1| Forbidden
NAGSASAYAWAN ANG MGA puno sa daan. Ang hangin naman ay walang tigil sa pagtahip habang muli't muling inililipad ang may kahabaan niyang buhok. Pati ang mga dahon ay tila nakikipaglaro pa habang sumasabay sa malakas na pagbugso ng ulan.
Maayos naman sana ang lahat kung hindi lang nakakakilabot ang dinaraanan ng dalaga.
Pakiramdam niya'y tila may mga matang nakamasid sa bawat pagkilos niya. Anumang oras ay maaari siya nitong sagpangin. Gabi na, ngunit heto siya't lumalaban sa madilim, malamig, at malakas na pagbuhos ng ulan sa kagubatan.
Naroon ang pagguhit ng kaba sa kanyang dibdib habang yakap-yakap ang sarili. Mukha na siyang basang sisiw dahil pangangatog ng katawan ngunit mas nananaig ang pagnanais ni Lira na makaalis sa lugar na iyon.
Nang tumalikod siya kanina sa sariling bahay ay sinimulan niya na ring talikuran ang dating buhay. Pagod na siyang manlimos ng kakarampot na pagmamahal sa kinilalang ina na kailanman ay hindi siya itinuring bilang anak. Nagsasawa na siyang piliin nito ang kung sinu-sino higit pa sa kanya. Hindi niya na rin kayang ipagpilitan ang sarili upang matanggap pa ng ina. Totoo ngang may oras ang pagsuko sa mga bagay na ipinaglalaban ng tao.
Upang hindi na siya masaktan, kailangan niyang bitawan ang lubid ng pighati na kanyang kinakapitan at hinihila nang kaytagal. Ito lang ang tanging paraan upang makadama siya ng kaginhawaan.
Kung hindi siya aalis, maaaring ituloy ng taong umaruga sa kanyang ipakasal siya sa isang matanda kapalit ng limang kalabaw at tatlong ektaryang palayan. Masakit mang isipin, ngunit kaya iyong gawin ng ina. Wala rin siyang magagawa dahil iyon ang tradisyon sa kanilang tribo.
Muling tumulo ang mga luha ni Lira habang mas binibilisan ang pagtakbo sa parte ng kagubatang iyon. Hindi siya maaaring maabutan, dahil kung mangyayari iyon ay katapusan niya na.
Hindi niya alam kung saan siya patungo, ang mahalaga'y nasisigurado niyang maisasalba niya pa ang sarili sa isang miserableng sitwasyon na mangyayari sa kanyang hinaharap.
Kung kinakailangan niyang labanan ang bagyo ay kanyang gagawin. Upang makawala sa kasalukyan, lahat ay kanyang susuungin.
Naramdaman niya ang unti-unting paghupa ng ulan. Tila nakikisabay sa bahagyang pagkalma ng kanyang kalooban.
Ang sakit na nararamdaman niya ay tila mahikang napalitan ng kalituhan. Bumagal ang pagtakbo ni Lira. Mayamaya pa ay nakarinig siya ng isang pagsitsit. Bumilis na naman ang pagtibok ng kanyang puso habang nananariwa sa alaala ang mga paalala ng yumaong lolo at lola.
"Apo, mag-ingat ka sa kagubatan, maraming mapaglarong nilalang diyan," panggagaya niya pa sa sinasabi ng kanyang lolo. "Nag-iingat naman ako, lolo!" inis niyang sagot kaagad sa sarili. Sinusubukan ni Lira na malibang at mabaling sa iba ang nararamdaman niyang takot.
Tuluyan siyang napahinto nang maalala naman ang laging sinasabi ng kanyang lola. "Apo, huwag kang mahuhulog sa masyadong gwapo, matangos ang ilong, matangkad at higit sa lahat ay iyong may nakabibighaning tingin. Hindi iyon tao!"
"Palibhasa naman kase, iyong nakikita ni lola ay sarat ang ilong, pandak at maitim pa!" kontra niya naman sa laging sinasabi ng lola. "Pero, La, hulog na hulog na po ako. Swimming pool pa nga ginamit ko!"
"Ano ba iyon?" tila may inaalala siya. "Not tall, very dark and not handsome." Ngumiwi pa siya sa huling naisip. "Hindi pa naliligo ang mga tao rito sa baryo."
Hindi niya inaasahan na sa kanyang pagliko ay matitisod siya sa nakausling malaking ugat ng puno. Nag-unahan sa pagtulo ang luha ni Lira. Hindi niya malaman kung dahil sa pagkadapa o pangungulila ang dahilan ng pag-iyak niya.
"Nasaan ka na ba kase? Kailangan kita... gusto kitang makita. Hindi naman ako nanghihingi ng mahabang panahon mo," puno ng kalungkutan ang bawat katagang binibitawan niya. "Ang kailangan ko lang ay kaunting oras para makapagpaalam sa 'yo. Pupunta na ako sa malayo, Aro. Ito na lang ang oras na pwede tayong magkita. Ipagkakait mo pa ba?"
Tila isa siyang batang nagsusumisiksik sa gilid ng puno. Pakiramdam ni Lira ay sinabayan ng langit ang muli niyang pag-iyak matapos muling bumuhos nang malakas ang ulan.
Malungkot niyang tiningala ang nagwawalang kalangitan. Pakiramdam niya’y kahit ito’y naaawa sa sitwasyon niya.
Pinagmamasdan ang kapaligiran sa kagubatan. Hindi niya makita ang kabuuan nito dahil sa matinding kadiliman. Kung hindi pa kumikidlat ay walang siyang matatanaw na kahit ano.
"Ano ba ako sa buhay mo?" tanong niya sa kawalan. "Ikaw kase... nakapasok ka sa mundo ko nang hindi ko namamalayan. Naging parte ka ng buhay ko magsimula noong ngitian mo ako tatlong taon na ang nakalilipas. Nagbago ang takbo ng buhay ko dahil pa rin sa 'yo. Kasalanan ko naman. Alam ko namang hindi tayo para sa isa't isa, ipinagpilitan ko pa!" may halong patudyada sa kanyang sarili ang winika niya.
"Kabilang ka man sa ibang mundo pero... minahal pa rin kita," napangiti siyang muli sa kabila ng hinanakit. "Ang gwapo-gwapo mo kasi. Nakakainis ka! Pero bakit nga ba mahal pa rin kita? Ang tanga-tanga ko na yata. Nagkamali ba ako nung minahal kita?" Natawa siya. Gustong-gusto niyang batukan ang sarili.
Marami siyang naiisip nang mga sandaling iyon. Maging ang tadhana ay kinikwestyon niya kung bakit sila pinagtagpong dalawa kung hindi naman sila para sa isa't isa. Naisip niya: isa bang hangin si Aro na magpaparamdam lang kapag ginusto nito? O isang tubig na hindi kailanman mauubos ngunit parati kong kailangan. Hindi niya alam ang sagot sa mga katanungan niya. Kailanman, hindi iyon magkakaroon ng kasagutan.
"Kailan pa naging pagkakamali ang magmahal?"
Napailing na lang si Lira. Hanggang dito ba naman ay naririnig niya pa rin ang boses ni Aro?
"Masama na yata talaga ang lagay ng utak ko," nanlalaki ang mga matang wika niya habang inaalog-alog ang kanyang ulo sa kadahilanang naiisip niyang nababaliw na siya.
"Sa loob ng isang buwan, pinilit kitang kalimutan ngunit kahit na napakaraming bagay na tumakbo sa isipan ko, hindi ko pa rin maiwasan na sa bandang huli... ikaw pa rin ang nilalaman ng puso ko. Ikaw lang, Lira."
Unti-unting nag-angat ng kanyang tingin si Lira. Nanlabo ang kanyang paningin nang makita ang isang pigura na nasa harapan niya.
Kinuskos niya ng palad ang nanlalabong mata. Tinitigan itong mabuti. Naninigurado siyang hindi nanaginip habang pinagmamasdan ang magandang tindig ng binata.
"A-aro?"
Nang tuluyan itong lumapit ay hindi niya pa rin maiwasang huwag humanga sa taglay nitong kagwapuhan.
Ang magandang mga mata ni Aro na tila mga bituing nagkikislapan sa gabi. Nawawala iyon sa tuwing ngumingiti ang lalaking mahal niya. Kung pagandahan naman ng labi ay handa niyang ibida ito. May kaliitan iyon na bumagay sa tila nililok na panga ni Aro. Higit sa lahat, ang matangos nitong ilong na paborito niya sa tuwing kinukunot ng binata mapasaya lang siya. Matangkad rin si Aro. Kaya naman kailangan niya pang tumingala upang makita ang perpekto nitong mukha.
Nakasuot ito ng mamahaling pulang damit na tila mga dugong bughaw lamang ang may kakayahang bumili. Gawa iyon sa mga ipinagsama-samang bato na may iba't ibang simbolo. Ngunit sa kabila ng lahat, ang nagustuhan niya rito ay ang pagiging positibo ni Aro sa buhay. Sa kabila ng mga problema ay lagi nitong ipinapaalalang huwag siyang susuko. Hangga't sumisikat ang araw ay malaki pa rin ang tyansang magbago ang takbo ng kapalaran niya.
Nakangiti ito, at hilam ang luha na hindi niya man lamang napansin kanina. "Ako nga, Lira!"
"Pero p-paano?" nag-aalala niyang tanong dito. "Bakit ka narito?" masaya siya. Oo. Ngunit sa kabilang banda ay natatakot siya sa magiging kahahantungan nito. Maaaring maparusahan si Aro sa paglabag ng batas na makipagkita sa isang taong katulad niya.
Ngumiti si Aro habang unti-unting lumalapit kay Lira. "Hindi ka ba masaya ngayong nakita mo na ako?" Umiiling pa si Aro. "Iba talaga ang takbo ng utak ninyong mga tao. Magulo. Walang sawa sa kahihiling ng mga bagay ngunit kapag nakuha na ang gusto, ay uurong na. Muling maghahanap ng panibago. Hindi marunong makuntento."
Napatayo si Lira.
Tila lumundag ang kanyang puso dahil sa matinding kagalakan. Ngunit pinilit niyang huwag ipakita ang kasiyahang iyon. Pinipigilan niya rin ang sariling yakapin ang binata.
"Oo, masaya akong makita ka, pero bakit ka pa nagpakita?" muling tumulo ang luha ng dalaga. "Magiging hari ka na! Ang kaharian niyo... kailangan ka ng mga nasasakupan mo!" iniiwas niya ang mga braso sa paghawak ni Aro.
Umiling si Lira. Hindi niya nais na matupad ang kahilingan ng kanyang puso. Taliwas ang sinasabi ng kanyang utak. Ayaw niyang mapahamak si Aro. Kailangan niyang gawin ang tama.
"Hindi ba pwedeng maging makasarili ako kahit ngayon lang?" may hinanakit sa tinig na tanong ni Aro.
Tila may kung anong kirot ang hatid sa kanyang puso ng mga katagang sinasabi nito.
"Maging makasarili? Iyan ang bagay na matagal ko ng gustong gawin, Aro. Pero sa tuwing naiisip ko ang maaaring mangyari sa 'yo dahil sa kapusukan ng pagmamahalang ito ay paulit-ulit kong pinipigilan ang sarili kong pumunta dito. Sana hinayaan mo na lang ako! Sana nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan ka na lang. Mas mahalaga ang kaligtasan mo kaysa sa kasiyahan ko," pinilit ni Lira na ngumiti sa kabila ng kalungkutan. "Kaya kong isakripisyo ang lahat... huwag ka lang masaktan."
Ipinikit ni Aro ang mga mata. Tumulo roon ang butil ng luha na ayaw niyang makita. Ang luha ng binata ang nagbibigay sa kanya ng kahinaan...
"Wala na yatang mas titindi pa sakit na nararamdaman ko ngayong ipinagtatabuyan mo ako," gumuhit ang isang malungkot na ngiti sa labi ni Aro.
Nang subukan ni Lira na hawakan si Aro ay umiwas ito.
Nagsimula sa paglingon-lingon sa kanilang paligid ang binata habang bumabalatay dito ang matinding pagkabahala.
Nagulat si Lira sa paghila nito sa kanang kamay niya at pagtakbo nila. Walang tigil iyon. Nagmamadali at tila may tinatakasan sila. Ibinuhos niya ang buong lakas para huminto sila.
Nahihipnitismo siya noong titigan ni Aro. Napakaganda talaga ng mga mata mo. Tila dinadala ako sa ibang mundo. Sa kabilang banda, alam ko sa sarili ko na hindi ako maaaring tumitig nang kaytagal sa ‘yo. Mapapalayo kang muli sa akin. Hindi ka para sa akin. Hindi niya maiwasang huwag maisatinig sa isipan.
"Mas mahalaga ang kasiyahan mo, kaysa sa kaligtasan ko. Iyan ang pakatatandaan mo, Lira," nakangiti nitong wika ngunit hindi umaabot sa mga mata. "Ang sabi nila, ang pag-ibig daw ay hindi makasarili ngunit kakalimutan ko na lang ba ang pagmamahal ko sa iyo?"
"Pero—" hindi natapos ni Lira ang sasabihin nang takpan nito ang kanyang bibig.
Naguguluhan siya nang mapansin ang matinding kaba ni Aro. Itinago siya nito sa matipunong likuran. Tila sa ganoong paraan ay mapoprotektahan siya ng minamahal.
Mayamaya, nakarinig siya ng tatlong sunod-sunod na palakpak.
"Magaling-magaling! Ang minamahal nilang prinsipe at kokoronahang hari, ipagpapalit ang kapangyarihan para sa hamak na babaeng mortal. Tampalasan!" nanunuya nitong turan. "Mga hangal!"
Unti-unti silang pinalibutan ng napakaraming kawal. Nanggaling ang mga iyon sa kadiliman.
Napangisi si Aro. "Magdahan-dahan ka sa iyong pananalita, Heneral Virgel. Prinsipe ang iyong binabangga."
Nagtangka si Aro na dumaan sa pagitan ng mga kawal ngunit nabigo ito. Parating hinaharang ang kanilang daraanan ng matutulis na espada. Sa huling pagtatangka ni Aro ay nasugatan si Lira sa braso. Naghatid iyon ng matinding pagdurugo. Doon, tuluyang nandilim ang paningin ni Aro at napalitan ng galit na ekspresyon…