sa kinatatayuan ang nagbabantang makina ng kotse. "Ah!" Sumigaw si Kassie, sabay apak nang mariin sa accelerator para maitodo ang bilis ng sasakyan. "Ah!" Tumili rin si Brandon nang sagasaan. Lumipad ito at gumulong pa sa bubong ng kotse. Hindi huminto si Kassie at dire-diretso lamang ang sasakyan sa mabilis na pag-abante. Ngunit namilog ang mga mata ni Kassie nang may mapagtanto. Bigla na lamang huminto ang kotse nila sa gilid ng kalsada. "Oh my God! Oh my God! No!" natatarantang sabi na hinampas ang manibela. "A-anong nangyayari?" tanong ni Frederick. "Walang gasoline!" "Ha?!" Tinanggal ni Kassie ang seatbelt. "Labas na tayo, Fred!" Tumango ang binata at binuksan ang pinto ng kotse. Lumabas silang dalawa at tumakbo sa kalsada. "Tulong! Tulong!" Sumigaw si Kassie at winagayway ang mga kamay. May nakita silang kotse na paparating sa kabilang direksyon, pero nilagpasan lang sila ng sasakyan at hindi pinansin. "Sh*t!" Nainis na mura niya na sinundan ng tingin ang kotse. Tumama ang mga mata niya sa gawi ni Brandon. Inaasahan niya na makikita roon ang nakahandusay na katawan ng lalaki pero wala. Nanlaki ang mata niya nang makitang nakatayo si Brandon. Unti-unti pa itong lumingon sa kaniya. Parang zombie na ang itsura nito, bali ang kamay, umaagos ang pulang likido sa ulo, at halos maligo na ito sa sariling dugo. Sa kabila ng mga sugat at pinsala ay nagawa pa rin nitong makatayo. "Buhay pa siya?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD