KABANATA 2: ANG MORGUE

2002 Words
Naglalakad si Frederick sa hallway patungo sa morgue. Hindi pa rin maipinta ang kaniyang itsura. Kasabay niya ang dalawang mortician na sina Aaron at Keith. Ang dalawang lalaki ang humihila sa trolley bed kung saan nakahiga ang katawan ng babae. Lahat sila ay nakasuot ng PPE dahil kailangan pa mai-embalsamo ang bangkay at malagyan ng make-up bago ilipat sa chapel na nasa kabilang building — sa funeral home. Kumpleto talaga ng facilities ang public hospital na ito pagdating sa mga patay. Nakarating na sila sa loob ng morgue. Katulad ng ibang morgue ay may mga bangkay pa roon na hindi nai-claim ng pamilya. Mga bangkay na hindi kilala at napabayaan. Ang iba nga roon ay dino-donate na lamang sa mga medical schools para mapag-aralan. Malungkot na katotohanan. Tinanggal na nila ang kumot na nakatakip sa ulo ng babae. Hindi na nila in-expose ang private part nito. Mag-uumpisa na sila sa pag-eembalsamo. "Nakita mo ba sina Kassie at Dr. Brandon? Mukhang sabay silang kakain ah." Nang-aasar ang ngiti ni Aaron na tumingin kay Frederick. Natigilan si Frederick sa pagkuha ng embalming fluid sa kabinet. Iritadong lumingon siya kay Aaron at sinabing, "Sinong may pake?!" Natawa naman si Keith dahil mapang-asar talaga si Aaron at pikunin naman si Frederick. Si Keith ang pinakatahimik sa grupo. "Alam n'yo sayang ang oras. Nagtatawanan pa kayo riyan," sumulpot bigla ang boses ng isang babae. Lahat sila ay napalingon sa bagong dating. Siya si Nicole ang dakilang make-up artist ng mga patay. Nakasuot din siya ng PPE at bitbit niya ang damit na isusuot ng bangkay. "Nandito na pala ang desairologist natin. Hello darling," tukso pa ni Aaron habang kinukuha ang formalin, glycerol, spirit at isang bucket. "Darling ka r'yan!" Umirap naman si Nicole. "Oh salo," sabi ni Frederick na binato kay Aaron ang isang bote ng sodium borate. Nasalo naman iyon ng lalaki. "Oy, ano ba, parang hindi kemikal 'yang binabato mo eh," reklamo pa nito. Inilagay ni Aaron ang mga embalming fluids sa loob ng bucket kasama ang tatlong litro ng tubig. Pinaghalo niya iyon. Pagkatapos ay binuhos niya sa embalming machine. Kinuha niya ang tube na nakakabit sa embalming machine at dinugtong niya ang canula. Ang canula ay thin tube na pinapasok sa ugat ng tao. Si Keith naman ay nilagyan ng wooden block ang likod ng bangkay para ma-expose ang leeg nito. Kinapa niya ang buto at hinahanap ang sternoclavicular joint. Nang mahanap niya iyon, kinuha niya ang panghiwa sa gilid. Hiniwa niya mula sa sternoclavicular joint, pataas sa leeg ng babae. Hinanap niya ang carotid artery at inilabas iyon. Binutas niya ang artery at doon niya pinasok ang tube. Tumingin siya sa gawi ni Aaron. "Okay na." Thumbs-up pa ni Aaron bago pinindot ang switch ng embalming machine at binuksan ang makina. Sa ganitong paraan ay napapalitan ang fluids sa katawan ng tao. Hinila na ni Keith ang canula at tinalian ng surgical thread ang carotid artery para hindi lumabas ang fluid doon. Lumapit naman si Aaron sa talampakan ng bangkay para maglagay ng fluid injection. Natapos na ang embalming. Tatahiin naman nila ang hiwa sa leeg ng babae. "Oh 'yan na. Punasan n'yo na lang ulit para matapos na." Huminga nang malalim si Aaron. Pagod na siya, kailangan niya ng pahinga. "Aba, ako pa talaga ang maglilinis n'yan?" reklamo ni Nicole. "Nakatayo ka lang naman d'yan eh," paninita pa ni Aaron at naghagis kay Nicole ng pampunas. Nakanganga na nasalo iyon ng dalaga. "Nagtatalo pa kayo sa trabaho." Napailing na lang si Frederick sa mga kasama. "Sige na tulungan na kita Nicole. Kumain na muna kayong dalawa," bilin niya sa dalawang lalaki. "Buti pa ang funeral director, mabait at masipag. Itong dalawang ito, saksakan ng tamad," naiinis na baling ni Nicole sa dalawang katrabaho. "Ba-bye," pang-aasar lang ni Aaron sa babae at tinapon pa ang surgical gloves niya sa sahig ng morgue. Nagkalat pa roon. "Pagkatapos n'yong kumain, bumalik agad kayo rito at kunin n'yo ang kabaong," bilin ni Frederick sa dalawa bago sila tuluyang makalabas. Nang makaalis sila ay tinulungan ni Frederick si Nicole. Tinanggal na nila ang kumot na nakatakip sa bangkay. Pinunasan nila ang katawan at pinalis din ang dugo na umagos sa private part. Pagkatapos nilang malinis ang katawan ay sinuot na nila ang damit nito. Ang mga damit na isinusuot nila rito ay galing sa pamilya ng patay. Nagpaiwan talaga si Frederick dahil alam niya na kailangan ni Nicole ng katulong sa pagbibihis sa bangkay. Hindi niya ito kayang gawin na nag-iisa. "Hmmm... maganda siya," pansin ni Nicole sa mukha ng babae. "Sayang talaga ang buhay. Nanghihinayang talaga ako kapag bata pa ang patay." "Wala tayong magagawa. Lahat tayo ay dadaan dito. Kaya pahalagahan natin ang buhay hanggang may oras pa," malumanay na sabi ni Frederick. "Pero madali lang itong maayusan. Hindi katulad ng ibang bangkay na nawawala ang parte ng katawan, kailangan pang ayusin ang bungo o ang wasak na mukha," komento ni Nicole. Kinuha niya ang make-up set sa cabinet. Inuna niyang suklayin ang buhok nito at nilagyan niya ng spray para umitim ang kulay. Pinunasan muna niya ang mukha gamit ang basang cotton. Una niyang inilagay ang concealers para matakpan ang ilang blemishes at dark spots. Kinuha niya ang airbrush foundation na nasa gilid. Nilagyan niya ang noo tapos pababa sa pisngi, sa ilong at sa leeg. Kailangan niyang maging maingat dahil baka malagyan ang damit ng bangkay. "Bakit 'yan ang ginagamit mo?" tanong ni Frederick kay Nicole. "Para mas madali. Iba kasi ang balat ng patay. Para sa akin mas okay na gamitin ito," sagot lamang ni Nicole na hindi tumitingin sa lalaki. Saglit na nakatitig lamang si Frederick sa kasama. May naglalaro sa kaniyang isip. "Hindi ba close kayo ni Brandon?" Bahagyang natigilan si Nicole nang marinig ang pangalan ni Brandon. Hindi niya inaasahan na magtatanong sa kaniya si Frederick. "H-Hindi. Magkakilala lang. Magkaklase lang kami noong high school," sagot niya na tila ba umiiwas sa mapanuring mata ng kausap. "Ganoon ba." Hindi na alam ng binata kung anong sasabihin. Kahit si Nicole ay natahimik na rin. Ayaw niyang aminin ang totoo na first love niya si Brandon noong highschool. Maliit lang ang mundo, ika nga. Hindi niya inaasahan na magkikita muli sila nang mag-apply siya bilang desairologist sa mortuary. Mukhang ibang-iba na rin ang personalidad ng lalaki. Natatandaan pa niya kung gaano ka-weird si Brandon noong teenager pa sila. Pero minahal niya si Brandon at inaamin niya na hanggang ngayon ay may nararamdaman pa rin siya para dito. "Pero ikakasal na siya kay Kassie." Napabuntong-hininga na lamang si Nicole sa naisip. Ilang oras pa ang lumipas at naayos na rin ni Nicole ang bangkay. Kinulot rin niya ang buhok nito. Napakaganda ng babae at aakalain mong natutulog lang. Nilagyan niya ng bulak ang loob ng ilong at butas ng mga tainga. Ginagawa niya ito para hindi lumabas ang germs o fluid na nasa loob ng katawan ng tao at walang insekto na pumasok doon. Bumalik na rin sina Keith at Aaron. Dala nila ang kabaong. Inilipat nila ang bangkay sa loob ng kabaong at binuhat nila muli para dalhin sa chapel ng funeral home. *** Gabi na. Natapos na ang working hours ni Kassie. Kasalukuyang naglalakad sila ni Brandon sa parking lot. Nakakapit siya sa braso ng lalaki. Nakasukbit ang shoulder bag niya sa balikat. Pauwi na siya at hinahatid lang siya ni Brandon sa kotse. "Thank you so much for this wonderful day. Busy man pero nagiging magaan ang trabaho kapag nandiyan ka." Malambing na sabi ni Brandon na huminto at hinawakan ang kamay ng dalaga. Si Kassie naman ay namula ang magkabilang pisngi. Umabot sa tainga ang ngiti niya. "Mag-ingat ka sa pagmamaneho. Pasensya na kung hindi kita maihahatid kailangan pa ako rito sa hospital," dugtong pa nito. "Okay lang naman sa akin. Saka nag-enjoy talaga ako ngayong araw Brandon!" Naglalanding sabi niya na hinampas pa ang balikat ni Brandon. Tatawa-tawa lang naman si Brandon. Mukhang sanay na ito sa ka-weirduhan ng babae. "Sige na. See you tomorrow." Ngumiti ito at hinaplos ang pisngi ng babae. Samantala, napadaan naman si Frederick sa parking lot. Nakita niya sina Kassie at Brandon sa 'di kalayuan. Nagtago siya sa likod ng pulang kotse at nagmanman sa dalawa. Nakita niya na unti-unting lumalapit ang mukha ni Brandon kay Kassie. Dito pa sila maghahalikan sa parking lot. Nairita si Frederick sa nakikita. Naikuyom niya ang palad. May nakita siyang yuping lata sa lupa. Kinuha niya iyon at binato sa gawi nila. "Boing!" Natamaan si Kassie ng lata. "ARAY!" sigaw niya na napahawak sa gilid ng ulo. "Oh! Are you alright? Sino 'yon?" nag-alalang sabi ni Brandon na hinawakan ang ulo ng kasintahan. Luminga-linga ito sa paligid pero wala namang nakitang ibang tao bukod sa kanila. Nagsumiksik si Frederick sa likod ng kotse. Halata sa mukha niya ang guilt. "Sh*t. Hindi ko sadya. Si Brandon ang binabato ko," sabi niya sa isip. Ilang saglit pa ay nakita niya na nagpaalam na si Kassie kay Brandon at bumalik na si Brandon sa loob ng hospital. Nakahawak pa rin si Kassie sa nasaktan na ulo. Akma na niyang bubuksan ang pinto ng kotse nang may maalala. Kinapkap niya ang bulsa. "Ah! Sh*t! Nakalimutan ko 'yong susi ng kotse at 'yong remote!" Bumalik siya sa loob ng mortuary. Nagtataka na napatayo si Frederick. Hindi niya alam kung bakit bumalik ang babae sa loob ng building. *** Pumunta si Kassie sa coroner's office. Nakita niya ang susi at remote ng kotse sa mesa. Kinuha niya iyon at lumabas sa opisina. Aalis na sana siya pero natigilan nang may narinig siyang kalabog na nagmumula sa morgue. Nahulog ang mga tools sa sahig at umalingawngaw ang tunog na nilikhan n'yon sa silid. Nagtataka na napalingon siya roon. Sa pagkakaalam niya ay walang tao sa morgue nang ganitong oras. Nakauwi na rin ang assistants niya na sina Rica at Mauro. Ang tatlong mortician na sina Nicole, Aaron at Keith ay wala na rin doon. Ang janitor na si Jobert ay maagang umuwi. Si Frederick ay hindi niya alam kung nasaan. Sino ang nandoon? Si Dr. Lambert ba? o si Dr. Pierro? Iyong dalawang pathologist lang ang nandito sa St. Luis Mortuary kapag ganitong oras. Pero nandoon sila sa examination room. Walang ilaw sa morgue at nakasara din ang pinto. Dahil sa kuryosidad ay naglakad siya sa hallway patungo roon. Titingnan niya kung ano ang mga nahulog. May nakita siyang lalaki sa loob ng morgue na tumalon sa bintana. "Ha!" Napasinghap siya at napatigil sa paglalakad. Namilog ang mga mata niya. Sino iyon? Nagmadali siyang tumakbo at hinabol niya kung sinuman ang pumasok sa loob ng morgue. Padabog niyang binuksan ang pinto at ilaw. Sumilip siya sa bintana na nakabukas. Madilim sa labas pero nakita niya ang dalawang lalaki nakasuot ng itim na damit. May bitbit ang mga ito na body bag. "Hoy! Anong ginagawa n'yo?!" sigaw niya at galit na tinuro ang mga ito. Lumingon ang dalawang magnanakaw sa kaniya. Nakatakip ng facemask ang mga mukha nila. Nagmadali ang mga ito na ipasok sa loob ng sasakyan ang body bag. "Holy sh*t!" sigaw ni Kassie at tumakbo palabas sa morgue. Sa hallway ay nakabunggo pa niya ang co-worker niyang si Dr. Lambert Isidro Jr. "Oh! Kassie ano ba?!" reklamo ng pathologist. "Sorry Dok, pero may intruder sa morgue! Tumawag ka ng pulis!" sigaw ni Kassie habang tumatakbo pa rin sa hallway. "Ano?!" Nagtaka si Dr. Lambert sa narinig pero napalingon siya sa morgue. Naglakad siya papunta roon. *** Lumabas si Kassie sa building at nakasalubong niya si Frederick. "Oh? Bakit nagmamadali ka?" pansin nito sa mukha niya. Hinihingal na nagsalita siya, "M-May magnanakaw na nasa likod! D-Dali hulihin natin! Makakalayo sila!" Hinila niya ang binata. Hindi man maintindihan ni Frederick pero sumunod na lang ito. Tumakbo silang dalawa paikot sa building pero natigilan sila nang makita ang isang itim na van na galing doon. "Hayun ang sasakyan nila!" Turo ni Kassie na tumingin sa plate number ng sasakyan. Wala na silang nagawa dahil nakaalis na ang van. Hindi na nila ito mahahabol.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD